kwan. ano. yon. yeh!

Food Court

Monday, October 13, 2008

Sa may malambot na upuan na malapit sa malaking bintana na kung saan ay matatanaw mo ang mga estudyante, by-standers, mga dyip na dumaraan, mga sasakyang nakaparada, computer shops na puno ng nakapaskil na posters, lumang gusaling puno na ng dumi, mga nagtitinda ng sigarilyo, bulaklak, abubot, kikiam, hamburger, banana cue, fishballs, at ang kalangitan na minsan ay asul at puti o kulay abo na may kasamang ulan, ako’y nakaupo’t nakatingin sa mga estudyanteng nasa loob ng food court. Nag-iisip kahit blangko ang laman ng aking isip. At naghihintay sa iyo na dumating bago pa man ako tumayo at umalis.

Medyo konti na lang ang tao sa food court. Kaya konti na lang din ang nakikita kong maganda. Madali akong maakit sa mga magaganda at inaamin ko iyon. Pagkatapos ng kagandahan, susunod naman ang katangian. Normal naman ang ganoon ‘di ba? Natural na sa panlabas na katangian unang naaakit ang isang tao dahil iyon ang una niyang nakikita. Baduy man na pakinggan, pero ang taglay mong kagandahan ang siyang bumingwit sa aking mga mata. Hindi naman talaga ako na-inlab sa iyo agad. Paghanga lamang din iyon tulad nang kapag nakakakita ako ng magandang dilag.

Lagi kong inaasam sa bawat araw na ika’y makita kahit sulyap lang. Maaninag lang ang iyong ngiti, ang iyong mga mata, ang iyong labi, ang iyong ilong, ang mahaba mong buhok, ang iyong pisngi, ayos na sa akin. Sapat na para makumpleto ang araw ko na puno ng ka-toxic-an ng buhay-kolehiyo. Hindi ko nga akalain na makakausap kita minsan isang araw, dito rin sa food court. Wala ka ng maupuan noon sapagkat halos puno na ang lugar. Halos lahat ng mauupuan, may nakaupo na. Halos lahat ng mesa, may nakapaligid na estudyanteng nagkukwentuhan at mga pinggan na may lamang ulam at kanin na hindi pa nauubos. Sa aking mesa, ikaw ay nagtanong kung pwedeng maki-table. Mag-isa ka lang. Tangan ng iyong mga kamay ang tray na may pagkain mong naroroon. Um-oo ako. Kung alam mo lang, pumalakpak ang mga kamay ng aking puso. Lumipad ang aking kaluluwa sa pinakataas ng langit. Nagkantahan ang mga anghel. Nagbukang liwayway sa buong kalangitan bagaman noon ay madilim ang langit at umuulan sa labas. At naging tapat ang mga nasa gobyerno kahit sandali.

Nagdadalawang-isip ako noon kung magsasalita ba ako at magpapakilala sa iyo. Para sa akin kasi, tanda na iyon na pinaglalapit tayo ng tadhana subalit ang pana ng katorpehan ay pumukol sa aking katauhan. Siyempre, sa kadahilanan na gusto talaga kitang makilala, hindi na ako nagsayang ng pagkakataon. Ako ay nagpakilala sa iyo. Casual lang na pagpapakilala. Walang pa-torpedo epek o pa-tornado epek. Medyo natawa ka. Marahil sa kadahilanan na ikaw ay nabigla kaya ka natawa. O mukha talaga akong nakakatawa noong mga panahon na iyon? Maya-maya, sinabi mo ang iyong pangalan. Sa wakas, nalaman ko na rin ang iyong pangalan. Nagkwentuhan tayo. Natawa ka sa aking mga biro. Nagpalitan ng numero. At nagpaalam sa isa’t isa para bumalik sa ating mga klase.

Para akong uminom ng isandaang Gatorade na may halong Red Bull at Extra Joss sa bawat araw na nagdaraan. Napansin ito ng aking mga kaklase at naitanong nila sa akin, “Aba. Bakit parang lagi kang nakangiti ngayon, ha?” Hindi ko sinabi ang totoo. Pero kung alam lang nila na ang talagang dahilan ay ikaw. Ikaw na nagbibigay ng kulay sa bawat araw ko. Araw-araw tayong nagte-text sa isa’t isa. Nagbabatian tuwing nagkakasalubong. Nagkukwentuhan kapag nagkataong bakante ang ating oras. Nagsasabay sa pag-COMLAB. Kumakain ng sabay, kung minsan, sa food court o tumatambay sa freedom park. Lumalim ang ating ugnayan.

Hindi ko lubos maisip na inlababo na talaga ako sa’yo. Ilang linggo pa lang ba tayo magkakilala noon? Pitong linggo? Oo, pitong linggo pero sa loob ng panahon na iyon, nagkapalagayan na tayo ng loob. Higit na sa magkaibigan ang ating turingan. 

Mas lalong hindi ko lubos maipaliwanag kung paanong nangyari na naging tayo. Kumakain tayo sa food court. Madami ang tao sapagkat tanghalian. Biglang lumabas na lang sa aking bibig ang isang tanong na matagal ko nang ikinikimkim. Tinanong kita kung pwede ba kitang maging nobya. Namula ang iyong pisngi. Napalingon sa iba’t ibang direksyon. Halatang nailang ka ngunit may bakas ng ngiti sa iyong mga labi. Ngiting pilit mong pinipigilan. Maya-maya, nagsalita ka. Ano ang narinig ko? Ang iyong “Oo”. Saglit na tumigil ang tibok ng aking puso, ang takbo ng aking utak, ang pagdaloy ng aking dugo, ang paglunok ng kanin ng mga estudyante, ang pag-inom ng coke o ng tubig, ang pagtanggap ng pera ng cashier, ang paggawa ng matamis na cereals, ang pagkurot sa balat ng manok, ang halakhakan ng mga estudyante, at ang hininga ng bawat taong nandoon sa loob ng food court. Tapos ay mabilis… mabilis na mabilis ang tibok ng aking puso. Gumuhit ang saya sa aking mukha at ako’y napahiyaw sa sobrang tuwa. Kahit pinagtitinginan tayo ng mga taong nandoon, wala akong naging pakialam. Ang tanging alam ko, ang babaeng dating nasa malayo na aking tinitignan, ay ang babaeng nasa harap ko na ngayon at aking nobya. Ang sarap sa pakiramdam. “Mahal na mahal kita”, ang nasambit ko sa iyo. Ganoon din ang iyong naging tugon.

Sa may malambot na upuan na malapit sa malaking bintana na kung saan ay matatanaw mo ang mga estudyante, by-standers, mga dyip na dumaraan, mga sasakyang nakaparada, computer shops na puno ng nakapaskil na posters, gusaling puno na ng dumi at halatang matanda na, mga nagtitinda ng sigarilyo, bulaklak, abubot, kikiam, hamburger, banana cue, fishballs, at ang kalangitan na minsan ay asul at puti o kulay abo na may kasamang ulan, ako’y nakaupo’t nakatingin sa mga estudyanteng nasa loob ng food court. Nag-iisip kahit blangko ang laman ng aking isip. At naghihintay sa iyo na dumating bago pa man ako tumayo at umalis. Subalit biglang naabala ang aking imahinasyon ng dumating ang nagliligpit ng pinagkainan.

Posted by andoyman at 5:42 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment