kwan. ano. yon. yeh!

Sa Pagiging Kuya

Saturday, July 25, 2009

Medyo natagalan bago ulit ako makapagsulat dito. Abala kasi ako sa training ko. Tama! Training ang nabasa mo. Nakapasa ako sa interbyu sa isang kumpanya sa Eastwood. Abala sa opisina at gabi na – as in gabi talaga – ako nakakauwi ng bahay. Wala ng panahon para magsulat o mag-computer shop. Pero hindi tungkol sa training ang ikukwento ko kundi ang nangyari noong gabi ng Lunes nang umuwi ako.

Nakita ko ang kapatid ko na namumula ang mga mata niya habang nakakumot ang buong katawan at nakahiga sa kama niya. Sa unang kita ko pa lang, alam kong may problema siya. At nakumpirma ko ngang tama ang hinala ko nang tanungin ko siya.

Depressed siya, sabi niya. Depressed siya dahil sa nangyari sa kaniya at sa kanyang kaibigan. Tinanggal sila sa organization nila dahil sila ang pinagbintangang nagnakaw ng digital camera ng presidente nila. Sil ang pinagbintangan ang tinanggal gayong sila ang nakakita kung sino ba ang talagang may sala.

Kaya pala iba ang dating ng text ng kanyang kaklase noong mga bandang tanghali. ‘Yon pala ‘yon.

Hindi na napigilan ng kapatid ko ang umiyak. Iyak talaga siya nang iyak. Hikbi nang hikbi. Gusto ko na ring umiyak pero naisip kong huwag dapat.

Paanong sila ang tinanggal sa organization nila? Kwento ng kapatid ko, iyong may sala ay gumawa ng kwento na silang dalawa, ang kapatid ko at ang kaibigan niya, ang nagnakaw talaga ng digicam. Pero hindi niya alam kung paano nga ba ang naging miting.  Awang-awa talaga ako sa kapatid ko kasi iyon ang unang beses niyang sumali sa isang organization sa iskul, magpuyat at maging abala sa mga pinapagawa sa kanya sa organization, at buong puso niyang ginagampanan ang tungkulin niya sa organization. Tapos, ganoon lang ang magiging kapalit nang lahat ng kanyang ginawa? Hindi patas.

Naramdaman ko ang pagiging kuya ko noong mga sandaling iyon. Isang kuya na kailangang protektahan ang kanyang kapatid laban sa sakit at pait na nararamdaman niya noong mga panahong iyon. Marami akong sinabi sa kanya, mga payo at aral sa buhay na napulot ko sa daan. Sinabi kong huwag siyang maghihiganti roon sa taong nagsuplong sa kanila sa kasalanang hindi nila ginawa. Patawarin niya kahit mahirap. Sinabi ko rin ang isang paniniwala/pilosopiya ko sa buhay…na ang lahat ng nangyayari sa tao, sakto…nasa tama lugar at panahon. Kailangan lang maniwala na may magandang kasunod ang lahat ng pangit na nangyayari. At hindi natatapos ang buhay niya sa organization na iyon.

Pinatandaan ko rin sa kaniya na hindi siya ang nawalan kundi iyong organization.

Medyo bumuti ang pakiramdam niya nang tanungin ko siya. Nagkwento pa ako ng mga pangarap ko, mga bagay na gusto kong maibigay sa kaniya at sa mga magulang namin. Nabanggit ko rin mga ilang pangyayari sa buhay ko na parang pangit pero nalagpasan ko.

Ngayon, ano na’ng nangyari?

Umamin ang totoong may sala. Nakonsensiya. Siya na rin yata ang kusang umalis sa organization. At kahit sinabihan ko ang kapatid kong huwag nang bumalik sa organization na iyon, bumalik pa rin siya. Hindi ko na siya pinigilan dahil iyon talaga ang gusto niya.

Napakasarap maging panganay at maging kuya kahit mahirap. Napakasarap dahil nararamdaman ko ang isang napakahalagang responsibilidad at tiwala na dapat pangalagaan at protektahan ko ang kapatid ko anumang oras, anumang mangyari, saanmang lugar. Buhay ko man ang maging kalapit.

Sana may “Brother’s day”! :D

Posted by andoyman at 2:53 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment