kwan. ano. yon. yeh!

Sino si andoyman?

Wednesday, April 29, 2009

Sino si andoyman?

Unang-una, sabi niya, tao raw siya. Pangalawa, Pilipino siya.

Nalaman niyang mahilig pala siyang mag-isip, magbasa, magsulat, at lalong-lalo na ang gumuhit. Pero computer course ang kinuha niya. Sobrang layo sa pangarap niya. Pero ayos lang naman sa kanya dahil hindi naman magiging hadlang ang pagkuha ng ibang kurso sa mga pangarap na gusto niyang tuparin. At isa pang dahilan kaya ayos lang sa kanya, paliwanag niya, parehong panig ng utak ang kanyang nagagamit. At iyon ang gusto niya dahil mahilig siyang mag-isip ng mga problema. Ika niya, hindi naman siya problemado. Mahilig lang siguro siyang magbigay ng problema sa sarili niya. Sa madaling salita, siraulo siya.

May kwenta siyang kausap, sabi niya. Madalas, kalokohan ang maririnig mo sa kanya kaya madalas din, tatahimik na lang ‘yan dahil pang-out-of-this-world ang mga kalokohang naiisip niyan at hindi makakasakay ang magiging kausap niyan. Mahiyain rin ‘yan. Sobrang mahiyain pero sa una lang ‘yon pala dahil kapag nakilala mo na siya, sasabihin mo sa ‘yong sarili na singkapal ng tabla ang mukha niya. Mahilig rin siyang manghingi ng pagkain. Tanungin mo sa mga kaklase niyan, hayskul man o college. Pramis, sasabihin nila, pulubi ang tao na ‘yan. Kung mahilig siyang manghingi, mas lalo na sa “libre”. Kitams, diyan pa lang, makapal na talaga ang mukha. Pero iharap mo siya sa crush niya, matatanggal ang dila, mawawala ang bibig at maglalaho ang boses niya. Torpe kasi.

Idol niya sina Robin Padilla at Jackie Chan kaya nagbabalak siyang matuto ng martial arts. Kaya kapag mag-isa ‘yan, kapag biglang bumaligtad ang utak niyan, para siyang tangang nag-i-imagine na nangangarate siya sa kanilang sala. Isa sa mga pinakagusto niyang gawin ang tumakbo sa gitna ng kalsada. Pero hindi kapag may mga sasakyan, ha. Kung walang mga sasakyan, maglalakad ‘yan sa gitna at minsan pa, tatakbo ‘yan. Paliwanag niya, mas malaya ang sarili niya kapag tumatakbo siya sa gitna ng kalsada. Sumasaya siya kapag nagagawa ‘yon. Bangag ‘ata siya, ‘no?

Eto pa, paborito rin niya ang ulan. Mas gusto niya ang umuulan dahil mas masarap daw ang matulog, hindi madaling uminit ang kanilang computer, malamig ang panahon, at ang pagdedeklara na walang pasok tuwing may bagyo. Madalas kasi, natataon na may exam siya kapag nadedeklarang walang pasok kaya gustung-gusto niya ang ulan.  Pero may malalim pang dahilan kaya gustung-gusto niya ang ulan. Sabi niya, hindi raw kasi mainit kapag umuulan. Tungaks talaga.

Hindi siya tomadero pero pang-tomadero ang tiyan niya. Ilang beses na niyang ipinangako sa sarili na mag-si-sit-up siya tuwing umaga pero singdami rin ng mga pangakong iyon ang napako’t pinaagos na lang sa tubig. Ayaw rin niya ang yosi dahil ayaw niya ng yosi. Inis na inis rin siya sa mga taong nagyoyosi na walang pakundangang nagyoyosi sa loob ng bus gayong alam naman nilang may iba pa silang kasama at ang iba pa ay bata. Basta, inis na inis siya sa yosi at sa mga yoserong bastos. Mas lalo na sa mga nagsisiga-sigaan. Para sa kanya, bakit kailangang magsiga-sigaan pa at ipakita sa iba na siga sila gayong madalas namang walang nagagawa ang mga pasiga-siga epek nila kundi gulo sa ibang tao?

Hindi siya teacher’s pet. Hindi rin siya kilala sa buong campus. At mas lalong hindi siya cool. Tingin niya, isa siya sa mga estudyanteng madaling malilimutan ng kanyang mga prof. Takot rin ‘yan na magsalita sa maraming tao pero subukan mong maglagay ng camera ng anumang TV network sa harapan niya habang nagsasalita, instant makapal na agad ang mukha niyan. Pero baka hindi rin. Dati, kiti-kiti-texter ‘yan pero ngayon hindi na. Madali na siyang mapagod sa pagpindot sa keypad ng cellphone niya. Nawawalan na nga ng silbi ang cellphone niya dahil madalas, hindi siya naglo-load. Pesimista rin ‘yan dati kaya madalas nakabusangot ang mukha. Pero ngayon, optimista na. Iyon nga lang, madalas pa ring nakabusangot ang mukha niya.

Hindi siya masamang tao at hindi rin siya mabuting tao. Pero oo, masama siya at mabuti rin siya.  Prangko minsan at madalas, pilosopong gago.  Isa siguro sa pinakaayaw kong ugali niya e ‘yong pagiging mababa ang kumpiyansa sa sarili niya. Mahina ang loob niya e. Pero kahit papaano, nagkakalakas din siya ng loob para gawin ang mga bagay na gusto niya talagang gawin. Sa panliligaw lang talaga, sobrang torpe ‘yan. Hindi siya kuripot. Iyon ang sabi niya kahit may lahi siyang Intsik at Ilokano, hindi raw talaga siya kuripot. Nanlilibre rin naman daw siya, sa panaginip nga lang. At kung kailangan mo ng tulong o ng kahit payo o ng makakausap o ng katsikahan lang tungkol sa kung anu-anong kachorvahan, pwedeng-pwede siya. Kuya mo siya, kapatid mo siya, kaibigan mo siya, kakosa mo siya. I-text mo lang ang <YOUR NAME><space><ADDRESS/AGE/BIRTHDAY/SIGNATURE/EDUCATIONAL ATTAINMENT/BLOOD TYPE/RECEIPT #/STUDENT ID #/HEIGHT/WEIGHT/BODY MASS INDEX/FINGERPRINT/ANNUAL INCOME TAX RETURN><space><10 PAGES ABOUT YOUR PROBLEM> at ipadala sa kanya sa Kalayaan Island sa pamamagitan ng mental telepathy.

Sa ngayon, madalas siyang mag-metamorphosis para makibagay sa paligid niya at sa kasalukuyang nangyayari sa kanya. Kumbaga sa isang ilog, lagi siyang umaagos, makitid man o maluwag ang daan, mabato man o hindi, mababaw man o malalim, aagos at aagos pa rin siya hanggang makarating sa dagat.

Sa lahat-lahat, ito lang talaga siya:

Si andoyman ay.

Posted by andoyman at 5:20 pm | permalink | View this entry

Paano kung malaman mong…

Ligtas pa rin kainin ang mga baboy dito sa Pilipinas dahil hindi naman nalilipat ang sakit sa pamamagitan ng pagkain ng baboy. Mamamatay ang swine influenza virus sa baboy kapag iniluto mo ito sa init na 160°F/70°C.

Posted by andoyman at 5:14 pm | permalink | Add comment

Langgam lang ang katapat mo.

Nakuha ko ‘to sa blog ni Sir Paulo Coelho.

Posted by andoyman at 5:08 pm | permalink | Add comment

Tanong lang

Kailangan ba talagang maging mayaman ng isang tao para sumaya at makuntento sa buhay?

Posted by andoyman at 5:05 pm | permalink | Add comment

Kowts

“And when you want something, all the universe conspires in helping you to achieve it.”

-Paulo Coelho, The Alchemist

Posted by andoyman at 5:04 pm | permalink | View this entry