kwan. ano. yon. yeh!

Computer Laboratory Secret File

Wednesday, November 12, 2008

Dito sa aming kolehiyo, may isang lugar sa ikaapat na palapag na maaari kang gumamit ng kompyuter at mag-internet ng libre. Hindi ka nga lang makakapaglaro ng mga online games ‘di tulad sa mga computer shops. Pero kung gusto mong makatipid dahil mag-i-internet ka lang naman, sa COMLAB ka na lang tumuloy. Karaniwang sa Lab B ang pinapagamit sa mga estudyante. Ang Lab A, C, at D ay para sa mga klase. Minsan, kapag walang klase sa mga lab na ito, pinapagamit rin nila.

Halos apat na taon na akong nandito sa kolehiyong ito at halos araw-araw, lalo na dati, dumidiretso ako sa COMLAB. Bukod sa research paggawa ng mga C programs, dito na lang ako nagne-net para makatipid. Sayang din kasi ang bente pesos na ibabayad ko sa shop.

Iyon nga lang, mamamangha ka sa bilis ng connection dito. Pramis!

Minsan naman, maaasar ka dahil sa haba ng pila para makapag-COMLAB. Mas lalo kang maaasar kapag ang nasa unahan mo ay may pinasingit pa na kaklase o kaibigan niya. Nakow! Pero ako, hindi ako naiinis dahil ako ang sumisingit sa pila eh. Hwahaha. Gawain ko ‘to lalo na kapag may kakilala ako o kaklaseng nasa pila. Babatiin ko siya tapos makikipagkwentuhan konti saka ako sisingit. Hwahaha!

Dahil matagal na rin akong nasa kolehiyo’t halos laging nagko-COMLAB, hindi mawawala ang mga obserbasyon ko sa mga estudyanteng nasa loob na nakaupo, at nakaharap sa monitor. Kaya eto na~~~

Ten te ne nen~~~~~

(drum roll please)

Kapag nasa COMLAB ka, lalo na sa COMLAB B, ang mga bagay na karaniwang mong makikita na ginagawa ng isang estudyante ay:

~Magbukas ng friendster - ito ang pinakakaraniwan na ginagawa ng mga estudyante. Kahit gumagawa ng thesis paper o research paper o anumang paper, kahit pa project iyan o assignment o gumagawa ng presentation para sa report niya, hindi mawawala sa karamihan ang pagbukas ng friendster. Magko-comment, mang-hunting ng ka-friendster, basahin ang profile o comments ng iba, maaliw sa mga litrato ng may-ari ng profile na iyon, i-edit ang profile, mag-upload ng mga litratong kinunan mo, sumali sa mga groups, magbasa ng mga post sa mga group na sinalihan mo, maging fan ng sikat na artista o personalidad (kahit hindi mo alam kung totoo iyon dahil sa dami ng users na may ganoon ding litrato, pangalan, about me, etc.),mag-post ng mga saloobin o ka-ewanan sa shoutout, magsagot ng mga survey, magpost ng mga announcements sa bulletin board, mag-post ng mga chain bulletins, sagutin ang mga nagbigay ng mensahe o komento sa’yo, mag-flood sa bulletin, gumawa ng chain mail na may mga sumpa kuno na kesyo mamalasin ka sa pag-ibig o may mamamatay o mababaog ka, at kung anu-ano pang kalokohan sa friendster para lamang malibang ka habang tinatapos mo ang mga dapat tapusin dahil kailangan mo itong ipasa dahil kung hindi ay hindi ka papasa. Pwede rin naman  ay dahil nasa sistema mo na talaga ang pagbukas ng friendster. Uupo ka, magla-log-in, maghihintay sa matagal na pagpasok sa iyong account, magbubukas ng browser, at pupunta sa friendster.com. Voila! Prinstiran na!!!

~Magbukas ng kahit anong site - magbubukas ng kahit anong site na may kinalaman sa interes ng estudyanteng nakaupo sa harap ng monitor. Tulad ng NBA, forums, iba pang community sites bukod sa friendster, yahoo, balita sa loob at labas ng bansa, mga intriga ng mga kinalolokohang artista, hanapin ang lyrics ng paborito mong kanta dahil hindi mo maintindihan ang mga murang namumutawi sa bunganga ng kumanta habang ito’y iyong pinapakinggan, manuod ng mga video sa youtube, pagalain ang mga mata sa mga litrato sa multiply, magbasa ng blog ng iba, mag-download ng mga kanta, at kung anu-ano pang ibang bagay na makakapagbigay ng aliw sa estudyanteng batung-bato sa katatapos na lektyur sa isang asignatura. Ang iba ay nagbabasa ng manga sa onemanga.com kaso naka-block na. At ang ibang estudyante na talagang naghahanap ng “thrill” para mapunan ang “boring-wave effect”, pupunta sila sa mga site na may laro. Oo! Maglalaro mismo sa loob ng COMLAB kahit alam ng estudyante na bawal. Masarap ang bawal, ‘di ba? O kaya naman ay magtsa-chat gamit ang built-in-chat ng yahoo o meebo.com. Kaso, block na rin ata iyon. At habang nag-i-internet, dapat may nakapasak na earphone sa bawat tenga at makinig ng paborito mong kanta sa pinakamataas na volume.

~Mag-text - kung isa kang dakilang matapang na tao at bilib ka sa sarili mo na hindi ka mahuhuli at maipadadala sa DO habang nagte-text sa loob ng COMLAB, siguradong ito ang ginagawa mo. Magbabalat-kayo ka na may ginagawa sa harap ng monitor mo, ginagalaw ang mouse, at pinipindot ang bawat key sa keyboard. At dahil tagumpay ang pagbabalat-kayo mo, ilalabas mo na ang iyong cellphone ng patago saka ka magkakandaugaga sa pagpindot sa keypad mo dahil ang ka-text mo ay ang textmate mo na hindi mo naman talaga kilala. O ‘di naman kaya ay nag-text ang nobyo/nobya mo at nagpapalitan kayo ng maaaksyon na “i miss you my honeybeybs-my-labs-so-sweets…mwah mwah mwah…labayu!”. Pwede rin naman na nagbabatuhan kayo ng iyong labidabs ng matatamis at mapagromansang “NSAN KA? BKT D K NGTXT S AKN KHPON? D M B AQ MHAL?!”. Tapos ay magpapaliwanag ka ng napakahaba habang pinipilit mong itago ang pagte-text at pagbabalat-kayo mo na may ginagawa ka sa harap ng monitor. Pindot ka nang pindot sa keypad mo at basa nang basa sa mga text ng labidabs mo hanggang hindi mo namamalayan na nasa likod mo na ang COMLAB officer at nakikibasa na rin sa text mo. Nagbibigay simpatiya ba, kumabaga. Paglingon mo, kikidlat ng malakas “KRA-THOOM!!”, at makikita mo ang mukha ng COMLAB Officer na nakangiti sa’yo na parang demonyo sabay tanong,”Anong ginagawa mo? ‘Di ba, bawal ‘yan?”

~Makipagkwentuhan at makipagharutan sa katabi mo - sa kadahilanan na sadya talagang mabagal ang internet mo, makikipagkwentuhan ka sa katabi mong kaibigan o kaklase. Halimbawa, nagbukas ka ng isang site na hindi karaniwan, tulad ng friendster.com (hehe). Aabutin ng ilang bultong minuto bago mo makikita ang homepage ng friendster. At dahil simbilis ng isang libong nagpapaunahan na estatwa ang galaw ng progress bar na nasa status bar, ang gagawin mo ay makikipagtalaktakan ka sa katabi mong kaibigan o kaklase. Ang kwentuhan niyo ay aabot sa kung anu-anong bagay na hindi na pangkaraniwan sa tenga ng mga katabi niyo. Aabutin ng inyong kwentuhan ang usapan tungkol sa kabaitan ng mga politikong corrupt, mga sumasayaw na white lady na nakikita sa isang floor ng building, mga crush at crashes, pampaputi at pampaitim, pampaganda/pampapogi, paraan ng pagputok ng tigyawat, mga korni at nakakatawang biro, okrayan sa isa’t isa, kainisan at kapootan sa mga prop, mga kabaklaan at kalandiaan, mga kaengotan, at kung anu-ano pang lagpas sa mundo ang pag-uusapan ninyong dalawa. Pero dapat mahina lang at kayong dalawa lang ang nakakarinig. Kaso, aliw na aliw kayo sa kwentuhan niyo at hindi ninyo namamalayan na naghaharutan na pala kayo. Kaya ayan, napagsabihan kayo ng COMLAB Officer na “Bawal pong mag-ingay sa loob ng COMLAB.” Saka lang nagbukas ang page ng friendster. He he.

~Gamitin ang kompyuter sa saving area para makapag-internet kahit hindi ka naka-log-in - may apat na computer sa COMLAB para sa pagse-save ng mga files. Bawal ang mag-internet o mag-edit dito. Dapat. Pero dahil ang estudyante’y sadyang matigas ang bungo, mag-i-internet siya sa saving area kahit bawal. Masaya siyang nag-i-internet ng patago habang kumakabog ang kanyang puso sa kaba at pinagpapawisan hanggang hahaba ang pila ng mga taong magse-save. Lumilingon siya’t binabantayan ang mga personnel dahil baka tumingin sa kanyang ginagawa’t mapansin siya. Minsan kahit sawayin na ng personnel ay patuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa. Titigil na lamang ang estudyanteng ito kapag nagreklamo na ang mahabang linya ng mga estudyante o kinuha na ang kanyang ID para dahil sa Discipline Office.

At ang huli,

~maging santong estudyante - dito mo ginagawa ang mga project mo dahil wala kang kompyuter sa bahay at mahal ang magrenta sa labas. Dito mo pinagtiya-tiyagaan ang pag-type sa report mo, paggawa ng presentation niyo, pagbuo ng thesis paper niyo, paggawa ng research paper mo, paglikha ng program na maglalabas ng patay-sindi na “Hello World!”, pagkakabisa sa harap ng monitor dahil hindi mo na pina-print ang mga materials na itinuro sa inyo dahil mahal magpa-photocopy o magpa-print, paggawa ng Gantt chart para sa APPROJ, pag-copy-and-paste sa gawa ng iyong estudyante para magkaroon ka rin ng assignment, pagtapos sa mga papers na kailangan ng organization na sinalihan mo dahil officer ka, pagbuo ng HTML pages tungkol sa mga horoscopes at zodiac signs na ipapasa mo sa prop mo, cramming sa paggawa o pagkopya sa C++ program sa iyong kaklaseng nangopya rin, at iba pang bagay na may kinalaman sa academics.

Marami pang ibang bagay ang ginagawa ng estudyante sa loob ng COMLAB na talagang siya lang ang nakakaalam kung bakit niya ito ginagawa, bawal man o hindi. Ang mahalaga ay gusto niya ang kanyang ginagawa, kahit patago pa.

Posted by andoyman at 1:20 pm | permalink | Add comment