kwan. ano. yon. yeh!

Nagpaka-Existential

Saturday, January 10, 2009

Part I.

Bakit ako nandito sa mundo? Bakit ako isinilang? Sino ako? Sino ka? Bakit ka nandito? Ano ang mga gusto mo? Ano ang mga gusto ko? Kilala ko ba ang sarili ko? Kilala ba kita? Kilala mo ba ako? Kailan tayo nagkakilala? Paano tayo nagkakilala? May koneksyon ba tayo sa isa’t isa? Tadhana ba ang naglapit sa ating dalawa? Magkatulad ba tayo? Kung magkatulad tayo, katulad din ba natin ang iba? At ganoon din ba ang lahat ng tao sa mundo? Kung hindi tayo magkatulad, ano ka? Ano ako?  Bakit tayo nandito sa mundo? May dahilan ba ang pagkasilang natin? Ang “dahilan” ba na iyon ay ang ating “layunin”? Ang  layunin ba na iyon ang direksyon na dapat kong tahakin? Kailangan ba talaga ang “layunin”? Isa bang obligasyon o tungkulin ang aking “layunin”? May mga dapat ba akong gawin para maisagawa ito? O kusa na lang itong darating sa akin? At kapag hindi ba dumating, ibig sabihin ba ay wala akong “layunin”? Na ipinanganak lang ako para sa wala? May mga tao bang ganoon? Isa rin ba ako sa mga tulad niyon? Bakit ako nagtatanong ng mga ganito? May makukuha ba ako kapag nalaman ko ang mga sagot sa mga tanong na ito? O di naman kaya ay may mapatutunayan ba ako? Kung meron, ano? Kung wala, bakit?

Part II.

Totoo ba ako? Totoo ka ba? Totoo ba ang nakikita ko? E ang nakikita mo, totoo ba? Paano kung isa lang itong panaginip at hindi pa tayo nagigising? Paano natin malalaman ang isang bagay na totoo ito? Kapag ba nakikita ng iyong mga mata, naririnig ng iyong mga tenga, nahahawakan ng iyong mga palad, nalalasahan ng iyong dila, o naaamoy ng iyong ilong? E ang mga hindi nakikita, hindi ba totoo? Ano ang totoo, ang nakikita o ang hindi nakikita? Ano ang katunayan na totoo ang mga ito? Kung panaginip lang ang lahat ng ito, paano tayo magigising? Sino ang gigising sa atin? Kailan tayo magigising?

Ano ang realidad? Totoo ba ito? Totoo ba ang pinaniniwalaan natin na realidad ngayon? O may isang mayamang tao lang na pinapatupad ang lahat ng kanyang plano? O hindi naman kaya ang realidad na ito ay isa lamang malaking plano ng isang terorista? O baka isang ex-President lang ang nagdulot ng realidad natin ngayon? Paano kung planado ang realidad natin ngayon? E ano naman ngayon? Mahirap ba tanggapin ang realidad na nararanasan mo ngayon? O ipagkikibit-balikat mo na lang ito? O gagawa ka o tayo o kayo ng paraan para mabago ang realidad ng mundo natin ngayon? Paano kung hindi magkatulad ang realidad na alam mo at alam ko? Paano kung magkatuligsa ang mga pinaniniwalaang realidad natin? Kailangan bang pareho ang mga paniniwala? O ayos lang kahit iba-iba? Paano masasabi na ang realidad na ito na nararanasan natin ngayon ay nakasulat na talaga? O tayo lang ang may gawa nito? May realidad nga ba? O wala?

Part III.

Ano ang katarungan? Sino ang katarungan? Kailan mo masasabi na ikaw ay makatarungan? Kapag naparusahan mo ba ang may sala, makatarungan ka na? O kapag pinatawad mo ang may sala, saka mo lang masasabi na makatarungan ka? Kailangan bang parusahan ang mga gumawa ng sala para sa kabutihan ng iba? May katarungan ba sa mga batas? O hinaharangan lang ng mga batas na ginawa ng tao ang katarungan na nararapat sa isang tao? Bakit kailangang paikutin ng isang makapangyarihang tao ang batas para lamang sa kanyang seguridad at kapakanan? Ang batas ay para sa lahat at hindi para sa isang tao lamang, hindi ba? Ngunit bakit nangyayari pa rin na mabagal, at may pinapanigan ang batas?

Kailan masasabi ng tao na ang katarungan ay tuluyan na nilang nakamit? Kailan masasabi ng mga mapang-api na ang katarungan ay kanilang kakampi? Kailan masasabi ng mga inaapi na ang katarungan ay para sa lahat? Kung inilagay mo ba sa iyong mga kamay ang hustisya, masasabi mo bang makatarungan ka? Kung nagsisi ang may sala, bagaman nakulong nang mahabang panahon, natanggap ba niya ang katarungan? Sapat ba ang pagsisisi at pagpapatawad para makamit ang katarungan? O mas mabuting mamatay ang taong may sala para ang katarungan na hinahanap ng biktima ay makita? Kailan at paano makikita ng kriminal at ng biktima ang katarungan? Depende ba sa kasalanan kung mapapatawad mo ang isang tao o hindi? Depende ba sa nangyari sa biktima kung makakamit pa niya ang hustisya? Makatarungan ka bang tao? O isa ka sa nagpapaikot ng iba para sa iyong hustisya? Sino ang tunay na makatarungan? Ano ang totoong nakasulat sa batas ng hustisya? Kailangan pa ba ng hustisya?

Part IV.

Pera o pangarap? Pangarap mo ba ang magkapera? O pinagkakaperahan mo ang iyong pangarap? Lahat ba ng tao may pangarap? Lahat ba ng tao may pera? May pera ba sa pangarap? May pangarap ba sa pera? Kung ang lahat ng tao ay may pangarap, simple man o imposible, bakit hindi lahat ng tao ay gumagawa ng paraan para matupad ang kanilang mga pangarap? Bakit hindi lahat ng pangarap ay natutupad? Dahil ba sa hindi para sa kanila ang pangarap na iyon? Kung ganoon nga, paano malalaman na ang pangarap na iyon ay para sa iyo? Kailangan ba talaga ang pangarap? O kahit wala ng pangarap basta may pera? Kuntento ka na ba na mabuhay para lamang kumita ng pera sa halip na tuparin ang iyong mga pangarap? Ano ba ang mas mahalaga, pera o pangarap? Mas importante ba ang pera para mabuhay ka? Alin ka mas may mapupuntahan, sa pera o sa pangarap? Ano ang mas mahal mo, pera o pangarap?

Alin mas masaya,kapag marami kang pera kahit hindi mo naabot ang pangarap mo o naabot mo ang pangarap mo pero kaunti lang ang pera mo?

Saan mas uunlad ang isang tao, sa kanyang pangarap o sa kanyang pera?

Part V.

Ano ang mas gusto mo/mahalaga sa’yo:

-simple o mala-teleseryeng buhay?

-maging isang sikat na tao o manatiling isang pangkaraniwang mamamayan?

-ang buhay mo noon o ang buhay mo ngayon?

-mabuhay sa ibang bansa o manatili rito sa iyong sinilangan?

-ang maging masaya kahit wala kang natututunan o ang masaktan’t makadama ng kalungkutan bagaman mayroon kang napulot na aral?

-isa kang masamang tao na paminsan-minsan na nakagagawa ng mabuti o isa kang mabuting tao na paminsan-minsan na nakagagawa ng masama?*

-mabuhay para sa pamilya o mabuhay para sa iyong pangarap?

-ang iyong prinsipyo o sampung milyon?

-panatilihin ang buhay mo sa kasalukuyan o baguhin ito?

-baguhin ang buhay mo ayon sa gusto ng iba o ayon sa gusto mo?

-isipin na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay dulot ng tadhana o tanggapin na dulot ito ng iyong mga ginawa?

-sundin ang sinasabi ng iyong isipan o ang idinidikta ng iyong puso?

-ang iyong magulang o ang pinakamatalik mong kaibigan o ang pinakamamahal mong kasintahan?

-tanggapin ang pinaniniwalaan ng iba o ipaglaban ang iyong paniniwala?

-paghusayan ang iyong sarili sa wikang banyaga o sa wika ng iyong tinubuan?

-buhayin ang kahapon o mabuhay para sa kasalukuyan o maghanda para sa hinaharap?

-may pinaniniwalaang Diyos o wala?

-mabuhay na puno ng kaduwagan o mamatay na tumatayo sa iyong paninidigan?

Part VI.

Nasasaktan ka ba dahil umiibig ka? O umiibig ka para mawala ang sakit? Ang wika ba ang tumutukoy sa realidad o ang realidad ang tumutukoy sa wika?** Ang mamamayan ba ang may gawa sa sitwasyon ng kanyang bayan o ang mga opisyal na namumuno rito? Sino ang humuhubog sa isang bansa, ang lider o ang mamamayan? Maniwala sa hindi nakikita o sa pisikal mong nakikita? Ano ba ang ipinagkaiba ng espiritu sa kaluluwa at kaluluwa sa espiritu? Alin ang mas maganda, ang Utopia ni Karl Marx o ang The Republic ni Plato? Lahat ba ng bagay sa mundo ay may silbi o mayroon ding wala talagang silbi? Alin ang hindi patas, ang mundo o ang tao o ang buhay?

Con Ass o Con Con? Gloria o Marcos? Coca-cola o Pepsi? Yakult o Chamyto? Ang kasalukuyan mong iskul o ibang iskul? Eraserheads o The Beatles? Belo o Calayan? Cellphone o Laptop? Mag-shorts o magpantalon? Mag-mini-skirt o mag-mini-shorts? Babaeng Pangulo o Lalakeng Pangulo? Sino ang mas matalino, babae o lalake? Sino ang mas mahusay na nilalang, ang babae o ang lalake? Ano ang personalidad mo, Type A o Type B? Pilipinas o ibang bansa?

Kung bawal ang magmaneho ng lasing, bakit may mga parking lot sa mga bar? Kung ang 7-11 ay bukas ng 24/7 sa loob ng isang taon, para saan pa ang “lock” nila? Kung bilog ang hugis ng “ring”, bakit parisukat(square) ang boxing ring? Babae o lalake ba si Jollibee? Bakit pa kailangan balutin ang regalo kung bubuksan’t tatanggalin lang din ito? Bakit kailangan pang tanungin ng manghuhula ang pangalan mo? Bakit may limit ang unlimited text? Kung baliktad ang ating mga tuhod, ano kaya itsura ng mga upuan? Kung may value ang speed of light, ano naman ang value ng speed of dark? Bakit “pula” ang tawag sa parteng dilaw ng itlog? Bakit madalas tanga ang bida? Kung mayroong salitang “kahapon” at “kagabi”, bakit walang salitang “kaumaga”? Sino ang mas manyak, ang straight na lalake o ang straight na babae o ang bakla o ang tibo?

Part VII.

Alin ka sa dalawa, mabuti o masama? Nakagawa ka na ba ng mabuti? Nakagawa ka na rin ba ng masama? Ano ka ngayon, mabuting tao o masamang tao? Kung masama ka, kailan ka magpapakabuti? Kung mabuti ka, kahit nakagawa ka ba ng masama minsan, mabuti ka pa rin? Kung masama ka naman at nakagawa ka ng mabuti, masamang tao ka pa rin ba? Kaya bang takluban ng mga masamang gawain ang mga mabubuting nagawa ng isang tao? Alin ba ang mas tinitignan, ang mga mabuting nagawa o ang mga masamang nagawa?

Sa tingin mo, saan ka mapupunta, sa langit o sa impiyerno?

Part VIII.

Ano ang mayroon sa wala? Ano ang wala sa mayroon? Kailan nagkakaroon ng wala? Kailan nawawala ang meron? May wala ba sa mayroon? May mayroon ba sa wala? Sa meron o sa wala?

*mula kay Ronibats
**mula sa intoxxicated.net

 

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Pagkatapos ng halos tatlong buwan na pagbuo sa artik na ito, natapos ko na rin sa wakas…Hmm, hindi ko alam kung may part 2 pa ito.

Posted by andoyman at 12:35 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment