kwan. ano. yon. yeh!

Ano ang nasa isip ni Andoyman?

Wednesday, November 26, 2008

Kanina sa bus, nakasabay ko ang isang kaklase ng aking kapatid. Kwentuhan. Biruan. Naitanong niya sa akin kung pupunta ba raw ako ng alumni sa iskul namin. Sabi ko hindi, sayang ang P500 pesos eh at finals namin ang araw na iyon. At saka, anim lang naman kaming grumadweyt at halos magkakalapit lang mga bahay namin. Alam din namin kung paano namin kokontakin ang isa’t isa. Mula sa pinakaunang batch ng graduates hanggang sa batch ng kapatid ko, yata, ang alumni. Ibig sabihin, puro kamustahan talaga.

Ano na kaya ang itsura ng iba? Ano kaya mga nangyari sa buhay nila?

Iyong kausap ko, gagradweyt na rin bilang sea man. Tatlong taon lang pala ang course na iyon. At kapag nakatapos na siya, ipapasok siya agad ng kanyang tatay kaya siguradong may trabaho kaagad siya. Gusto raw niyang mag-abroad. Ako naman, ayoko. Mas gusto kong dito sa Pilipinas magtrabaho kaysa pasasain ko ang aking sarili sa kalungkutan at ka-home-sick-an. Magbakasyon sa ibang bansa, pwedeng-pwede pero ang magtrabaho roon, maikli man o matagal, ayaw ko talaga.

Marami na ngang umaalis, idadagdag ko pa ang sarili ko. Isa pang dahilan kung bakit ayaw kong magtrabaho sa ibang bansa ay gusto kong dito sa mismong bayan ko tuparin ang aking mga pangarap dahil sa tingin ko, mas nababagay ang pangarap ko rito at mas maraming makikinabang na Pilipino kung sakaling matupad ang aking mga pangarap.

Nasabi ko sa kanya, “Mahal ko ang Pilipinas.”

Oo, totoo iyon sa simula’t sapul. Kahit sabihin ng iba na marumi, mabaho, kurap, o third world ang bansang ito, dito at dito at dito at dito pa rin talaga ako dahil may gusto akong gawin at tuparin dito. Makabayan na ba ako? Ewan ko. Para sa akin, mahal ko lang talaga ang Pilipinas.

Sabi ng kausap ko kanina, “Ambilis ng panahon.”

Hay…Sang-ayon ako sa kanya. Ambilis ng panahon. Ambilis ng oras. Ambilis ng pagpalit ng araw sa gabi. Ambilis ng pagdagdag ng taon at ng aking edad. Halos hindi mo nga mararamdaman ang pagdaan ng “isang araw” sa buhay mo e. Parang kahapon lang ang Bagong Taon at bukas, Bagong Taon uli.

Parang kahapon lang, karga-karga pa ako ng aking nanay para ihatid ako sa aking paaralan sapagkat umuulan at baka maputikan ang aking uniporme. Parang kahapon lang nang unang beses kong makamit ang 1st honor noong Grade 4 ako. Parang kahapon lang nang grumadweyt ako ng elementarya. Parang kahapon lang ako nag-hayskul. Parang kahapon lang ng naging kilala ako sa buong campus nang isuot ko ang jersey t-shirt ko na kulay asul at may pangalang “KORNY” sa likod ko. Parang kahapon ko lang narinig ng tawagin nila akong “Korny” sa halip na pangalan ko. Parang kahapon lang ng ang mga taong tumatawag sa akin ng “Korny” ay nagsipagtapos na at ako naman na ang malapit nang grumadweyt. Parang kahapon ko lang nakasama ang aking mga kaklase. Parang kahapon lang akong nanligaw at nabasted. Parang kahapon lang ng una akong sumampa sa lupain ng FEU-EAC, kinakain pa ako ng hiya. Parang kahapon lang ng makilala ko ang mga kaklase ko ngayon. Parang kahapon lang ng sama-sama kaming kumakain sa kainan. Parang kahapon lang ng kinakabahan kami sa pagkuha ng aming course card.

Parang kahapon lang ako ipinanganak. Parang kahapon ko lang nabasa ang mga pahina ng buhay. Parang kahapon lang ang lahat. Ganoon kabilis.

Hay…

Medyo nakakalungkot kung iisipin mo ang lahat-lahat ng nangyari sa iyo dahil mga alaala na lang ang lahat ng ito. Alaala na maaari mong dalhin hanggang ang kaluluwa mo’y humiwalay sa katawan mong lupa o malimutan dahil sa sobrang katandaan.

Ilang araw rin akong nag-iisip kong ano ang isusulat ko sa blog ko. Pagkatapos kong makita ang mga komento ng mga mambabasa sa dalawang maikling kwento ko na ipinasa ko sa TamarawBayan.com, nagkaroon ako ng inspirasyon at gana para magsulat pa.

(Siyanga pala, salamat sa mga nakabasa na ng mga ipinasa ko sa TamarawBayan.com. Maraming salamat din sa iyo sa pagtitiyaga mong magbasa sa blog ko. Maraming salamat at nandito ka pa rin nakaupo’t binabasa itong bagong post ko.)

Dahil ata sa sobrang inspirasyon na nakuha ng aking katauhan, nagdagsaan ang mga istorya sa aking isipan. Kaso, hindi ko naman matuluy-tuloy isulat dahil hindi ko alam kung alin sa mga iyon ang isusulat ko.

Marami akong dapat gawin. Marami rin akong dapat rebyuhin. Marami rin akong dapat basahin. Marami rin akong gustong bilhin at basahin na libro. Marami akong gustong sabihin pero hindi ko mailimbag ang mga iyon.

Sobra na atang madami akong iniisip kaya siguro napapagod ang aking utak na nagiging resulta ng pagkatamlay ng aking katawan para tanggihan ang mga kilos na dapat kong gawin para matapos ko na ang aking gawain.

Kanina, nagpunta ako sa National Bookstore. Nakita ko ang mga aklat na nanunukso sa akin na bilhin ko at basahin. Kung mapera siguro ako, pinagbibili ko na ang mga iyon. Kung wala akong gaanong ginagawa, pinagbabasa ko na ang mga iyon. Kaso hindi e. May mga dapat muna akong unahin. May mga mas mahahalaga pa akong bagay na dapat tapusin.

Mahilig talaga akong mag-isip. Kapag walang ginagawa, nag-iisip ako. Ano ang iniisip ko? Marami.

Scholarship. Aklat. Pamilya. Pangarap. Diyos. Lovelife. Iskul. Pera. Diversities. Isyu. Kwento. Kanta. Tula. Tao. Imahinasyon. Prinsipyo. Paniniwala. Ala-ala. Jokes. Kasiyahan. Kalungkutan. Hinanakit. Ang Mundo at ang mga Tao. At kahit ang “wala”.

Sa tingin ko, kung magsasagot ako ng slumbook, ilalagay ko sa hobbies and interests ang “pag-iisip”. Ewan ko ba. Ayaw kong wala akong iniisip dahil kapag wala akong iniisip, nagiging blanko ang buong araw ko. Nagiging blanko ang aking pakiramdam. Blanko. As in, WALANG LAMAN. Bukod sa pag-iisip, gusto kong gumuhit at magsulat. Gusto ko na talagang humusay sa pagguhit simulat pa noong bata ako. Ang pagsusulat ko naman ay umandar lang nitong mga bente anyos na ako. Mas gusto ko nga ang magsulat kaysa magsalita dahil medyo bulol ako ‘pag nagsasalita. Hindi kasi nabuo ang aking Speaking Skills. At dahil hindi nabuo, hindi nahasa. Iyon ay kung Inggles ang gagamitin kong pananalita pero kung Filipino naman, pwede na.

Hindi ko pa rin nakikita ang isang dalaga na iyon ngayong araw. Ewan ko ba pero gusto kong palagi siyang nakikita. Nagha-hi naman ako sa kanya pero hanggang doon lang at hindi pa kami nagkakausap talaga. E kung text-text na lang kaya? Pwede kaso ayaw ko ng ganoon. Mas masaya kung kausap ko siya ng personal at hindi lang sa mga letra at smileys sa cellphone lang. At para mas magkakilala kami kung personal kaming nag-uusap, ‘di ba? Inlababo ba ako sa kanya? Ewan. Hindi ko alam.

Sabik na sabik na ako sa field trip namin. Hwoohoo. Makakarating na rin ako ng Baguio!!! Hwahahaha. Ano kaya ang mga mangyayari sa field trip namin? Ahahahay… Excited na talaga ako. Hwaaaaaaa…

O yey.

Posted by andoyman at 3:27 pm | permalink

Previous Comments

parang mahirap ‘atang mag-isip ng wala. ;)

Posted by ka bute at November 28, 2008, 10:17 am

nakaka-inspire talaga ang blog mo. hindi ko sinasadya na mabisita ito. Kasi naghahanap talag ako ng mga magagandang kwento na nagbibigay ng inspirasyon sa mga bata baka magagamit ko sa aking trabaho. good even andoyman. and happy new year.

Posted by angierose at January 8, 2010, 6:36 pm

@angierose

ehehe..salamat po…mabuti’t nakakapaghatid pala ako ng inspirasyon kahit papaano :D ask ko lang po, writer po ba kayo? o teacher? la lang…ehehe..

hap-pey new year po ulit sa inyo :D

Posted by andoyman at January 11, 2010, 1:25 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment