kwan. ano. yon. yeh!

Meralco Adventure

Saturday, August 8, 2009

Mabuti na lang at nakisama ang panahon sa lakad ko kahapon kahit may bagyo pa. Puro pahapyaw lang ang pag-ulan kahapon sa Ortigas. Uulan. Titigil. Aambon. Titigil.

Ako lang mag-isa kahapon. Iyong mga niyaya kong sumama, di sila natuloy. Kaya ayun, solo ang lakad ko. Grabe, anganda ng babaeng nakatabi ko sa bus kahapon papuntang Megamall. Haha. Super anganda talaga. Biglang naisip nang siraulo kong utak na baka siya na nga…siya na nga ang hinihintay kong babae. E kaso may nakita akong singsing na nakasuot sa palasinsingan niya kaya malaki ang posibilidad na may boypren na nga ‘yon.

Ewan, pero kapag mga ganoong sitwasyon, lagi kong naaalala ang sinabi sa akin ng kaklase kong si Biko na “Kung ang asawa nga, nasusulot, sa gerlpren pa kaya?” Haha. Di ko talaga malimutan ang kowt na ‘yan. Haha. Asteg. Sino kayang siraulong lalake ang nakapag-isip ng ganyang kowt? Pagkatapos, pagdating sa MRT, bumaba na siya. The end na kaagad.

Pagdating sa Megamall, saka ko lang napansin iyong pa-wave na istilo ng bubungan sa lakaran papuntang pasukan. Napatanong ako, bakit kaya ganoon ang naisip nila? Di ko gusto e.

Ayan, pumasok na ako sa mall. Pagpasok, may nakita na naman akong magandang babae na nakaupo sa harapan ng entrance. Ano siya roon e, iyong nag-aalok-alok ng mga bahay blah blah blah. Anganda niya talaga. E gutom na ako kaya dumiretso na ako sa Jollibee. The end na ulit.

Pagkatapos kumain, gumala ako. Lakad. Lakad. Lakad. Napunta ako sa comic alley at comic quest. Sandaling nanood ng mga nag-a-ice skating. Gusto ko talagang sumubok niyon kaso di ko lang alam kung magkano at kung kaya ba ng badyet ko. Di ko rin alam kung ako na ba ang bahala sa ispesyal na sapatos pang-ice skate. Pagkatapos, gala ulit. Liwaliw nang liwaliw. Nang mapansin kong natatagalan na ako, naghanap na ako ng photocopying center. Nagpunta ako sa National Bookstore at nagbakasakali na mayroon doon. Kaso wala. Hanap ulit. Naghanap ako sa mapa ng Megamall. Pinuntahan ko ang iba pang bookstore.

Unang beses akong makapasok sa Powerbook. At nabilib ako sa nakita ko sa loob. Kakaiba ang kapaligiran doon at talagang gulat na gulat ako at manghang-mangha dahil andaming aklat at may mga upuan pa. Andami ngang nagbabasa sa loob e. Andami rin bukas na aklat. Natuwa talaga ako sa mga nakita ko sa loob. Andaming pagpipilian. At pwede ka pang magbasa habang nakaupo sa malambot na upuan. Sa National Bookstore, nakatayo ka habang nagbabasa o nakaupo sa sahig na tiles. Sa Powerbook, hindi. May upuan sila. Anganda rin ng lighting nila sa loob. Basta, asteg talaga. Nakasilip ako ng isang aklat at iyon ang Pugad Baboy XX. Nakita ko na rin sa wakas ang loob ng pang-20th anniversary ng Pugad Baboy. Antagal ko na ring inaasam na mabili, hindi ko nga lang magawa pa sa ngayon. Dahil sa mga nakita ko sa loob niyon, mas nagustuhan ko tuloy bilhin iyon. Balak ko nga sanang kumpletuhin lahat ng Pugad Baboy e. At doon ko lang nalaman na mayroon din pa lang “Ink and Politics” si G. Pol Medina, Jr. Asteg!

Ngayon, balik sa paghahanap ng photocopying center. Nagpunta ako sa Cyberzone. Kaso, naglakad pa ulit ako ng mahaba dahil nasa 4/F B iyon e nasa “A” ako. Lumabas ako ng Mega A. Pumasok sa Mega B. Umakyat ako hanggang ikaapat na palapag at pag-akyat sa ikalawa’t ikatlo, nainis ako dahil ito kako ang dinaanan ko na kanina. Nagsayang lang ako ng lakad. Hay. At pagdating sa taas, wala naman akong nakitang photocopying center. Hay ulit. Nabawi na lang ang pagkayamot ko nang makakita ako ng maraming paintings, mga eskultura, at iba pang art. Natuwa talaga ako. Asteg. Mayroon pa lang ganoon sa Megamall. Wala akong nakitang ganoon sa SM North e. Hehe. Asteg talaga.

Ngayon, pagbaba ko sa Lower Ground yata (o Upper Ground?), nakita ko ang Fax&Print (di ako tiyak kung ‘yan nga ang pangalan) na dati naming pinag-photocopy-han noong marami pa kaming nag-a-apply.  Nabanas na naman ako. Pero sa wakas, nakapagpa-photocopy na ako ng resume ko. Yey!

Lumabas na ako ng Megamall at hinalughog ang buong Ortigas. Pero walang-hiya. Antagal ko ng naglalakad hindi ko pa rin makita. Kung saan-saan na ako napunta, wala pa ring “Meralco”-ng lumilitaw. Sabi ng tatay ko, lagpas daw iyon ng Crown Plaza. E nasaan ang Crown Plaza? Alin sa mga matataas na gusaling iyon ang Crown Plaza?

Malakas ang hangin. Biglang uulan. Bigla ring titigil. Iinit pa. Pinagpapawisan na ako at nagsisimula nang manakit ang mga binti ko. At ewan ko ba sa sarili ko kung bakit ayaw kong magtanong kung saang direksyon ba ang Meralco. Hay Andoy…

Pero sa wakas, nagtanong na rin ako. Tinablan na rin ako ng pagod at pagka-inip. Sabi ng CAT Officer, ayon sa nakalagay sa kapote niya, diretso lang daw ako at kumanan pagdating sa kanto. Naglakad ulit ako. Anlayo pala ng kanan na ‘yon. At pagdating sa dulo ng kanan, ang nakita ko lang na Meralco ay “Meralco Ave.” Yey! Ang galing talaga! Kumanan ulit ako. Pero kinutoban na ako na mukhang kung itutuloy ko ang paglalakad ko, wala akong mapupuntahan. Kaya balik na naman ako. Medyo malayo pa naman na ang nilakad ko. Lakad ulit. Lakad na tila walang katapusan.

Napakahaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaba ng nilakad ko hanggang makarating ako sa isang gas station. Nakakita ako ng isang gusaling may nakalantad na dilaw na banner at nakasulat ang “Ina ng Bayan” at “Paalam Tita Cory”. Kinutuban na akong iyon ang Meralco. Kaso parang hindi e kasi wala akong nakitang “Meralco”, kahit logo man nito. Napansin ko na may mga dumadaang G-Liner. Tama nga tatay ko na dumadaan doon ang G-Liner. Kaso, pag doon ako sumakay, dagdag pasahe pa.

Nagpahinga muna ako sandali. Hinga. Hinga. Hinga.

Nagtanong ako sa isang gasoline boy kung saan ang Meralco. At tama nga ang kutob ko na iyong gusaling iyon na may dilaw na banner ang Meralco-ng  hinahanap-hanap ko. Hay, sa wakas.

Pumasok na ako sa loob. Napansin kong may nakasabit na dilaw na laso sa kanang bahagi ng dibdib ng mga empleyado roon. Simbolo ng pakikiramay nila sa pagkawala ni Tita Cory.

Sabi ng guwardiya, hanapin ko raw ang berdeng gusali. Hinanap ko. At nang mahanap ko, siyempre, pumasok na ako sa loob. Hay, salamat. Nakarating na rin ako sa wakas. Humigit-kumulang tatlong oras din akong walang tigil sa paglalakad sa buong Ortigas. Hwoo!

Kinuha na ang resume ko at pina-fill-up sa log-in book nila. Nanghiram ako ng bolpen. E hindi pala sila nagpapahiram ng bolpen. Dapat, may dala ang applicant. ‘Lang ‘ya. May bolpen ako sa bag kaso wala namang tinta. Kulay pula pa. Sinubukan ko, wala talaga. Ayun, ibinalik sa akin ang resume ko. Lumabas ako para bumili ng bolpen. Lumabas akong latang-lata sa kaasaran dahil sa booooooooooolpen.

Huhu. Antagal kong pinagod sarili ko kahahanap ng Meralco at pagdating doon, isang bolpen lang ang magpapaalis ka’gad sa akin. Wala na akong ibang magawa kundi maglakad uli at maghanap ng mapagbibilhan ng bolpen. E saan ako bibili? Sa Megamall? Waaaaaaaaaaaaaa!

Dinasal ko na sana’y mayroong 7-Eleven akong makita. Konting lakad pa, ayun, dininig ni Lord dasal ko. May 7-Eleven nga. Bumili na ako ng bolpen kahit namamahalan ako sa P10 na presyo nito gayong alam kong limang piso lang dapat. Nagpahinga pa ako sa loob ng 7-Eleven. Konting pahinga para sa mga binti ko. Halos mag-a-alas kuwatro na kaya tumayo na ako at naglakad pabalik sa Meralco. Medyo nanghihina na mga binti ko.

Pagbalik sa Meralco, tinanggap na ang resume ko. Nakapag-fill-up na rin ako sa log-in book. At ibinigay sa akin ang isang papel na may dalawang tanong. Essay siya. Sasagutan ko sa loob ng tatlumpung minuto. Mahirap ang unang tanong dahil wala akong alam doon. Iyong pangalawa naman, mahirap bigyan ng dahilan. Pero mas una kong sinagutan ang pangalawa dahil tungkol ito sa akin. Pagdating sa unang tanong, gumamit na lang ako ng logic-logic ek ek. Medyo may kaugnayan naman ang sagot ko sa tanong. Hehe.

Nang matapos ako, tsinek agad. Pagbalik, qualified na raw ako. Maghihintay na lang ako sa tawag nila kung qualify ako sa mga bakanteng position nila. Kinunan ako ng taas at bigat. Pina-fill-up sa Applicant’s Database. Tapos, alis na.

Ambilis lang niyon. Mahigit tatlumpung minuto lang kumpara sa tatlong oras na paglalakad. Pero ayos lang dahil sulit naman e. Haha. Pag-uwi ko, nagtanong kaagad ako sa isang security guard kung saan papuntang Megamall. Itinuro niya sa akin ang shortcut papuntang Megamall. Yey! At ang sumalubong sa akin? Ang malakas na ihip ng hanging yumakap sa buo kong katauhan at nagpakalma sa aking kapaguran. Ansarap. Nakauwi ako kaagad dahil nakasakay ako kaagad ng bus. Hay salamat.

Sana tawagan ako. Hehe. :D

v(o”,o)v

Posted by andoyman at 3:20 pm | permalink | Add comment

Kumusta Lovelife?

Isang BAGONG sagot sa tanong na:

“kamusta lovelife?”

“postponed till further notice, updates will be posted once available.”

=]]

Pakiramdam ko parang galing ‘to kay Inday. Hehe.

Posted by andoyman at 3:18 pm | permalink | Add comment

Tahanan

“Paano po maging isang mabuting tao?” tanong ng Estudyante sa kanyang Guro.

“Ang pagiging isang mabuting tao ay tulad sa kung paano ka naglilinis ng iyong tahanan. Maitanong ko nga sa ‘yo: paano mo nililinis ang iyong tahanan?” usisa ng Guro.

“Pinupunasan ko po ang mga kagamitan sa tahanan, winawalis ang mga alikabok, tinatanggal ang mga agiw, nilalampaso ang sahig.”

“Katulad ng iyong mga ginagawa, ganoon din ang paraan upang maging isang mabuting tao. Sa riyalidad, mahirap gawin ang mga iyan. Lahat tayo ay mayroong mga alikabok at agiw na ating tinatago sa kasuluk-sulukan ng tahanan. Mga alikabok at agiw na kung minsan ay naiipon sa kadahilanang ayaw nating mapahiya sa ibang tao sapagkat takot tayong mapahiya. Takot tayong tanggapin ang katotohanan na tayo ay nakagawa ng kamalian.

“Hayaan mong makita ng ibang tao ang mga naipong dumi sa iyong tahanan. Hayaan mong malaman nila kung gaano naging karumi ang iyong tahanan. E ano naman? Nailagay mo na ang lahat ng iyon sa itim na plastik at handa ng hakutin ng basurero. Mawawala na ang mga alikabok at dumi. Mas magiging maluwag at magandang tignan ang iyong tahanan. At sa oras na pumasok sila sa iyo, magugulat sila sa kung gaano ba talaga kalinis ang iyong kalooban.

“Mas mahalaga ang nasa loob higit sa nasa labas.”

Tumingin ang Estudyante sa kanyang Guro at ito ay tumango alinsabay ang isang maaliwalas na ngiti.

Posted by andoyman at 3:17 pm | permalink | Add comment

Kowts

“Love is give and give.”
-Papa Jack ng Love Radio :D

Posted by andoyman at 3:16 pm | permalink | Add comment

1933-2009

Hindi ko lubos na kilala si Gng. Cory Aquino bukod sa siya ang Ina ng Demokrasya, ang babaeng nakadilaw, ang asawa ni Ninoy, nanay ni Kris Aquino, at isang madasaling taong nagpasimula ng People Power. Iyon lang. Pero ang kabuuan niya, hindi.

Ngunit sapat na ang mga nakita ko sa telebisyon nitong mga nagdaang araw. Sa dami ng tao ng sumisigaw ng Cory at nakikidalamhati sa mga Aquino, sa buhos ng pagsuporta ng mga Pilipino saan man sa bansa o sa mundo, sa dami ng nakikiramay kasama ang ibang bansa, sa dami ng tribute para sa kanya, sa tila walang hanggang pagtitiis ng mga tao sa paghihintay sa convoy ng dating pangulo, at sa tatag ng paniniwala at pananampalataya niya sa Diyos, sapat na ang mga iyon para makilala ko kung sino nga ba siyang talaga…kahit konti.

Sino pa bang Pilipino ang bibigyan ng ganyang parangal, pagsaludo, at pagsuporta bukod sa isang bayani, isang taong malaki ang naiambag sa bansa, o isang dakilang mamamayan ng Pilipinas ? Kung wala siyang epekto sa bansang ito, hindi sana ganoon kasidhi ang pagpupugay sa kanya. Si Gng. Cory Aquino ay isang dakilang Pilipino, para sa akin. Hindi na kakailanganin pang malaman mo ang kabuuan niya upang pagdesisyunan kung sasaluduhan siya o hindi. Malaki ang utang na loob ng Pinoy sa kanya. Dahil kung wala siya, wala rin ang ating demokrasya.

Isang siyang modelo para sa bawat Pilipino, mahirap man o mayaman, politiko man o ordinaryong mamamayan, anumang antas ng buhay ang mayroon ka. Ang kanyang kabutihang puso, pagmamahal sa bayan at sa kapwa, at matatag na pananampalayata’t paniniwala sa Diyos ay sana mamana ng bawat Pilipino, hindi lang ng mga kapamilya niya at ng malalapit sa kanya kundi ng bawat Pilipinong bahagi ng Pilipinas, ng demokrasyang ito, ng bawat Pilipinong nagmamalaki sa kanyang sarili o itinatakwil ang kanyang lahi dahil simula’t sapul, anuman ang mangyari, ikaw ay Pilipino. Kaya naman ‘yon e. Kung gugustuhin lang.

Sana, lahat ng iniambag ni Gng. Cory ay hindi natin sasayangin kasi mahalaga ang bawat isa niyon, singhalaga ng pinakamahal na diyamante, singhalaga ng buhay at kalayaan ng bawat isa.

Paalam at Maraming Salamat Pangulong Cory Aquino.

Posted by andoyman at 3:15 pm | permalink | Add comment