kwan. ano. yon. yeh!

Binigyan Ko Ng Deadline Ang Buhay Ko Part 6

Tuesday, July 14, 2009

Isang buwan pagkatapos kong tumuntong sa 35…

Malalim akong nag-iisip habang naglalakad mag-isa papunta sa sakayan ng jeep. Pagod ako sa dami ng trabahong ginawa ko. Iniisip ko kung ano ang gagawin ko para tuparin ang aking deadline. Iniisip ko ang lahat ng anggulo sa mga hakbang na maaari kong gawin. Gusto kong maging tiyak ang lahat ng magiging kilos ko.

“Killer ako ng sarili ko.” bulong ko. Siraulo na nga talaga ako.

Tulad ng katahimikan ng gabing bumabalot sa aking paligid, ganoon din naging kaingay ang mga sumunod na sandali.

“Holdap ‘to! Huwag kang kikilos kung ayaw mong mamatay kagad!” panakot ng holdaper na biglang mahigpit na umakbay sa akin mula sa likuran at tumutok ng isang patalim sa aking tagiliran. “Tahimik ka lang at huwag kang gagawa ng anuman kung ayaw mong mapahamak.”

Hindi ko alam kung iyon na ang kasagutan sa aking pinoproblemang “katapusan”. Matutuwa ba ako o matatakot? Tila may bumubulong sa aking sarili bukod sa mga sinasabi ng holdaper na may mapanghing hininga.

“”Eto na… Eto na ang katuparan sa iyong kagustuhan… Ang paraan ng iyong katapusan…””

“”Ayoko… Gusto ko pang mabuhay… Natatakot ako… Hindi pa ako handa…””

“”Sige na.. Magpasaksak ka na lang sa holdaper para matupad mo na ang deadline mo…””

“”H-hindi ko kaya… Ayoko pang mamatay… Gusto ko pa silang m-makasama…””

“”Ano ka ba naman? Ito ang hiling mo. Ngayong matutupad na, aayaw ka na?””

Singbilis ng pitik ng kidlat ang paglamon ng takot sa aking sarili. Ngunit tila bumagal ng sampung beses ang bawat segundong lumilipas. Hindi ko alam. Ang lahat ng plano ko, biglang hindi ko na lang maintindihan. Ito ba talaga ang gusto ko? Ito ba talaga ang gusto kong mangyari? Ito ba ang matagal ko nang hinahangad? Ito ba?

Sobra akong kinakabahan. Sobra akong natatakot. Sobra ang panlalamig ko.

Sa isang iglap, mabilis kong nakita ang lahat ng nangyari sa akin sa loob ng tatlumpu’t limang taong nabuhay ako. Sa isang iglap, nakadama ako ng takot na hindi ko pa nararanasan. Takot na biglang bumulaga sa aking harapan. Takot, na ngayon ako’y pinagtatawanan. Nandiyan na si Kamatayan. Ito na ba ang oras ko? Ito na ba ang katapusan ko? Ito ba ang gusto ko?

Makakaligtas pa ba ako? Bigla kong nalaman sa aking sarili…

Hindi pa sapat ang tatlumpu’t limang taon na nabuhay ako. Marami pa akong gustong gawin. Marami pa akong gustong tapusin. Marami pa akong gustong makasama. Marami pa akong plano. Marami pa akong…

Itutuloy…

Posted by andoyman at 8:17 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment