kwan. ano. yon. yeh!

CollegeWeek||FirstYearGirl||Elevator

Tuesday, October 28, 2008

Miss

Miss na miss ko na talaga ang pagsusulat ko rito sa aking blog. Sa wakas, nakapagsulat na ulit ako rito.

College Week

Noong huling taon, naramdaman ko ng kaunti lang naman ang aming college week. Ang dalawang bagay lang na tumatak nang lubos sa aking isipan na may college week kami noong huling taon ay ang Sponge, isang tsitsiriya na matamis at kulay tsokolate na parang natutunaw sa iyong dila tuwing ito’y iyong kakainin, at ang Post-it, na kung saan ay pwede mong maihayag ang iyong damdamin sa isang pirasong papel na may iba’t ibang kulay na idinidikit sa pader. Kahit anong mensahe ang isulat mo, pwede. Piso bawat piraso.

Ngayon naman, masasabi kong mas ramdam ko ang linggo ng kolehiyo dahil sa walang gaanong klase, nadadaluhan ko ang halos lahat ng mga aktibidad, at marahil, dahil na rin sa ako ay nasa ika-apat na antas na sa kolehiyo. Habang umaandar ang araw para sa isang linggo na puro exhibit, paligsahan at booth, pumasok sa aking isipan na ako ay 4th year na kaya dapat ko nang lubus-lubosin ang kasiyahan na dulot ng buhay-kolehiyo. Marahil, sa aking subconscious mind, nakakadama na ako ng takot dahil malapit na akong pumasok sa mundo ng pagtatrabaho. At malapit na akong umalis sa isang bahagi ng aking buhay para sa isang bagong panimula. Marahil dahil din sa nararamdaman kong ako’y matanda na. Hwa. *Buntong-hininga*

Higit akong nasiyahan sa iTam Dream Academy 3 ng kolehiyo. Bukod sa nakita ko si First Year Girl, magaling ang naging kampeon ng paligsahan, at natapos ko ang buong programa, marami akong natutunan at nakita base lamang sa mga na-obserba ko sa mga estudyante sa loob ng auditorium. At saka, unang beses ko rin na makaakyat sa itaas na bahagi ng auditorium. Hehe. Asteg. Medyo may kalungkutan pa rin dahil wala ang iba naming kaklase at hindi kami kumpleto. Para sa akin kasi, mas masaya kung marami kaming nasa loob, nakaupo at nakikinig habang kung anu-anong kalokohan ang ginagawa. Hehe. Lalo na siguro kapag kumpleto kami.

Hay… Nagsi-senti ka na naman andoy…

Siyanga pala. May isang araw sa college week na kung kailan kaming tatlo ng aking kaklase ay sobrang tinatamad. Hindi na talaga kami nagrebyu kahit alam naming may exam pa kami. Mabuti na lang, hindi natuloy ang exam namin dahil walang pumasok. Haha. Ika nga ng Ser namin doon sa asignaturang iyon, “Kung walang papasok, walang exam.” Haha. Tama!

First Year Girl

Noong huling-huling Biyernes, mga bandang hapon, isama na rin ang umaga, nakita ko siya. Ilang beses ko siyang nakita sa loob ng isang araw na iyon. Ang saya ko lalo na noong umaga. Yeehiii. Ang ganda niya talaga. Para talaga akong binabato-balani ng kanyang mga titig. Grabe. Hwoo~~

Kaso mula dapit-hapon hanggang gabi, nakita ko siyang may kasamang lalake. At una kong naisip, iyon ang kanyang boyfriend. Pero pwede ring nanliligaw sa kanya. Bago ako umalis, nagpunta muna ako sa lababo, bench ito sa freedom park na may mga tiles na parang pang-lababo, para magmuni-muni. Mag-isip-isip kahit blanko ang laman. At mag-senti. Ngunit sa hindi ko malaman na dahilan kung ako aba ay binibiro ng tadhana o sadyang may gusto lang sabihin sa akin ang tadhana o baka talagang ipinapamukha lang sa akin ang katotohanan, bigla akong may nakita dalawang nilalang, isang babae at isang lalake, na magkahawak ang mga kamay. Hindi ko gaano sila makita pero biglang pumasok sa aking isipan na si First Year Girl ang babae na iyon. Hwa. Boypren na nga niya ata ang lalake na iyon. At talagang kitang-kita ko pa dahil naglalakad sila ng halos nasa harapan ko na. Ang direksyon nila ay papunta sa akin. O tadhana, ano ang iyong balak? Ito ba ay iyong sadya? Katotohanan ba’y kailangang isampal sa aking mukha? O ang pait at tamis ng tadhana…

Ngayon, kapag nakikita ko siya, medyo hindi na ako gaano tumitingin dahil alam kong may iba nang may-ari ng kanyang mga titig. Wala na ring magagawa kahit nalaman ko na ang kanyang pangalan. Hindi rin ako intersado sa kanyang cellphone number dahil wala akong ipon para sa load. Nakakatamad din ang may ka-text. 

Pero sa mga sandaling ito, biglang pumasok sa aking isipan na maaaring manliligaw niya lang iyon. Maliit nga lang ang posibilidad. Pero maaaring tama pa rin ako. O gumagawa lang ako ng isang dahilan para ako ay mayroon pa ring panghawakan na aking paniniwalaan upang lokohin aking sarili’t maniwala sa isang kabaliwan?

Tuwing ganitong mga sitwasyon, lagi kong naaalala ang sinabi sa akin ni Ecko, “Kung ang asawa nga, nasusulot, girlfriend pa kaya?” Haha. Langya talaga.

Death Note

Asteg talaga ang kwento nito. Grabe, idolo ko na talaga si L. Ibang klase siya at ang galing niyang mag-isip. Marahil may mga magsasabing mas magaling si Raito/Light/Kira na mag-isip pero masasabi ko na mas magaling pa rin si L. Nakyu-kyutan din ako sa mga gawi at ugali ni L. Lalo na ang gawi ng  kanyang pag-upo at ang pagkahilig niya sa matatamis na pagkain. Ibang klase talaga. Sa ngayon, patuloy pa rin ako sa pagbabasa nito. Noong huling linggo ko lang ata ito nasimulan. Ngayon, malapit-lapit na akong matapos. Isusunod ko naman ang anime at mga movie nito. Hwahehehe. Adik talaga ako.

Kapatid

Mabuti naman at nagka-ayos na uli kami ng aking kapatid. Ayos na uli ang lahat sa pagitan naming dalawa. Pero hindi ko pa rin itatanggi na nagsisisi pa rin ako hanggang ngayon sa mga nagawa ko sa kanya noong araw na iyon. Subalit, pipilitin ko pa rin na maging isang mabuting kuya sa kanyang mga mata. Hindi para purihin niya ako o ng ibang tao, hindi rin para ako ay maging isang santo o matawag na isang huwaran at kapita-pitagang kuya, kundi para matulungan ko siya sa pag-abot niya sa kanyang mga pangarap at magabayan ko siya sa tamang landas. Iyon lang.

Midterm Week

Wala akong gaanong masasabi rito dahil puro kami exam ngayong linggo na ito. Lalo na iyang ENGMECH na iyan. Grabe talaga ang subject na ‘yan. Naiintindihan ko siya kapag itinuturo na at kahit nagrerebyu na ako, naiiintindihan ko pa rin. Pero pagdating ng oras ng pagsusulit, lalo na kapag kaharap ko na ang isang pahinang questionnaire, nawiwindang ako at halos mawalan ng malay dahil parang biglang nagbakasyon ang aking utak papuntang Boracay at hinigop ng Time-Space Warp ang lahat ng aking pinag-aralan. Ewan ko ba kung bakit ganoon pero hindi lang ako ang nakararanas ng ganito kundi pati ang aking mga kaklase. Hwa.

Bukod sa hiling na sana ay mataas pa rin ang makuha ko sa mga exam para mataas din ang makuha kong grado, hinihiling ko rin na sana ay matapos na ang linggong ito para matapos na rin, kahit papaano, ang aming midterm. Gusto ko munang magbakasyon.

Internship

Katulad nang dati, hindi pa rin ako tapos hanggang ngayon. Sana, matapos na ako bago pa man sumapit ang Disyembre.

UP

Yey! Mayroon na akong isandaang piso na may UP Centennial logo.  Asteg. Isang memorabilia. Siyempre itatago ko ito at hindi gagastusin. Isa pa, gustong kong manood ng pelikulang “UPCAT The Movie”. Kailan kaya ito ipapalabas? May nakapagsabi sa akin na mga Disyembre raw. Ewan ko lang Disyembre nga pero gusto ko talagang manood nito. Unang beses akong naadik sa UP mula noong mabisita ko ang peyups.com. Hehe. At mula noon nga, adik na ako sa UP.

Susubukan ko ngang makapunta sa mga huling araw ng Nobyembre sa teatro ng UP para makapanood ng “Anak ka ng Peyups”. Hehe. Basta, gusto ko talagang makapanood. 

Teka, e bakit hindi ako roon nag-aral? Bagsak ba ako sa UPCAT?

Hindi ako bagsak sa UPCAT. Pero hindi ako nakapasok sa cut-off nila kaya ayun, hindi ako roon nag-aral. Sa totoo lang, ayaw ko mag-aral sa UP. Bakit? Dahil ayaw kong maging aktibista. Iyon kasi ang larawan na nakatatak sa aking isipan dati tuwing maririnig ko ang UP. Pero ngayon, alam ko na ang dahilan kung bakit sadyang hindi ako roon nakapag-aral. Ito ay para mas kalugdan ko ang kabuuan ng UP.

Field Trip

Sabik na sabik na ako sa aming field trip sa buwan ng Disyembre. Hwahoo~~

Mga plano

Sana’y magawa’t matupad ko ang aking mga plano sa pagpasok ng Nobyembre. Mga lakad at mga balak gawin, sana magawa ko ang lahat.

Elevator

Katatapos lang ng aming midterm exam sa OPENNET. Ako na lang mag-isa sa aming batch sa loob ng klasrum ang naiwan. Ako na lang ang mag-isa sa loob ng elevator. Mag-isa. Habang pumapasok ako sa loob ng maliit na lugar na iyon, nag-iisip ako ng mga kababalaghan na maaaring mangyari sa akin o maaari kong maisulat. Pagkababa sa ground floor, nagbukas na ang pinto ng elevator. Habang papalabas, binibilang ko ang aking mga barya para aking malaman kung magiging sakto ba ang mga ito para sa aking pamasahe. Dahil kung hindi, magagastos ko ang aking isandaan. At kapag ganoon ang nangyari, mas mababa na kaysa sa isandaang piso ang maitatabi ko para sa araw na iyon. 

Habang nagbibilang, napansin ko na may isang guwardiya na dahan-dahang naglalakad papasok sa salaming-pintuan ng Tech. Building. Butete ang kanyang tiyan, may katangkaran, may edad na, at naka-salamin. May dalawa pang guwardiya sa labas. Nakatingin sa akin ang guwardiya. Marahil may gusto sa akin. Hwahehe. Nagtataka ako kung bakit siya nakatingin sa akin. Medyo may tensyon akong naramdaman subalit kaunti lang naman.

Nang nasa pinto na ako at nasa harap niya, tinanong niya ako kung pinaglaruan ko ba raw ang elevator. Ang sagot ko, hindi at mag-isa lang ako. Nang akmang paalis na ako, pinigilan nila ako. Si Manong na naka-salamin ay lumapit sa elevator. May isang guwardiya, bundat din ang tiyan, na nakaupo sa aking harapan hawak ang kaniyang walkie talkie, at isa pang guwardiya na hindi nakadamit na pang-guwardiya bagkus alam kong guwardiya siya base sa kanyang damit na medyo mala-barong na kulay maitim na asul.

Ang nangyari pala, base sa mga narinig ko sa kanilang pag-uusap, at sa sinasabi ng boses sa walkie talkie ni Manong, may naglaro pala sa elevator. Tinanong ko ang guwardiyang naka-itim na asul na mala-barong. Ang sabi niya, may pumindot daw kasi ng lahat ng buttons sa loob ng elevator. Ewan ko nga lang kung nasira nga iyon pero hindi na ata bumababa ang isang elevator. At hindi iyon ang elevator na aking sinakyan.

Habang tuloy pa rin sila sa pag-inspeksyon sa mga elevator, tuloy rin naman ako sa pagbilang ng aking mga barya. Walang pakialam sa kanila. Ang tanging mahalaga lang sa akin ng mga oras na iyon ay may pamasahe ako para makauwi at dapat hindi ko magamit ang isandaang piso ko. Sa wakas, pinaalis na rin nila ako at humingi sila ng pasensya. Sabi ng isang guwardiya, marahil daw ay iyong mga estudyante na nauna ng umalis ang may gawa. Hmm…

Dahil sa kaiisip ko na may mangyaring kababalaghan habang ako’y nasa elevator, may nangyari ngang hindi inaasahan pagkalabas ko ng elevator.

Tapos.

Posted by andoyman at 11:41 pm | permalink | Add comment