kwan. ano. yon. yeh!

Solo

Thursday, October 15, 2009

Isinali ko ang tulang ‘to sa isang contest ng NBDB. Kaso hindi yata napili…pero sana, masama ito sa compilation nila ng mga tula o kaya naman, mai-paskil ito sa tren. Ayos na ‘yon sa akin.

“Solo”

Di ka nagpaalam nang ako’y umalis
Ang aking ina naman ay tumatangis.
Ganoon din si bunso, pati si bantay,
Umiiyak at ‘di na nakapagba-bye.
Mga huling eksenang tila pandrama
Ang s’yang naiwan dito sa aking diwa.

Dala ang ilang gamit at konting pera,
Heto at kasama ko ang mga madla,
Na tulad kong nag-aabang, naghihintay
Sa treng gumagapang sa bakal nitong gabay.
“Konting tiis, konting hintay” ang sabi ko.
“Makaaalis din sa lugar na ito.”

Ang kan’yang nagliliwanag na mga mata
At ang telenteng ng kan’yang kampanilya,
Ayan na’ng magsusundo sa aming lahat
At maghahatid sa aming mga pangarap.
Siksikan’t unahan pagpasok ng pinto
Tulad sa karera ng mga kabayo.

Nakaupo ako’t kunwa’y umiidlip
Mga luha sa mata’y aking ‘sinilid.
Ang impit ng hikbi’y aking pinigil
O ba’t sitwasyon ko’y napakahilahil!
At asahan kong ‘sanlibong pagdurusa
Ang haharapin ko sa ‘king pag-iisa.

Mga luha sa mata ay nakabitin
At nanlalabo na ang aking paningin.
Mga mahal, sana ako’y patawarin.

At ang pinakatangi-tangi kong hiling
Na sa dulo ng aking lalakbayin, ay
Makikita kong nando’n kayo’t nakatingin,
Nakangiti sa ‘kin’t inyong yayakapin.
Dahil gusto ko pa ring kasama kayo
Hanggang sa pinakadulo ng buhay ko.

Posted by andoyman at 1:32 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment