kwan. ano. yon. yeh!

Pakikisama(?)

Monday, October 6, 2008

Course Code: ENGIMAN

Course Title: Engineering Management

Ang pagkakaintindi ko, sa kursong ito namin malalaman ang tamang pangangasiwa sa isang kompanya bilang isang inhinyero. Tama ba? Hehe. Malay ko ba. Napaghahalataan tuloy ako na isang estudyanteng walang pakialam basta mag-aral lang. Haha. Pero hindi naman talaga ako ganoon. Hehe.

Kanina, may isang case study na ibinigay ang aming prop. Ganito ang sitwasyon: Nangangailangan ka ng isang Computer Engineerging graduate para sa iyong kumpanya. May isang aplikante ang inirekomenda sa iyo ng kaibigan mong Mayor. Matalik na kaibigan mo si Mayor. Nais niya sana na ipasok mo sa kumpanya mo ang aplikante na ito. Kaso, may aplikante ka ng na-interview at pasado na siya sa iyo. Ang problema, hindi mo alam ang pipiliin mo sa dalawa. Ang aplikante ba na inirekomenda sa iyo ng matalik mong kaibigan na si Mayor o ang aplikante na iyo ng na-interview at nakapasa sa standards ng kumpanya?

Ang sagot ng aming grupo, ang aplikanteng na-interview na at nakapasa sa standards. Ganoon din ang sagot ng ibang grupo. Sa lahat ng nakasulat sa aming dilaw na papel, sang-ayon ako. Sang-ayon ako sa, “The law applies to all, otherwise none at all” na mula kay Mayor Lim. At sang-ayon din ako sa mga sinabi ni Ex-Pres. Erap na, “Walang kaibi-kaibigan, walang kama-kamag-anak ang maaaring magsamantala ngayon sa ating pamahalaan.” Ang bawat kumpanya ay may batas, regulasyon at panuntunan na dapat sundin ng sinumang empleyado, mataas man o mababa ang posisyon, gayun din ang may-ari ng kumpanya. Katulad din ito sa mga batas na ipinapasa, pinagdedebatehan, at pinapatupad ng gobyerno para sa kanyang bayan. Kahit sa loob ng bahay, may mga batas tayo na dapat sundin. Tapos, isang Mayor LANG ang manghihikayat sa iyo na sirain ang batas na ang kumpanya mismo ang nagpatupad para sa kaayusan at pagiging pantay para sa lahat ng empleyado at manggagawa? 

Shame on your act!

Totoo ang mga sinambit ng aking prop kanina na sa totoong buhay, kapag ikaw (raw) ang nasa posisyon na ganoon, tatanggapin mo ang inaalok sa iyong aplikante ng Mayor. Ito ay tanda raw ng pakikisama mo sa Mayor. Anak nang sistemang-bulok!!! Hindi talaga ako sang-ayon doon! Isang tao na kauri mo rin ang sisira o babali sa batas na ipinapatupad mo sa loob ng iyong kumpanya para lang sa tinatawag na ‘pakikisama’? May kapangyarihan lang siya, pero sa atin galing ang kapangyarihan na iyon (o sa demonyo) at tao pa rin siya. Hahayaan mo na mangingibabaw ang higit pa sa umaalingasaw sa baho ng lantang Rafflesia at daig pa sa patay na taong nabubulok na Padrino System sa iyong kumpanya kapalit ang reputasyon mo, hindi lang ng kumpanya, at pagiging patas?

Tsk. At tinawanan pa nila ang “reputasyon” na sinabi ko. May reputasyon nga daw, wala namang Mayor’s Permit. Anak ng kabayong-lumpo! Ganyan na lang ba talaga kababaw ang pag-iisip ng mga Pilipinong natitira rito sa Pilipinas? Hindi ako makapaniwala pero ito ang katotohanan. Kanino ba ako maaawa, sa Pilipinas o sa Pilipino? Teka, maaawa pa ba ako? Wala na bang halaga ang salitang “reputasyon” sa puso at diwa ng mga Pinoy kundi ang mabuhay sa paghiga sa salapi kahit galing ito sa itim na inidoro?

Naisip ko, kung iyan ang katotohanan, kung iyan ang gawi ng pakikisama, kung iyan ang paraan sa isang kumpanya, kung iyan ang pag-iisip ng bawat Pilipino, wala tayong mararating. Lulugmok tayo sa pinakalugmok na sitwasyon habang sinisisi pa rin natin ang mga pusakal na tiwaling opisyales sa gobyerno at tayo naman ay nakatunganga’t nagpapa-alila sa mga dayuhan para lang kumita ng pera kapalit ang pagiging alipin. Hindi ko maintindihan kung saan, kailan, paano at bakit naging ganito ang mamamayan ng Perlas ng Silanganan.

Marahil sasabihin mo, mababaw ang mga salitang inilalathala ko ngayon sa blog na ito. Na mababaw ang kaisipan na nilalaman sa bawat salitang nakalimbag sa pahinang ito. At marahil isipin mo na masyadong akong ideal. May pinapaniwalaan ako, “An ideal is made to practice it in actual.”Naiintindihan mo ba? Para sa akin, ang mga ideal na ito ay parang isang mapa na magtuturo sa iyo para sa tamang direksyon ng gusto mong puntahan. We all live by being practical. Ito ang napupuna ko. Tanyag nga iyan sa mga salita ng mga Pinoy eh, maging praktikal ka. Reklamo mo kasi, mahirap kayang abutin ang mga ideal. Hwoo~~ E ‘di gawaan mo ng paraan, puro ka reklamo.

Naniniwala ako, na kung walang gagawa ng pagbabago kahit sa maliit na paraan, kahit hindi sa pamamagitan ng pagwewelga sa Mendiola o People Power sa EDSA, walang maaapektuhan. Hawaan mo ang iba ng “tama”, at paniguradong, hahawaan din niyon ang iba ng “tama”. Ang maliit na liwanag mula sa isang maliit na kandila ay sapat na para makalabas tayo sa madilim na kwebang ito. At ang mga bagay na bulok, itinatapon. Hindi na ipinipreserba dahil mananatili pa rin itong bulok.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Pasensya na, hindi ko lang talaga mapigilan na magsalita ang isipan at puso ko sa mga ganitong usapin. Mahal ko ang Pilipinas at ang lahing Pilipino. Gusto ko lang talaga na magbago na sa kaayusan ang ating bansa, ganoon din ang mga Pinoy.

Posted by andoyman at 7:26 pm | permalink

Previous Comments

busEt ka amAn!!!!

Posted by sasa at January 9, 2009, 2:09 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment