kwan. ano. yon. yeh!

Mandadagit-trabaho Part II

Thursday, June 4, 2009

Isinulat noong 060209

[Andoyman]    Ano ka ba naman? Anong oras ka na pumunta sa iskul kanina? Ang usapan, alas-nuwebe dapat nandoon ka na. E ba’t ba alas-nuwebe ka umalis ng bahay?

[Ako]    Pasensya pero gano’n talaga e. Nag-alarm naman ako ng 6:30 n.u. pero wala e, nakatulog ulit ako kaya 7:30 na ako nagising. Ta’s ayaw pang lumabas-labas ng tae ko. Nakadalawang ulit akong jumebs at parehong hirap na hirap akong ilabas ang tae ko. Antagal ko ngang nakaupo sa inidoro e.

[Andoyman]    Ibig sabihin, sinisisi mo pa ang tae mo sa pagkaka-late mo?

[Ako]    Oops, hindi ko ‘yon sinisisi ha. Naiinis nga ako dahil sa sobrang pasaway ko. Si Rochelle, pumunta sa tamang oras pero ako, hindi. Naghintay pa tuloy siya.

[Andoyman]    Hay naku, kailan ka kaya magbabago, no? Teka, bakit ba andalas mong tahimik kahit kasama mo mga kaibigan mo? Tulad kanina, ‘di ka man lang magkwento noong nasa FX kayo ni Rochelle? Minsanan ka lang magsalita at humirit buong araw. Naaalala mo no’ng magkakatabi kayong apat nina Chenee, Rochelle at Sushi(Joan) sa McDo? Parang bilang lang sa daliri ang mga sinalita mo. Nakikitawa ka naman pero parang hanggang gano’n ka lang e. Biruin mo ‘yon, birthday ni Sushi ta’s ‘di ka gaano nagsasalita. Ta’s noong –

[Ako]    Wala naman kasi akong makukwento e. Sa mga korny na hirit na nga lang ako bumabawi e dahil hindi rin ako makasakay sa mga pinag-uusapan nila. Tahimik talaga akong tao. Makwento naman ako kaso, tahimik talaga ako lalo na kung alam kong hindi makaka-relate ang pinagkukwentuhan ko.

[Andoyman]    Hindi ka naman ba naiilang? O baka feeling mo O.P. ka na naman kanina?

[Ako]    Hindi ako naiilang. At hindi rin naman ako na-o-O.P. Ang pakiramdam ko, hindi ko maintindihan kung bakit parang hindi ako palasalita.

[Andoyman]    E ano bang magagawa mo kung ganyan ka talaga, ‘di ba? Hindi mo naman kasalanan ‘yan e. Pero kung gusto mong hindi ka makaramdam ng parang…parang…hmm…tawagin na lang natin na ‘Misteryosong Kalungkutan’, e ‘di, magbago ka.

[Ako]    Iyon nga e, ang hirap lalo na kung nasanay kang maging mas tahimik madalas kaysa sa maging palakwento. Kanina, sa interview namin sa Emerson. Halos wala ‘ata akong nasabi. Ibig kong sabihin, walang kakumpiya-kumpiyansa ang pagsasalita ko at walang kalatoy-latoy ang inggles ko. Isa pa, noong interview naman namin sa Sykes. Nakakatuwa nga dahil non-conventional way ang ginamit ng interviewer sa amin at naging magaan ang interview. Magtatanong kami ng dal’wang tanong sa taong nasa kaliwa namin at sasagutin naman namin ang tanong ng nasa kanan namin. Noong ako na ang sasagot, medyo mabagal ang sagot ko pero tawa kami nang tawa sa mga hirit ko at sa gawi ng pagsagot ko. Pero nang matapos na ang Q&A portion namin sa isa’t isa, sinabi sa amin ng interviewer na gine-grade-an na kami sa gawi ng pagsagot namin: sa kung paano at gaano kami katagal sumagot, bumuo ng pangungusap, at sa pagsasalita. Naisip kong bigla na, paktay-nane ako. Tagilid ako. Kung bakit ba naman kasi ang hina ko sa ‘pagsasalita’ at sa inggles. Tsk.

[Andoyman]    E ba’t ‘yaw mong magpraktis?

[Ako]    …

[Andoyman]    Hay naku. Alam mo naman na kailangang-kailangan ang mga bagay na ‘yan sa mundong ‘to e. Tsk. Ako ang na-a-ano sa ‘yo e. Noong nasa FX kayo papuntang Megamall galing ng NCAS para kumain, napansin ka ni Bertdey Girl Sushi na antahimik mo. Ano na naman ba ang iniisip mo no’n? Hindi ba, alam mo naman na ayaw n’on sa mga gano’ng tipo ng tao. Iyon ang alam nating dalawa. At saka, ‘di ba, isa siya sa mga kaibigan mong tinuturing mong napakahalaga ta’s tatahi-tahimik ka pa sa araw pa mismo ng bertdey niya. Pa’no na ‘yan kapag bertdey pa ng iba mong kaibigan? Ganyan ka pa rin ba?

[Ako]    Siyempre ayaw ko namang maging gano’n palagi. Nag-iisip lang ako ng mga oras na iyon na napakahina ko sa pagsasalita at sa inggles. Hindi rin ako palasalita at madalas tahimik talaga ako. ‘Pag humirit pa ako, korni. Pakiramdam ko, hirap na hirap ako sa paghahanap ng trabaho. Iniisip ko kasi ay kung ano ang mangyayari sa akin kung sakaling sumabak na ako sa one-on-one interview. Magkakalat ba ako o magagawa ko nang maayos ang interview? Naisip ko rin na kung ganito ako palagi, may magkakagusto pa kaya sa aking babae? E ‘di ba, karaniwang gusto ng babae ay ‘yong palakwento at may humor na lalake? Pakiramdam ko, wala ako no’n e.

[Andoyman]    Alam kong alam mo ang mga sagot sa tanong mong ‘yan. At saka, kung maaari sana e huwag mo ng paganahin pa ang inferiority complex mo. Alam mo namang hindi makakatulong sa ‘yo ‘yan e. Anlaki na ng in-improve mo. Anlaki na ng ipinagbago mo. Anlaki na ng iminature mo. Hindi mo na dapat alalahanin ang mga negatibong bagay. Alam mo ang mga dapat mong gawin diyan.

[Ako]    Iyon nga e. Parang kahit alam ko ang mga maaari kong gawin e parang hirap pa rin akong gawin ang mga nasa isip kong paraan para lutasin ‘tong mga problema ko.

[Andoyman]    Andoy. Huwag na huwag kang magpapahuli. Huwag na huwag kang magpapabaya. Lagi mo sanang tandaan ‘yan.

[Ako]    Oo. Salamat sa pagpapaalala.

[Andoyman]    At tandaan mo rin ‘yong sinabi ng isang karakter sa napanood mo, “Walang may gustong lumapit sa taong malungkutin.”

[Ako]    Oo, natatandaan ko ‘yan. Salamat.

Akala ko, malungkot akong uuwi ng bahay dahil sa mga bagay na nasa isip ko. Hindi pala. Masaya akong umuwi ng bahay alinsabay ng pagbuhos ng ulan dahil sa kanila. Gudlak sa mga susunod pang paghahanap namin ng trabaho. Happy birthday ulit kay Sushi! Maraming salamat sa panlilibre mo at sa pagiging napakakulit na kaibigan! Yey!

Posted by andoyman at 1:25 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment