kwan. ano. yon. yeh!

Factory Worker

Saturday, September 12, 2009

Bigla ko lang naisip. Ano kaya kung pumasok muna akong factory worker? ‘Lang ‘ya. Nag-aral pa ako!

Naitanong ko lang ‘yan sa sarili ko noong sabihan ako ng magulang ko na subukan ko sa isang factory na malapit dito sa amin. Kumpanya iyon ng pagkain pero hindi ko na sasabihin kung anong pangalan ng kumpanya.

Trabaho sa opisina ang ipinapasubok nila sa akin doon sa kumpanyang iyon. Pero dahil makulit ang utak ko, bigla ko ngang naitanong sa sarili kong kiti-kiti na mag-factory worker na muna ako. Hmm… Kaya lang walang-hiya talaga kung mag-pa-factory-worker ako. Nag-aral ako at binuno ang apat na taon sa 1 at 0 at PCB at Power Supply tapos hindi ko magagamit ang mga pinag-aralan ko. Ewan. Anlabo ko. Ang hilig ko talagang pahirapan ang sarili ko kahit simple lang ang sitwasyon. Hay…

Minsan nang maka-chat ko iyong kaibigan ko, si Sushi (‘yon ang tawag ko sa kanya kasi payat siya, pero malayo pa rin ang tawag na ‘sushi’ sa kanya e…ewan…basta  ‘yon), naitanong ko kung may trabaho na ba sina Mich at Roch. Meron na raw at TSR sila sa isang kumpanya sa Ortigas. Iyong kumpanya na ‘yon e una ko nang narinig sa photographer noong graduation namin nang minsang may kinumusta ako sa kanyang isang tao. Call center iyon kung hindi ako nagkakamali.

Nakapag-apply na ako sa isang call center kaso bagsak dahil sa pronunciation ko. Pero nasubukan ko pa ring sumagot ng mga tawag sa isang kumpanyang natanggap ako para sa training ng limang araw, kaso bumagsak pa rin. Hindi na ako tinawagan matapos ang training kong limang araw para sa isa pa sanang interbyu.

Mahirap at maasikaso ang pagsagot ng tawag. Kahit medyo pahapyaw lang ang naging karanasan ko sa pagsagot ng mga tawag, nalaman ko na mahirap talaga ang maging isang call center agent. Dapat mahinahon ka kapag sumagot, alam mo ang mga pasikot-sikot ng sistema ng kumpanya, mabilis ang utak mo sa mga pagsagot, at mabilis kang magtrabaho para masolusyunan mo kaagad, hanggang maaari, ang problemang itinawag ng consumer. Mahirap talaga siya.

Wala pa naman akong tiwala sa pagsasalita ko. Aminado ako na hindi ako magaling magsalita, maging pormal man ‘yan o hindi. Wala talaga akong bala para riyan. Kumbaga, ang tingin ko, hindi ko linya ‘yan. Hindi rin ako ganoong kadaling makaintindi kaagad ng isang sistemang bagong-bago sa akin. At hindi rin ganoon kaalerto ang utak ko. Medyo natataranta pa ako. May hang pang kaunti, madalas.

Malapit na pala’ng mag-4-monthsary ang pagiging graduate at tambay ko.

Oh gulay…Masama na ‘to.

Posted by andoyman at 11:49 am | permalink | Add comment