kwan. ano. yon. yeh!

SmartBobo||FirstYearGirl||TypingJob

Wednesday, October 1, 2008

Hwoo

Pagkatapos ng apat na araw, nagkaroon na uli kami ng internet connection. Salamat naman. Noong Biyernes na nawala ang koneksyon namin, lahat ng balak na isulat sa blog ko, nawala rin! Biglang nawala! Parang may malakas na tsunami na humampas sa utak ko at natangay lahat ng mga balak kong i-blog. Grabe! Kainis! Ilang araw rin akong blangko, ibig kong sabihin, walang maisip na gagawin kahit alam kong mayroon tulad ng mga assignments at mga exams. Hindi ko alam kung ano ang dahilan pero parang ang laki ng naging epekto ng pagkawala ng internet connection. Hwaa. Pero ayos na ngayon, kasi mayroon na nga dahil kung wala, hindi sana ako makakapag-update ng blog kong ‘to. Gets? At hindi ko na rin isusulat dito ang mga bagay na gusto ko dating isulat dahil nakakawala ng gana. Mga bagong nangyari na lang ang ilalagay ko sa blog kong ito.

Basta buti na lang at may koneksyon na uli kami dahil hindi naman na ako nanunuod ng telebisyon dahil sawa na ako sa mga balita, drama, shobis, at kung anu-anong kalokohan sa telebisyon. Kung may cable siguro kami, sa Hero TV, Animax, at Discovery Channel ako nakatutok. Hehe. At dahil ayaw ko nga manood ng TV, nanood na lang ako kasama ang kapatid ko ng I am Legend ni Will Smith. Hehe. Na-download ko lang ‘yon matagal na. Noong Sabado ko lang napanood. Hehe.

SmartBobo

Oo! SmartBobo! Iyan na ang tawag ko sa broadband na gamit dito sa bahay. Basta, naiinis talaga ako sa SmartBro dahil kung anu-anong kalokohan lang ang ipinapalabas nila sa mga komersyal nila pero halos lahat naman ay hindi totoo o hanggang pautot lang sa una. Noong unang gamit ng SmartBobo, ambilis! Halimbawa, sa Youtube, hindi mo na kailangan ang mag-pause dahil tuloy-tuloy ang streaming ng bawat video na pinapanuod namin. Kinabukasan, wala na ang bilis na naranasan namin. Isang araw lang. Hmm, kung hindi ako nagkakamali, ngayon pa lang nagkaroon ng ganito katagal na pagkawala ng koneksyon. Umabot ng apat na raw eh, apat na araw na puno inis sa SmartBro at apat na araw na blangko si Andoy. Parang biglang nawalan ng gana sa pagharap sa kompyuter. Nag-iisip ako ng maaari naming lipatan na company para sa internet connection pero halos lahat namanay pare-parehas. May alam ka ba na kumpanya para sa internet connection na maganda at mabilis ang connection at download speed at hindi bano ang sistema?Kapag may alam ka, sabihin mo naman sa akin, please :D

Buti na lang, may tweak akong ginagawa bukod pa sa mga softwares na gamit ko. Hehe.

Rizal

May RIZLIFE kami, isang asignatura na laan mismo para kay Dr. Jose Rizal. Lahat ng bagay tungkol sa kanyang buhay, sa mga gawa niya at sa mga isinulat niya, ituturo rito. Lahat ng estudyante, dadaan kay Rizal dahil sa batas na RA1425 na ang may-akda ay si Claro M. Recto. Ito ang batas na nagsasabi na dapat ay isama sa kurikulum ng mga estudyante sa hayskul at kolehiyo. Pag-aaralan mo rito ang lahat ng tungkol kay Rizal, at talagang lahat ng tungkol sa kanya!

At ang propesor namin, isang lover ni Rizal! Oo! Pagmamalaki nga niya sa amin, mas mahal pa niya si Rizal kaysa sa kanyang asawa. Haha! Asteg! Kakaiba! Pero saludo ako sa kanya dahil marami siyang alam tungkol kay Rizal, pati sa iba pang mga bayani, na talagang hindi namin alam. Halimbawa, alam mo ba na si Rizal ay parang manghuhula o clairvoyant? Kumbaga, alam na niya kung ano ang mangyayari sa kanya sa hinaharap. Kasi minsan, sumulat siya ng sulat kay Mariano Ponce, kaibigan ni Rizal, at ang nakalagay roon ay alam na ni Rizal kung paano siya mamamatay. Oo! Nakalagay sinabi niya roon na mamamatay siya sa pamamagitan ng firing squad. Lahat ng detalye nandoon sa sulat. Tulad na lamang ng tatlong hiling niya bago siya mamatay. Ang una, huwag siyang pipiringan. Pangalawa, huwag barilin ang kanyang ulo. At ikatlo, kung babarilin siya, huwag siyang italikod sa mga bumabaril sa kanya. Alam din ni Rizal na hindi siya papayagan sa ikatlo niyang kahilingan. Ang gusto niya kasing ipabatid doon ay hindi siya nagtaksil sa bansang Espanya. Kaya nga umikot siya noong binaril siya ‘di ba? Para maipakita na hindi siya naging taksil. At alam mo rin ba na pinag-aralan rin niya ang pag-ikot pagkatapos niyang mabaril?

Kaso, may nagsabi sa akin na bias daw ang propesor namin. Bakit kaya? Dahil kaya sa puro kay Rizal ang itinuturo niya? E ‘di ba, tungkol nga kay Rizal ang RIZLIFE? May kung anu-anong kuliglig pang kumukulit sa aking isipan kung paano ko masasabi na bias ang propesor namin. Pero, wala naman akong masang-ayunan na dahilan dahil hindi ko talaga makita kung paano naging bias ang prop namin. Hmm, basta sa ngayon, gusto ko ang pagtuturo niya dahil marami akong nalalaman na dati’y hindi ko nalalaman. Kaya lang, sangkatutak at sindami rin ng mga butil ng asukal ang mga termi na sasauluhin namin. Hwaa. Magkakabisa uliiiiiiiiiii.

PHILMAN

Natutuwa ako sa subject na ‘to kasi , basta nakakatuwa. Basta. Haha.

ENGMECH

*hikab*

Hmm, wala akong masabi sa prop namin dito dahil hindi ko gaano makuha kung ano ba ang istilo niya sa pagtuturo at kung ano na ba ang sinasabi niya. Kahit anong gawin kong pagpokus sa pakikinig ko sa kanya para matuto at makuha ang kanyang mga sinasabi, hindi ko talaga magawang makapagpokus dahil nakakaantok siya. 

Kaya lang, noong first exam namin, kainis, sobrang laki ng panghihinayanag ko doon sa test III. Nagkamali ako ng pagkompyut dahil na-overlook ko ang mga angles. Kainis talaga. Anlaki ng panlulumo ko ng malaman ko na mali pala mga ginawa ko. Tapos, may isang bahagi sa exam na iguguhit mo ang free-body diagram ng given figure. Langya, paano kaya iyon e wala nga akong naintindihan noong itinuturo niya ‘yon. Basta, dapat may arrow ang weight at normal force. Haha. Hindi ko talaga alam. Sana mataas pa rin makuha ko doon.

First Year Girl

May kinalolokohan akong first year na babae. Grabe, unang beses kong nakita siya sa ERC (English Resource Center), nagkaroon agad siya ng spark para sa akin. Ang labi niya, mata niya, pisngi niya, hwoo, grabe talaga. Hindi ko malimutan mukha niya hanggang sa mga sandali na tina-type ko ito. Tapos bigla ko siyang nakita noong Lunes sa library at sa 4th floor. Hwoo talaga!

Noong Martes, hindi ko siya nakita kaya humiling ako na sana makita ko siya. Kaya kinabukasan, paglabas ko sa room namin dahil tapos na ang ENGMECH at ang exam namin dito, bigla ko siyang nakita. Hwoo talaga! Kaya lang, eto na, biglang sumampal sa mukha ko ang isang malaking dilemma na bihira kong maranasan. Malungkot, nanlulumo at nanghihinayang ang nararamdaman ko noong lumabas ako sa room dahil nga sa exam sa ENGMECH at bigla ko siyang nakita sa labas na naging dahilan para lumigaya ang mga sandaling iyon. O my gulay! Pero anong ekspresyon ang isusulat ko sa mukha ko gayong lungkot at saya ang nararamdaman ko noong mga sandaling iyon? O paano at ano? Hwoo, dilemma! Grabe, ipit na ipit talaga ako sa dalawang emosyon sa mga sandaling iyon. Nag-crash ang utak ko dahil hindi ma-process ng processor ko kung ano ang ipapakita kong emosyon. Hwaa.

May ideya ako sa pangalan ng babae pero hindi ko sigurado kung sa kanya nga ang pangalan na iyon. Sana makita ko ulit siya. Hehe.

Typing Job

Tumatanggap nga pala ako ng typing job. Ang presyo sa bawat pahina, pag-usapan na lang natin. Kailangan ko talagang kumita ng pera. Kailangan ko kasi ang pera ngayon. O kaya kahit anong part-time job na pwede mong mairekomenda sa akin, basta huwag illegal, ayos na sa akin. I-text mo na lang ako sa numerong ito, 09295854074 o kaya i-email mo ako sa andoyman@ymail.com. Ikinagagalak ko ang anumang tulong na maibibigay mo. Salamat

Mga binili ko nitong huli:

  • Haruki Murakami’s The Elephant Vanishes
  • Bob Ong’s ABNKKBSNPLAKO?
  • Rick Warren’s What on Earth am I here?
  • Tan and Baldisimo’s Trese: Murder on Balete Drive
Posted by andoyman at 1:53 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment