kwan. ano. yon. yeh!

Ang Lovestory ng Ipis

Wednesday, December 10, 2008

Prologue

Magkasamang nanonood ng paglubog ng araw ang magkasintahan na sina Rodolfo at Carmina habang kinakanta nila ang kanilang paboritong kanta. Tumingin si Rodolfo sa mga mata ng kanyang kasintahan at sinambit ang mga salitang nababalutan ng katamisan.

“Hanibeybs, mahal na mahal kita” sabay halik sa kanyang irog.

Kilig na kilig naman na sumagot si Carmina, “Mahal na mahal din kita, hanibeybs ko.”

ooh…Ang pag-ibig…

Ang Lovestory ng Ipis

Katulad ng mga pangkaraniwang dapit-hapon kung kailan makikita mong nag-aagawan ng espasyo sa himpapawid ang liwanag ng papalubog na araw at ng dilim ng gabi na lumilikha sa magandang pagkapula ng langit, sabay na naglalakad pauwi ang magkasintahang kagagaling lang sa pamamasyal. Ilang sandali ng katahimikan muna ang nagdaan bago nagsalita ang babae,

“Hanibeybs, ‘di ba bukas na kita ipakikilala sa mga magulang ko? Handa ka na ba?”

“Oo naman hanibeybs ko. Ako pa! Sigurado akong magugustuhan nila ako. Pangako iyon.”

“Weh. Ang yabang mo naman samantalang napakatorpe mo naman noong nililigawan mo pa ako.” tukso ni Carmina.

“Uy, hindi ako torpe noon ha. Nahihiya lang talaga ko. Mahiyain lang talaga ako.” pagtatanggol naman ni Rodolfo sa kanyang sarili. “Pero kung hindi ako nagkakamali noon eh sobra ka namang kiligin tuwing nakikita mo ako.”

“Oy, hindi ah.”

“Wuuuu. Aminin mo na. Simula’t sapul, may gusto ka na sa akin mula noong nagkita tayo sa basurahan kina Aling Mameng eh.”

“…”

“Uyyy, kinikilig na naman siya.”

Hindi na makatingin si Carmina kay Rodolfo dahil sa ginagawa nitong panunukso kaya bigla na lang niyang ibinuka ang kanyang mga pakpak at lumipad papaitaas, “Hmp, ewan ko sa’yo. Basta bukas ah, alas-singko ng hapon. Doon uli sa basurahan nina Mameng tayo magkita. O sige na hanibeybs. Bye na. I love you.”

“I labs yu tu.” matamis na sagot ni Rodolfo.

Sinundan ng tingin ni Rodolfo ang kanyang kasintahan na lumilipad ng papalayo. Sabik na sabik na siyang dumating ang susunod na araw. Gusto na niyang maging opisyal ang kanilang inilihim na pag-ibig.

Kinabukasan, sa labas ng bahay nina Carmina…

Magkadikit ang kanilang mga antenna habang papalapit sila sa bungad ng bahay ng babae. Pilit namang pinapakalma ni Carmina ang sobrang kabadong si Rodolfo.

“Ano hanibeybs, itutuloy pa ba natin?” tanong ni Carmina sa tila nagdedeliryong kasintahan.

“O-oo n-naman ha-hanibe-beybs k-ko.” pilit na ipinapakita na malakas ang kanyang loob ngunit sa kanyang kalooban ay gusto na nitong magkubeta.

Hindi na lang pinansin ng babae ang kanyang boyfriend.

Maya-maya, nakapasok na ang magkasintahan sa loob ng tahanan ng babae. Ipinakilala ni Carmina ang kanyang nobyo sa kanyang mga magulang ngunit hindi inaasahan ang kanilang naging reaksyon.

“Sino ‘yan Carmina? Boypren? Hindi ba’t sinabi na namin sa’yo na bawal ka pang mag-boypren-boypren?” pasigaw na pagtatanong ng galit na tatay ni Carmina.

“P-pero itay, nasa hustong gulang naman na ako kaya pupwede na akong…” sagot ng anak ngunit naputol ng sumagot ang ina.

“Hoy Carmina, kami ang magulang mo at kami ang masusunod! Aba’t tumitigas na ang ulo mo. Sumusuway ka na ba sa amin?”

“Pero inay, mahal ko po si Rodolfo at mahal rin po niya ako.”

“Opo, tama iyon. Nagmamahalan po kaming dalawa at taos-puso po ang aking pag-i…” pagtatanggol ni Rodolfo ngunit hindi na siya pinatapos ng tatay ni Carmina.

“Anong nagmamahalan? Tignan mo nga ang sarili mo. Sa tingin mo ba’y nababagay ka sa aming pamilya? Alam mo, iho, may plano na kami para sa anak namin at hindi ka kasama doon!” tumagos sa puso ni Rodolfo ang mga sinabi ng ama ni Carmina.

“Oo nga,” pagsang-ayon ng nanay ng babae, “ang lalakeng nababagay lamang sa ‘ming anak ay iyong anak ni Don Martinez. Iyong nakatira sa garahe ng isang mayamang pamilya doon sa may ikatlong kanto. Iyon! Iyon ang nababagay sa aming anak kaya huwag ka nang mag-ilusyon diyan na magiging kayo pa ni Carmina!” buong titig niyang ipinagdiinan ang mga salitang kanyang binitiwan sa lalakeng katabi ni Carmina.

Mas lalong bumaon ang mga salitang sintalas ng patalim sa puso ni Rodolfo habang hindi naman nakayanan ni Carmina ang sakit na kanyang nararamdaman kaya siya ay lumabas kasama ang kanyang nobyo. Pinilit silang habulin ng tatay ng babae ngunit mabilis na nakalipad papalayo ang magkasintahan.

Pumasok ang dalawa sa isang bahay na malapit lang sa kanilang lugar. Dumiretso sila sa lababong nababalutan ng mga nagdudumihang tiles at ng mga nakatambay na mga hugasin.

Humahagulgol si Carmina. Inaalo naman ni Rodolfo ang kanyang nobya.

“Hanibeybs, tahan na. Mas lalo akong nasasaktan kapag nakikita kang umiiyak.”

“E kasi hanibeybs, *hikbi* *hikbi* ang mga magulang ko e. Ayaw nila sa relasyon natin. Tapos, *hikbi* *hikbi* balak pa nila akong ipakasal sa anak n-ni Don Martinez samantalang h-hindi ko naman *hikbi* gusto ang lalakeng iyon. Ikaw ang mahal ko, hanibeybs.” tumingin siya sa kanyang kasintahan kahit napupuno ng luha ang kanyang mga mata.

“Hanibeybs, mahal din kita at hindi ko hahayaan na mapunta ka sa iba.” tapos ay niyakap niya ang kanyang umiiyak na kasintahan.

Pagkatapos ng isang mahigpit at mainit na yakap, may sinambit si Rodolfo.

“Hanibeybs, ahm… may plano ako. Pero eto ay kung ayos lang sa’yo.”

“Ano ‘yon hanibeybs? Kahit ano pa ‘yon basta’t kasama kita, papayag ako.” napuno ng pag-asa ang mga mata ng babaeng kanina lang ay puno ng luha.

“Hanibeybs, kung gusto mo, magtanan tayo.”

Napatigil si Carmina at hindi niya malaman ang kanyang isasagot. Tila napuno ng kaligayahan ang kanyang puso dahil sa wakas, magkakasama na ngang talaga silang dalawa. Walang anu-ano pa’y um-oo siya sa plano ng kanyang kabiyak.

“Ok, hanibeybs, bukas, pasado alas-dose ng hatinggabi, sa may basurahan uli nina Aling Mameng, doon tayo magkikita. Dalhin mo ang mga gamit na kailangan mo. Tapos ay magpapakalayo na tayo. Doon tayo sa isang malayong lugar na kung saan walang nakakakilala sa atin. Mamumuhay tayo ng masaya hanggang magkasama tayo. Pangako iyon.” buong panatag niyang sinabi ang mga salita habang walang kurap niyang tinitigan ang mga mata ng kanyang irog.

“Oo. Sasama ako sa’yo at naniniwala ako sa’yo.”

“Pa’no mahal. Bukas na lang. Mas maganda eh umuwi ka na muna ngayon sa inyo at siguradong nag-aalala ang mga magulang mo sa iyo.”

“O-oo. Sige hanibeybs. Basta bukas ah.”

“Oo hanibeybs. Mahal na mahal kita.” sabay halik sa kanyang nobya.

*Halik*

Sumagot naman si Carmina, “Mahal na mahal din kita hanibeybs.” Saka siya lumipad pauwi sa kanila samantalang si Rodolfo naman ay naglakad sa isang bintanang malapit sa lababo. Umuwi na rin siya sa kanilang tahanan.

Nagdaan ang buong araw kinabukasan at pagsapit ng alas-dose ng hatinggabing bilog ang buwan, lumipad na ng palayo si Carmina sa kanilang tahanan. Ngunit bago iyon, tinignan niya muna ang kanyang mga magulang na mahimbing na natutulog at bumulong sa kanyang sarili na sana’y mapatawad siya balang araw.

Samantala, si Rodolfo naman ay umalis na sa kanilang bahay ng walang dalang gamit. Umakyat at pumasok siya sa bintanang dinaanan rin niya nitong nagdaang gabi. Ibinuka niya ang kanyang mga pakpak ngunit sa hindi inaasahan na pagkakataon, bigla siyang nakadama ng pagkahilo. Hindi na niya kayang lumipad dahil tila umiikot ang kanyang paningin. Kaya pilit na binibilisan niya ang kanyang pagtakbo para hindi mahuli ng mga taong nakatira sa bahay na iyon.

Subalit may naririnig siyang bumababa mula sa itaas. Nakita niyang si Aling Mameng pala ang bumababa kaya binilisan pa niya ang kanyang pagtakbo ngunit hindi niya magawa sapagkat siya ay nahihilo.

Nakita siya ni Aling Mameng kaya nagsisigaw ito at tinatawag ang kanyang panganay na anak.

“Waaaaa! Ipis! Ipis! Boyet! Gising! Patayin mo ‘tong ipis!” malakas na sigaw ni Aling Mameng habang siya’y nagtatatalon sa takot.

Narinig ni Boyet ang sigaw ng kanyang nanay kaya siya ay bumangon at tumayo. Bumaba siya sa hagdanan at hinagilap ang kanyang nanay na nagsisisigaw.

Gusot pa ang mukha ni Boyet habang hinahaplus-haplos ang kanyang tiyan, “Bakit ba ‘nay?” *hikab*

“P-patayin mo iyang ipis sa lababo! Waaa! Dali, patayin mo na kaagad!” pagmamadali ni Aling Mameng sa kanyang anak.

Bugnot na bugnot na sumagot ang anak, “‘Nay, paalis naman na ‘yan oh. Hayaan niyo na’t nag-spray naman ako ng Baygon kanina eh. Madededo na rin ‘yan mam’ya.”

“Ano ba?! Susundin mo ba ako o hindi?” tonong pagalit na sumagot ang kanyang ina.

“Hay naku si nanay.”

Wala na siyang nagawa kaya kinuha niya ang kanyang tsinelas at itinutok niya ito sa mabagal na ipis sa kanilang lababo.

Ilang oras na ang nakalilipas ngunit wala pa rin si Rodolfo sa kanilang tagpuan. Matiyagang naghihintay si Carmina na umaasang darating ang kanyang pinakamamahal na si Rodolfo. Habang siya’y naghihintay, napupuno ang kanyang isipan ng mga imaheng nagpapangiti sa kanya ng lubos. Mga imaheng para sa kanya’y magkakatotoo kapag sila’y nagsimula ng magsama.

Epilogue

Sumisilay na sa kalangitan ang bukang-liwayway. Nandoon pa rin sa basurahan naghihintay si Carmina. Nagtatago siya sa mga nakatambay na basura ng mga tao at siya’y saglit na lumalabas para silipin kung nandiyan na ang kanyang kasintahan. Ngunit wala pa rin ang kanyang hinihintay. Wala siyang nakikitang Rodolfo kahit ang anino man nito. Hindi na siya pumasok sa kanyang pinagtataguan at kinanta na lang niya ang kanilang paboritong kanta habang siya’y naghihintay sa kanyang pinakamamahal na nobyo. Unti-unting sumisilip ang haring araw at dahan-dahang ikinakalat nito ang kanyang liwanag sa sanlibutan nang biglang…

*PLAK*

Natapakan ang naghihintay na si Carmina ng isang taong naghahakot ng basura.

 

THE END

Posted by andoyman at 3:47 pm | permalink

Previous Comments

hahaha.. ayos toh ah.. idol n tlga kta s pagttagalog!
kawawa nmn ang lovestory ni rodolfo at carmina..
magaling magaling! pero sna d k matulad s kanilang dalawa.. ciao!

Posted by MRINVINCIBLE at December 11, 2008, 12:15 am

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment