kwan. ano. yon. yeh!

Ang Buhay Tambay

Thursday, June 25, 2009

Tao1: Hoy!
Tao2: Ano?
Tao1: Wala.
Tao2: Hah?
Tao1: Ano?
Tao2: Wala.
Tao1: Hah?!
Tao2: HAH?!!
Tao1 at Tao2: (Nagsuntukan na)

Iyan ang ginawa kong text na tinext ko sa mga kaibigan’t dating kaklase. Kwento ‘yan ng dalawang tambay na walang magawa hanggang mauwi sa suntukan ang pagtatambay nila. Inspirasyon ko r’yan ‘yong isang eksena sa Kikomachine Komix. Asteg.

Kung anu-ano ang naiisip ko habang nagkukulong ako sa kwarto’t kaharap ang monitor. Isa na ‘yang text message na ‘yan sa mga kalokohang walang awat na nagma-marathon sa kukote ko. Pero parang ang hirap isipin na may perang pang-net ako sa computer shop at pang-load sa cellphone gayong full time tambay ako.

Limandaang piso (P500) ang natanggap ko sa huling nagpagawa sa akin. Plus P100 bilang bonus sa gawa ko, naka-P600 ako. Yey! Kaya lang ngayon, mahigit isandaan na lang ang nasa pitaka ko. Hindi inabot ng isang linggo ang six hundred pesos na ibinayad sa akin. Ang gastos ko.

May nagpapagawa ulit sa akin ngayon. Tapos, may nagpapaayos pa ng PC sa akin na pupuntahan ko sa Biyernes. Bigla kong naisip, parang nabubuhay ako sa mga pagawa at paayos. Asteg pero hindi gano’n ka-asteg. Hindi maganda ang sitwasyon ko. At alam na alam ko ‘yon.

Napakahirap ang maging full time tambay sa loob ng kwarto habang ang buong mundo ay patuloy sa pag-ikot at ang mga tao’y patuloy sa pagwasak nito este pagtatrabaho.

Tao1: Ano gawa mo?
Tao2: Wala. Ikaw?
Tao1: Wala rin. Bakit?
Tao2: Anong bakit?
Tao1: Bakit. As in, bakit.
Tao2: Bakit sa ano?
Tao1: HAH?!
Tao2: Ewan.
Tao1: Ewan din sa ‘yo!
Tao2: Loko ka ah!
Tao1: Mas lalo ka!
Tao1 at Tao2: (Nagtadyakan)

Sariling ideya ko naman ‘yan. Wala talaga akong magawa. Pero, wala nga ba?

Marami pa rin akong ginagawa bukod sa pagwawalis sa mga alagang dumi’t alikabok sa bahay, paghuhugas ng mga pinggan, paglalaba, at panonood ng Spongebob. Nagbabasa ako ng iba’t ibang artikulo, blog, at PDF files tungkol sa kahit anong klaseng topic. Gusto ko kasing kumakain din ang kukote ko lalo na’t hindi na ako dinadaldalan ng mga prof. At para mabasa ko ang mga iyon sa bahay, kina-copy ko ang mga artik sa Notepad o dina-download ko ang PDF file. (Siyanga pala, madalas ako lang ang naiiwan sa bahay. At dahil wala akong alam sa pagluluto bukod pagprito’t paglaga ng itlog, paggisa ng mami, at pagluluto ng instant pancit canton, wala na akong ibang alam lutuing ulam. Tinuruan na ako dati ni Mama sa pagluluto ng corned beef kaso nalimutan ko na.)

Sinasanay ko rin ang kaluluwa ko sa pangarap ko para maging bihasa na ako rito. Andami na ngang tumatakbo sa utak ko kapag natutuon ang buong sarili ko rito. Asteg. Na-e-excite ulit ako.

Stud: Ser!
Prof: O, bakit?
Stud: Pwede po magtanong?
Prof: Pwede.
Stud: Salamat po.
Buong klase: HAHAHAHAHAHA!

Isa na naman ‘yang ka-ewan-ang text message ko. At oo, oo talaga, as in. Matagal ko nang alam na napaka-korny ko. :D

Buhay-tambay. May back-up plan ako kung sakaling wala pa rin akong trabaho. Una, mag-a-apply ako sa pinag-OJT-han ko. Pangalawa, sasali ako sa PBB o sa Talentadong Pinoy (HAHA). At pangatlo, nito-nito ko lang naisip, papasok ako sa OGAGS. Haha. Alam mo ba ‘yon? Ogags,’yong nasa TV5. Mga kalalakihang gagawa ng kung anu-anong klaseng kalokohan. *Don’t try this at home. Do it here!*

‘Lang ya. Nagtapos pa ako ng kolehiyo tapos doon lang pala ang babagsakan ko. *Katok sa kahoy*

Ayoko nga!

Mag-a-artista na lang ako. :D

Posted by andoyman at 11:05 am | permalink | Add comment