Ang Buhay Tambay
Thursday, June 25, 2009Tao1: Hoy!
Tao2: Ano?
Tao1: Wala.
Tao2: Hah?
Tao1: Ano?
Tao2: Wala.
Tao1: Hah?!
Tao2: HAH?!!
Tao1 at Tao2: (Nagsuntukan na)
Iyan ang ginawa kong text na tinext ko sa mga kaibigan’t dating kaklase. Kwento ‘yan ng dalawang tambay na walang magawa hanggang mauwi sa suntukan ang pagtatambay nila. Inspirasyon ko r’yan ‘yong isang eksena sa Kikomachine Komix. Asteg.
Kung anu-ano ang naiisip ko habang nagkukulong ako sa kwarto’t kaharap ang monitor. Isa na ‘yang text message na ‘yan sa mga kalokohang walang awat na nagma-marathon sa kukote ko. Pero parang ang hirap isipin na may perang pang-net ako sa computer shop at pang-load sa cellphone gayong full time tambay ako.
Limandaang piso (P500) ang natanggap ko sa huling nagpagawa sa akin. Plus P100 bilang bonus sa gawa ko, naka-P600 ako. Yey! Kaya lang ngayon, mahigit isandaan na lang ang nasa pitaka ko. Hindi inabot ng isang linggo ang six hundred pesos na ibinayad sa akin. Ang gastos ko.
May nagpapagawa ulit sa akin ngayon. Tapos, may nagpapaayos pa ng PC sa akin na pupuntahan ko sa Biyernes. Bigla kong naisip, parang nabubuhay ako sa mga pagawa at paayos. Asteg pero hindi gano’n ka-asteg. Hindi maganda ang sitwasyon ko. At alam na alam ko ‘yon.
Napakahirap ang maging full time tambay sa loob ng kwarto habang ang buong mundo ay patuloy sa pag-ikot at ang mga tao’y patuloy sa pagwasak nito este pagtatrabaho.
Tao1: Ano gawa mo?
Tao2: Wala. Ikaw?
Tao1: Wala rin. Bakit?
Tao2: Anong bakit?
Tao1: Bakit. As in, bakit.
Tao2: Bakit sa ano?
Tao1: HAH?!
Tao2: Ewan.
Tao1: Ewan din sa ‘yo!
Tao2: Loko ka ah!
Tao1: Mas lalo ka!
Tao1 at Tao2: (Nagtadyakan)
Sariling ideya ko naman ‘yan. Wala talaga akong magawa. Pero, wala nga ba?
Marami pa rin akong ginagawa bukod sa pagwawalis sa mga alagang dumi’t alikabok sa bahay, paghuhugas ng mga pinggan, paglalaba, at panonood ng Spongebob. Nagbabasa ako ng iba’t ibang artikulo, blog, at PDF files tungkol sa kahit anong klaseng topic. Gusto ko kasing kumakain din ang kukote ko lalo na’t hindi na ako dinadaldalan ng mga prof. At para mabasa ko ang mga iyon sa bahay, kina-copy ko ang mga artik sa Notepad o dina-download ko ang PDF file. (Siyanga pala, madalas ako lang ang naiiwan sa bahay. At dahil wala akong alam sa pagluluto bukod pagprito’t paglaga ng itlog, paggisa ng mami, at pagluluto ng instant pancit canton, wala na akong ibang alam lutuing ulam. Tinuruan na ako dati ni Mama sa pagluluto ng corned beef kaso nalimutan ko na.)
Sinasanay ko rin ang kaluluwa ko sa pangarap ko para maging bihasa na ako rito. Andami na ngang tumatakbo sa utak ko kapag natutuon ang buong sarili ko rito. Asteg. Na-e-excite ulit ako.
Stud: Ser!
Prof: O, bakit?
Stud: Pwede po magtanong?
Prof: Pwede.
Stud: Salamat po.
Buong klase: HAHAHAHAHAHA!
Isa na naman ‘yang ka-ewan-ang text message ko. At oo, oo talaga, as in. Matagal ko nang alam na napaka-korny ko.
Buhay-tambay. May back-up plan ako kung sakaling wala pa rin akong trabaho. Una, mag-a-apply ako sa pinag-OJT-han ko. Pangalawa, sasali ako sa PBB o sa Talentadong Pinoy (HAHA). At pangatlo, nito-nito ko lang naisip, papasok ako sa OGAGS. Haha. Alam mo ba ‘yon? Ogags,’yong nasa TV5. Mga kalalakihang gagawa ng kung anu-anong klaseng kalokohan. *Don’t try this at home. Do it here!*
‘Lang ya. Nagtapos pa ako ng kolehiyo tapos doon lang pala ang babagsakan ko. *Katok sa kahoy*
Ayoko nga!
Mag-a-artista na lang ako.
Wala kang pakialam dito.
Lahat ng Pilipino, apektado sa masamang dulot ng tabako at sigarilyo. Paano? One-third ng populasyon ng mga Noypi ay naninigarilyo. At ang two-thirds naman ay “Second Hand Smokers”.
Binigyan Ko Ng Deadline Ang Buhay Ko Part 4
Dati ko pa siya nakikita rito sa kolehiyo. Sobrang dalang lang. Maganda siya. Cute. Pero wala siyang dating sa akin. Ilang sem ang lumipas, nakita ko ulit siya. Wala akong ideya kung ano ang maaaring itawag ko rito sa bigla kong naramdaman pero parang…nagkaroon ng kakaiba sa sandaling muli ko siyang nakita. Wala talaga akong ideya.
Kinakabahan ako. Hindi tulad ng kaba kapag alam mong nagalit mo ang ‘yong prof, o kapag nakagawa ka ng mali’t sigurado kang mapapagalitan ka ng magulang mo, o kapag maingat at patago kang nangongopya sa kaklase mo, o kapag biglang ginulat ka ng kaibigan mo o sa biglaang pagsulpot ni Sadako sa pinapanood mong horror movie. Kakaibang kaba ang aking nararamdaman tuwing nakikita ko siya.
Gabi. Tulog na ang mga magulang namin. Nagbabasa ng libro ang aking kapatid na babae nang ikinuwento ko sa kanya ang tungkol sa wirdong naramdaman ko sa isang babae. Wala ang bunso namin sapagkat siya’y naglalabas ng delubyo sa Isolated Rest Room o C.R. Tinanong ko ang kapatid kong babae tungkol dito. Nakangiti siya na parang nang-aasar nang sabihin niyang,
“Uyy…Inlab si kuya.”
“Hah?! Pa’no nangyaring in-love ako e hindi ko naman siya kilala. Ni ang pangalan niya, hindi ko alam.”
“Basta kuya, in-love ka. Hindi ako pwedeng magkamali.” sabi niya kasama ang isang ngiting hindi ko mawari ang ibig sabihin, saka naman biglang pumasok ng kwarto ang bunso namin. Agad na ikinuwento ng kapatid kong babae sa aming bunso ang mga ikinuwento ko sa kanya. Kaya ayun, parehas nila akong tinukso. Napuno ang gabi ng panunukso nila sa akin. Natulog na lang ako, pero parang napapangiti ang aking labi ngunit ‘di ko alam ang dahilan.
Nilapitan ko siya minsan nang matiyempuhan kong nag-iisa siya. Nagpakilala ako sa kanya at ganoon din naman siya. Mula noon, naging madalas ang aming pagkikita. Madalas kaming nag-uusap tungkol sa iba’t ibang bagay. Nagkukwentuhan kami sa mga bagay na parehas naming gusto. Sa maikling salita, naging maganda ang naging ugnayan namin sanhi para maging “close” kami sa isa’t isa.
Naaalala ko pa ang lahat. Ika-18th birthday niya at ako ang naging escort niya. Nang kaming dalawa na ang sumasayaw, walang anu-ano’y lumuhod ako sa kanyang harapan at tinanong ko siya sa harap ng kanyang mga bisita, ng aming mga kaklase, ng kanyang mga kaibigan na aking naging kakontsaba, at ng kanyang mga magulang, kung maaari ba kaming maging magkasintahan. Lubos siyang nagulat. Hindi niya inaasahan ang pangyayaring iyon. Ngunit, isang napakagandang ngiti ang ibinigay niya at sa harap ng madlang tao, ako ay kanyang sinagot.
Naging kami mula noon. Tuwing kaarawan niya, sabay naming ipinagdiriwang ang aming anniversary.
Pero katulad nang kung gaano naging karomantiko ang sandali na kami’y naging magkasintahan, ganoon din katindi ang sakit ng aming pagbi-break. Parehas kaming umiiyak ng mga sandaling iyon. Parehas na nakakadama ng sobrang kalungkutan. Siya ang kumalas. Ang kanyang naging dahilan…nawalan ako ng oras sa kanya.
Ironic.
Ako, na laging naglalaan ng oras para sa lahat ng bagay…Ako, na laging sumusunod sa aking iskedyul…Ako, ang taong istrikto sa oras ang siyang naging dahilan ng aming pagbi-break.
Masakit pero totoo. Nawalan ako ng oras para sa kanya. Hindi ko sisisihin ang marami kong ginagawa sa iskul, sa organization, at sa aming publication. Ako talaga ang may kasalanan. Nakakainis. Sinayang ko ang lahat.
Pero wala na akong magagawa. Hindi ko na pwedeng baguhin ang anumang nangyari. Kailangan ko pa ring ipagpatuloy ang aking buhay gaano man kahirap ang umusad. Malapit na akong magtapos ng kolehiyo.
Kaalinsabay ng kanyang pag-alis at pagkawala sa aking mga paningin, bumagsak ang malamig na ulan.
Itutuloy…
If you are happy…
“If you are happy, don’t even bother to analyze why. Just feel it while it lasts.”
Hap-pey Father’s Day!!!
Sunday, June 21, 2009Sa kanya ko namana ang pagiging palatawa, palabiro, at kakornihan sa buhay. Pinakapaborito ko ang luto niyang sinangag. Siya ang pasensyoso at may maikli ring pasensya. Dati siyang lasenggero pero ngayon hindi na. Maalam siya sa iba’t ibang bagay. Kritikal siyang mag-isip at pagdedesisyon. Magaling makisama. Mahiyain. Matampuhin. Tanging libangan ay ang panonood ng boxing tuwing linggo.
Tapat sa trabaho at sa pamilya. Huwaran. Idolo. Asteg.
Happy Father’s Day sa Tatay ko!!!
Happy Father’s Day sa lahat ng tatay, papa, daddy, dada, itay at ama sa buong mundo!!!
Yey!
Wala kang pakialam dito.
Sa bawat oras, kulang-kulang sampung Pinoy ang namamatay dahil sa mga sakit kaugnay sa paghithit ng tabako. Ibig sabihin, sa loob ng isang taon ay mahigit 80,000 ang namamatay dahil dito.
Binigyan Ko Ng Deadline Ang Buhay Ko Part 3
Parang halos magkatulad lang ang kolehiyo at hayskul. Kaunti lang ang mga ipinagkaiba.
Tinanong ko ang isa kong kaklase kung ano ang tingin niya sa buhay-kolehiyo. Para sa kanya, toxic ang buhay-kolehiyo sa dami ng paperworks na gagawin, lectures na rerebyuhin, sunud-sunod na exam, cramming sa dami ng sabay-sabay na assignments na pinataw ng mga prof, at pagpasa ng mga requirement tulad ng notebook, dula-dulaan, movie filming, etcetera sa “Raise from Hell” mong prof. Tuwing nakikita ko ang kaklaseng ito, para siyang tinanggalan ng langit at ibinitin patiwarik sa nagbabagang hurno ng impiyerno. Ganoon siya ka-stress.
Iyong isa ko namang kaklase, para sa kanya, ang buhay-kolehiyo ay tulad ng buhay sa Pilipinas. May kurakot, may manloloko, may manggagantso, may nangongotong at may mga oportunista. Kesyo ite-text ka na punta ka sa ganitong lugar, sa ganitong floor ng building, at may ipapagawa sila sa iyo para kumita ka ng malaki pero pagdating mo roon, hihingan ka ng malaking halaga para makasali ka sa grupo nila. At para ka naman kumita ng malaking halaga, kailangan mo ring mag-imbita ng iba pang estudyante na sasali. Kumbaga, pyramid scam.
Dagdag pa niya, kung mahirap ang mabuhay sa Pilipinas, ganoon din sa kolehiyo. Kung magulo ang sistema sa Pilipinas, ganoon din sa kolehiyo. Para sa kanya, ang kolehiyo ang munting salamin sa estado ng isang bansa. Sa totoo lang, biglang napaisip ako roon.
Nagtanong pa ako ng isa ko pang kaklase. Pagkatapos niyang marinig ang tanong ko, ang kanyang sagot, “Ewan.” ‘Lang kwenta.
Para sa akin, ang kolehiyo ay parang tulay na nagdurugtong sa dalawang magkahiwalay na lugar, parang San Juanico Bridge. Ang buhay-kolehiyo, parang buhay rin sa tulay. Namamalimos ka, este, ikaw ang drayber ng sinasakyan mong kotse, mapa-Sarao man ‘yan o BMW. Kung gusto mo, motorsiklo, kalesa, biskleta, unicycle, skateboard, tricycle, pedicab, o kuliglig ang iyong sinasakyan. ‘Yun nga lang, trapik. Marami kasi kayo at kailangan niyong maghintay ng matagal hanggang marating ninyo ang dulo ng tulay na kung saan ay simula naman ng kabilang lugar. Ang kolehiyo ang nagdurugtong sa pagiging tinedyer at pagiging adult mo, sa pagiging palaasa mo sa iyong magulang at sa pagsasariling-kusa, sa pagiging isip-bata at sa pagiging mature, sa ikaw noon at sa ikaw sa hinaharap. Kapag nakarating ka na sa dulo ng tulay, graduate ka na.
Pwede rin kayang analogy ang RORO?
Napansin ng isang prof ko ang pagiging istrikto ko sa pagsunod sa aking iskedyul. Natuwa siya sa ganito kong ugali. Sana raw ay ganoon din siya. Sa muling pagbukas ng kanyang bibig at paglitana ng kanyang mga salita sa aking tenga, nawindang ang aking isipan. “Baka sa sobrang istrikto mo sa oras, bigyan mo ng deadline ang buhay mo.” sabi niya kasunod ang pagtawa.
“Oo nga, ‘no. Magandang ideya.” ang nasabi ko sa aking sarili. Ayoko rin naman kasing mabuhay ng matagal. Ayokong makitang nahihirapan ang aking pamilya sa pag-aalaga sa akin. Ayokong magmukhang pabigat dahil sa kahinaan ko dulot ng katandaan. Kaya mas magandang bigyan ko ng iskedyul ang kamatayan ko.
Itutuloy…
Kowts
“Our lives are made in these small hours
These little wonders, these twists and turns of fate
Time falls away but these small hours,
These small hours still remain.”
-Rob Thomas, Little Wonders
1st Monthsary
Friday, June 19, 2009Ambilis. Isang buwan na pala ang nakalipas mula nang grumadweyt kami. Saka ko lang naalala ng mabanggit ‘to ng isa naming kaklase namin kahapon habang nasa Makati kami.
Napaisip tuloy ako kung ano ba’ng mga nangyari sa akin nitong nakalipas na isang buwan. Madalas tambay lang ako. Nakikibalita lang kung ano na nangyayari o kung may trabaho na ba ang iba. Pero sa tingin ko, malaking bilang ang wala sa aming trabaho. May iba naman na nag-aral pa ulit. Nag-master-al.
Ako, ayoko ng mag-master-al pa. Ayoko ng mag-aral pa sa loob ng eskwelahan. Sawa na ako. At madalas, hindi rin ako nakikinig sa mga prof na nagtuturo. Nakakatamad na silang pakinggan. Mas gusto kong mag-aral sa labas ng paaralan dahil pakiramdam ko, mas malaya ako sa mga gusto kong matutunan. Hirap din kasi akong matuto kapag dinadaldal lang ng prof ang lectures. Mas natututo ako kapag may application kaagad. Ayoko na rin ng mga exams, quizzes, recitation, projects, at (lalo na) thesis. Sinusuka na ng utak ko ang mga ganyan. Pabibigatin lang ng mga ‘yan ang kalooban ko. Ma-i-stress pa ako ng sobra kakabisa ng sandamakmak na terms tapos sampu lang ang lalabas sa exam. Ayoko na ring may alalahanin pang mga assignments at seatworks. Isinusuka na ng buong sistema ko ang lahat ng may kaugnayan sa GRADES.
Wala rin akong pakialam kung tataas ang sahod ko sa trabaho kung sakaling mag-master-al ako. Hindi naman din kasi iyon ang habol ko lalo na sa pangarap ko. Minsan nga nang mabasa ko ang Personal Statement sa Student Fact Sheet – para siyang resume kaso mas mahaba nga lang, sobra – ng ilang kaklase ko, karamihan sa kanila ay gustong mag-master-al. Ako naman, hindi ko maintindihan kung bakit at ano ba talaga ang malalim na dahilan para mag-master-al ang isang tao. Kung mas mataas na sahod ang habol, ayoko. Kung patuloy na pag-aaral ang habol, ayoko pa rin. Kung pampahaba ng pangalan, pampaganda ng credentials, at pantaas (kuno) ng pangalan at dangal ang habol, mas lalong ayoko. Dahil diyan, tingin ko e loko-loko nga talaga ako dahil pakiramdam ko, ako ang kabaligtaran ng mga kaklase ko lalo na sa tatahaking buhay.
Balik sa 1st-monthsary. Sa loob ng isang buwan, eto ang mga ginawa ko: nag-net, gumawa ng mga wallpaper, nag-download ng kung anu-ano, binalikan ang pagguguhit at hinahasa ang sarili rito, nag-iisip ng mga plot na isasa-komiks ko, naglalaro madalas ng mga games na nasa PC, nagsusulat ng kung anu-ano, nagbabasa ng kung anu-ano, nag-iisip ng kung anu-ano, daydreaming (mas napadalas), nag-wo-walk-in sa mga kumpanya sa Ortigas, Eastwood at iba pang lugar at idagdag pa riyan ang pag-a-apply online, naghihintay kung may tatawag o magte-text na kumpanya, at nanonood ng TV. Madalas pa akong puyat dahil sa mga ginagawa ko kasi mas gising ang utak ko sa gabi. Ewan ko ba kung bakit tamad na tamad akong gumawa kapag umaga. Mas masarap kasing manood ng Spongebob kesa mag-isip ng umagang-umaga.
Pero hindi naman ako nabuburyong kasi pabago-bago bawat araw ang mga ginagawa ko dahil na rin marami akong gustong gawin, marami akong gustong matutunan na madalas e wala sa mga dinadakdak ng mga propesor. Kaso nga lang, ang hilig ko talagang pagkasyahin ang mga ‘yon sa gabi. Kasi nga, nanonood ako ng Spongebob sa umaga.
Dasal namin, huwag na sanang umabot ng ilan pang *katok sa kahoy* monthsary ang pagiging PLDT (Palamunin Lang Dahil Tambay) namin. Tutuparin ko pa ang nasa wish list ko. Kailangang-kailangan ko na ring makatulong dito sa bahay sa mga babayarin at utang.
Ooh…
GOD HELP ME.
GOD HELP US.
Ang Malaki at Ang Maliit
Ito ang karaniwang babala na nakikita natin sa lansangan.
Pero dahil na rin sadya talagang matigas ang bumbunan ng mga Pinoy, hindi ito sinusunod. Hmm, siguro dapat ito ang nakalagay sa lansangan.
Biglang bumuhos ang malakas na ulan noong Sabado ng gabi na siyang nagpawi ng kaalinsanganan ng buong maghapon. Lumabas ang kapatid ko para tignan ang kanyang alagang aso nang bigla siyang sumigaw na may patay na pusa. Nakadalawang ulit na nagsabi ang kapatid ko bago ako lumapit at nakita ko nga ang kuting na wala ng buhay malapit sa alagang aso ng kapatid ko na nasa hagdanan at nakatingin sa amin.
Sumunod na dumating ang tatay namin at nakita niya ang wala ng buhay na pusa. Nakakaawa dahil walang kamalay-malay ang kuting na iyon na hindi na niya mararanasan ang lumaki pa. Marahil, napag-trip-an ng aso namin na paglaruan ang kuting at ito’y kanyang kinagat-kagat hanggang sa mawalan ito ng buhay para lang siguro sa kanyang kasiyahan. Kung napaaga lang ang kapatid ko sa pagtingin sa aso niya, baka sakaling maligtas pa ang kuting na iyon.
Naaawa ako dahil tulad sa kuting, ang kalagayan ng edukasyon ng bawat batang Pilipino ay tila isinasang-tabi lang ng mga mapagpaimbabaw na nasa kapangyarihan. Nakapanood ako sa telebisyon tungkol sa isang estudyanteng labing-tatlong kilometro ang tinatahak makapasok lang ng eskwelahan sa loob ng anim na taon, kung hindi ako nagkakamali, gamit lang ang kanyang bisikleta. Sobrang sipag. Sobrang tiyaga. Sobra ang pagsisikap.
May napanood din ako tungkol naman sa mga batang Aeta na ilang kilometro rin ang tinatahak papuntang paaralan. Ilang kilometro ang tinitiis nila para lang bunuin ang bawat araw sa pagbabasa, pagsusulat, at pag-aaral upang matupad ang kanilang mga pangarap, magkaroon ng magandang trabaho, at maitaas ang pangalan ng kanilang pamilya at tribo. Kung hindi lang sa isang nagmalakasakit na ginang, patuloy pa rin sana sila sa pagtahak sa ilang kilometrong daan na iyon. Pinatayuan sila ng ginang ng isang dorm na malapit sa kanilang paaralan upang hindi na sila maglakad pa ng ubod ng layo. Dahil sa dorm, hindi na tumaas pa ang drop rate ng mga kapatid nating Aeta.
Marahil ay napapanood din ninyo ang sitwasyong ipinapakita ng mga media ukol sa kalagayan ng mga estudyante, guro, at ng bawat paaralan. Lumala pa ang problema natin sa edukasyon. Nadagdagan ang bilang ng mga mag-aaral nitong pasukan; ganoon din ang mga kakulangan sa mesa, upuan, lapis, papel, aklat, guro, sahod ng guro, di nakapag-aral, di makakapag-aral, at edukasyon. Hindi na kailangan pa ng mga numero at istatistika. Hindi na kailangan pa ng mga survey. Madali namang makita ang mga ‘yan e. Pwera na lang kung manhid ka ngang talaga.
Siguro nga. Siguro nga. ITO TALAGA ANG GUSTO NG MGA TAONG NAKAUPO SA KAPANGYARIHAN.
Siguro nga. Siguro nga. ITO TALAGA ANG PANGARAP NG BAWAT GUMAGAWA’T NAGPAPATUPAD NG BATAS.
Siguro nga. Siguro nga. ITO TALAGA ANG NAIS MANGYARI NG MGA NASA MATATAAS NA UPUAN.
Siguro nga. Siguro nga. Tulad ng alaga naming aso na inuna ang kanyang kasiyahan maging kapalit man nito ang buhay ng isang kawawang kuting.
Biglang bumuhos ang malakas na ulan noong Sabado ng gabi. Ayon sa paniniwala, kapag may namatay na pusa sa inyong lugar, uulan daw ng malakas.
Tawirang Nakamamatay
Ito ang karaniwang babala na nakikita natin sa lansangan.

Pero dahil na rin sadya talagang matigas ang bumbunan ng mga Pinoy, hindi ito sinusunod. Hmm, siguro dapat ito ang nakalagay sa lansangan.

HWAHAHAHAHA!!!
Binigyan Ko ng Deadline ang Buhay Ko Part 2
Hayskul nang unang beses akong nagkaroon ng kaaway dahil sa pagiging istrikto ko sa oras. Hinamon niya ako ng suntukan pagkatapos ko siyang masigawan dahil sa kanyang ilang beses na pagka-late at hindi paggawa ng mga nakatoka niyang gawain para sa aming group project. Pagkatapos ng klase, mga bandang alas-singko ng hapon, pumunta ako sa likod ng eskwelahan namin.
Ako lang ang mag-isa. Hindi alam ng mga kaibigan at kaklase namin pati na ng mga guro ang tungkol sa away na ito. Pagdating ko, nandoon na siya at walang kaabug-abog siyang sumugod. Buti na lang naiwasan ko ang kanyang suntok. Gumanti ako ng suntok sa kanya pero nasalag niya at pagkasalag, isang kamao ang natikman ng aking panga na naging dahilan para mahilo ako. Nakaganti ako ng bigyan ko siya ng suntok sa sikmura at isa sa kanyang mukha. Napalayo siya sa akin.
Kumuha siya ng isang dos-por-dos na kahoy. Napansin kong may nakausling pako sa dulo nito. Napaurong ako habang siya nama’y dahan-dahan na lumalapit. Nang naka-akmang ipupukpok na sa akin ang hawak niyang dos-por-dos, bigla kaming nakita ng sikyu ng iskul sanhi para pumito siya at tumakbo papunta sa amin. Napalinga ako sa sikyu at paglingon kong muli sa kaaway ko, nasa harap ko na ang dulo ng dos-por-dos. Tinangka kong umiwas para hindi tamaan ang ulo ko subalit ang balikat ko naman ang tinamaan. Napadapa na lang ako sa madamong lupa habang hawak-hawak naman ng sikyu ang aking kaklase. Puro mura ang umalingawngaw sa kanyang bibig habang patuloy sa pagdugo ang natamo kong sugat. Narinig ito ng mga batang papaalis na ng iskul. Maya-maya lang ng kaunti, dumating ang dalawang janitor para tumulong. Kinuha nang isa ang kahoy na ipinukpok sa akin habang pilit nilang pinipigilan ang nagpupumiglas kong kaklase.
Dumating ang ilan naming kaklase at dinala nila ako sa aming klinika. Ginamot ng nars ang natamo kong sugat sa aking balikat samantalang ang kaklase ko naman ay nasa opisina ng prinsipal. Matapos akong malapatan ng paunang-lunas at mabendahan ang aking balikat, sinamahan ako ng nars papuntang principal’s office. Bigla akong niyakap ng aking Mama nang makita niya ako at hinawakan sa ulo at kinumusta naman ako ng aking Papa. Hindi makatitig sa akin ang aking kaklase. Nandoroon din ang kanyang mga magulang. Batid sa kanilang mga mukha ang ‘hiya’ sa ginawa ng kanilang anak. Dahil sa nangyari, sinuspinde ng prinsipal ang aking kaklase ng isang buwan.
Kinabukasan, naging sentro ako ng usapan sa buong hayskul. Ang mga kaklase ko’t kaibigan, puro pangungumusta’t pagtatanong tungkol sa nangyari.
Habang lumilipas ang araw, unti-unti na naming nalilimutan ang nangyari sa araw na iyon. Habang patuloy sa paglubog at pagsikat ang araw, nakakaramdam ako ng kakaiba. Habang patuloy sa pag-andar ang numero sa kalendaryo, nagkaroon ako ng alinlangan, ng mga tanong.
Paano kung hindi lang pala siya ang may galit sa akin? Paano kung galit din sa akin ang iba ko pang mga kaklase dahil sa ugali kong ito? Paano kung hindi totoo ang mga ipinapakita nila sa akin kapag kaharap ako? Paano kung ganoon nga? Ano ang gagawin ko? Pakiramdam ko ay dahan-dahan, paunti-unti, parang isang bangka na marahang hinihila ng dagat papalayo sa pampang, papalayo sa mga kaklase’t kaibigan ko.
Nakapagtapos ako ng hayskul pero hindi na bumalik ang nasuspinde kong kaklase. Panahon naman na para harapin ang kolehiyo.
Ipagpapatuloy…
Tanong lang
Dapat ba talagang problemahin ng lahat ng tao ang PERA?
Dapat ba talagang maging mayaman? Ubod ng yaman?
Hap-pey Birthday!!!
Monday, June 15, 2009Happy birthday nga pala kay Freeda na nag-birthday noong June 12.
Happy birthday din kay Kirk na nag-birthday noong June 13.
Happy birthday rin kay Rizza ngayon. Kasabay rin niya si Shaira Gonzalez, isang FEU Volleyball player. Mayroon pa silang isang kasabay. Hehe.
Happy birthday rin kay Roselle, June 18, at kay Jose sa June 19. Ganoon din kina Tom, June 20, at Rose Anne, June 27, isa rin siyang FEU Volleyball player.
Happy birthday sa inyo! Maligayang kaarawan! Masayang araw ng kapanganakan!
Muli, binabati ko sina Rizza, Shaira at Ako ng Maligayang Kaarawan!!! Yey!
Hap-pey Birthday!!!
Birthday Wish List Ko
-Jersey ni Rachel Anne Daquis
-Ipod 80/160 GB
-DSLR Camera
-PSP
-Terabytes External Hard Disk
-DVDROM-Writer
-Bagong Printer
-Scanner
-Tablet PC
-Drawing Table
-Laptop
-Isang Studio/Opisina
-Mountain Bike
-Violin
-Piano
-Bagong Gitara
-Yung printer na pang-print sa damit
-Bagong housing para sa cellphone ko
-Book Shelf
-Video Camera(yung panggawa ng pelikula)
-Monthly Subscription sa The Discovery Magazine, Fudge, Pulp, at Art.
-Flashdrive (4GB pwede na)
-Bagong sapatos
-Internet connection sa bahay
-Pabango
-Telescope
-Pera
Aklat:
-Veronica Decides to Die
-The Winner Stands Alone
-Eleven Minutes
-The Witch of Portobello
-The Fifth Mountain
-Warrior of the Light Manual
-The Devil and Miss Prym
-The Valkyries
-By The River Piedra I Sat Down and Wept
-The Pilgrimage
-The Zahir
-Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pinoy?
-Kapitan Sino
-Alamat ng Gubat
-Fun With a Pencil
-Figure Drawing For All It’s Worth
-Drawing the Head and Hands
-Creative Illustration
-Eye of the Painter
-Successful Drawing
-The Writing Life
-All I Really Need to Know I Learned in Kindergarten
-Gusto Kong Maging Writer
-On Writing
-Love in the Time of Cholera
-How to Find Your One True Love
-Batang Kaning Lamig
-Gapo
-Ang Huling Timawa
-7 Secrets to Real Freedom
-1Q84
-Norwegian Wood
-Mga Kwentong Paspasan
-Luha ng Buwaya
-Cockfighting Stories
-Lalaki sa Dilim
-Dekada 70
-Girl Trouble
-Playing it Safe
-Tundo Man ay Langit Din
-Heartbreak
-Ang Kapeng Arabo
-Conversations with God
-Sherlock Holmes
-Aklat tungkol sa Origami
-Aklat tungkol sa Tao Te Ching
-Aklat tungkol sa Anatomy
-Freely Abrigo’s
-Kikomachine Komix Blg. 5: Alab ng Puso, Sa Dibdib Mo’y Buhay
-Pugad Baboy 1-17, 20-21
-Trese Vol. 3
Mas mahahalagang hiling:
-Kalusugan para sa akin, sa ‘kin pamilya, sa kaibigan, sa kabarkada, sa RADdicts, sa Lady Tams, sa kakilala, sa kapwa, at sa kaaway.
-Matupad ang mga pangarap ko
-Maging kaibigan sina Rachel at iba pa.
-Makasali sa Who Wants To Be A Millionaire
-Magkaroon na ng trabaho
-Magkaroon na ng girlfriend
-Makapanlibre
-Pag-aralan ang buhay-bukid/probinsiya
-Mountain Hiking
-Makatulong sa kapwa
-Makapagdulot ng konting pagbabago sa mundo
-Magawa ang misyon ko sa mundo
-Makagpalibot sa Pinas at sa ibang bansa
-Kapayapaan sa bawat tao at nilalang.
Binigyan Ko Ng Deadline Ang Buhay Ko Part I
Wala ako sa maling pag-iisip. Hindi rin ako baliw o siraulo katulad ng iniisip mo. Gusto ko lang talagang lahat ng bagay, nasa ayos, nasa plano, nasa oras.
Nasanay ako mula sa pagkabata na maayos ang mga laruan ko, maayos ang higaan ko, maayos ang mga damit ko, malinis ang kwarto ko, at nasusunod ang mga plano ko. Lahat sa akin, may iskedyul. Hindi naman siguro halatang organisado akong tao, ‘di ba? Nahihirapan akong hanapin ang mga gamit ko kapag wala sa tamang lugar ang mga ito kaya mas gusto ko, organisado ang lahat ng gamit ko, kahit ang oras.
May iskedyul akong ginagawa mula noong bata pa ako. Tinuruan ako ng Mama ko kung paano gumawa nito. Sa kanilang dalawa ni Papa ko namana ang ugaling ito at lubos ko itong ipinagmamalaki. Mula elementarya hanggang hayskul, may ginagawa akong iskedyul sa lahat ng ginagawa ko. Mula sa pagbabasa ng libro, pagsasagot ng mga takdang-aralin, pakikipaglaro sa alaga kong aso hanggang sa pag-aaral ko ng piano, mga voice lesson, at panonood ng T.V. Nasanay ako sa ganito kaya hindi na ito mababago.
Kapag hindi ko nasusunod ang iskedyul ko, nasisira ang araw ko. Ang mangyayari kasi, kapag ang isang bagay na nakalista sa iskedyul ko na hindi nangyari sa ganitong oras na gusto ko, magkakaroon ng “domino effect”. Damay ang mga susunod kong gawain para sa buong araw na iyon. Imposibleng maibalik ang oras at iyon ang pinanghihinayangan ko. Mabuti sana kung totoong may Doraemon. Siguradong gagamitin ko ang time machine niya para lang maayos ang nagusot kong araw.
Ang pinakaayaw ko, ang pagsasayang ng oras.
Gusto ko bawat oras, may ginagawa akong makabuluhan para sa sarili ko o para sa kapwa ko. “Time is Gold”. Pero para sa akin, “Time is more precious than gold.” Kaya ganoon na lang ang pagpapahalaga ko rito. Dahil sa ugali kong ito, madalas akong nagiging lider sa mga group activities sa iskul. Ayos nga sa akin iyon e. Bukod sa nagiging lider ako, nagiging modelo pa ako sa iba ko pang kaklase tungkol sa pagpapahalaga ng oras.
Tinuruan din nina Mama’t Papa ang dalawa ko pang kapatid na sumunod sa akin. Pero, hindi naman sa pagyayabang, wala pa ring tatalo sa akin sa pagiging istrikto sa oras. Kapag hindi nasunod ang mga iskedyul ng mga kapatid ko, ayos lang sa kanila. Iyong bunso namin, hanggang elementarya niya lang natagalan ang pag-i-iskedyul. Sa hayskul, wala na, bulakbol na siya. Pero kahit nagbubulakbol siya, hindi naman siya nagpabaya sa pag-aaral.
Ang sumunod naman sa akin na babae, pilit akong ginagaya sa pagiging istrikto sa oras. Siyempre, natutuwa ako dahil naging modelo niya ako. Ang ilang kaibigan ko rin na dati’y hindi gumagawa ng iskedyul, gumaya na rin sa akin. Kaya kapag hindi nagtutugma ang mga oras ayon sa mga iskedyul namin, naghahanap kami ng mga araw na pwede naming gamitin para maglaro kami ng basketball o ‘di naman kaya’y maglakwatsa.
Itutuloy…
Mandadagit-trabaho Part IV
Wednesday, June 10, 2009Kahapon, nandoon naman kami sa Techno Hub sa may Commonwealth. Init at ulan ang dinaanan muna namin bago marating ang target na lugar. Walo na kami ngayon. Walong unemployed na nangangaso ng trabaho.
Pagpasok namin, bukod sa mga building na nakita namin at sa mga damong nakatanim sa malawak na lugar, bumulaga sa amin ang pusod ng Techno Hub. May fountain sa gitna at mga nagmamahalang resto ang nasa palibot nito. Ano ba ipinunta namin do’n, kumain? Nagpahinga muna kami sa Mini Stop dahil sobrang init. Nakakalagkit sa pakiramdam ang panahon na mainit tapos uulan tapos mainit ulit.
Pagkatapos magpahinga, naghanap na kami ng building na gigibain. Nakalimutan ko na ang pangalan ng building. Basta, nakadalawang kumpanya kami roon. Una, nalimutan ko na rin ang pangalan ng kumpanya. Pero ‘yung guard na nandoon, sinabihan niya kami na subukan din namin ‘yung nasa third floor. Pinuntahan namin ‘yon. Pointwest ang pangalan ng kumpanya. Sa kaliwang bahagi n’on, halos puno ng mga employee. Sa kanan naman, halos bakante ang mga pwesto. Pabiro kong sinabi na para sa amin ang mga bakanteng ‘yon. Nagpili-pili na rin kami ng mga pwesto namin. Hehe. Medyo bago pa lang pala ang kumpanya. Last year lang siya naitayo. Kaya sa tingin ko, mukhang kailangan pa nila ng mga empleyado. Sana nga ay matanggap kaming lahat doon para magkakasama pa rin kami. Pagkatapos magpasa, tinignan pa namin ang 4th floor pero wala pa palang opisina do’n kaya ibang building naman kami.
Medyo wala ng kwenta ang sunod naming pinuntahan na kumpanya dahil…hmm…sobrang layo ‘ata sa course namin ang…mmm…maaaring gawin namin doon. Pagkatapos n’on, nagkayayaan na kaming umuwi na lang. Sa Lunes ulit kami maghahanap.
Mandadagit-trabaho Part III
Balik kami sa Eastwood noong Miyerkules nitong huling linggo para sumama sa examination ni Roselle para sa IBM. Farmer’s Plaza ang meeting place at 9:00 n.u. naman ang call time. Maaga na akong umalis ng bahay upang maaga ring makarating sa meeting place nang sa gayon ay makabawi naman ako sa pagka-late ko noong huling job hunting namin. Malakas ang ulan.
Konting hintay, maya-maya, nandiyan na si Rochelle. Nagpa-photocopy muna kami ng mga resume namin kaso ang mamahal ng presyo ng mga photocopy-han sa lugar. ‘Langya, kung meron lang sanang Copytrade sa tabi e ‘di do’n na kami nagpa-photocopy. May piso kaso liquid photocopy. Lugi dahil malabo at marumi ang kalalabasan kapag liquid. May 1.50 naman na powder kaso malabo naman. Hindi sulit ang 1.50 na ibabayad namin. Sa kahahanap, sa National Bookstore na lang kami nagpa-photocopy sa halagang P2.00 bawat kopya. Hay, wala ng magagawa kaya do’n na lang. Nasa labas ako ng NBS ng makita ko si Sushi. Maya-maya, dumating na si Michelle. Pagkatapos naming magpa-photocopy, nag-taxi na kami dahil nagmamadali kaming pumunta sa McCafe sa Eastwood kung saan naghihintay si Roselle sa amin. Alas-diyes kasi ang oras ng examination ni Roselle kaso alas-diyes na nang kasasakay kami sa taxi.
Pagdating namin sa McCafe na parang Starbucks ang dating, nakita namin si Roselle na naghihintay. Pumasok kami sa loob tapos, konting tsikahan ang mga babae. At dahil ako lang ang nag-iisang lalake, ahh, ayun, nakaupo lang ako. Hwahehehe. Sabi ni Roselle, may iba’t ibang oras pala ang examination kaya ayos lang na na-late kami. Sa pang-eleven o’ clock na lang kami. Konting tsikahan ulit sila at kwentuhan kung ano ang panonooring pelikula mamaya. Drag Me To Hell ang napagkasunduan pero si Sushi , ayaw niya niyon. Maya-maya, dumating na si Chenee. Diretso na kami ng IBM.
Na-a-astigan ako sa mga nakikita kong matatangkad na gusali. Sobrang tatangkad talaga at parang sa sine at telebisyon lang ako nakakakita nang ganoon. Puro gusali ang paligid na pinalamutian lang kaunting mga halaman at puno. Parang isang gubat ang lugar na iyon. Gubat ng mga gusali.
Ayaw ko sa kumpanyang iyon dahil sobrang tahimik. Daig pa ang sementeryo. Maganda ang itsura ng loob ng building. Pati ang opisina. Pero ayaw ko sa ambiance ng loob. Sobrang tahimik talaga. Ibang-iba doon sa isang kumpanyang pinuntahan namin noong araw bago ito. Basta. Nakakaantok sa loob. Antok na dulot ng katahimikan.
Pumasok na kami sa pinakaloob pa ng opisina. Parang conference room ‘ata ‘yon. Andaming bakanteng pwesto sa labas niyon. Nagbiro ako na para sa amin ang mga bakanteng iyon. May kasama kaming isang lalake na hindi namin kilala sa loob ng kwarto. Konting saglit, ipinaliwanag na ni Ate ang mga rules sa exam. Nanghiram pa ako ng panulat dahil wala akong dala. Wala na ring kasing extra ang iba ko pang kasama. Pasaway talaga ako. Pagbalik ni ate, pinahiram niya ako ng lapis.
Bawal ang erasures. May isang part na right-minus-wrong, ¼ point ang ibabawas sa bawat mali mong sagot. May nakahanda ng calculator. Bawal ang kopyahan at pakikipag-usap sa isa’t isa. Bawal ring ibalik ang pahina ng booklet na natapos na. At may time limit ang bawat part. At binigyan kami ni ate ng isang minutong allowance para sa pagbabasa ng mga instructions.
Hwoo! Unang beses ko lang ‘ata makakita ng ganoong klase ng exam. Kasi ba naman, iyong Part I ng exam, matrices. E nakalimutan ko na ang pagkokompyut sa matrices e. Pero iba pala ang matrices na tinutukoy do’n. Bibigyan ka ng directions na susundin mo at gagawin mo sa mga letra at numerong nakapaloob sa matrix na iyon. Kapag nagawa mo ng tama, malalaman mo ang sagot. Kaso nakakaloko naman ang mga directions e. Parang ganito ang tanong:
From the upper-right hand of Row 4, count two steps backward to Column 4 and three steps forward diagonally to Column 3 and so on. Change all letter V to number 3 and add one to all number less than five and add two to the number from the right side of all letters if the number at its left side is greater than 3. Then burn your exam paper and go to hell. What is the letter not found in the diagonal from left to right?
Parang ganyan ang tanong pero mas nakakalito pa ang sa exam. Trese minutos lang kami sa exam na ‘yon. Bale, 14 minutes dahil may allowance na binigay sa amin para sa pagbabasa ng instructions. Ambilis. ‘Di kaya sa ganoong kahaba ng oras. Number series ang sumunod kaya nasayahan ako pero 4 minutes lang plus 1 minute, bale, 5 minutes lang ang pagsasagot. Hindi ko pa rin natapos ang 1-15 na tanong. Sayang. Pero pagkalabas ng nagbabantay sa amin, sinasagutan ko ‘yung mga naiwan kong tanong. Pero hindi ko na binubuklat pa ang booklet kundi sagot na lang ako ng sagot. Hula na lang at baka tumama pa. Hwahaha. Hinahanap ko nga ang hidden camera sa kwarto e habang ginagawa ko ‘yon. Hehe. Tungkol naman sa pagkokompyut sa pera ang huling bahagi. Dedbols ako do’n. Haha. Pinabalik kami ng 1:30 para sa resulta ng exam.
Kumain muna kami sa McDo tapos kwentuhan saka kami pumunta sa Eastwood Mall. Putik. Ang ganda ng mall. Pang-sosyal. Pang-mayaman. Pang-negosyante. Pwede rin sa social climber. ‘Langya, may magandang pond (‘ata) na may fountain sa labas lang ng mall. At ang itsura ng mall, ulangya, napakaganda, napakalaki. Hmm, malaki lang. May nakahanda pang stage sa loob. Exhibit ‘ata. Akala ko nga noong una, may fashion show e dahil sa may red carpet pa. Umakyat kami sa second floor ta’s nagpahinga sa malambot na upuan. Picture-taking.
Habang nagpipiktyuran, napaisip ako. Napakaganda ng mall pero kakaunti lang ng tao. Napakaganda ng mall pero halos wala akong makitang mamimili sa mga stalls. Napakaganda ng mall na nakatayo sa gitna ng mga nagtataasang gusali. Napakaganda ng mall pero pakiramdam ko, anlungkot ko sa loob. Napakaganda ng mall pero parang walang laman. Napakaganda ng mall. Anlamig pa.
De-sensor pa ang mga gripo at ambango ng C.R. nila. Asteg. Pang-sosyal talaga. Pang-mayaman talaga. Pang-negosyante talaga. At pwede rin sa social climber. Pagbalik namin sa pinag-a-apply-an, konting paghihintay muna bago namin nalaman kung sino ang nakapasa o hindi. Apat sa anim ang nakapasa. Isa sa anim ang nakapasa para sa IT position. Ang tatlo, pang-non-IT position. Medyo ayos, medyo hindi. Kasama na ‘to sa last option ko kung sakaling wala na talaga akong mahanap na trabaho.
‘Yung nag-invite naman sa amin, hindi nakapasa kaya tingin na namin, mukhang may sumpa nga kapag ikaw ang nagyaya. Madalas, ikaw pa ang hindi natatanggap kundi ‘yung kasama mo pa. Hehe.
A(H1N1)
Nakakabahala ang virus na ‘to. Karaniwan, galing sa mga taong galing sa ibang bansana pumupunta rito ang may roon nito. Una, sa DLSU. Ngayon, sa kolehiyo ko naman. Grabe.
Hindi ka naman agad mamamatay sa sakit na ‘to at maaari pang magamot pero ang pagkalat niya, hindi maiiwasan. Wala pa naman ‘ata sa level 6 ang pandemic level nito, no? Naku, huwag naman na sanang mas lalo pang lumala. May awa sa atin ang Maykapal.
Alam raw ng kakilala ko ang pangalan ng estudyanteng may swine. Sinabi sa kanya ng kaklase niya. Hinanap niya sa friendster at in-invite. Kinabukasan, na-approve kaagad. Tapos, nag-message na hindi raw iyon ang babaeng may swine. Grabe naman. Nakakaisip pa ng kalokohan ang mga estudyante sa mga ganitong uri ng sitwasyon. Tsk tsk.
(Sabi ng isa kong kaklase, may mas malala pa raw sa A(H1N1) virus. Mas mabilis pa raw ‘tong kumalat. HKKH1 ang pangalan ng kunong virus. Hehe. Kung hindi mo na-gets, e di hindi. Hehe.)
Let’s pray for our safety.
Dear Lord,Your will, nothing more, nothing less, nothing else.
Amen.
Sulok
Nais ko lang sanang ibahagi sa inyo ang isang pangyayaring masasabi kong isa sa mga napakalaking tagumpay ko sa buhay. Noong Mayo pa ‘to nang malaman ko pero ngayon ko pa lang sasabihin sa inyo.
May freedom folio ang publication ng aming kolehiyo. Laman nito ang iba’t ibang uri ng art na gawa ng mga estudyante. May photography, comics, poetry, prose, etc. Sinubukan kong magpasa last sem.
Una, isa lang muna ang ipinasa ko. Nang ma-acknowledge, natuwa ako siyempre. Kaya nagpasa pa ako ng dalawa. Sinubukan ko lang naman na magpasa. Mga maiikling kwento ang mga iyon at na-post ko na ‘yon dito. Pwera ang isa.
Noong Mayo nga, nang tumatambay kami sa campus, ipinakita nang isa naming kaklase ang freedom folio ng publication. Isa nga pala siya sa writer ng publication. “Sulok” ang pangalan ng freedom folio. Maliit siyang aklat. Singlaki ng mga aklat na binabasa mo tulad ng kay Bob Ong, Manix Abrera, Pol Medina, Og Mandino(kung hindi ako nagkakamali sa pangalan niya - TRESE ang pangalan ng komiks niya), at iba pang katulad ng aklat nila. Ganoon ang laki ng aklat na nilimbag ng publication at libreng ipinamimigay sa mga estudyante. Tutal, kasama na rin ‘ata ‘yon sa binayaran na miscellaneous fee.
Nang makita ko ‘yon, hinanap ko kaagad ang gawa ko. Tinignan namin sa Table of Contents at, voila, nandoon ang pangalan ko at ang gawa ko. Tuwang-tuwa ako. Nagulat din ang mga kaklase ko ng makita nila ang pangalan ko sa aklat. Natuwa rin sila para sa akin. Maya-maya, sabi ng kaklase kong taga-publication din dati, may isa pa pala akong gawang nandoon. Hindi lang pala isa ang nasama sa aklat kundi dalawa pa. Asteg na asteg. Dalawa sa tatlo na ipinasa ko ang natanggap at ngayo’y kasama sa aklat at binabasa na ng mga estudyante. Sobrang proud ako sa sarili ko ng makita ko ang pangalan ko lalong-lalo na ang mga isinulat ko. Kakaiba ang saya.
Gusto ko sanang makakuha na ng kopya ng aklat kaso noong mga panahon na iyon, sarado na ‘yong opis na pinagkukuhanan n’on. Gusto ko sanang makakuha na kaso sarado ngayon ang buong campus dahil sa swine flu.
Grabe, ang saya talaga.
Eto nga pala ang pamagat ng mga tinutukoy ko: Foodcourt[1][2] at Ang Lovestory ng Ipis[1]. Na-post ko na ‘yan dito sa blog ko at sa www.tamarawbayan.com. Click mo na lang kung gusto mong basahin.
I-po-post ko na rin dito sa susunod iyong isang isinulat ko na ipinasa ko na hindi nasama sa aklat. Mahaba siya kaya by parts ang mangyayari. Yey!
Maraming Salamat kay Lord!
Kowts
“Ibangon ang puri habang hindi pa huli. Huwag magpakain sa sistema. Huwag maging mambobola.”
-Ka Tonying
Mandadagit-trabaho Part II
Thursday, June 4, 2009Isinulat noong 060209
[Andoyman] Ano ka ba naman? Anong oras ka na pumunta sa iskul kanina? Ang usapan, alas-nuwebe dapat nandoon ka na. E ba’t ba alas-nuwebe ka umalis ng bahay?
[Ako] Pasensya pero gano’n talaga e. Nag-alarm naman ako ng 6:30 n.u. pero wala e, nakatulog ulit ako kaya 7:30 na ako nagising. Ta’s ayaw pang lumabas-labas ng tae ko. Nakadalawang ulit akong jumebs at parehong hirap na hirap akong ilabas ang tae ko. Antagal ko ngang nakaupo sa inidoro e.
[Andoyman] Ibig sabihin, sinisisi mo pa ang tae mo sa pagkaka-late mo?
[Ako] Oops, hindi ko ‘yon sinisisi ha. Naiinis nga ako dahil sa sobrang pasaway ko. Si Rochelle, pumunta sa tamang oras pero ako, hindi. Naghintay pa tuloy siya.
[Andoyman] Hay naku, kailan ka kaya magbabago, no? Teka, bakit ba andalas mong tahimik kahit kasama mo mga kaibigan mo? Tulad kanina, ‘di ka man lang magkwento noong nasa FX kayo ni Rochelle? Minsanan ka lang magsalita at humirit buong araw. Naaalala mo no’ng magkakatabi kayong apat nina Chenee, Rochelle at Sushi(Joan) sa McDo? Parang bilang lang sa daliri ang mga sinalita mo. Nakikitawa ka naman pero parang hanggang gano’n ka lang e. Biruin mo ‘yon, birthday ni Sushi ta’s ‘di ka gaano nagsasalita. Ta’s noong –
[Ako] Wala naman kasi akong makukwento e. Sa mga korny na hirit na nga lang ako bumabawi e dahil hindi rin ako makasakay sa mga pinag-uusapan nila. Tahimik talaga akong tao. Makwento naman ako kaso, tahimik talaga ako lalo na kung alam kong hindi makaka-relate ang pinagkukwentuhan ko.
[Andoyman] Hindi ka naman ba naiilang? O baka feeling mo O.P. ka na naman kanina?
Kissing Scene
Ang kauna-unahang kissing scene sa Philippine cinema ay ang kissing scene nina Elizabeth “Dimples” Cooper at Luis Tuazon sa pelikulang “Tatlong Hambog” noong 1926. Hmm, ano kaya ang naging reaksyon ng mga pinoy noon nang mapanood nila ‘yon sa pinilakang tabing? Hmm…
When God is going to…
When God is going to do something wonderful, He begins with difficulty.
If it’s going to be something very wonderful, He starts with impossibility.
Always believe ang never quit.
Kowts
“Pride is not grandeur, it is swollen-headedness. What swells seems big, but really it is a disease.”
-St. Augustine
Para sa'yo
Ang blog na 'to ay...
...tungkol sa mga reklamo, kalokohan, kabaliwan, kaisipan(kung meron man) at kaadikan ng isang taong gusto lang gumawa ng komiks. Maari lamang po na isumbong kaagad ako sa kinauukulan para sa karampatan mong parusa.
v(o",o)v
Let's help Rumicah
Halughugin
Istambayan
Amaranth
Badoodles
Bo Sanchez
Coelho
Facebuko
Gang Badoy
Ms. Janet
Direk Joey
Heckler
J. Gi Federizo
KT
Ms. Lea
Maldito
Maria Ressa
Oliver
Roanne
Ronibats
Saab
Xienah
Yeye
Yhel
Komikeros
Carlo Vergara
Elbert Or
FlipGeeks
Fan Boy
Gerry Alanguilan
Hazel Manzano
KC Cordero
Kikomachine Komix
Komikon
Neil Gaiman
Planet Markus
Scott McCloud
Tabi-po
Trese Komix
Kahit Anos
Antipinoy
Bibongpinoy
Happy Slip
Lourd de Veyra
Polite Dissent
Mga bawal basahin
Order Andoyman Komiks!

Para um-order, mag-iwan lang ng mensahe sa aking email: andoyman@gmail.com na gusto mong um-order.
Maaari mo ring basahin ang review ni sir KC Cordero sa aking komiks sa link na ito.
Para sa karagdagang impormasyon, paki-click ang link na ito.
Bulols
- nica: like ko lhat un.......
- Kry-tawa: hahaha!!! astig!...
- andoyman: in-update ko na rin links ko ms gi :) wala...
- andoyman: ahahaha tama! yaka ko 'to!...
- J.Gi Federizo: Pero short story written in prose ito. 'Yon, iba naman...
- J.Gi Federizo: Di pa ako nakakapunta sa ganyan. Lagi na lang sinasabi...
- andoyman: waaaaa salamat ms gi! hahaha ikaw pa lang ang unang...
- J.Gi Federizo: Natuwa naman ako d'yan :) Na-miss ko tuloy 'yung mga...
- J.Gi Federizo: Naks naman, lumalalim-effect!!! ;p Pero tama ang mga sinabi at...
- bakit: da pak! same with the first comment. im looking on...
Ano???
Bodega
- July 2011
- June 2011
- May 2011
- April 2011
- March 2011
- February 2011
- January 2011
- December 2010
- November 2010
- October 2010
- September 2010
- August 2010
- July 2010
- June 2010
- May 2010
- April 2010
- March 2010
- February 2010
- January 2010
- December 2009
- November 2009
- October 2009
- September 2009
- August 2009
- July 2009
- June 2009
- May 2009
- April 2009
- January 2009
- December 2008






