kwan. ano. yon. yeh!

Ang Dalagang Naka-asul na Jacket at si Andoyman (Makalaglag-ipin na panghihinayang at pagkainis sa sarili)

Thursday, November 6, 2008

Nagpunta si Andoy ng silid-aklatan pagkatapos ng aming Midterm exam sa PHILMAN. Lagi siyang dumidiretso sa library para magsulat. Kapag natapos na niya ang kanyang isinusulat, bababa naman siya sa 4th floor para mag-COMLAB. Iyan ang kanyang nakasanayan tuwing Lunes at Huwebes.

Kanina, pagpunta niya sa silid-aklatan, dala ang kanyang kwaderno, dumiretso muna siya sa pagbabasa ng dyaryo. Ngunit hindi naman mga headlines ang binabasa niya, hindi tulad dati, sapagkat ngayon, komiks na lang ang binabasa niya. Mga comic strip ng Pugad Baboy, Kiko Machine Komix, A. Lipin, at mayroon pang isa kaso nalimutan niya ang pangalan.

Pagkatapos, dumiretso na siya sa pagsusulat. Pagpasok niya sa lugar na may divider, nakita niya si First Year Girl. Lagi siyang nakasuot ng asul na jacket na may kulay kahel sa loob ng hood nito. Nagsasagot ata ng kanyang assignment. Nabanaag niya ng kaunti ang mga papel na nakalatag sa kanyang harapan. Mga angles at planes, numbers at formulas. Mula sa kanyang kinauupuan, halatang nahihirapan siya sa pag-solve. O nagrerebyu lang siya? Basta, ang alam niya, nahihirapan siya.

Pakiramdam ni Andoy, mukhang kailangan ng tulong ni First Year Girl. Kaya naman siguro ni Andoy na tulungan ang dalaga sa mga numero’t anggulo na nandoon sa tinitignan niyang papel. Fourth year na siya at marahil ay nadaanan na niya ang mga iyon. Sa kaloob-looban ni Andoy, nakadama siya ng ligaya na hindi niya naranasan noong nagising siya’t sumakay sa bus. Alam ni Andoy na maaari niyang lapitan ang dalagang naghihirap at ito ay tulungan.

Nagsusulat si Andoy. Kanyang isinusulat sa kwaderno ang kasalukuyang nagaganap sa kanya, tumatakbo sa isip niya at ang kangyang katorpehan. Alam niya na kung hindi niya susubukang lumapit, maaaring hindi niya ito makilala. At maaaring pagsisihan niya iyon sa hinaharap.

Anak ng katorpehan!

Wala siyang nagawa, at ginawa. Nakaupo lang siya at nagsusulat lang ng kanyang nararamdamang ligaya at ang kanyang pagmumuni-muni. Iniisip niya ang mga salitang kanyang gagamitin kapag kakausapin na niya si First Year Girl. Iniisip niya ang mga kilos na gagawin niya. Hindi para maakit ang babae. Ang gusto niya, friendly-way ang gagawin niya.

Alam niya na maaaring mapahiya siya kapag tumanggi ang dalaga sa aalokin niyang pagtulong. Alam niya na nahihirapan na talaga ang dalaga sa pagintindi marahil ng mga nakasulat sa mga papel na iyon. Alam niya na isang do or die na sitwasyon ang mga sandaling iyon. Alam niya na kung wala siyang gagawin, marahil ay iyon na ang huling pagkakataon na ibinigay ng tadhana para malapitan niya’t makilala ang dalaga. Alam niya ang mga maaaring mangyari. Naisip niya ang mga iyon. Pero hindi niya alam kung paano ba niya dadalhin ang friendly-way na gusto niyang mangyari gayong siya ay halos lamunin na ng kaba, at katorpehan. Hindi niya alam ang mga salitang dapat niyang bigkasin sa isang kaswal na paraan. Hindi niya alam ang ikikilos niya kapag nalapitan na niya ang dalaga.

Alam niya. Hindi na niya alam. Iyan ang sitwasyon niya. Isang bagyong puro pag-iisip at pagtitimbang ang dumaong sa isipan ni Andoy habang siya ay nasa ganoong sitwasyon.

Humingi siya ng senyales. Senyales na magbibigay-tanda sa kanya na dapat o maaari niyang lapitan ang dalaga. Pero kahit naibigay ng tadhana ang senyales na iyon, hindi pa rin siya lumapit.

Mag-isa lang naman ang dalaga. Walang kasama. At kahit may mga kaklase siyang dumating, hindi naman sila tumabi rito. Pero si Andoy, pwedeng-pwede siyang tumabi’t tulungan ang dalagang iyon. Ang dalagang nakaupo lang sa gawi niyang kaliwa. Ang dalagang nahihirapan. Ilang hakbang lang naman ang layo niya kay Andoy. Si Andoy naman, ayun at kahit na pinupuno ng mga sandaling iyon ang kanyang puso ng kaligayahan, nandoon pa rin siya sa kanyang kinauupuan at bagaman nalilitong nag-iisip ng kung anu-anong bagay na maaari niyang gawin para makilala na ang dalaga, hanggang tingin at sulyap lang nagawa o ginawa niya.

Walang kwenta.

Ayun, nakaupo lang siya. Nakaupo. Nag-iisip. Ligaya sa kanyang puso. Tumitingin sa dalaga. Nalilito. Torpe.

Nakaupo lang siya………………………………………. hanggang may lumapit na babae sa dalaga. Kaklase niya ito at tinulungan niya si First Year Girl.

Isang paglapit lang sa dalaga para siya ay tulungan, hindi niya nagawa.

Isang paglapit lang sa dalaga para siya ay makilala, hindi niya nagawa.

Isang pagkakataon na naman ang kanyang pinalagpas, nagsisisi siya.

Ang katorpehan ay walang maidudulot. Kundi sa kaba’t hiya ka nito ibabalot. Pupunuin ka ng maliligayang imahe sa iyong isipan. Pero malulungkot at nakapangsisisi na eksena ang iyong mararanasan.

Walang lakas ng loob ang taong torpe. At walang mararating ang mga taong tulad nito.

Alam mo iyan Andoy. Alam mo nga, pero hindi ka naman matuto-tuto.

O Andoy, sana kahit minsan, kumilos ka naman…

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Isinulat ito ni Andoy, hindi para ipagyabang na siya ay isang walang kwentang torpe kundi ay para maihayag niya sa kanyang kubeta, ang kanyang blog, ang inis at panghihinayang na nararamdaman niya sa mga sandaling tina-type niya ito. Hindi rin siya humihingi ng awa. Hindi rin siya nanghihingi ng limos na atensyon. Ang nais lang niya ay mag-blog at maglabas ng mga bagay na gusto niyang ilabas at ilantad sa malawak na mundong ito ng internet. Sa ngayon, walang ekspresyon ang kanyang mukha. Ngunit ang kanyang puso ay nawawala sa ngayon. Pati na rin ang kanyang utak.

Posted by andoyman at 10:03 am | permalink | Add comment