kwan. ano. yon. yeh!

Ang Tambay at Ang Kulugo

Monday, July 27, 2009

Wow! Ambilis kong nakapag-blog ulit.

Nakapag-blog ulit ako kasi heto tambay na naman ako. Anong nangyari sa training ko? Sabihin na lang natin na hindi na ako tinawagan o tinext para sa isang interbyu. Ayos lang sa akin. Bakit ayos? Ewan. Pero…may parte sa sarili ko na parang lumaya ulit.

Ganoon pala kapag nagtatrabaho ka na, para kang nakakulong sa mga patakaran at layunin ng isang kumpanya at ikaw ay isang tauhang nasa ilalim niyon na ang tanging trabaho ay paunlarin ang kumpanyang pinasukan mo. Parang gusto kong bawiin at tanggalin ang mga inilagay ko sa resume na “To be able to contribute to the success of the company through my knowledge and skills” at  “To be involved in achieving the company’s vision and goals.” Hindi ko pala mapapangatawanan ang mga ‘yan.

Ako kasi ang tipo ng tao na laging naghahanap ng konting puwang ng kalayaan para sa mga gusto kong gawin. Akala ko noong una, magagawa ko ‘yon kahit magtrabaho ako. Hindi pala.

Balik ulit ako sa pagiging buhay-tambay at kailangan kong tipirin ang natitirang pera sa aking portamonada (pitaka o kalupi) para sa mga pansarili kong gastusin. Saka na muna ulit ako maghahanap ng trabaho kapag ginanahan na akong maghanap. Tambay muna kahit saglit lang. *ngiting malaki*

Noong isang gabi, nabanggit ko sa pamilya ko ang dalawang kulugo ko sa kanang hintuturo. Nakakailang na kasi. Iyong medyo mahaba na kulugo, iyon ang pinakaunang sumulpot mula nang paulit-ulit kong pindutin ang play button ng discman ko nang minsang dalhin ko iyon noong kolehiyo. Wala kasi akong MP3 player o iPod kaya hanggang discman lang ako. Ayaw kasing mag-play kahit napalitan ko na ng battery. Kapipindot ko, may bumukol sa daliri ko. Ginalaw ko pa yata noon kaya lumala. Iyong isa naman ay dahil sa kapipindot ko sa power button ng cellphone ko. Lumakad yata ang ugat ng unang kulugo kaya nagkaroon ng ikalawa.

At dahil ayaw kong kumalat ‘to, pumayag akong gamutin ‘to ng tatay ko. Ibinida niya sa akin na nawala ang kulugo niya sa pamamagitan lang ng paraang ginamit niya – ang pagsunog gamit ang baga sa palito o di naman kaya sa katol.

Kaya kahapon, gamit ang posporong pinagdikit ang dalawang ulo at binalot ng foil ng sigarilyo, susunugin ang kulugo ko. E pumalpak kasi sobrang liit lang ng ulo ng mga palito kaya sandalian lang ang pagliyab, hindi ngayon umepekto. Paano ba ‘to ginagawa?

Una, balutin mo ng foil ang daliring may kulugo at mag-iwan ng butas na sakto doon sa kulugo. Balutin naman ng foil ang dalawang palitong magkadikit ang ulo saka itutok ito sa kulugo. Sindihan ang dulo ng posporo – dito kami nahirapan dahil namamatay ang apoy. Pagdating ng apoy sa dulo ng sinindihang palito, lalakas ang pagliyab at iinit ito sakto para masunog ang kulugo. Kaso, hindi ‘to gaano epektibo dahil mahihina raw, sabi ng tatay ko, ang mga palito ngayon.

Ang ikalawang paraan ay ang paggamit ng katol. Saktong may nakitang katol ang tatay ko sa may guard house kaya iyon na lang ang ginamit. Ito naman ang paraan para gawin ito:

Una, sindihan ang katol. Ikalawa, itutok ang baga sa katol sa kulugo hanggang masunog ‘to.  Pwedeng ikaw mismo ang magsunog o humingi ka ng tulong sa iba. Sa kaso ko, hinayaan ko na lang ang tatay ko na siya ang magsunog. Pasundut-sundot lang ang paglapat ng baga ng katol sa kulugo. Pwedeng tagalan o sandalian lang. Basta dapat, tuloy-tuloy hanggang mangitim ito. Kapag nangitim na, sunog na.

Pawis na pawis ako nang ginagawa ito sa akin. Pinipigil ko kasing mag-react sa init ng baga para lang masunog ang kulugo ko. Pakiramdam ko kahapon, para na akong masokista. Para kasing may konting sarap e. Hehehe. Iyon siguro ang tinatawag nilang “adrenaline rush”. Hahaha.

At pakiramdam ko rin, parang ako ‘yong tambay na nasa harap ng kamera’t gumagawa ng kung anu-anong kalokohan pagkatapos ay magsasalita sa dulo ng show ng “Don’t do this at home! Do it here!”

Ogags na ogags ang dating!

Sabi ng tatay ko, mga ikatlong araw pwede ko nang tuklapin ang nasunog na kulugo. Wala na ‘yon pagkatapos.

Asteg

Posted by andoyman at 12:43 pm | permalink | Add comment