kwan. ano. yon. yeh!

Pasko||Kapatid||ComputerShops

Saturday, December 27, 2008

Pasko

Ang pangkaraniwang Pasko sa amin ay ang matulog. Hindi kami naghahanda ng pang-Noche Buena. Noong bata pa ako, naghanda kami noon. Medyo malabo na nga lang ang alaala ko niyon pero kung hindi nagkakamali ang aking memorya, pagdating ng Bagong Taon noon, wala kaming handa. E parang mas malungkot ata dahil wala kaming handa habang napapanood namin sa telebisyon ang saya ng mga taong sumasalubong sa Bagong Taon tapos kami, walang handa. Kaya mula noon, hindi na kami naghahanda. Tuwing Media Noche na lang ang handaan namin. At isa pang dahilan, para tipid.
Aapat lang naman kasi kami sa bahay kaya konti lang naman ang kakain. Wala ring reunion na nangyayari sa amin hindi tulad sa ibang pamilya. Pero ‘pag Pasko, laging pupunta ang tatay ko sa kanyang pinsan para kunin ang mga regalo nila. Minsan, buong pamilya kaming pupunta. Tapos, ang mga pagkain namin sa bahay, karaniwan, bigay na lang. Hehe. Nakatitipid talaga kami. Lalo na ngayon na ‘yung pinsan kong may pamilya na, dito nag-Pasko. Siyempre, nagbigay rin sila pero wala ata kaming naibigay dahil wala nga kaming handa. Hehe.

Nitong Pasko rin, wala akong pera kaya wala ring regalo ang tatlo kong inaanak. Ang alam ko, nanay ko na lang ang sumalo. Nagbigay siya ng isandaang piso para doon sa tatlong inaanak ko. Hehe. Naubos kasi ang pera ko noong field trip kaya ngayon, pulubi ako. Haha.

Pero hindi lang naman basta natulog ang ginawa ko. Nanood ako, kasama ang kapatid ko, ng Peter Pan sa 5Max kahit ilang beses ko na siyang napanood at ng Alvin and the Chipmunks sa PC ko. Mga alas-kwatro ng madaling araw na ata ako natulog.

Laptop

Wala akong laptop at pangarap kong magkaroon nito kaya siguro kapag nakapagtrabaho na ako, baka isa ito sa mga una kong bibilhin. Hehe.

Minsan, may napanood ako sa Channel 25, ‘yung World 3000 ata ang pamagat ng palabas, ipinakita nila na sa bansang Ethiopia, walang kaalaman ang mga tao roon sa computer. Mayroon silang programa roon na kung saan ay namamahagi sila ng mga laptop sa mga tao roon.

Oo, laptop ang ipinapamahagi nila roon. Kahit mga negosyante roon, hindi pa alam ang paggamit ng computer kaya binibigyan rin sila ng laptop. Siyempre, tinuturuan sila, ang mga taga-Ethiopia, kung paano gumamit ng laptop. At hindi ito iyong pangkaraniwang laptop na nakikita mo sa mga bilihan ng computer. Iba ang OS (Operating System) nito, iba ang interface, at iba rin ang mga program na nandoon. Mayroon pa silang isang palaro roon, kapag halimbawa ay namimigay na sila ng laptop, ang mga kabataan na kalahok sa paligsahan ay magpapaunahan sa pagbukas ng laptop na iyon. May lock kasi ang laptop na iyon. At kung sino man ang maunang makapagbukas ng laptop, sa kanya na iyon. Galing ‘no?

Ang ikinatutuwa ko talaga sa napanoond ko na iyon, kitang-kita mo ang pagsisigasig ng mga tao roon na matuto ng paggamit ng laptop para makasabay rin sila sa mabilis na pag-agos ng teknolohiya. Dito, ahm, una atang natututunan ng isang Pinoy ay ang paglalaro. Haha.

Kapatid

Noong Pasko, dahil hindi nga kami namasyal sapagkat walang badyet si nanay ngayon, nakipaglaro na lang ako sa inaanak ko. Ang binili kong pana’t palaso sa may Subic ang ginamit namin. May karton na nakasabit at patatamaan namin iyon. Masaya dahil nakapag-bonding din kami ng aking inaanak. Siya ang una kong inaanak kaya espesyal iyon sa akin.

Maya-maya, dumating ang kapatid niyang babae. Hindi ko alam kung ako lang ang nagbibigay ng kahulugan sa ekspresyon ng mukha niya pero parang biglang naging seryoso ang mukha ng inaanak ko. At kung hindi ako nagkakamali sa naramdaman ko noong mga sandaling iyon, nagseselos siya sa kapatid niya.

Medyo nostalgic sa akin ang magkapatid na iyon dahil silang dalawa ay halos katulad ko rin at ng aking kapatid noong bata pa kami. Oo, nagseselos din ako noon sa kapatid ko dahil pakiramdam ko, kapag ako ang nakakagawa ng mali, pinapalo kaagad ako. Pero kapag ang kapatid ko ng babae ang nakagawa ng mali, hindi kaagad pinapalo o minsan pa ay hindi na talaga pinapalo. Kumbaga, ang tingin ko noon, may favoritism ang mga magulang ko.

Siyempre ngayon, wala na ‘no. At saka sobrang tagal na noon.

Tuwing nakikita ko talaga ang magkapatid na ito, hindi ko maiwasan na isipin at sabihin sa aking sarili na ganyan din kami kaliit at kakulit noong bata pa kami.

Dalawa lang kaming magkapatid kaya tuwing gusto kong makipaglaro noon, madalas, naglalaro ako mag-isa. Kapag niyaya ko kasi ang aking kapatid na babae, madalas ang sagot niya, “Ayaw ko.” Kaya ako lang ang mag-isang naglalaro sa malawak na espasyo sa loob ng pabrika. Tapos kapag siya naman ang magyayaya, um-oo naman ako hindi lang dahil sa kapatid ko siya kundi dahil hindi ko siya matiis lalo na kapag namimilit siya.

Hay…

Gusto kong magkaroon ng isa pang kapatid. Mga 19 at 20 na kami. Kapag may kapatid kasi kaming isa pa, siya ang mang-aaliw sa amin, magpapatawa, mangungulit sa amin kahit abala kami sa ginagawa namin, magpapaturo sa mga takdang-aralin niya, magpapasubo, magpapaligo, magpapapunas ng pwet kapag tumae siya, patatahanin mo kapag umiyak, manlalambing sa’yo, at mayroon akong uutusan. Haha.

Kaso sabi ng magulang ko, hindi na raw pwede dahil nahihirapan ang aking nanay kapag nanganganak. Kaya ayun, parang hindi na ata magkakatotoo ang aking hiling na magkaroon pa ng isang kapatid. Hay…

Computer Shop

Kaya gusto kong may internet sa bahay dahil sayang ang P20 na ibinabayad ko sa mga computer shop na iyan. Isipin mo, kung hindi sa bagal ng internet connection uubusin ang P20 mo, sa bagal naman ng PC mismo ang lalamon sa pambayad mo.

Naranasan ko ‘yan minsan noong gumagawa ako ng assignment sa RIZLIFE ko habang kasama ko si Gelo dahil ka-grupo ko siya. Asar na asar talaga ako sa computer ng isang computer shop doon sa may Morayta. Anak ng, 128MB RAM lang ang memory tapos Pentium III o II ata ang processor niya. Ang resulta? Gumagapang na Mozilla Firefox, MS Word, at pati pagtitipa ko ng letra, sobrang bagal. Ilang maraming segundo muna ang hihintayin bago mo makita ang tinitipa mong letra sa screen.

Ang isang shop naman dito sa amin na lagi kong pinupuntahan, minsan, may maayos na PC at may hindi rin. Kung minsan naman, kahit maayos ang PC na gamit mo, pinagtatahanan naman ito ng isang komunidad ng virus, trojans, at worms. O hindi naman kaya, kahit mabilis naman ang PC mo, sobrang bagal naman ng internet connection na kung minsan ay nawawala pa. Ambagal tuloy ng download rate ko. Minsan, ang 2.0 MB lang ng file, pwedeng abutin ng kalahating oras. Ambilis ‘no?

At kahit swertehin ka naman sa bilis ng PC at ng internet connection mo, maiinis ka pa rin dahil hindi mo namamalayan, pinagpipiyestahan na pala ng mga ipis ang iyong paa.

2009

Yey, lapit na ang Bagong Taon. Hwoohoo!!! Tatalon uli ako pagsapit ng 12:00 ng madaling araw. Haha!!!

Posted by andoyman at 10:43 am | permalink | Add comment