kwan. ano. yon. yeh!

Wanted: Call Center Agent

Tuesday, July 14, 2009

Basta lang magkatrabaho na!

Alam kong medyo malayo sa course ko ang pagtangkang pagpasok sa pagiging isang call center agent pero, hala, sige na…para lang magkatrabaho na ako.

Tinawagan ako at nabulul-bulol pa sa pag-i-English. Muntikang ma-late sa oras ng interview pero salamat kay manong at talagang naghanap siya ng shortcut at mabilis ang pagmamaneho niya kaya nakarating ako kaagad ng halos tama lang sa oras – late lang ako ng 5 minutes. Nag-exam at in-interview ulit ako at matapos ang interview ay tinanggap ko ang mapait na katotohanan sa kanyang feedback. Tapos, in-endorse nila ako sa isang company na pinuntahan ko kinabukasan.

At kinabukasan, nang ma-interview na ako, nablanko naman ang utak ko sa ilang tanong ng interviewer ko. Medyo naging maayos naman (yata) ang pag-i-English ko pero sumablay ako doon sa isang tanong niya tungkol sa troubleshooting sa monitor e. Anak ng…nasama ko pati UPS sa mga pinagdadakdak ko. Waaaaaaaaa! Kundi ka nga naman tangengoks talaga oh!

Pero sa kadulu-duluhan ng paglalakbay kong mag-isa sa Ortigas, failed ako sa interview. Bakit? Dahil sa pronunciation. Sabi nang unang kumpanyang pinuntahan ko bago ‘to, very Tagalog accent ang pagsasalita ko. Grabe, talagang pati accent, pakikialaman nila…kailangang ala-foreigner ang accent mo.

Tik-pu!

Alam na alam kong ang isa sa pinakamasidhing kahinaan ko ay ang pagsasalita ng English nang maayos, malinaw, at tama ang grammar. Kaya ko namang humusay sa bagay na ‘yan e…ayoko lang pagtiyagaan. Bakit? May isa lang akong dahilan…at ang dahilang ‘yon ang isa sa pinakakorning bagay na maririnig mo sa buong talambuhay mo kung saka-sakali…ang dahilan ko lang naman kaya wala akong tiyagang paghusayan ang pag-i-English ay gusto ko munang mas makilala ang Tagalog bago ko kilalanin ang ibang wika.

Ang korni ‘no? E lalo na kung sosyal kang tao na pa-inggles-inggles diyan sa tabi-tabi at kadakdakan mo ang mga professional daw at mga iba pang tulad mong taas-sakong kung maglakad, mas nakokornihan ka sigurado! Tiyak!

Wala akong pakialam sa sasabihin mo o sa iisipin mo kung nadiya-diablong-buwang na ba ako o hindi. Basta iyon ang pananaw ko, ang paniniwala ko, ang gusto ko, at ang prinsipyo ko.

Pero oops! Huwag mo agad akong pangungunahan ng mga panghuhusga mo. Hindi mo alam na naiintindihan ko kung bakit kailangang mahusay magsalita ng English ang isang call center agent.

May isang mabigat lang na dahilan akong hinahanap para mas maintindihan, mas maunawaan, mas manuot sa isipan at kaluluwa ko kung bakit kailangang magsalita ng English sa loob ng isang kumpanyang nasa loob naman ng Pilipinas. At hinahanap ko rin ang isang matinding rason kung bakit kailangang magsalita ako ng English para mag-adjust sa mga banyagang may-ari ng mga kumpanyang ‘yan. Kailangan ba talagang ang isang bansa ang mag-a-adjust para sa isang banyagang kumpanya?

Ang ibig kong sabihin, nagtayo sila ng negosyo rito, mga banyaga sila, at kahit English ang universal language na itinalaga ng mga Kanong ‘yan, kailangang SILA ANG MAG-ADJUST dito sa Pilipinas. Gets mo ba?

Sa totoo lang, naiinis ako sa ganyang sitwasyon dito sa Pilipinas.

Naiinis din ako sa mga magulang na mas itinuturo ang English sa mga anak nila kesa sa Tagalog. Akala mo, angandang pakinggan at angandang tignan na mahusay mag-inggles ang anak niya. HELLOOOOO?! Nasa Pilipinas po tayo Ate at hindi tayo nasa States! Penge nga ng isang matinding dahilan kung bakit mas itinuturo mo ang inggles kaysa tagalog diyan sa anak mo? Please, pakisabi naman.

Naiinis din ako sa ilang Pinoy na manunulat na inggles ang ginagamit sa kanilang mga aklat, artiks, dyaryo, at iba pang sulatin. Pam-Pinoy ba talaga ang mga isinusulat mo o para sa mga banyagang nagbabakasyon dito at naghihintay lang na ma-kidnap ng mga rebelde? Talaga bang gusto mong maintindihan ka ng mga Pilipino o gusto mo lang paikutin at bilugin ang mga utak ng Pinoy? O pang-mayaman lang talaga ang mga isinusulat mo at wala kang pakialam sa mga hanggang Tagalog LANG ang naiintindihan? (Pasensya kung medyo marahas ‘tong sinabi kong ‘to. Hindi ko sila minamaliit. Nagtatanong lang.)

O Pinoy…‘lang ‘ya ka…

Paano natin mapagyayaman ang sarili nating puno kung ibang puno ang mas pinagkakaabalahan natin?

Bigyan mo nga ako ng isang matinding dahilan kung bakit kailangang mas unahing kilalanin ng mga Pinoy ang English kaysa sa Tagalog?

Kung may kaugnayan sa pera, kinasanayan, kasikatan, antas sa lipunan, at pa-sosyal kuno epek ang dahilan na sasabihin mo, maawa ka…hindi ‘yan magmamantsa sa isipan ko. At kung sasabihin mong na-i-insecure ako sa mga taong magaling mag-English…maawa ka sa sarili mo…hindi ko kailangang mainggit sa mga taong ‘yan dahil alam kong hindi sila ako at hindi ako sila. At kung idadahilan mo rin na kanya-kanya lang ‘yan, alam ko rin ‘yon, ‘wag kang mag-alala dahil sa pagkakanya-kanyang ‘yan at pagtanggal ng pakialaman sa isa’t isa bilang mamamayan ng iisang bansa, matutulungan mo ang lahat na punitin ang tangi nating yaman.

At isa pa pala…naiinis din ako sa mga politikong inggles nang inggles lalo na ‘pag in-interbyu sila. Hay…

Dayuhan tayo sa sarili nating bansa, wika, at kultura.

At tayo rin ang sisira sa sarili nating bansa, wika, at kultura.

WAKAS.

Posted by andoyman at 8:18 pm | permalink | comments[5]