kwan. ano. yon. yeh!

Abnoy-Pinoy

Friday, July 31, 2009

Hindi ba abnormal:

Na ang Pilipino’y gustong umunlad, guminhawa at umangat ngunit kapwa Pilipino rin ang nagpapahirap, nagpapabagsak at humihila pababa?

Na ang mayayamang Pilipino’y patuloy sa pagyaman at ang mahihirap ay patuloy sa paghirap?

Na ang bawat Pinoy ay sumisigaw ng pagkakaisa ngunit walang nagbibigayan at nagkakanya-kanya?

Na madalas nakikita natin ang mga kamalian ng iba ngunit hindi ang nagawa nilang tama?

Na ang mga Pilipino ay estranghero sa kanyang sariling bansa?

Na hindi niya kilala kung sino siya?

Na mas pinapahalagahan natin ang mga bagay, kultura at kagalingan ng ibang bansa kaysa sa ating sariling bagay, kultura, at kagalingan?

Na gusto ng halos bawat isa ang magka-mansiyon ngunit kaunti ang may gustong magka-tahanan ang mga nasa lansangan?

Na ikinukulong natin ang napagbintangan at pinalalaya ang may sala?

Na mahilig nating ipagyabang ang magaganda nating nagawa at itanggi ang mga nagawang kasalanan?

Na ang pera ay ating nilagyan ng kapangyarihan, ating sinasamba, at kung minsa’y inaalayan pa ng buhay?

Na mataas ang tingin natin sa mga dayuhan ngunit mababa at ibinababa natin ang ating lahi?

Na hanggang ngayon ay hindi natin magawang kumawala at tila ayaw nating kumawala sa nakasisirang “colonial mentality”?

Na sigaw tayo nang sigaw ng pagbabago pero ang pagtulong sa iba ay hindi magawa?

Na hati-hati tayo sa kung sino ba ang tunay na pambansang bayani, sa mga relihiyon at sekta, sa mga pinaglalabang paniniwala, sa kung sino ang tama at sino ang mali?

Na lahat ay gustong ipaglaban ang alam nilang tama ngunit walang gustong tumayo at isigaw at aminin na siya’y nagkamali?

Na puro panghuhusga, panlalait at paninira ang madalas nating ginagawa sa isa’t isa?

Na tayo’y nagkaroon ng kapangyarihan ngunit hindi tumutupad sa kanyang responsibilidad?

Na halos wala ng Pinoy ang tumutupad sa kanyang “Panatang Makabayan” at “Lupang Hinirang”?

Na mahilig nating isiksik sa iba na ang sa atin ay tama at ang sa kanila’y mali?

Na mahilig nating isisi sa ibang tao at ibang dahilan ang ating pagiging mahirap, nararanasang paghihirap, baha, sakit, gutom, hindi makapag-aral at mga kamalian ngunit hindi natin magawang sisihin ang ating sarili?

Na ang ilang babae’y mahilig magpadali at pag nabuntis, isisisi sa iba?

Na ang ilang lalake’y mahilig mandali ngunit di kayang pangatawanan ang kanyang responsibilidad?

Na ang ilang magulang ay mas pinahahalagahan ang pera kaysa kanyang mga anak?

Na ang nasa kapangyarihan ay may utak, o madalas walang utak, ngunit walang puso?

Na ang nakikinabang sa mga matatalino at mahuhusay na Pinoy ay mga dayuhan?

Na mas inaalam natin ang kultura ng ibang bansa kaysa ating kultura?

Na mas pinahahalagahan natin ang dila ng ibang bansa at hindi pinagyayaman ang sariling wika?

Na kailangang magsalita ng Pinoy ng wikang banyaga sa kanyang sariling bansa upang maging sosyal, may class at magkatrabaho?

Na mas pinagtutuunang-pansin ang ibang wika kaysa sa kung anong mayroon tayo?

Na maraming Pilipino ang umaasa sa mga iligal na gawain at pag nahuli’y iiyak at magsasabing “Mga walang awa!”?

Na hinahayaan nating tumagal ng maraming taon ang mga di-pagkakaunawaan ng bawat sangkot sa katimugan?

Na nababaduyan tayo sa sariling atin at tinatapak-tapakan sa halip na gawan ng paraan upang mas humusay at ating maipagmalaki?

Na ang bawat talumpati ng mga tagapagsalita sa anumang uri ng okasyon sa saanmang lugar ay dilang banyaga ang ating isinasalita?

Na ang bawat Pinoy ay nag-aaral at pinapag-aral para ibigay ang ating serbisyo sa iba sa halip na makinabang ang mga nangangailangan dito?

Na ayaw natin sa mga mandaraya ngunit tayo mismo sa maliliit na paraan ay isa ring mandaraya?

Na mas pinahahalagahan natin ang kapangyarihan, kasikatan at kayamanan kaysa edukasyon, pangarap, pag-ibig at kalayaan?

Na dumadaan ang ika-12 ng Hunyo ngunit wala na tayong ipinapakitang pagpapahalaga?

Na mahilig tayong umasa sa Amerika at di tayo umaasa sa ating mga sarili?

Na ang tinutukoy natin madalas na oportunidad ay ang makapanloko at gumawa ng iligal?

Na ang idadahilan natin sa paggawa ng kamalian ay ang pagiging mahirap?

Na mas gusto nating mamalimos, tumagay buong-araw, makipagdakdakan at magreklamo sa halip na tulungan ang ating mga sarili at gumawa ng paraan upang umangat?

Na gumagawa tayo ng batas para lang hindi ipatupad?

Na mas gusto natin ang magkagulo kaysa kapayapaan?

Na madalas puro tayo salita, puro welga, puro reklamo pero di tayo gumagawa?

Na mas mahalaga sa atin ang kumita ng pera kahit nakakasakit tayo ng iba?

Na bulaang-dila lang ang ating pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa, kultura, wika at sa bansa?

Na gumagawa tayo ng tama para lang magpa-pogi at masabihang mabuting tao?

Na lagi nating depensa na “madaling sabihin ngunit mahirap gawin” sa halip na gumawa mismo ng paraan?

Na ating binibilanggo ang ating mga sarili?

Na ang mahihirap ay umaasa sa mayayaman at ang mayayaman ay umaasa sa makapangyarihan at ang makapangyarihan ay umaasa sa mahihirap?

At hindi ba ka-abnormal-an na hanggang ngayon ay pinapanatili natin ang mga ka-abnormal-an ng ating sarili sa halip na humanap ng lunas upang gamutin itong sarili nating sakit?

Habang-buhay ba tayong ganito?

Sana…hindi.

Posted by andoyman at 11:31 am | permalink | Add comment