kwan. ano. yon. yeh!

FX

Monday, September 28, 2009

Nag-aalala ka.

Baka kasi wala na doon ang espesyal na tao sa iyong buhay. Baka hindi na siya nakapaghintay at umuwi na. Baka nainis na siya sa ‘yo sa tagal mong dumating. O ang matindi pa, baka galit na siya sa iyo.

Halos dalawang oras na siyang naghihintay sa Jollibee. Marahil ay panay text at tawag ang ginagawa niya ngunit ‘di ka niya mahagilap.

Kung bakit ba naman kasi sunud-sunod na kamalasan ang nangyari sa iyo nitong umaga. Nasiraan ang FX na sinakyan mo kaya napilitan kang maghintay hanggang maayos ‘to. Naiwan mo pa ang iyong cellphone sanhi para ‘di mo maipaalam sa kanya ang nangyari sa iyo. At ang pinakamatindi, nagkaroon ng banggaan ng tatlong dyip sa dinadaanan ninyong kalsada dahilan para magkaroon ng mahabang trapik.

Parang gusto mo ng mabaliw at tila sirang-sira na ang araw mo. Ngunit nang makita mo siyang nakatingin sa iyo at ang kanyang nakatutunaw na ngiti ang una niyang bati, kusang gumanda ang iyong pakiramdam at nalimutan mo ang mga nakakainis na pangyayari.

Sa wakas, nakarating ka na.

Habang ikaw ay papalapit sa kanyang lugar, kitang-kita mo sa kanyang mga mata kung gaano siya nagagandahan sa simpleng ayos mong jeans at blouse. Batid mong gusto na niyang mahawakan ang malambot at madulas mong buhok, at lubos niyang nagugustuhan ang pabangong ginamit mo.

“Uy, sorry ha. Pinaghintay pa kita tuloy. Antrapik kasi e.”

“Ayos lang. Atlis, dumating ka. Magagalit talaga ako kapag pinaghintay mo ako ta’s ‘di ka darating.”

“Uy, hindi naman. Grabe ka,” pangiti mong sambit habang nakatingin ka sa kanya. Pakiramdam mo ay para kang natutunaw sa kanyang mga matang hindi naaalis ang pagkatingin sa ‘yo. Nakukulong ka sa loob ng kanyang nagniningning na mga mata tuwing tumitingin ka rito.

Nagawi ang iyong mga mata sa kanyang labi. Bigla mong naisip kung ano kaya ang pakiramdam na mahagkan ka ng labing iyon habang mahigpit ka niyang niyayakap at damang-dama mo ang init ng kanyang pag-ibig na unti-unting bumabalot sa iyong katauhan, na tanging ang bilog na buwan at mga palamuting bituin sa maaliwalas at madilim na himpapawid ng gabi ang siyang inyong mga tagapanood.

Sa iyo lang ang kanyang atensyon. Ikaw lang ang kanyang naririnig. Matiyaga niyang pinakikinggan ang iyong mga reklamo, inis, at pagka-asar sa mga nangyari sa iyo. At agad niyang naintindihan kung bakit inabot ka ng dalawang oras sa biyahe.

Siya ang una mong napansin noong unang araw mo sa kolehiyo. Siya ang unang kumausap sa iyo at mula sa sandaling iyon hanggang ngayon, nakakadama ka ng kuryenteng nangingiliti sa iyong puso tuwing magkalapit kayo. Siya ang madalas mong kasama, kakwentuhan, at kakulitan. Alam niya ang mga hinanakit mo. Ang mga bagay na magpapasaya sa iyo. Alam niya kung paano ka susuyuin kapag nagtatampo ka sa kanya. Alam niya ang halos lahat sa iyo tulad ng kung gaano mo rin siya kakilala.

Tanggap ka niya sa kung sino ka at ganoon ka rin sa kaniya.

Madalas mong hiling na sana’y ikulong ka niya sa kanyang bisig at yakapin ka ng buong pagmamahal. At hahayaan mong marinig ng iyong puso ang mabilis na pintig ng kanyang puso. Gusto mong laging makulong sa kanyang nangungusap na mga mata. Gusto mong damhin niya ang kalambutan ng iyong buhok. Gusto mong gawing unan ang kanyang balikat tuwing ikaw ay inaantok. Gustong mong maramdaman ang init ng kanyang makisig na katawan at ang tamis ng kanyang halik. Siya ang pinakagwapo, pinakamakisig, pinakamabait, pinakamaalalahanin at pinaka-prinsipe sa lahat ng prinsipe. Siya ang walang hanggan sa iyo…ang iyong habambuhay.

Mahal mo siya.

Mahal na mahal mo siya. Ngunit para sa iyo ay hindi sapat lang ang mga salitang “Mahal na mahal mo siya” upang isalarawan ang nag-uumapaw mong pag-ibig para sa kanya.

Gabi na at dapat ka ng umuwi. Inihatid ka niya sa sakayan ng fx at sinamahan ka niya sa mahabang pila. Inaliw ka sa mga kwento at biro hanggang makasakay ka. Ngunit bago ka pumasok sa fx, lumingon ka sa kanya at nagwikang,

“Salamat ha. Ingat ka sa pag-uwi.”

Hiniling mo na sana ay yakapin ka niya at halikan at sabihing mahal ka rin niya.  Ngunit ito ang iyong narinig sa kanya, “Salamat din. Ikaw rin, ingat ka sa pag-uwi…bes.”

Bigla mong naalalang siya ang lalakeng hindi mo dapat mahalin nang higit sa isang matalik na kaibigan. Mahirap ngunit dapat itago ang iyong nararamdaman. Masakit ngunit dapat tanggapin ang katotohanang kayo ay matalik na magkaibigan…lamang.

Nakatingin ka sa kanyang likuran habang siya ay papalayo sa iyong paningin. Umaasa kang lilingon din siya’t tatanawin ka hanggang ang fx ay makaalis. Ngunit nabigo ka. Umandar at umalis na ang fx. At umuwi kang medyo mabigat ang kalooban.

Posted by andoyman at 12:50 pm | permalink | Add comment

Happy 1st Birthday!

Friday, September 18, 2009

Waw! Asteg! Naka-isang taon na pala ang blog ko. Haha. Asteeeg talaga! Yey!

Hindi ako makapaniwala. Ika-18 ng Setyembre, taong 2008. Ooh…ang kapanganakan ng aking blog. Hwoohoo!

Biruin mo ‘yon, naka-isang taon na pala ako. Wattan’chivment! Halos wala akong mahugot na salita sa kaloob-looban ko para ilarawan ang nararamdaman ko. Grabe, ansarap sa pakiramdam na nakatagal ako ng isang taon sa pagba-blog. At masarap isiping nandito pa rin ako, gumagawa ng blog entry para lagyan ng laman ang aking blog na itinuturing ko ng asawa.

Oo, asawa ko ang blog na ‘to. Mahal ko ‘to. Mahal ko ‘to tulad ng pagmamahal ko sa mga mahahalagang tao at bagay sa buhay ko. Malaki ang centennial value(*ehem* ibig kong sabihin, sentimental value, hehe) nito sa akin. At ngayon, parang isang bahagi na ito ng katawan, puso at kaluluwa ko. Peksman! Walang halong biro. Walang kung anu-anumang kadramahan. Nagsasabi lang ako ng totoo. Karugtong na ‘to ng bituka ko. May dugo ko nang dumadaloy rito. May DNA ko na rin ito. Haha!

Pero higit sa lahat, gusto kong magpasalamat. Una kay Lord dahil laging Siyang nandiyan sa tabi ko. Pangalawa, sa mga naging inspirasyon ko sa pagba-blog, pagbabasa, at pagsusulat, sina: ronibats, Sir Paulo Coelho, Inday, xG, kT, at si Sir Bob Ong (asteg). At siyempre, sa ‘yo! Alam kong binabasa mo ang mga entry ko. Idol! Maraming salamat sa ‘yo! Apir!

Siyanga pala, iniimbitahan kitang pumunta rito sa bahay, may ihinanda akong isang maliit na salu-salo bilang pagdiriwang ng unang taon ng blog ko. Maraming handa. May sayawan pa at palaro. May videoke rin. Kantahan-to-sawa. Pwede kang mag-overnight sa amin. Malapit lang naman ‘to sa inyo e. Hindi ka gaano gagastos sa pamasahe. Madali lang ang direksyon papunta sa amin. Peksman! Maniwala ka. Special guest ko pa ang babaeng iyon na nasa picture *turo sa taas*. May mga banda rin kaya siguradong masaya mamaya.

O ano? Pupunta ka ba? Pumunta ka na. Sayang din ‘to. O paano? Aasahan kita, ha? Kita-kits na lang tayo sa panaginip ko mamaya. Hehe. Party-to-the-max mam’ya. Yey!

*I want nobody nobody but you…ooh…*

Posted by andoyman at 12:02 pm | permalink | comments[2]

Da-blagger

Haha. Ayun ako oh! ‘Yung naka-orange. Haha!

But wait, there’s more. Eto pa!

Asteg. Party na party! Haha!

Posted by andoyman at 12:00 pm | permalink | Add comment

Dahil sa Kulangot

Nagsimula akong mahilig sa blog ng minsang makabasa ako ng isang artik na ang pamagat ay “Palimos ng Kulangot”. Isa itong artik na isinulat ng isang medical student sa UP noon para sa Lightning Crashes column niya sa Peyups. Dahil sa ganda ng artik, binasa ko rin ang iba pa niyang artik hanggang sa blog na niya ang binabasa ko.

Si Ronibats ang siyang nag-impluwensya sa aking mag-blog. Siya ang salarin! Haha! Asteg! Ngayon, doktor na siya pero hindi na siya nagba-blog. Pero buhay pa rin ang mga artik niya at pwede mo ‘yon mabasa rito. Yey!

Posted by andoyman at 11:57 am | permalink | Add comment

Nice one, pare!


Iyan ay noong Linggo nang mag-scuba-diving ako (Papa Jack: Scuba diving, gusto mo ‘yon?!). Binati ako ng isang balyena at nakipag-apir pa sa akin. Asteg! Hwehehehe. :D

Posted by andoyman at 11:56 am | permalink | Add comment

Kowts

“bakit ko ipipilit na magcomment yung mga tao kung close ended naman yung entry o sa madaling sabi–nasabi ko na lahat at hindi na nangangailangan ng komento?…hindi umiikot ang mundo ko sa internet tulad ng inaakala ninyo.”
-xienahGirl

Posted by andoyman at 11:50 am | permalink | Add comment

Factory Worker

Saturday, September 12, 2009

Bigla ko lang naisip. Ano kaya kung pumasok muna akong factory worker? ‘Lang ‘ya. Nag-aral pa ako!

Naitanong ko lang ‘yan sa sarili ko noong sabihan ako ng magulang ko na subukan ko sa isang factory na malapit dito sa amin. Kumpanya iyon ng pagkain pero hindi ko na sasabihin kung anong pangalan ng kumpanya.

Trabaho sa opisina ang ipinapasubok nila sa akin doon sa kumpanyang iyon. Pero dahil makulit ang utak ko, bigla ko ngang naitanong sa sarili kong kiti-kiti na mag-factory worker na muna ako. Hmm… Kaya lang walang-hiya talaga kung mag-pa-factory-worker ako. Nag-aral ako at binuno ang apat na taon sa 1 at 0 at PCB at Power Supply tapos hindi ko magagamit ang mga pinag-aralan ko. Ewan. Anlabo ko. Ang hilig ko talagang pahirapan ang sarili ko kahit simple lang ang sitwasyon. Hay…

Minsan nang maka-chat ko iyong kaibigan ko, si Sushi (‘yon ang tawag ko sa kanya kasi payat siya, pero malayo pa rin ang tawag na ‘sushi’ sa kanya e…ewan…basta  ‘yon), naitanong ko kung may trabaho na ba sina Mich at Roch. Meron na raw at TSR sila sa isang kumpanya sa Ortigas. Iyong kumpanya na ‘yon e una ko nang narinig sa photographer noong graduation namin nang minsang may kinumusta ako sa kanyang isang tao. Call center iyon kung hindi ako nagkakamali.

Nakapag-apply na ako sa isang call center kaso bagsak dahil sa pronunciation ko. Pero nasubukan ko pa ring sumagot ng mga tawag sa isang kumpanyang natanggap ako para sa training ng limang araw, kaso bumagsak pa rin. Hindi na ako tinawagan matapos ang training kong limang araw para sa isa pa sanang interbyu.

Mahirap at maasikaso ang pagsagot ng tawag. Kahit medyo pahapyaw lang ang naging karanasan ko sa pagsagot ng mga tawag, nalaman ko na mahirap talaga ang maging isang call center agent. Dapat mahinahon ka kapag sumagot, alam mo ang mga pasikot-sikot ng sistema ng kumpanya, mabilis ang utak mo sa mga pagsagot, at mabilis kang magtrabaho para masolusyunan mo kaagad, hanggang maaari, ang problemang itinawag ng consumer. Mahirap talaga siya.

Wala pa naman akong tiwala sa pagsasalita ko. Aminado ako na hindi ako magaling magsalita, maging pormal man ‘yan o hindi. Wala talaga akong bala para riyan. Kumbaga, ang tingin ko, hindi ko linya ‘yan. Hindi rin ako ganoong kadaling makaintindi kaagad ng isang sistemang bagong-bago sa akin. At hindi rin ganoon kaalerto ang utak ko. Medyo natataranta pa ako. May hang pang kaunti, madalas.

Malapit na pala’ng mag-4-monthsary ang pagiging graduate at tambay ko.

Oh gulay…Masama na ‘to.

Posted by andoyman at 11:49 am | permalink | Add comment

Tax sa Text

Kongresman: Lalagyan natin ng tax ang bawat text. Limang sentimos ang kukunin ng gobyerno para pagkunan ng pondo para sa edukasyon at iba pang proyekto ng pamahalaan. Ano, payag ka ba?

Andoyman: Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Sinong niloloko mo, sarili mo? Nag-iisip ka bang mabuti?

Kongresman: Oo naman. Para sa inyo nga ang batas na—

Andoyman: Utot mo bilog! Maglaho ka na ogag! HINDING-HINDI AKO PAPAYAG DIYAN, SER! At kahit anong gawin mong pasikot-sikot para sabihing hindi sa konsyumer kukunin ang tax na ‘yan, sa amin pa rin ‘yan babagsak, bobo! Kapag itinuloy niyo ‘yan, mawawala ang mga promong unlimited text at call ng mga telecommunication companies. Kaya ang mangyayari, sa amin din babagsak ang dusang dala ng basurang batas na ‘yan, ugok!

Kongresman: Para nga ‘to sa pondo ng edukasyon—

Andoyman: Bakit? Wala na bang pondo ang pamahalaan para sa mga Pilipino? HUWAG KA KASING MAGNAKAW, OGAG! May mga pork barrel naman kayo, ha? Bakit hindi niyo roon kunin ang pondo para sa mga pangangailangan ng bansang ito? Ay teka, alam ko na. HINDI NA KASI KAYO NASISIYAHAN SA LAKI NG PERANG NINANAKAW NINYO SA MGA PILIPINO KAYA GUSTO NIYONG DAGDAGAN PA ANG MGA NANANAKAW NINYO PARA PONDOHAN ANG PAGIGING SAKIM AT GANID NINYO. Tama ako, no?

Kongresman: Hindi ‘yan toto—

Andoyman: ‘Wag ka ng tumanggi, WALANG PUSONG DAMUHO! Basura ka talaga! Salot! Ambait mo talaga!

BRATATATATATATAT!
*Die you blood-sucker!*

Posted by andoyman at 11:48 am | permalink | comments[1]

Oh yah(k) beybeh!

Ano, type mo ba? Sa ‘yo na lang. Hehehe. Pis.

Posted by andoyman at 11:45 am | permalink | Add comment

Galit ako…grrrr

Alam mo bang 20% ng IQ mo ang nababawasan sa tuwing ikaw ay nagagalit? Ibig sabihin, bobo ka ng bente porsyento, kaya huwag na huwag kang gagawa ng desisyon kapag galit ka dahil malamang sa malamang, pagsisisihan mo lang ang magiging epekto ng ginawa mong desisyon noong mga panahong wala ka sa matinong pag-iisip, kung matino kang mag-isip.

Narinig ko ‘to kay Papa Jack na narinig naman niya kay Nicole Hyala. Ngayon, alam mo na.

Pero sa tingin ko, may nakahihigit pa riyan e. Alam mo kung ano? Eto: Kapag nakakita ka ng malaking-malaking halaga ng pera, lalo na kung minsan ay nakahawak ka na ng ganito kalaki, mas lalo kang nabobobo. Mas hindi ka makakagawa ng mga tamang desisyon kasi nagpapakain ka sa kasakiman mo. Tignan mo na lang ang mga nasa gobyerno, hindi ba? Madalas sa madalas, puro pambobo ang mga batas at desisyong ginagawa nila, ‘di ba?

Posted by andoyman at 11:44 am | permalink | Add comment

Kowts

“Isinusuka na kayo ng taumbayan. Mahirap man sumuka ang gutom. May araw din kayo.”
- Conrado de Quiros

Posted by andoyman at 11:41 am | permalink | Add comment

Try and try

Saturday, September 5, 2009

‘Try and try’, ‘yan ang sabi ni tatay.

Kalungkot. Noong Huwebes, nag-text na sa akin ang kumpanyang pinag-a-apply-an ko. Ayun, sori dahil hindi ako nakapasa sa exam nila. Sayang. Sayang talaga.

Parang gusto kong maiyak dahil ‘ber’-months na, malapit na ang pasko, at nahihiya na ako sa magulang ko tapos wala pa rin akong trabaho. Hay… Kaso wala talaga e. Ayan na ‘yan. Humingi na lang ako ng pasensya sa kanila.

Isa pa, bibigyan dapat ako ng kapatid ko ng trenta pang-internet ko. Nakow. Naaawa na talaga kapatid ko sa akin. Siya ang magbe-birthday tapos ako ang bibigyan. Kaso di ko na rin nakuha ‘yong trenta kasi naunahan siya ng tatay namin. Binigyan niya ako ng P100 at ang bente, ipambili ko raw ng kahit anong tinapay at ang sukli, akin na raw. Noong una, hindi ko kinuha nang makauwi ako. Pero pinilit na niya sa akin. Hindi ko na tinanggihan.

Nakow talaga. Naaawa na talaga yata sila sa akin. Mas nape-pressure ako habang mas lumalapit ang Pasko.

:(

Ganoon talaga, try and try lang talaga. Hay…

Posted by andoyman at 3:41 pm | permalink | comments[3]