kwan. ano. yon. yeh!

1st Monthsary

Friday, June 19, 2009

Ambilis. Isang buwan na pala ang nakalipas mula nang grumadweyt kami. Saka ko lang naalala ng mabanggit ‘to ng isa naming kaklase namin kahapon habang nasa Makati kami.

Napaisip tuloy ako kung ano ba’ng mga nangyari sa akin nitong nakalipas na isang buwan. Madalas tambay lang ako. Nakikibalita lang kung ano na nangyayari o kung may trabaho na ba ang iba. Pero sa tingin ko, malaking bilang ang wala sa aming trabaho. May iba naman na nag-aral pa ulit. Nag-master-al.

Ako, ayoko ng mag-master-al pa. Ayoko ng mag-aral pa sa loob ng eskwelahan. Sawa na ako. At madalas, hindi rin ako nakikinig sa mga prof na nagtuturo. Nakakatamad na silang pakinggan. Mas gusto kong mag-aral sa labas ng paaralan dahil pakiramdam ko, mas malaya ako sa mga gusto kong matutunan. Hirap din kasi akong matuto kapag dinadaldal lang ng prof ang lectures. Mas natututo ako kapag may application kaagad. Ayoko na rin ng mga exams, quizzes, recitation, projects, at (lalo na) thesis. Sinusuka na ng utak ko ang mga ganyan. Pabibigatin lang ng mga ‘yan ang kalooban ko. Ma-i-stress pa ako ng sobra kakabisa ng sandamakmak na terms tapos sampu lang ang lalabas sa exam. Ayoko na ring may alalahanin pang mga assignments at seatworks. Isinusuka na ng buong sistema ko ang lahat ng may kaugnayan sa GRADES.

Wala rin akong pakialam kung tataas ang sahod ko sa trabaho kung sakaling mag-master-al ako. Hindi naman din kasi iyon ang habol ko lalo na sa pangarap ko. Minsan nga nang mabasa ko ang Personal Statement sa Student Fact Sheet – para siyang resume kaso mas mahaba nga lang, sobra – ng ilang kaklase ko, karamihan sa kanila ay gustong mag-master-al. Ako naman, hindi ko maintindihan kung bakit at ano ba talaga ang malalim na dahilan para mag-master-al ang isang tao. Kung mas mataas na sahod ang habol, ayoko. Kung patuloy na pag-aaral ang habol, ayoko pa rin. Kung pampahaba ng pangalan, pampaganda ng credentials, at pantaas (kuno) ng pangalan at dangal ang habol, mas lalong ayoko. Dahil diyan, tingin ko e loko-loko nga talaga ako dahil pakiramdam ko, ako ang kabaligtaran ng mga kaklase ko lalo na sa tatahaking buhay.

Balik sa 1st-monthsary. Sa loob ng isang buwan, eto ang mga ginawa ko: nag-net, gumawa ng mga wallpaper, nag-download ng kung anu-ano, binalikan ang pagguguhit at hinahasa ang sarili rito, nag-iisip ng mga plot na isasa-komiks ko, naglalaro madalas ng mga games na nasa PC, nagsusulat ng kung anu-ano, nagbabasa ng kung anu-ano, nag-iisip ng kung anu-ano, daydreaming (mas napadalas), nag-wo-walk-in sa mga kumpanya sa Ortigas, Eastwood at iba pang lugar at idagdag pa riyan ang pag-a-apply online, naghihintay kung may tatawag o magte-text na kumpanya, at nanonood ng TV. Madalas pa akong puyat dahil sa mga ginagawa ko kasi mas gising ang utak ko sa gabi. Ewan ko ba kung bakit tamad na tamad akong gumawa kapag umaga. Mas masarap kasing manood ng Spongebob kesa mag-isip ng umagang-umaga.

Pero hindi naman ako nabuburyong kasi pabago-bago bawat araw ang mga ginagawa ko dahil na rin marami akong gustong gawin, marami akong gustong matutunan na madalas e wala sa mga dinadakdak ng mga propesor. Kaso nga lang, ang hilig ko talagang pagkasyahin ang mga ‘yon sa gabi. Kasi nga, nanonood ako ng Spongebob sa umaga.

Dasal namin, huwag na sanang umabot ng ilan pang *katok sa kahoy* monthsary ang pagiging PLDT (Palamunin Lang Dahil Tambay) namin. Tutuparin ko pa ang nasa wish list ko. Kailangang-kailangan ko na ring makatulong dito sa bahay sa mga babayarin at utang.

Ooh…

GOD HELP ME.
GOD HELP US.

Posted by andoyman at 4:37 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment