kwan. ano. yon. yeh!

Ang Pagsisimula sa Pagtatapos: Isang alay para sa Batch 2009

Thursday, May 21, 2009

Ano? Reunion na tayo?

Pa’no ba ‘yan? Hindi na tayo pwedeng tawaging estudyante dahil mga unemployed na tayo (karamihan sa ‘tin). Hindi na natin pwedeng gamitin ang excuse na “estudyante po” tuwing magbabayad tayo ng pamasahe. Hindi na pagka-cram sa pangongopya ng assignments ang haharapin natin kundi pagka-cram sa paghahabol sa mabilis na takbo ng buhay. Hindi na rin natin kailangan kumpirmahin pa sa iba kung may exam ba bukas o wala o kung may assignment ba o may recitation o kung bukas na ang pasahan ng mga project. At mas lalong hindi na natin mararanasan pa ang “suspension of classes”. At paniguradong mami-miss natin ang pagsasabi ng “Yehey! Walang pasok!”.

Hay…

Masakit tanggapin ang katotohanan na matatanda na tayo. Oo, matatanda na tayo! Hindi na tayo mga batang uhugin. Hindi na tayo tumatakbo ng walang salawal. Hindi na tayo naghahanap ng tsupon. Hindi na tayo ang noon. Ngayon, malalaki na tayo kahit ang ilan sa atin e mukhang hindi na talaga lumaki. Ambilis ng panahon pero noong nag-aaral pa tayo, parang ambagal. Graduate na tayo. Umaasa ang ating mga magulang. Umaasa ang ating mga pangarap. Umaasa sa atin ang bukas.

Hanggang ngayon, hindi ko akalain na nalagpasan nating lahat ang anumang uri ng gaguhang nangyayari sa kolehiyo.  Akala ko pa nga noong first year ako, hindi ko na matutuloy ang pag-aaral ko dahil natatakot ako sa hirap ng buhay-kolehiyo na unti-unting dumidikit sa mukha ko. Pero heto ako ngayon, graduate na at wala pa ring trabaho. Yehey! Natutuwa ako sa aking sarili dahil nalagpasan ko ang kolehiyo. Tapos na tayo sa pag-aaral…sa loob ng iskul. Andami pa nating dapat matutunan at iyon lang ang tangi nating alam. Mabubuhay tayo sa iba’t ibang paraan, sa iba’t ibang dahilan. May tutulong sa mga magulang, may tutuparin ang mga pangarap, may susubukang abutin ang magandang kinabukasan, may magtatrabaho para yumaman, at may mag-a-artista (hulaan mo kung sino ‘yon).

Apat na taon sa kolehiyo. Apat na taon tayong magkakakilala. Apat na taon tayong tinuruan at dinaldalan ng ating mga prof. Apat na taon nating nilaga ang ating mga utak at sarili sa mainit na sabaw ng karunungan. Ngayon, titikman na natin ang nilagang tayo mismo ang naghanda. Tayo rin ang maghuhusga kung tama lang ba ang lasa o naging matabang ang sabaw. Apat na taon…

Sa apat na taon, ilan sa atin ang nakabasag ng beaker sa chem lab? Ilan sa atin ang nainis sa ilang prof? Ilan sa atin ang umiyak dahil sa mabigat na responsibilidad ng scholarship? Ilan sa atin ang nawalan na ng pag-asa dahil walang makopyahang sagot sa exam? Ilan sa atin ang naging masipag kumopya sa mga assignment? Ilan sa atin ang nagpuyat matapos lang ang projects at paglalaro ng DOTA (at pagda-download ng porns)? Ilan sa atin ang laging may gimik? Ilan sa atin ang napaso ng soldering iron? Ilan sa atin ang nakainom ng problema, kaginhawaan, lungkot, at saya?

Ang sagot: tayong lahat.

Madalas mag-replay sa utak ko ang mga ala-alang binuo ko kasama kayo. Nakaka-iyak dahil hindi ko man lang nabidyohan ang mga iyon. Naimbak ko lang kasi sa memorya ko ang mga ala-ala at umaasang sa darating na mga taon, nandito pa rin ang mga iyon in High-definition. Wala akong hindi mami-miss. Napakasarap ng buhay-estudyante dahil wala kang gaanong problema kahit araw-araw e problemado ka.  Mami-miss ko ang pakikipagtalo ko sa konduktor tuwing magbabayad ako ng pamasahe dahil sa “student discount”. Mami-miss ko ang mga kainan sa gilid ng iskul. Mami-miss ko ang mga itinitindang burger. Mami-miss ko ang mga magagandang kolehiyalang nakikita ko sa loob ng campus.  Mami-miss ko ang mga assignments, projects, exams at thesis. Mami-miss ko ang mababagal na elevators. Mami-miss ko ang paglalakad mula sa ground floor hanggang 4th-6th floor. Mami-miss ko ang mga tubig sa mga drinking fountain na kung minsan ay parang may lasa. Mami-miss ko ang laboratory sa 4th floor. Mami-miss ko ang COMLAB. Mami-miss ko ang mga aircon na karamihan ay nagloloko. Mami-miss ko ang enrolment system ng kolehiyo. Mami-miss ko ang mga taong madalas kong nakikita sa iskul. Sadyang mami-miss ko kayong lahat, lalo na ang mga nanlilibre. Mami-miss ko ang college.

Nalulungkot ako kahit hindi ninyo halata. Nalulungkot ako kahit hindi ninyo alam. Nalulungkot ako dahil isa ito sa pinakaayaw ko: ang pagtatapos sanhi para maghiwa-hiwalay tayo. Pero ayos lang, may komunikasyon pa rin naman tayong lahat e. Nandiyan ang friendster, facebook, multiply, YM, etc. Tapos may cellphone pa! Putik! Wala ng pasenti-senti!

Mahaba na ang nilakbay natin pero maikli pa ‘yon sa tatahakin natin. Marami na tayong pinagdaanan pero kaunti pa lang ‘yon sa pagdadaanan pa natin. Mahirap at masarap. Mahal pero sulit. Andaming sakripisyo, andaming puyatan. Kahit may mga pasaway na prof, mas marami pa rin ang mga pasaway na estudyante. Marami tayong babaunin, marami rin tayong itatapon.

Apat na taon (ang iba pa nga sa atin, higit pa sa apat na taon). Ambilis pero ang ikli. Apat na taon. Sino ka na ngayon? Marami bang nagbago sa iyo? Sa akin, oo. Napakarami. Mula sa pagiging hamak na taga-Valenzuela na walang alam sa programming, computer hardware, logic, at networking. Ngayon, nagkaroon na ako ng kaalaman sa mga bagay-bagay kaugnay sa kurso ko. Ipinagmamalaki kong umunlad ang sarili ko ngayon, kahit konti. Hindi lang sa academics, kundi sa buong pagkatao ko. Sa apat na taon, hindi lang ang mga prof, ang mga lectures, ang kolehiyo, o ang thesis ang humubog sa akin kundi pati ang aking mga kamalian, mga kaibigan at mga kaklaseng nakasama ko sa loob ng mga panahong iyon ang siyang humulma sa akin para maging sa kung sino ako ngayon.

Buhay-kolehiyo. Isipin mo ang isang manggang hilaw. Masarap pero maasim. Tapos, dadagdagan mo pa ng bagoong, mas lalong sumasarap kahit nadagdagan ang asim ng alat. Naging ganoon ang ating buhay kolehiyo. Sa asim at alat natin nalasahan ang masarap na buhay-estudyante sa buhay-kolehiyo.

Kaso, hindi pala lahat ng damit sa sampayan, dapat nang kunin. May ibang basa pa kaya kailangan pang nakasampay at patuyuin. Hindi lahat ng nakasama natin noon, makakasama natin sa pagtatapos. Malungkot mang isipin, ganoon talaga. At hindi lahat ng nakasama natin ngayon, makakasama natin sa hinaharap. Malungkot mang isipin, magkakanya-kanyang buhay tayong lahat.

Dahil sa hindi nga nakasama ang ilan sa atin sa pagmartsa, bigla kong naisip na hindi pala sukatan ng kakayahan ng tao ang pagtatapos. Hindi pwedeng gawing ruler sa tagumpay ng isang estudyante kung gagradweyt man siya sa tamang panahon o hindi. Ni kung gaano siya kagaling o hindi. Ni kung suma o magna o cum laude ka. Kahit kung gumradweyt ka man ng kolehiyo o hindi, hindi pa rin pwedeng sukatin ang tao sa ganoon lang sapagkat hindi lahat ng tungkol sa kanya ay nakasulat sa diplomang tatanggapin niya sa graduation. Higit pa sa nakasulat sa Transcipt of Records niya, iskor sa exams, at sa tingin ng mga prof at kanyang mga kaklase sa kung sino at mayroon siya.

Panahon na natin ‘to. Tayo na ang bahala sa mga buhay natin. Hindi na tayo dapat manisi pa ng ibang tao sa bawat desisyong gagawin natin ngayon dahil tayo na mismo ang nagmamaniobra ng buhay natin. Tayo mismo ang magsusulat ng ating kasaysayan na dadalhin natin sa ating pagtanda. Tayo mismo ang sisira at bubuo sa ating mga sarili. Tayo mismo.

Hindi lang if-else statement, for statement, movlw d’20’, sleep, end, main(void), bootstrap, memory management, mov ax, bx, delay subroutine, pulse 650, 750, FCFS, converting hex to binary, network topology, stacked overflow, AND/OR/XOR gate, keypad program, lcd program, phase modulation, amplitude modulation, optic fiber, coaxial cable, wire stripping, MAN, WAN, LAN, server, router, bridge, MOSFET, rectifier, Thevenin’s Theorem, resistor, capacitor, circuit analysis, power supply, entropy, enthalpy, delta Q, at pagpapailaw ng LED ang nalaman natin. Hindi lang sa paghihinang, pagpo-program, pagkakabit ng RJ45, pagle-layout ng PCB design, pagpapaikot ng servo motor, paggawa ng power supply, at paggamit ng logical tester ang nagawa natin. Hindi lang sa mga itinuro ng ating mga prof, mga nakasulat sa hand-outs, at aktwal na application tayo natuto. Tayo ang nagturo sa ating sarili. Tinuruan tayo ng ating mga pagkakamali. Tinuruan tayo ng mga nangyari sa atin. Tinuruan tayo ng lahat ng nasa paligid natin higit pa sa dapat nating malaman. At nalaman natin na marami pa tayong dapat malaman sapagkat hindi magtatapos sa eskwelahan ang pag-aaral. Sa ating pagtatapos, mag-e-enroll tayo para sa panibagong semester, hindi sa loob ng kolehiyo, kundi sa loob ng pagtupad ng ating mga pangarap, sa labas ng napakalawak ng mundo.

Sa pagkikita nating muli sa hinaharap, gusto kong magbabatian pa rin tayo kung sakaling magkasalubong tayo sa daan o sa opisina. Walang isnaban. Walang irapan. Walang magmamaganda. Walang magiging mayabang. Dapat, tulad ng sa isang magkaibigang matagal na hindi nagkita ang magiging scenario. At sa panahong iyon, gusto kong maaalala ko pa rin ang mga pangalan ninyo. Kasi para sa akin, sa pag-a-ala-ala ng  inyong mga pangalan mapapakita ko ang kahalagahan ninyong lahat sa buhay ko dahil naging isang malaking bahagi kayo ng istoryang sinusulat ko sa papel ng buhay ko.

Walang limutan, ha? Kita-kits na lang. Congrats sa ating lahat.

Posted by andoyman at 9:13 am | permalink | comments[5]

Pagpapasalamat

Una sa lahat, gusto kong pasalamatan si Lord dahil sa walang sawa Niyang pagpatnubay at paggabay sa ating lahat hanggang sa makapagtapos tayo at sa walang hanggan Niyang pagmamahal sa ating lahat.

Gusto ko ring pasalamatan ang ating mga magulang at ating mga kapatid. Wala ring katumbas ang pagmamahal at suportang ibinuhos nila para sa atin. Palagi nila tayong tinutulungang tumayo sa bawat pagkakadapa natin sa putik.

Sa mga prof natin, gusto ko rin silang pasalamatan. Lahat ng prof natin mula noong first year at hanggang sa nagtapos tayo, maraming maraming salamat po. Hinding-hindi ko kalilimutan ang mga pangalan ninyo at lalo na ang mga itinuro ninyo. Pramis!

Sa inyo, mga kaklase, kaibigan at kakilala ko, maraming maraming salamat din. Kung hindi sa inyo, hindi ako lumaki. Dahil sa inyo, mas lalo akong naging gago. Maraming salamat! Patawad din sa mga taong nasaktan ko ng hindi sinasadya. Humihingi ako ng tawad sa lahat ng pagkakamaling nagawa ko sa inyo. At maraming salamat din dahil ipinamukha niyo sa akin ang aking mga kamalian. Dahil doon, natuto ako. Maraming maraming salamat talaga sa inyong lahat!

Yey! Graduate na tayo. Ang susunod: trabaho.

Gudlak na lang sa ating lahat sa kung ano man ang tatahakin nating landas. Basta, kita-kits na lang at walang limutan, ha? Ge, ingat kayo palagi.

Posted by andoyman at 9:12 am | permalink | Add comment

Batch 2009

 

Next time na lang ang ibang pics. Hehe.

Posted by andoyman at 9:10 am | permalink | Add comment

Kami.

Sariling class picture namin.



Thesis groupmates ko.

Emote kuno.

Marami pa akong gustong ibahaging larawan namin lalo na ang iba ko pang kaklase na hindi kasama sa mga larawang pinost ko. Siguro, sa susunod na lang at baka magalit na sila dahil ini-exploit ko sila sa blog ko. Hwahahaha.

Posted by andoyman at 9:07 am | permalink | Add comment

Kowts

“Tanging diploma ay ang alaala ng kung ano mang tulong o pagmamahal ang iniwan natin sa mundong pinangarap nating baguhin minsan.”

-Bob Ong, ABNKKBSNPLAko?!

Posted by andoyman at 9:06 am | permalink | Add comment