kwan. ano. yon. yeh!

Ang Malaki at Ang Maliit

Friday, June 19, 2009

Ito ang karaniwang babala na nakikita natin sa lansangan.
 

Pero dahil na rin sadya talagang matigas ang bumbunan ng mga Pinoy, hindi ito sinusunod. Hmm, siguro dapat ito ang nakalagay sa lansangan.
 

Biglang bumuhos ang malakas na ulan noong Sabado ng gabi na siyang nagpawi ng kaalinsanganan ng buong maghapon. Lumabas ang kapatid ko para tignan ang kanyang alagang aso nang bigla siyang sumigaw na may patay na pusa. Nakadalawang ulit na nagsabi ang kapatid ko bago ako lumapit at nakita ko nga ang kuting na wala ng buhay malapit sa alagang aso ng kapatid ko na nasa hagdanan at nakatingin sa amin.

Sumunod na dumating ang tatay namin at nakita niya ang wala ng buhay na pusa. Nakakaawa dahil walang kamalay-malay ang kuting na iyon na hindi na niya mararanasan ang lumaki pa. Marahil, napag-trip-an ng aso namin na paglaruan ang kuting at ito’y kanyang kinagat-kagat hanggang sa mawalan ito ng buhay para lang siguro sa kanyang kasiyahan. Kung napaaga lang ang kapatid ko sa pagtingin sa aso niya, baka sakaling maligtas pa ang kuting na iyon.

Naaawa ako dahil tulad sa kuting, ang kalagayan ng edukasyon ng bawat batang Pilipino ay tila isinasang-tabi lang ng mga mapagpaimbabaw na nasa kapangyarihan. Nakapanood ako sa telebisyon tungkol sa isang estudyanteng labing-tatlong kilometro ang tinatahak makapasok lang ng eskwelahan sa loob ng anim na taon, kung hindi ako nagkakamali, gamit lang ang kanyang bisikleta. Sobrang sipag. Sobrang tiyaga. Sobra ang pagsisikap.

May napanood din ako tungkol naman sa mga batang Aeta na ilang kilometro rin ang tinatahak papuntang paaralan. Ilang kilometro ang tinitiis nila para lang bunuin ang bawat araw sa pagbabasa, pagsusulat, at pag-aaral upang matupad ang kanilang mga pangarap, magkaroon ng magandang trabaho, at maitaas ang pangalan ng kanilang pamilya at tribo. Kung hindi lang sa isang nagmalakasakit na ginang, patuloy pa rin sana sila sa pagtahak sa ilang kilometrong daan na iyon. Pinatayuan sila ng ginang ng isang dorm na malapit sa kanilang paaralan upang hindi na sila maglakad pa ng ubod ng layo. Dahil sa dorm, hindi na tumaas pa ang drop rate ng mga kapatid nating Aeta.

Marahil ay napapanood din ninyo ang sitwasyong ipinapakita ng mga media ukol sa kalagayan ng mga estudyante, guro, at ng bawat paaralan. Lumala pa ang problema natin sa edukasyon. Nadagdagan ang bilang ng mga mag-aaral nitong pasukan; ganoon din ang mga kakulangan sa mesa, upuan, lapis, papel, aklat, guro, sahod ng guro, di nakapag-aral, di makakapag-aral, at edukasyon. Hindi na kailangan pa ng mga numero at istatistika. Hindi na kailangan pa ng mga survey. Madali namang makita ang mga ‘yan e. Pwera na lang kung manhid ka ngang talaga.

Siguro nga. Siguro nga. ITO TALAGA ANG GUSTO NG MGA TAONG NAKAUPO SA KAPANGYARIHAN.

Siguro nga. Siguro nga. ITO TALAGA ANG PANGARAP NG BAWAT GUMAGAWA’T NAGPAPATUPAD NG BATAS.

Siguro nga. Siguro nga. ITO TALAGA ANG NAIS MANGYARI NG MGA NASA MATATAAS NA UPUAN.

Siguro nga. Siguro nga. Tulad ng alaga naming aso na inuna ang kanyang kasiyahan maging kapalit man nito ang buhay ng isang kawawang kuting.

Biglang bumuhos ang malakas na ulan noong Sabado ng gabi. Ayon sa paniniwala, kapag may namatay na pusa sa inyong lugar, uulan daw ng malakas.

 

Posted by andoyman at 4:36 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment