kwan. ano. yon. yeh!

Andoy, kapatid mo ba si Ondoy?

Saturday, October 10, 2009

Wala akong pera.

Pero nandito ako ngayon sa loob ng computer shop, nag-i-internet. Asteg. Galing sa kapatid ko ang pera para sa pang-i-internet ko ngayon. May pinapagawa/pinapahanap siya sa akin. Pagkakataon ko naman na ‘to para makapag-blog.

Dapat noong lumusob si Ondoy sa Metro Manila, mag-i-internet ako. Kaso nagkaroon ng digmaan sa loob ng tiyan ko kaya pagkatapos kong mailabas ang jebs ko, natulog ulit ako. Malamig pa noon at malakas ang ulan. Parang pangkaraniwan lang.

Pagkagising ko, mga bandang alas onse ng umaga, nabigla ako dahil baha na. Ayos pa rin kasi parang pangkaraniwan lang. Kaso habang nagtatagal, hindi na gumaganda kasi pataas na nang pataas ang baha. Hanggang sa iyon na nga, unang beses na nangyari sa lugar namin, at siguro sa Metro Manila, antaas ng baha. Nagmukhang evacuation center dito sa amin dahil nandito rin sa taas si Mr. Ong, ang sekretarya, ang pamilya ng pinsan ko, at ilang trabahador. Hanggang leeg ang baha rito sa loob ng pabrika pero kung lalabas ka, lagpas tao.

Pagkatapos ng baha noong araw rin na ‘yon, puro putik sa buong pabrika. Puro balita tungkol sa bagyo at pinsalang iniwan nito. Puro kwento rin ng mga artistang nakaranas ng grabeng baha. Puro intriga rin tungkol sa isang *ehem* artista. Sana di lang ‘siya’ ang naisakay niya sa ano noon. Sana marami pa. Pero asteg ‘yung dalawang artista na nag-surf board lang at lumangoy para magligtas lang. At bilib din ako sa mga nag-volunteer. Tinext ako ng dalawa kong kaibigan dahil sasama sila sa pag-re-repack ng mga relief goods. Kaso hindi na ako nag-reply kasi hindi rin ako makakasama dahil wala akong pera pampamasahe kahit gustung-gusto kong makasama. Hindi rin naman ako pwedeng humingi sa magulang ko.

Naranasan ko na minsan ang mag-repack, di nga lang ng relief goods kundi ng mga laruan. Kasama sa NSTP2 namin ‘yon noon. Sa isang foundation kami pumunta at tumulong mag-repack. Nakakapagod at nakakalito ang mag-repack, pero masaya. Lalo na noong tumulong kami sa Gawad Kalinga sa pagtatayo ng bahay ng ilang kababayan namin sa…sa…saan na nga ba ‘yon? Ah basta. May isang eksena pa nga noon nang minsang kailangang iabot ang mga hollowblocks, sinabayan nila ng tugtog…tugtog ni Kuya. Asteg.

May nabasa rin ako tungkol sa isang *ehem* presidentiable na nagpamahagi ng relief goods…na may mukha niyang nakasalpak sa mga de lata at noodles. Walastik! Parang si ano lang ha, na nagpamahagi rin noon ng yellow beads bracelet na may mukha rin niya noong libing ni Gng. Aquino. Putik!

Dahil kay Ondoy, natabunan na yata ang mga pasabog ni Ping Lacson na hindi ko naman malaman ang totoong dahilan kung bakit sa tinagal-tagal ng panahon, saka lang niya iniutot este pinasabog. Ika nga ni Sen. Defensor-Santiago, “An evidence suppressed is an evidence adversed.” Teka, tapos na ba mga pautot este pasabog niya? Hindi na kasi ako madalas nanonood ng TV dahil nagsasawa na ako sa paulit-ulit na mga palabas mula umaga hanggang gabi.

Nanonood pa rin naman ako kahit konti. Siguro, bilang na nga lang sa daliri. Eto nga pala ang mga pinapanood ko pa: Under One Roof, Talentadong Pinoy, Matanglawin, Kapuso Mo Jessica Soho(minsan), at Wow Mali. Waw! Sobrang konti na lang pala. Haha. Siguro kung umaga ako nagigising ngayon, pwede mong idagdag diyan ang Umagang Kay Ganda at…wala na akong maisip pang iba e. Wowowee at Eat Bulaga? Kaunti lang. Kung alin man sa dalawa ilipat ang channel, ‘yon na rin ang pinapanood ko. Kapag nayamot ako, papasok ako sa loob para mag-DOTA o mag-GBA. Nanonood pa ako dati ng Avatar at Spongebob Squarepants kaso paulit-ulit na lang. Pati mga anime sa TV5, paulit-ulit na lang din. Pati mga drama sa 2 at 7, paulit-ulit-ulit-ulit din. Palaging ampon ang anak. Nakakaubos ng gana. Sana magulang naman ang ampon.

Magulang ng Bida: Anak! Anak kita!
Bida: Hindi mo ako anak! Hindi kita nanay!
Magulang ng Bida: Hindi mo talaga ako nanay, tungak. Tatay mo aketch! Pero dapat tawag mo, Mah-mah.

Gabi ako kapag nagsasanay gumuhit at magsulat. Ayaw ko kasi ng umaga gumagawa dahil ayaw ko. Hindi na rin ako nakakapakinig kay Papa Jack ng Love Radio dahil ang D-pad ng cellphone ko, wala na, ayaw na talagang gumana. Sira na talaga ang ribbon nito, kung kelan halos hindi ko nagagamit saka pa nagkaganito.

Kung may panonoorin ako, siguro ‘yung Kalye ng dos at ‘yung mga 11:30pm na shows ng TV5 at ganoon din sa 7 at sa iba pang mga istasyon. Mas maganda ang mga palabas sa mga ganitong oras kesa sa mga primetime.

Hindi ko na pala kapatid si Ondoy. Itinatakwil ko na siya. Haha.
-Andoy

Posted by andoyman at 11:49 am | permalink | Add comment

May nanonood sa ating lahat…palagi

Kita mo ang mga mata?

Posted by andoyman at 11:47 am | permalink | Add comment

Evacuees

Bigla kong naalala iyong isang balita tungkol sa isang eskwelahan sa Marikina na ginawang evacuation center. Walang kaso tungkol sa pagiging evacuation center nito. Ang kaso ay ang mga taong nandito mismo’t nakikisilong.

Gustong maghalo ng inis at galit at pagkahiya nang napanood ko ang balitang ito. Pagkatapos tanggapin ng eskwelahan silang mga sinalanta ng bagyo, pagkatapos bigyan ng masisilungan laban sa lamig ng bagyo, pagkatapos ng lahat-lahat…bababuyin, at sisirain pa ng mga damuhong walang hiyang makakapal na mukhang Pinoy ang eskwelahang naging pansamantalang tahanan nila.

Nag-vandal sa mga pader, sinira ang mga upuan, winasak ang mga nakadikit sa pader, nag-ipon ng mga basura’t tae nila, at nagmamalaki pang tila sila pa ang kawawa dahil pinapaalis na sila. Anak ng tupang itim! E mga taran…talentadong pinoy pala sila e. Mga walang utang na loob.

Napaisip ako kung dapat pa bang tulungan ang mga ganyan e. Pagkatapos ng mga ginawa nila sa eskwelahan, ni hindi ko nga nabalitaan na ang mga nakakahiyang Pinoy na ‘yon e naglinis o nilinis ang eskwelahang naging evacuation center nila. Puro pandudumi lang ata ang alam nila e. Nagsama pa ng ilang bentilador at upuan ng eskwelahan ang mga ‘yon pag-alis nila. Tinamaan talaga ng lintik na pag-uugali, naman oh!

Isa sa mga malignant tumor ng bansa ang mga Pinoy na mapang-abuso sa kabaitan ng ibang tao, tulad ng mga taong nabanggit. Ipinakita mo na ang kabaitan mo sa kanila, masama pa rin ang ibabalik sa ‘yo. Bigyan mo ng masama, mas lalo pa silang sasama.

Siguro nga, ‘may tama’ o ‘tama’ ang sinabi ng isang blogger tungkol sa mga ‘makasalanan’ at ‘bagyo’. Aminin man natin o hindi, tinamaan tayo sa sinabi niya. At itanggi man natin ng ilang milyong beses, kahit ano mang dahilan ang idepensa natin laban sa mga sinabi niya, hinding-hinding-hinding-hindi natin maaaring itago ang katotohanan na maraming pangit na bagay sa loob ng salitang ‘Pilipino’.

Ang tanging magagawa lang ng mga Pilipino, sa halip na magreklamo tungkol sa mga negatibong sinasabi ng ibang tao, ibang lahi man o kalahi, ay ituwid ang mga baluktot niyang ugaling minana pa sa magulong kultura’t buhol-buhol na gobyerno, at turuan ang kapwa Pilipino tungkol sa tama at mali, hindi ang ipapagawa mo pa ang mali para sa sarili mong kapakanan.

Huwag ng magreklamo. Dapat magbago.

(Tunog politician, ah)

Posted by andoyman at 11:44 am | permalink | Add comment

Kowts

“In nature there are neither rewards nor punishments—there are consequences.”
-Robert G. Ingersoll (1833 - 1899)
U.S. lawyer.

Posted by andoyman at 11:43 am | permalink | Add comment

Kowts

“Everything that humans can imagine is a possibility in reality.”
-Willy Karen

Posted by andoyman at 11:37 am | permalink | Add comment