Abnoy-Pinoy
Friday, July 31, 2009Hindi ba abnormal:
Na ang Pilipino’y gustong umunlad, guminhawa at umangat ngunit kapwa Pilipino rin ang nagpapahirap, nagpapabagsak at humihila pababa?
Na ang mayayamang Pilipino’y patuloy sa pagyaman at ang mahihirap ay patuloy sa paghirap?
Na ang bawat Pinoy ay sumisigaw ng pagkakaisa ngunit walang nagbibigayan at nagkakanya-kanya?
Na madalas nakikita natin ang mga kamalian ng iba ngunit hindi ang nagawa nilang tama?
Na ang mga Pilipino ay estranghero sa kanyang sariling bansa?
Na hindi niya kilala kung sino siya?
Na mas pinapahalagahan natin ang mga bagay, kultura at kagalingan ng ibang bansa kaysa sa ating sariling bagay, kultura, at kagalingan?
Na gusto ng halos bawat isa ang magka-mansiyon ngunit kaunti ang may gustong magka-tahanan ang mga nasa lansangan?
Na ikinukulong natin ang napagbintangan at pinalalaya ang may sala?
Na mahilig nating ipagyabang ang magaganda nating nagawa at itanggi ang mga nagawang kasalanan?
Na ang pera ay ating nilagyan ng kapangyarihan, ating sinasamba, at kung minsa’y inaalayan pa ng buhay?
Na mataas ang tingin natin sa mga dayuhan ngunit mababa at ibinababa natin ang ating lahi?
Na hanggang ngayon ay hindi natin magawang kumawala at tila ayaw nating kumawala sa nakasisirang “colonial mentality”?
Na sigaw tayo nang sigaw ng pagbabago pero ang pagtulong sa iba ay hindi magawa?
Na hati-hati tayo sa kung sino ba ang tunay na pambansang bayani, sa mga relihiyon at sekta, sa mga pinaglalabang paniniwala, sa kung sino ang tama at sino ang mali?
Na lahat ay gustong ipaglaban ang alam nilang tama ngunit walang gustong tumayo at isigaw at aminin na siya’y nagkamali?
Na puro panghuhusga, panlalait at paninira ang madalas nating ginagawa sa isa’t isa?
Na tayo’y nagkaroon ng kapangyarihan ngunit hindi tumutupad sa kanyang responsibilidad?
Na halos wala ng Pinoy ang tumutupad sa kanyang “Panatang Makabayan” at “Lupang Hinirang”?
Na mahilig nating isiksik sa iba na ang sa atin ay tama at ang sa kanila’y mali?
Na mahilig nating isisi sa ibang tao at ibang dahilan ang ating pagiging mahirap, nararanasang paghihirap, baha, sakit, gutom, hindi makapag-aral at mga kamalian ngunit hindi natin magawang sisihin ang ating sarili?
Na ang ilang babae’y mahilig magpadali at pag nabuntis, isisisi sa iba?
Na ang ilang lalake’y mahilig mandali ngunit di kayang pangatawanan ang kanyang responsibilidad?
Na ang ilang magulang ay mas pinahahalagahan ang pera kaysa kanyang mga anak?
Na ang nasa kapangyarihan ay may utak, o madalas walang utak, ngunit walang puso?
Na ang nakikinabang sa mga matatalino at mahuhusay na Pinoy ay mga dayuhan?
Na mas inaalam natin ang kultura ng ibang bansa kaysa ating kultura?
Na mas pinahahalagahan natin ang dila ng ibang bansa at hindi pinagyayaman ang sariling wika?
Na kailangang magsalita ng Pinoy ng wikang banyaga sa kanyang sariling bansa upang maging sosyal, may class at magkatrabaho?
Na mas pinagtutuunang-pansin ang ibang wika kaysa sa kung anong mayroon tayo?
Na maraming Pilipino ang umaasa sa mga iligal na gawain at pag nahuli’y iiyak at magsasabing “Mga walang awa!”?
Na hinahayaan nating tumagal ng maraming taon ang mga di-pagkakaunawaan ng bawat sangkot sa katimugan?
Na nababaduyan tayo sa sariling atin at tinatapak-tapakan sa halip na gawan ng paraan upang mas humusay at ating maipagmalaki?
Na ang bawat talumpati ng mga tagapagsalita sa anumang uri ng okasyon sa saanmang lugar ay dilang banyaga ang ating isinasalita?
Na ang bawat Pinoy ay nag-aaral at pinapag-aral para ibigay ang ating serbisyo sa iba sa halip na makinabang ang mga nangangailangan dito?
Na ayaw natin sa mga mandaraya ngunit tayo mismo sa maliliit na paraan ay isa ring mandaraya?
Na mas pinahahalagahan natin ang kapangyarihan, kasikatan at kayamanan kaysa edukasyon, pangarap, pag-ibig at kalayaan?
Na dumadaan ang ika-12 ng Hunyo ngunit wala na tayong ipinapakitang pagpapahalaga?
Na mahilig tayong umasa sa Amerika at di tayo umaasa sa ating mga sarili?
Na ang tinutukoy natin madalas na oportunidad ay ang makapanloko at gumawa ng iligal?
Na ang idadahilan natin sa paggawa ng kamalian ay ang pagiging mahirap?
Na mas gusto nating mamalimos, tumagay buong-araw, makipagdakdakan at magreklamo sa halip na tulungan ang ating mga sarili at gumawa ng paraan upang umangat?
Na gumagawa tayo ng batas para lang hindi ipatupad?
Na mas gusto natin ang magkagulo kaysa kapayapaan?
Na madalas puro tayo salita, puro welga, puro reklamo pero di tayo gumagawa?
Na mas mahalaga sa atin ang kumita ng pera kahit nakakasakit tayo ng iba?
Na bulaang-dila lang ang ating pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa, kultura, wika at sa bansa?
Na gumagawa tayo ng tama para lang magpa-pogi at masabihang mabuting tao?
Na lagi nating depensa na “madaling sabihin ngunit mahirap gawin” sa halip na gumawa mismo ng paraan?
Na ating binibilanggo ang ating mga sarili?
Na ang mahihirap ay umaasa sa mayayaman at ang mayayaman ay umaasa sa makapangyarihan at ang makapangyarihan ay umaasa sa mahihirap?
At hindi ba ka-abnormal-an na hanggang ngayon ay pinapanatili natin ang mga ka-abnormal-an ng ating sarili sa halip na humanap ng lunas upang gamutin itong sarili nating sakit?
Habang-buhay ba tayong ganito?
Sana…hindi.
Ika-siyam niyang SONA
Ano ang kaibahan ng fairytale sa SONA?
Ang fairytale ay kwentong hindi totoo na may duwende. Ang SONA ay may duwendeng nagkukwento ng hindi totoo!
Pls. pass hanggang makarating sa bwakanang inang dwende! =]
Text ‘yan sa akin. Hindi ko alam kung matutuwa ako o hindi. Hindi ko rin ito ipinasa dahil wala akong load. Ngunit kahit may load ako, hindi ko pa rin ito ipapasa. Bakit? Dahil ayaw kong manira ng iba. At hindi ako naniniwala na mahihilom ng paninira ang ginagawang pagsira ng iba sa ‘yo. Maging totoo man o hindi ang mga inaakusa kay Pang. Gloria, hindi ko pa rin siya aakusahan. Hindi ako kumakampi sa kanya, ayaw ko lang gatungan pa ang ginagawa ng karamihang galit sa kanya…kahit may galit din ako sa kanya.
Mahirap maniwala sa kanya o sa kanyang mga kritiko dahil hindi mo rin alam kung kanino ang katotohanan at ang kasinungalingan. Pare-parehas lang nagbabatuhan ng putik. Pare-parehas lang naghahanapan ng dumi.
Tanungin mo ang mga anti-Gloria: mga dumi lang ang makikita nila. Tanungin mo si Gloria: mga kalinisan lang niya ang mapapansin niya. Kanya-kanyang sukatan kung sino ang nakahihigit at kung sino ang maliit. Kanya-kanyang pasaring na kami ay tama at sila ay mali. Puro “sila”, puro “kami”. Walang “tayo”. Lahat, kontra sa isa’t isa pero lahat din, sumisigaw na magkaisa.
Nasobrahan na yata tayo sa “kalayaan”, tingin ko lang, at parang inaabuso na natin ito para sa mga pansarili nating kahulugan ng “pagkakaisa”. Walang magbibigayan, walang magpaparaya. Lahat naman naghihirap. Lahat din, namamanhid na yata sa mga kaganapan. Walang aamin, pero lahat mag-aakusa. Lahat biktima at lahat din kriminal. Kanya-kanyang kampihan, kanya-kanyang sagupaan mapatunayan lang na sila ang tama. Di bale nang maghirap ang iba, yayaman naman ako. Di bale nang mapaos kasisigaw, may bayad naman ‘to.
Malinis ka sa tingin ng mga kakampi mo, madumi ka sa mga ayaw sa ‘yo.
Ang kawalan ng kapayapaan at pagkakaisa ng Pilipino ay tulad sa dalawang taong nasa magkabilang panig ng pinto. Itutulak ng isa ang pinto upang makapasok, at ganoon din ang gagawin ng nasa kabilang panig. Magtutulakan sila hanggang ang isa’y makapasok. Ngunit mananatiling sarado ang pinto dahil sa kontrahang ginagawa ng dalawang tao. Ganoon lang lagi sila hanggang masira ang door knob. Walang nasosolusyonan.
175 Years
Ayon sa isang survey na ibinalita sa telebisyon, isandaan at pitumpu’t limang (175) taon ang ihinuli ng ating bansa sa mga industralisadong bansa. Isipin mo ang laki ng agwat na hahabulin natin.
Rollercoaster
Tinanong ng Estudyante ang kanyang Guro,
“Guro, bakit may mga taong pinaghihirapang matupad ang kanilang mga pangarap?”
Tumingin ang Guro sa kanyang Estudyante at binigyan niya ito ng isang ngiti.
“Ano ang pinakagusto mong sakyan sa karnibal?”
“Hmm…Rollercoaster po.”
“Bago ka makasakay ng rollercoaster, ano muna ang ginagawa mo?”
“Siyempre, bibili po muna ako ng tiket, tapos, saka ako pipila. Minsan pa nga e sobrang haba pa ng pila. Pero nakakasakay pa rin naman ako.”
“At ano ang nararamdaman mo pagkatapos mong sumakay?”
“Masaya po siyempre. Sulit ang bayad. Kakaiba po kasi ang thrill kapag nakasakay ka na do’n e. Kayo po, nakasakay na po ba kayo sa rollercoaster?”
Natawa ang Guro sa tanong ng kanyang Estudyante. “Haha. Hindi pa ako nakakasakay sa gano’n. Pero susubukan kong sumakay kung sakaling makapunta tayo.”
“Eh Guro, hindi mo pa nasasagot ang tanong ko sa ‘yo kanina. Bakit may mga taong pinaghihirapang matupad ang kanilang mga pangarap?” tanong niyang muli sabay ang pagkamot sa kanyang ulo. Maya-maya’y sumagot na rin ang Guro, “Dahil katulad din ng pagsakay mo sa rollercoaster ang mararamdaman mong walang katumbas na kasiyahan kapag natupad mo na ang iyong mga pangarap. Hindi bale ng may bayad at mahaba ang pila dahil alam natin mismo, mula sa ating puso, na ito ang talagang gusto natin at siyang magpapasaya sa buhay natin.”
Kowts
“’Yan daw alak at gamot at pagkaapi, nakakasanayan. Kalaunan daw, hindi ka na tatablan pa. Pero hindi totoo ‘yon. Lalo na sa kaso ng pagkaapi.”
-Lualhati Bautista, ‘Gapô
Ang Tambay at Ang Kulugo
Monday, July 27, 2009Wow! Ambilis kong nakapag-blog ulit.
Nakapag-blog ulit ako kasi heto tambay na naman ako. Anong nangyari sa training ko? Sabihin na lang natin na hindi na ako tinawagan o tinext para sa isang interbyu. Ayos lang sa akin. Bakit ayos? Ewan. Pero…may parte sa sarili ko na parang lumaya ulit.
Ganoon pala kapag nagtatrabaho ka na, para kang nakakulong sa mga patakaran at layunin ng isang kumpanya at ikaw ay isang tauhang nasa ilalim niyon na ang tanging trabaho ay paunlarin ang kumpanyang pinasukan mo. Parang gusto kong bawiin at tanggalin ang mga inilagay ko sa resume na “To be able to contribute to the success of the company through my knowledge and skills” at “To be involved in achieving the company’s vision and goals.” Hindi ko pala mapapangatawanan ang mga ‘yan.
Ako kasi ang tipo ng tao na laging naghahanap ng konting puwang ng kalayaan para sa mga gusto kong gawin. Akala ko noong una, magagawa ko ‘yon kahit magtrabaho ako. Hindi pala.
Balik ulit ako sa pagiging buhay-tambay at kailangan kong tipirin ang natitirang pera sa aking portamonada (pitaka o kalupi) para sa mga pansarili kong gastusin. Saka na muna ulit ako maghahanap ng trabaho kapag ginanahan na akong maghanap. Tambay muna kahit saglit lang. *ngiting malaki*
Noong isang gabi, nabanggit ko sa pamilya ko ang dalawang kulugo ko sa kanang hintuturo. Nakakailang na kasi. Iyong medyo mahaba na kulugo, iyon ang pinakaunang sumulpot mula nang paulit-ulit kong pindutin ang play button ng discman ko nang minsang dalhin ko iyon noong kolehiyo. Wala kasi akong MP3 player o iPod kaya hanggang discman lang ako. Ayaw kasing mag-play kahit napalitan ko na ng battery. Kapipindot ko, may bumukol sa daliri ko. Ginalaw ko pa yata noon kaya lumala. Iyong isa naman ay dahil sa kapipindot ko sa power button ng cellphone ko. Lumakad yata ang ugat ng unang kulugo kaya nagkaroon ng ikalawa.
At dahil ayaw kong kumalat ‘to, pumayag akong gamutin ‘to ng tatay ko. Ibinida niya sa akin na nawala ang kulugo niya sa pamamagitan lang ng paraang ginamit niya – ang pagsunog gamit ang baga sa palito o di naman kaya sa katol.
Kaya kahapon, gamit ang posporong pinagdikit ang dalawang ulo at binalot ng foil ng sigarilyo, susunugin ang kulugo ko. E pumalpak kasi sobrang liit lang ng ulo ng mga palito kaya sandalian lang ang pagliyab, hindi ngayon umepekto. Paano ba ‘to ginagawa?
Una, balutin mo ng foil ang daliring may kulugo at mag-iwan ng butas na sakto doon sa kulugo. Balutin naman ng foil ang dalawang palitong magkadikit ang ulo saka itutok ito sa kulugo. Sindihan ang dulo ng posporo – dito kami nahirapan dahil namamatay ang apoy. Pagdating ng apoy sa dulo ng sinindihang palito, lalakas ang pagliyab at iinit ito sakto para masunog ang kulugo. Kaso, hindi ‘to gaano epektibo dahil mahihina raw, sabi ng tatay ko, ang mga palito ngayon.
Ang ikalawang paraan ay ang paggamit ng katol. Saktong may nakitang katol ang tatay ko sa may guard house kaya iyon na lang ang ginamit. Ito naman ang paraan para gawin ito:
Una, sindihan ang katol. Ikalawa, itutok ang baga sa katol sa kulugo hanggang masunog ‘to. Pwedeng ikaw mismo ang magsunog o humingi ka ng tulong sa iba. Sa kaso ko, hinayaan ko na lang ang tatay ko na siya ang magsunog. Pasundut-sundot lang ang paglapat ng baga ng katol sa kulugo. Pwedeng tagalan o sandalian lang. Basta dapat, tuloy-tuloy hanggang mangitim ito. Kapag nangitim na, sunog na.
Pawis na pawis ako nang ginagawa ito sa akin. Pinipigil ko kasing mag-react sa init ng baga para lang masunog ang kulugo ko. Pakiramdam ko kahapon, para na akong masokista. Para kasing may konting sarap e. Hehehe. Iyon siguro ang tinatawag nilang “adrenaline rush”. Hahaha.
At pakiramdam ko rin, parang ako ‘yong tambay na nasa harap ng kamera’t gumagawa ng kung anu-anong kalokohan pagkatapos ay magsasalita sa dulo ng show ng “Don’t do this at home! Do it here!”
Ogags na ogags ang dating!
Sabi ng tatay ko, mga ikatlong araw pwede ko nang tuklapin ang nasunog na kulugo. Wala na ‘yon pagkatapos.
Asteg
Kowts
“Knowing others is intelligence;
knowing yourself is true wisdom.
Mastering others is strength;
mastering yourself is true power.”
-Tao Te Ching
Papel at Baso
“Paano mo titignan ang isang tao?” tanong ng Guro sa kanyang Estudyante habang sila’y namimingwit sa pinakamagandang batis sa kanilang lugar.
“Hmm. Parang ang hirap naman po ng tanong ninyo. Siguro po, titignan ko ang isang tao base sa mga ginawa niya, sa ugaling meron siya, at katauhang taglay niya.” sagot ng Estudyante.
“Importante ba sa ‘yo kung mabuti o masama siyang tao?”
“Hmm. Siguro po, oo. Lahat naman po ‘ata, gusto ang mabuting tao.”
“Tama. Pero, kung sakaling makagawa siya ng isang bagay na hindi kaaya-aya o masama sa iyong paningin, maituturing mo pa rin ba siyang mabuting tao?”
Napakamot ng ulo ang Estudyante sa tanong muli ng kanyang Guro. “Hmm, ang hirap naman pong sagutin niyang tanong ninyo.” Niyaya ng Guro ang Estudyante na sumunod sa kanya. Saglit nilang iniwanan ang kanilang mga pamingwit at tinungo nila ang kwarto ng Guro.
Kumuha ng isang papel at isang baso ang Guro. Naglagay siya ng isang tuldok sa gitna ng papel at pinukpok ang baso sa gilid ng mesa hanggang sa mabasag ang ikaapat na bahagi nito.
Ipinakita ng Guro ang papel sa kanyang Estudyante at siya’y nagtanong, “Ano ang nakikita mo?” Sumagot ang Estudyante, “Tuldok po.”
Sunod naman niyang ipinakita ang basag na baso at muli siyang nagtanong, “Ano ang hawak ko?” Alinlangang sumagot ang Estudyante, “Aah…Aah…B-baso? Basag na baso?”
Ibinababa ng Guro ang kanyang hawak at siya’y nagsalita, “Sa bawat pagkakamali ng isang tao, nagkakaroon siya ng mantsa sa kanyang papel, o lamat o basag sa kanyang baso. Kapag may mantsa ang papel, ito ang madalas na makikita ng tao. Kung basag na ang baso, mahirap nang tawagin pa itong baso sapagkat hindi na buo.
“Kung papipiliin ako kung alin sa dalawa ang magiging batayan ko ng pagtingin sa isang tao, pipiliin ko ang papel. Dahil kahit may mantsa na ang papel, maaari ko pa rin itong tawaging papel. Hindi katulad ng baso, na kapagka may basag, maaari pa rin bang tawaging baso?”
Sa Pagiging Kuya
Saturday, July 25, 2009Medyo natagalan bago ulit ako makapagsulat dito. Abala kasi ako sa training ko. Tama! Training ang nabasa mo. Nakapasa ako sa interbyu sa isang kumpanya sa Eastwood. Abala sa opisina at gabi na – as in gabi talaga – ako nakakauwi ng bahay. Wala ng panahon para magsulat o mag-computer shop. Pero hindi tungkol sa training ang ikukwento ko kundi ang nangyari noong gabi ng Lunes nang umuwi ako.
Nakita ko ang kapatid ko na namumula ang mga mata niya habang nakakumot ang buong katawan at nakahiga sa kama niya. Sa unang kita ko pa lang, alam kong may problema siya. At nakumpirma ko ngang tama ang hinala ko nang tanungin ko siya.
Depressed siya, sabi niya. Depressed siya dahil sa nangyari sa kaniya at sa kanyang kaibigan. Tinanggal sila sa organization nila dahil sila ang pinagbintangang nagnakaw ng digital camera ng presidente nila. Sil ang pinagbintangan ang tinanggal gayong sila ang nakakita kung sino ba ang talagang may sala.
Kaya pala iba ang dating ng text ng kanyang kaklase noong mga bandang tanghali. ‘Yon pala ‘yon.
Hindi na napigilan ng kapatid ko ang umiyak. Iyak talaga siya nang iyak. Hikbi nang hikbi. Gusto ko na ring umiyak pero naisip kong huwag dapat.
Paanong sila ang tinanggal sa organization nila? Kwento ng kapatid ko, iyong may sala ay gumawa ng kwento na silang dalawa, ang kapatid ko at ang kaibigan niya, ang nagnakaw talaga ng digicam. Pero hindi niya alam kung paano nga ba ang naging miting. Awang-awa talaga ako sa kapatid ko kasi iyon ang unang beses niyang sumali sa isang organization sa iskul, magpuyat at maging abala sa mga pinapagawa sa kanya sa organization, at buong puso niyang ginagampanan ang tungkulin niya sa organization. Tapos, ganoon lang ang magiging kapalit nang lahat ng kanyang ginawa? Hindi patas.
Naramdaman ko ang pagiging kuya ko noong mga sandaling iyon. Isang kuya na kailangang protektahan ang kanyang kapatid laban sa sakit at pait na nararamdaman niya noong mga panahong iyon. Marami akong sinabi sa kanya, mga payo at aral sa buhay na napulot ko sa daan. Sinabi kong huwag siyang maghihiganti roon sa taong nagsuplong sa kanila sa kasalanang hindi nila ginawa. Patawarin niya kahit mahirap. Sinabi ko rin ang isang paniniwala/pilosopiya ko sa buhay…na ang lahat ng nangyayari sa tao, sakto…nasa tama lugar at panahon. Kailangan lang maniwala na may magandang kasunod ang lahat ng pangit na nangyayari. At hindi natatapos ang buhay niya sa organization na iyon.
Pinatandaan ko rin sa kaniya na hindi siya ang nawalan kundi iyong organization.
Medyo bumuti ang pakiramdam niya nang tanungin ko siya. Nagkwento pa ako ng mga pangarap ko, mga bagay na gusto kong maibigay sa kaniya at sa mga magulang namin. Nabanggit ko rin mga ilang pangyayari sa buhay ko na parang pangit pero nalagpasan ko.
Ngayon, ano na’ng nangyari?
Umamin ang totoong may sala. Nakonsensiya. Siya na rin yata ang kusang umalis sa organization. At kahit sinabihan ko ang kapatid kong huwag nang bumalik sa organization na iyon, bumalik pa rin siya. Hindi ko na siya pinigilan dahil iyon talaga ang gusto niya.
Napakasarap maging panganay at maging kuya kahit mahirap. Napakasarap dahil nararamdaman ko ang isang napakahalagang responsibilidad at tiwala na dapat pangalagaan at protektahan ko ang kapatid ko anumang oras, anumang mangyari, saanmang lugar. Buhay ko man ang maging kalapit.
Sana may “Brother’s day”!
Tungkol sa pag-aasawa
Ayon sa nabasa kong artik ni Pareng Paulo Coelho, ang tanging nilalang lang sa mundo na talagang “monogamous” o iisa lang ang asawa hanggang sila’y mamatay ay ang Diplozoon Paradoxum – isang organismo sa ilang isda. Paliwanag ni Barash, “Ang mga babae’t lalake ay nagsasama mula noong bata pa at nag-iisa ang kanilang mga katawan. At mula noon, tapat na sila sa isa’t isa hanggang sila’y mamatay.” Kumbaga, talagang ‘til death do them part.
Sana ang pagiging tapat ng lahat ng tao ay tulad din sa mga Diplozoon Paradoxum.
Jan Di
Kung nanonood ka ng Boys Over Flowers sa TV, siguradong kilala mo si Jan Di. Ang painting na nasa itaas ay gawa niya mismo. Asteg. Nagustuhan ko ang gawa niya kaya pinost ko rito. Asteg talaga. Hindi ko nga lang alam ang pamagat ng painting na ‘to. Pero asteg talaga.
Binigyan Ko Ng Deadline Ang Buhay Ko Part 7
Makakaligtas pa ba ako? Bigla kong nalaman sa aking sarili…
Hindi pa sapat ang tatlumpu’t limang taon na nabuhay ako. Marami pa akong gustong gawin. Marami pa akong gustong tapusin. Marami pa akong gustong makasama. Marami pa akong plano. Marami pa akong…
Hindi ko namalayan na kinuha na niya ang aking cellphone, wallet at ang aking bag. Hindi ko namalayan na umalis na ang holdaper. Hindi ko namalayan na biglang nanlambot ang buo kong katawan, napaupo sa gilid ng kalsada, nakatingin sa kawalan ng madilim na kalangitan, mulat ang mga mata at nakatulala sa bilog na buwan na siyang naging saksi sa lahat ng pangyayari. Hindi ko namalayan na lumabas ang luha sa aking mga mata. Hindi ko na alam pa ang mga sumunod na nangyari.
Nagising na lang akong nasa loob na ng aking kwarto. Mag-isa. Pero alam kong, nasa loob na ako ng aking pamilya.
***
Limampung taon pagkatapos ng insidenteng iyon, heto ako at buhay na buhay pa. Alam mo ang nangyari sa akin pagkatapos n’un?
Hindi ko alam pero nasurpresa talaga ako sa mga nangyari. Na-promote ako sa trabaho, nakapagpatayo ng tatlong bahay, yumaman ako, natupad ang mga pangarap ko, nakapag-around-the-world, naging aktibo sa mga kawanggawa, at nakita kong muli ang dati kong ex. Pagkatapos, sa maniwala ka o sa hindi, nagkatuluyan kaming dalawa. Walo ang naging anak namin. Labindalawa naman ang apo ko ngayon. Mukhang magkakaroon na nga rin ako ng apo sa tuhod e.
Wala na akong ibang mahihiling pa. Naging sobrang saya ng buhay ko at ng aking pamilya.
Ang pinaka-natutunan ko matapos ang pangyayaring iyon, nalaman ko, bukod sa wala sa kamay ng tao ang wakas ng kanyang buhay kundi Siya lamang ang may karapatan, na…
“Napakasarap mabuhay. Sayang kung itatapon mo lang ‘to dahil sa dami ng problema mo, o dahil sa marami kang utang, o binasted ka ng nililigawan mo, o nag-break kayo ng bf/gf mo, o ‘di ka nakapasa sa board exam, o nawalan ka na ng pag-asa, o nagtaksil sa’yo ang asawa mo, o asar na asar ka sa prof mong sobrang yabang, o nawala ang tuta mong si PawPaw, o tulad ko na gustong planado’t naka-iskedyul ang lahat. Pero kung gusto mo talagang magpakamatay, sige, go on. Ikaw lang naman ang sobrang lugi kung gagawin mo ‘yan dahil hindi mo na mararanasan ang sarap ng pagkakaroon ng apo, ang alagaan ka ng pamilya mo pagtanda, ang pagmano’t pagyakap sa’yo ng iyong mga apo, at ang makita ang buhay-pamilya ng iyong mga anak. Sa maikling salita, sasayangin mo lang naman ang isang pagkakataon na ibinigay sa iyo para mabuhay.”
“Magpakasaya ka dahil sobrang sarap mabuhay. Minsan lang ‘to.”
WAKAS.
Wanted: Call Center Agent
Tuesday, July 14, 2009Basta lang magkatrabaho na!
Alam kong medyo malayo sa course ko ang pagtangkang pagpasok sa pagiging isang call center agent pero, hala, sige na…para lang magkatrabaho na ako.
Tinawagan ako at nabulul-bulol pa sa pag-i-English. Muntikang ma-late sa oras ng interview pero salamat kay manong at talagang naghanap siya ng shortcut at mabilis ang pagmamaneho niya kaya nakarating ako kaagad ng halos tama lang sa oras – late lang ako ng 5 minutes. Nag-exam at in-interview ulit ako at matapos ang interview ay tinanggap ko ang mapait na katotohanan sa kanyang feedback. Tapos, in-endorse nila ako sa isang company na pinuntahan ko kinabukasan.
At kinabukasan, nang ma-interview na ako, nablanko naman ang utak ko sa ilang tanong ng interviewer ko. Medyo naging maayos naman (yata) ang pag-i-English ko pero sumablay ako doon sa isang tanong niya tungkol sa troubleshooting sa monitor e. Anak ng…nasama ko pati UPS sa mga pinagdadakdak ko. Waaaaaaaaa! Kundi ka nga naman tangengoks talaga oh!
Pero sa kadulu-duluhan ng paglalakbay kong mag-isa sa Ortigas, failed ako sa interview. Bakit? Dahil sa pronunciation. Sabi nang unang kumpanyang pinuntahan ko bago ‘to, very Tagalog accent ang pagsasalita ko. Grabe, talagang pati accent, pakikialaman nila…kailangang ala-foreigner ang accent mo.
Tik-pu!
Alam na alam kong ang isa sa pinakamasidhing kahinaan ko ay ang pagsasalita ng English nang maayos, malinaw, at tama ang grammar. Kaya ko namang humusay sa bagay na ‘yan e…ayoko lang pagtiyagaan. Bakit? May isa lang akong dahilan…at ang dahilang ‘yon ang isa sa pinakakorning bagay na maririnig mo sa buong talambuhay mo kung saka-sakali…ang dahilan ko lang naman kaya wala akong tiyagang paghusayan ang pag-i-English ay gusto ko munang mas makilala ang Tagalog bago ko kilalanin ang ibang wika.
Ang korni ‘no? E lalo na kung sosyal kang tao na pa-inggles-inggles diyan sa tabi-tabi at kadakdakan mo ang mga professional daw at mga iba pang tulad mong taas-sakong kung maglakad, mas nakokornihan ka sigurado! Tiyak!
Wala akong pakialam sa sasabihin mo o sa iisipin mo kung nadiya-diablong-buwang na ba ako o hindi. Basta iyon ang pananaw ko, ang paniniwala ko, ang gusto ko, at ang prinsipyo ko.
Pero oops! Huwag mo agad akong pangungunahan ng mga panghuhusga mo. Hindi mo alam na naiintindihan ko kung bakit kailangang mahusay magsalita ng English ang isang call center agent.
May isang mabigat lang na dahilan akong hinahanap para mas maintindihan, mas maunawaan, mas manuot sa isipan at kaluluwa ko kung bakit kailangang magsalita ng English sa loob ng isang kumpanyang nasa loob naman ng Pilipinas. At hinahanap ko rin ang isang matinding rason kung bakit kailangang magsalita ako ng English para mag-adjust sa mga banyagang may-ari ng mga kumpanyang ‘yan. Kailangan ba talagang ang isang bansa ang mag-a-adjust para sa isang banyagang kumpanya?
Ang ibig kong sabihin, nagtayo sila ng negosyo rito, mga banyaga sila, at kahit English ang universal language na itinalaga ng mga Kanong ‘yan, kailangang SILA ANG MAG-ADJUST dito sa Pilipinas. Gets mo ba?
Sa totoo lang, naiinis ako sa ganyang sitwasyon dito sa Pilipinas.
Naiinis din ako sa mga magulang na mas itinuturo ang English sa mga anak nila kesa sa Tagalog. Akala mo, angandang pakinggan at angandang tignan na mahusay mag-inggles ang anak niya. HELLOOOOO?! Nasa Pilipinas po tayo Ate at hindi tayo nasa States! Penge nga ng isang matinding dahilan kung bakit mas itinuturo mo ang inggles kaysa tagalog diyan sa anak mo? Please, pakisabi naman.
Naiinis din ako sa ilang Pinoy na manunulat na inggles ang ginagamit sa kanilang mga aklat, artiks, dyaryo, at iba pang sulatin. Pam-Pinoy ba talaga ang mga isinusulat mo o para sa mga banyagang nagbabakasyon dito at naghihintay lang na ma-kidnap ng mga rebelde? Talaga bang gusto mong maintindihan ka ng mga Pilipino o gusto mo lang paikutin at bilugin ang mga utak ng Pinoy? O pang-mayaman lang talaga ang mga isinusulat mo at wala kang pakialam sa mga hanggang Tagalog LANG ang naiintindihan? (Pasensya kung medyo marahas ‘tong sinabi kong ‘to. Hindi ko sila minamaliit. Nagtatanong lang.)
O Pinoy…‘lang ‘ya ka…
Paano natin mapagyayaman ang sarili nating puno kung ibang puno ang mas pinagkakaabalahan natin?
Bigyan mo nga ako ng isang matinding dahilan kung bakit kailangang mas unahing kilalanin ng mga Pinoy ang English kaysa sa Tagalog?
Kung may kaugnayan sa pera, kinasanayan, kasikatan, antas sa lipunan, at pa-sosyal kuno epek ang dahilan na sasabihin mo, maawa ka…hindi ‘yan magmamantsa sa isipan ko. At kung sasabihin mong na-i-insecure ako sa mga taong magaling mag-English…maawa ka sa sarili mo…hindi ko kailangang mainggit sa mga taong ‘yan dahil alam kong hindi sila ako at hindi ako sila. At kung idadahilan mo rin na kanya-kanya lang ‘yan, alam ko rin ‘yon, ‘wag kang mag-alala dahil sa pagkakanya-kanyang ‘yan at pagtanggal ng pakialaman sa isa’t isa bilang mamamayan ng iisang bansa, matutulungan mo ang lahat na punitin ang tangi nating yaman.
At isa pa pala…naiinis din ako sa mga politikong inggles nang inggles lalo na ‘pag in-interbyu sila. Hay…
Dayuhan tayo sa sarili nating bansa, wika, at kultura.
At tayo rin ang sisira sa sarili nating bansa, wika, at kultura.
WAKAS.
Binigyan Ko Ng Deadline Ang Buhay Ko Part 6
Isang buwan pagkatapos kong tumuntong sa 35…
Malalim akong nag-iisip habang naglalakad mag-isa papunta sa sakayan ng jeep. Pagod ako sa dami ng trabahong ginawa ko. Iniisip ko kung ano ang gagawin ko para tuparin ang aking deadline. Iniisip ko ang lahat ng anggulo sa mga hakbang na maaari kong gawin. Gusto kong maging tiyak ang lahat ng magiging kilos ko.
“Killer ako ng sarili ko.” bulong ko. Siraulo na nga talaga ako.
Tulad ng katahimikan ng gabing bumabalot sa aking paligid, ganoon din naging kaingay ang mga sumunod na sandali.
“Holdap ‘to! Huwag kang kikilos kung ayaw mong mamatay kagad!” panakot ng holdaper na biglang mahigpit na umakbay sa akin mula sa likuran at tumutok ng isang patalim sa aking tagiliran. “Tahimik ka lang at huwag kang gagawa ng anuman kung ayaw mong mapahamak.”
Hindi ko alam kung iyon na ang kasagutan sa aking pinoproblemang “katapusan”. Matutuwa ba ako o matatakot? Tila may bumubulong sa aking sarili bukod sa mga sinasabi ng holdaper na may mapanghing hininga.
“”Eto na… Eto na ang katuparan sa iyong kagustuhan… Ang paraan ng iyong katapusan…””
“”Ayoko… Gusto ko pang mabuhay… Natatakot ako… Hindi pa ako handa…””
“”Sige na.. Magpasaksak ka na lang sa holdaper para matupad mo na ang deadline mo…””
“”H-hindi ko kaya… Ayoko pang mamatay… Gusto ko pa silang m-makasama…””
“”Ano ka ba naman? Ito ang hiling mo. Ngayong matutupad na, aayaw ka na?””
Singbilis ng pitik ng kidlat ang paglamon ng takot sa aking sarili. Ngunit tila bumagal ng sampung beses ang bawat segundong lumilipas. Hindi ko alam. Ang lahat ng plano ko, biglang hindi ko na lang maintindihan. Ito ba talaga ang gusto ko? Ito ba talaga ang gusto kong mangyari? Ito ba ang matagal ko nang hinahangad? Ito ba?
Sobra akong kinakabahan. Sobra akong natatakot. Sobra ang panlalamig ko.
Sa isang iglap, mabilis kong nakita ang lahat ng nangyari sa akin sa loob ng tatlumpu’t limang taong nabuhay ako. Sa isang iglap, nakadama ako ng takot na hindi ko pa nararanasan. Takot na biglang bumulaga sa aking harapan. Takot, na ngayon ako’y pinagtatawanan. Nandiyan na si Kamatayan. Ito na ba ang oras ko? Ito na ba ang katapusan ko? Ito ba ang gusto ko?
Makakaligtas pa ba ako? Bigla kong nalaman sa aking sarili…
Hindi pa sapat ang tatlumpu’t limang taon na nabuhay ako. Marami pa akong gustong gawin. Marami pa akong gustong tapusin. Marami pa akong gustong makasama. Marami pa akong plano. Marami pa akong…
Itutuloy…
Kowts
“Faith is no irresponsible shot in the dark. It is a responsible trust in God, who knows the desires of your hearts, the dreams you are given, and the goals you have set. He will guide your paths right.”
-Robert Schuller.
Ang kaisa-isang bagay na nagpatawa sa akin ng lubos kahapon
Saturday, July 4, 2009Eto, walang halong biro. Nang mapanood ko ‘to sa TV, natawa talaga ako sobra sa report na ‘yon.
HAHAHAHAHA!
Tuwing naaalala ko, hindi ko maiwasang mapangiti at tumawa. HAHAHAHAHA!
Ang kaisa-isang bagay na nagpatawa sa akin ng lubos kahapon ay tungkol sa report sa pagpapaayos daw ng dibdib ni Pres. Gloria.
HWAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!!!!
Anak ng kamatis! Anak ka ng tatay at nanay mo! Nang mapanood ko ‘yon, bigla kong nasabi na ‘Anak ng…ang tanda-tanda na e kumekerendeng pa!’ sabay tawa ng ubod-lakas!
HWAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!!!!
Pero hindi naman pala ‘yon totoo. May napansin lang na parang bukol sa dibdib ni Madam. Pero naku naman! Sino ba namang nagpakalat ng balitang ‘yan! Mud!
HWAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!!!!
Anak ng… basta, natatawa talaga ako sa report na ‘yon. HWAHAHAHAHAHA!!!
HWAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!!!!
Wala kang pakialam dito.
Kung ang akala mo ay kumikita ang Pinas sa tax na pinapataw sa mga yosi at tabako, nagkakamali ka.
Noong 1999, 43B Pesos ang “lost” ng mga Pinoy para sa healthcare ng mga taong may sakit kaugnay ng paninigarilyo at “loss in productivity cost”ng mga ito. Ikumpara mo naman ‘yon sa 26B Pesos na revenue tax mula sa mga yosi at tabako. Ngyak!
Ano pa kaya ngayon? Tsk.
Para sa mga SIPSIP

Eeeewwwww! Haha!
At ang pansipsip na gagamitin daw diyan e ‘yung pang-Zagu! Hwahahahahha! May kasama pang black sago at gulaman! Hwahahahahaha! Yak!
(Credits sa kumuha ng litrato. Kinuha ko lang ‘yan dito sa net. Pakalat-kalat. Hehe.)
Tanong lang
Ano ba ang mas pinahahalagahan ng mga Pinoy sa mga ginawa ni Marcos, ang mabubuti o ang masasama?
Binigyan Ko Ng Deadline Ang Buhay Ko Part 5
Sa isang malaking kumpanya ako nag-apply pagkatapos kong makapagtapos ng pag-aaral. Salamat sa Diyos, nakapasok ako kaagad at nagkaroon ng trabaho. Ako na ang sumuporta sa pag-aaral ng aking dalawang kapatid hanggang sila’y makapagtapos.
Single pa rin ako. Lahat ng ka-batch ko sa kolehiyo, may mga pamilya na. Ganoon din ang mga kaklase ko noong hayskul. Pero hindi lahat sa amin naging maganda ang kapalaran. May mga yumaman, may mga naging mahirap, may mga lalong naghirap, may mga nangibang-bansa, may mga umuwi na lang ng kanilang probinsiya, at may ibang sumakabilang-buhay na.
35.
Iyan ang balak kong edad kung kailan ko wawakasan ang aking buhay. Tatlumpung taong gulang ako nang iniisip ko kung paano ko wawakasan ang aking buhay. Pinaplano ko na rin kung sinu-sino ang susulatan ko at kung ano ang isusulat ko. Iniisip ko na rin ang mga lugar na gusto ko munang puntahan, mga bagay na gusto kong gawin, at mga taong gusto kong makasama bago pa man dumating ang aking deadline. Planado na talaga ang halos lahat. Pwera sa isa.
Isang taon na lang, ayan na ang deadline ko. Ambilis ng panahon.
Alinsabay sa bilis na takbo ng panahon, ganoon naman kabagal ako mag-isip kung paano ko gagawin ang pagtapos sa aking buhay. Ayoko naman kasing maging pangit ang itsura ko kapag natigok na ako. Ayoko rin ng masyadong madugo. Ayoko ko ring makadama pa ng sakit bago ako lagutan ng hininga. Ayoko ring maglason dahil malalasahan ko pa ang kapaitan nito at ang mangyayari pa, baka mailuwa ko pa iyon. Gusto ko walang sakit, walang hirap, walang pait ang aking kamatayan.
Ano kaya ang magiging reaksyon ng mga magulang ko kapag nabasa nila ang sulat ko para sa kanila? E ang mga kapatid ko kaya? Mabasa kaya ng ex ko ang sulat ko para sa kanya? Mahal pa rin kaya niya ako? Maalala kaya ako ng mga kaklase ko? E ang mga naging prof at naging guro ko, maaalala pa kaya nila ako? Ang kaklaseng nakaaway ko noong hayskul, ano kaya’ng magiging reaksyon niya kapag nalaman niyang dedo na ako? May magbabago kaya sa buhay ng mga taong nakilala ko kapag wala na ako? Tatanggapin kaya ako sa langit kapag ginawa ko ito?
Dati, medyo madalang lang ang pagsulpot sa aking isipan ng mga tanong na ito. Pero habang lumalapit ang itinakda kong araw, mas lalo akong ginugulo ng mga katanungang ito. Parang mga guni-guning multo ang mga tanong na ito tuwing matutulog na ako. Hindi ko rin maiwasan tuloy ang mag-senti sa mga nangyari sa nakaraan. Naging mas madalas ang pagiging malungkutin ko.
Lumipas ang isang linggo pagkatapos kong magdiwang ng ika-tatlumpu’t limang kaarawan pero buhay pa rin ako. ‘Di ko alam kung bakit buhay pa rin ako. Dahil ba sa hindi ko alam kung paano ko gagawin ang aking kamatayan? O sa pag-aalinlangan na baka pumangit ako kapag namatay ako? O sa pag-aalala ko sa mga iiwanan kong mahal sa buhay? O dahil sa ‘di mawaring takot?
Pumunta ako sa iba’t ibang lugar na gusto kong puntahan. Ginawa ko ang iba’t ibang bagay na gusto at hindi ko pa nasusubukan. Naglaan ako ng oras para makipag-bonding sa mga taong gusto kong makasama. Gumawa ng mga kawanggawa at kabutihan sa ibang tao.
Handa na akong mamatay. Pero paano?
Itutuloy…
Para sa'yo
Ang blog na 'to ay...
...tungkol sa mga reklamo, kalokohan, kabaliwan, kaisipan(kung meron man) at kaadikan ng isang taong gusto lang gumawa ng komiks. Maari lamang po na isumbong kaagad ako sa kinauukulan para sa karampatan mong parusa.
v(o",o)v
Let's help Rumicah
Halughugin
Istambayan
Amaranth
Badoodles
Bo Sanchez
Coelho
Facebuko
Gang Badoy
Ms. Janet
Direk Joey
Heckler
J. Gi Federizo
KT
Ms. Lea
Maldito
Maria Ressa
Oliver
Roanne
Ronibats
Saab
Xienah
Yeye
Yhel
Komikeros
Carlo Vergara
Elbert Or
FlipGeeks
Fan Boy
Gerry Alanguilan
Hazel Manzano
KC Cordero
Kikomachine Komix
Komikon
Neil Gaiman
Planet Markus
Scott McCloud
Tabi-po
Trese Komix
Kahit Anos
Antipinoy
Bibongpinoy
Happy Slip
Lourd de Veyra
Polite Dissent
Mga bawal basahin
Order Andoyman Komiks!

Para um-order, mag-iwan lang ng mensahe sa aking email: andoyman@gmail.com na gusto mong um-order.
Maaari mo ring basahin ang review ni sir KC Cordero sa aking komiks sa link na ito.
Para sa karagdagang impormasyon, paki-click ang link na ito.
Bulols
- nica: like ko lhat un.......
- Kry-tawa: hahaha!!! astig!...
- andoyman: in-update ko na rin links ko ms gi :) wala...
- andoyman: ahahaha tama! yaka ko 'to!...
- J.Gi Federizo: Pero short story written in prose ito. 'Yon, iba naman...
- J.Gi Federizo: Di pa ako nakakapunta sa ganyan. Lagi na lang sinasabi...
- andoyman: waaaaa salamat ms gi! hahaha ikaw pa lang ang unang...
- J.Gi Federizo: Natuwa naman ako d'yan :) Na-miss ko tuloy 'yung mga...
- J.Gi Federizo: Naks naman, lumalalim-effect!!! ;p Pero tama ang mga sinabi at...
- bakit: da pak! same with the first comment. im looking on...
Ano???
Bodega
- July 2011
- June 2011
- May 2011
- April 2011
- March 2011
- February 2011
- January 2011
- December 2010
- November 2010
- October 2010
- September 2010
- August 2010
- July 2010
- June 2010
- May 2010
- April 2010
- March 2010
- February 2010
- January 2010
- December 2009
- November 2009
- October 2009
- September 2009
- August 2009
- July 2009
- June 2009
- May 2009
- April 2009
- January 2009
- December 2008




