kwan. ano. yon. yeh!

Binigyan Ko Ng Deadline Ang Buhay Ko Part 7

Saturday, July 25, 2009

Makakaligtas pa ba ako? Bigla kong nalaman sa aking sarili…

Hindi pa sapat ang tatlumpu’t limang taon na nabuhay ako. Marami pa akong gustong gawin. Marami pa akong gustong tapusin. Marami pa akong gustong makasama. Marami pa akong plano. Marami pa akong…

Hindi ko namalayan na kinuha na niya ang aking cellphone, wallet at ang aking bag. Hindi ko namalayan na umalis na ang holdaper. Hindi ko namalayan na biglang nanlambot ang buo kong katawan, napaupo sa gilid ng kalsada, nakatingin sa kawalan ng madilim na kalangitan, mulat ang mga mata at nakatulala sa bilog na buwan na siyang naging saksi sa lahat ng pangyayari. Hindi ko namalayan na lumabas ang luha sa aking mga mata. Hindi ko na alam pa ang mga sumunod na nangyari.

Nagising na lang akong nasa loob na ng aking kwarto. Mag-isa. Pero alam kong, nasa loob na ako ng aking pamilya.

***

Limampung taon pagkatapos ng insidenteng iyon, heto ako at buhay na buhay pa. Alam mo ang nangyari sa akin pagkatapos n’un?

Hindi ko alam pero nasurpresa talaga ako sa mga nangyari. Na-promote ako sa trabaho, nakapagpatayo ng tatlong bahay, yumaman ako, natupad ang mga pangarap ko, nakapag-around-the-world, naging aktibo sa mga kawanggawa, at nakita kong muli ang dati kong ex. Pagkatapos, sa maniwala ka o sa hindi, nagkatuluyan kaming dalawa. Walo ang naging anak namin. Labindalawa naman ang apo ko ngayon. Mukhang magkakaroon na nga rin ako ng apo sa tuhod e.

Wala na akong ibang mahihiling pa. Naging sobrang saya ng buhay ko at ng aking pamilya.

Ang pinaka-natutunan ko matapos ang pangyayaring iyon, nalaman ko, bukod sa wala sa kamay ng tao ang wakas ng kanyang buhay kundi Siya lamang ang may karapatan, na…

“Napakasarap mabuhay. Sayang kung itatapon mo lang ‘to dahil sa dami ng problema mo, o dahil sa marami kang utang, o binasted ka ng nililigawan mo, o nag-break kayo ng bf/gf mo, o ‘di ka nakapasa sa board exam, o nawalan ka na ng pag-asa, o nagtaksil sa’yo ang asawa mo, o asar na asar ka sa prof mong sobrang yabang, o nawala ang tuta mong si PawPaw, o tulad ko na gustong planado’t naka-iskedyul ang lahat. Pero kung gusto mo talagang magpakamatay, sige, go on. Ikaw lang naman ang sobrang lugi kung gagawin mo ‘yan dahil hindi mo na mararanasan ang sarap ng pagkakaroon ng apo, ang alagaan ka ng pamilya mo pagtanda, ang pagmano’t pagyakap  sa’yo ng iyong mga apo, at ang makita ang buhay-pamilya ng iyong mga anak. Sa maikling salita, sasayangin mo lang naman ang isang pagkakataon na ibinigay sa iyo para mabuhay.”

“Magpakasaya ka dahil sobrang sarap mabuhay. Minsan lang ‘to.”

WAKAS.

Posted by andoyman at 2:13 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment