Amp
Saturday, November 28, 2009Katulad mo, nagagalit din ako sa poot na nararamdaman ko nang mabalitaan ko ‘yung masaker sa Maguindanao na siyang nagtaas sa atin upang maging numero uno tayo sa pinakadelikadong bansa para sa mga mamahayag, higit pa sa Iraq. Nakakabad-trip nga lang dahil pagkatapos ng isang napakalaking good news mula sa pagiging CNN Hero of the Year ni Efren Peñaflorinda, eto at sumunod kaagad ang isang napakalaking bad news.
Pero walang magandang magagawa ang galit e, dasal at pagdamay na lang ang magagawa natin para sa mga naging biktima, sa mga nadamay, sa mga naulila…at ganoon din para sa mga sangkot sa krimen.
Sabi sa radyo, mayroong tatlong batalyon ng sundalo sa Maguindanao noon pero biglang pinabalik sa Maynila ang dalawang batalyon. At hindi kayang mabantayan ng isang batalyon ang buong Maguindanao. Pinaghandaan.
Planadong-planado talaga ang lahat. Hanep sila. Napakamakapangyarihan. Napakatalino pa. Kaso mga berdugo. Duwag ang mga mamamayan sa Maguindanao dahil hawak silang lahat sa takot ng mga nagdiyos-diyosan sa kanila.
Mga babae ang pina-file ni Toto Mangungadatu dahil sa paniniwala ng mga Muslim, at kahit naman saang paniniwala, ang mga babae’t bata ay hindi sinasaktan. Kaso walang sinasanto ang mga kriminal e. Pinatay pa rin silang lahat: babae, journalist, at sibilyan. Walang nakaligtas.
May nabasa ako sa diyaryo tungkol sa isang pangyayari nang makaharap ni Tulfo ang mga Ampatuan sa airport. Napansin niyang mayroong mga dalang dekalibreng M-16 o M-60 ang private army ng nasabing Ampatuan. Nagtaka siya dahil wala naman na sila sa Maguindanao pero todo armado pa rin ang kanyang mga tuta. Tinanong niya si Mikey Arroyo tungkol du’n kung bakit naka-armado pa rin ang private army nitong Ampatuan na ‘to. Nag-aalala kasi siya na baka magkaroon ng problema dahil sa mga ‘to.
Ang tanging isinagot ni Mikey Arroyo, “Hayaan mo na, Mon, sa atin ‘yan e.”
Magaling.
Hindi na ako magtataka kung bakit mabagal ang takbo ng hustisya rito sa bansa. Hindi na rin ako magugulat kung sakaling sa hinaharap, mapawalang-sala si Andal Ampatuan o di naman kaya’y makatakas at biglang mawala sa eksena. Kahit ikinalas na sila sa partido nila, best friends forever pa rin naman sila kay Arroyo e. Kaya nga naka-12-0 ang mga kandidato ng Unity team sa Maguindanao dahil sa tulong ng mga naghahariang Ampatuan. At take note, number one pa noon si Chavit. Putik.
Ipagdasal na lang natin na sana’y makuha ng bayan ang hinahanap na hustisya – hustisya para sa lahat at hindi lang para sa iilan.
Isa pa nga pala, si Jason Ivler. Grabe. Bilib ako sa pagmamahal ng nanay niya para sa kaniya. Kaya nitong pagtakpan ang mga ginawang kabulastugan ng kanyang napakawalang-hiyang anak. Sa sobrang pagmamahal, ayaw niyang itama ang mga mali nito. Bilib ako sa pagmamahal niya, pero hindi sa pagiging bulag at pagtatakip niya.
At kaya pa niyang sabihin na “na-frame-up” lang ang kaniyang anak gayong marami na’ng nagsusulputan at nagrereklamo laban sa kanyang napakagaling na si Jason Ivler.
Isa na naman ‘tong kaso na ang pera at kapangyarihan ay sadyang napakahalaga kung gusto mong magdiyos-diyosan, at madaling makalusot sa patpating kamay ng hustisya ng pamahalaan.
Pera at kapangyarihan. Mga requirements na kakailanganin mo kung gusto mong mag-file ng Certificate of Candidacy for Ruling Over the Human Law.
Eto last na. Natatawa ako kay Arroyo. Gayahin din daw ‘yung kariton klasrum ni Kuya Ef. Oo, tama ‘yun. Oo, ayos ‘yon. Sang-ayon ako ro’n. Pero nakakatawang-nakakainis dahil hindi man lang niya yata naramdaman ang kahihiyan na bilang isang Pangulo, nadaig pa siya ng isang simpleng Pilipino sa pagpapalaganap ng edukasyon sa mga kabataang tila inabandona’t hinayaan na lang ng lipunan ng Pilipino.
Hindi ba niya naisip na kulang na kulang sa pagpapalaganap ng edukasyon sa bawat kabataan ang mga hakbang na ginagawa ng kanyang administrasyon? Kung hindi masosolusyunan ang mga kakulangan sa paaralan, upuan, aklat, klasrum, palikuran, at sweldo ng mga guro, paano pa kaya ang mga hindi nakakapag-aral dahil sa problemang pinansiyal?
“Education can’t make us all leaders, but it can teach us which leader to follow.” Kaya siguro hindi ganoon kataas ang prayoridad ng pamahalaan sa edukasyon..tsk tsk tsk. Aanhin mo ang magandang ekonomiya kung ang mga mamamayan sa lipunang pinapamahalaan mo e hindi nakapag-aral?
Mga taong makakapal ang mukha, singtigas ng bakal pero madalas kinakalawang.
BO Quotes
Link warning ni BO: “Huwag ipasa. Nakamamatay.”
“Narito na ang sagot sa lahat ng mga nagkalat na text, forwarded email, blog articles, facebook apps, at kung anu-ano pa!” - Visprint
Kowts
“Men are more moral than they think and far more immoral than they can imagine.”
-Sigmund Freud
CNN Hero of the Year: Kuya Ef
Tuesday, November 24, 2009Asteg! Muli, napatunayan ng isang Pinoy ang kanyang kabayanihan. Bagama’t marami kapwa natin ang ikinahihiya ang pinagmula nilang lahik, marami pa ring kababayan natin ang siyang nagtataas ng layag ng ating bansa: sina Charice Pempengco, Arnel Pineda, lalo pa si Pacquiao at nitong huli nga, si Efren Peñaflorida, Jr.

Isa na naman itong dahilan para ipagpugay natin ang ating bandila at ibandera ang ating lahi sa buong mundo. Gayunpaman, bukod sa pagiging maimpluwensya ng “kariton klasrum” ng DTC o Dynamic Teen Company sa ibang bansa, sana’y maging inspirasyon siya ng lahat ng Pilipino, mayaman man o mahirap, lalake man o babae, mas lalo na sa mga tatakbong Presidente. At sana, mas lumaganap sa buong bansa, gayundin sa buong mundo, ang gintong puso nang tulad kay Kuya Ef.

Mabuhay si Kuya Ef! Mabuhay ang Pilipino!
Asteg!!! Eto, panoorin mo ang video.
Imagine a world without Filipinos
Nakita ko ‘to habang gumagala sa facebook. Marahil alam mo na ‘to pero gusto ko pa rin ‘tong i-post dito.
Kowts
“Each person has a hidden hero within; you just have to look inside you and search it in your heart, and be the hero to the next one in need.”
-Efren Peñaflorida, Jr.
Kowts
“You are the change that you dream as I am the change that I dream and collectively we are the change that this world needs to be.”
-Efren Peñaflorida, Jr.
Nang dahil sa Kikomachine Komix
Saturday, November 21, 2009Nang dahil sa Kikomachine Komix, nakakilala ako ng isang babae.
Hindi sadya. Biglaan lang ang lahat. Napansin ko kasi sa ekspresyon niyang gustong-gusto niya ‘yung bagong labas ng Kikomachine kaya tinanong ko siya. At simula no’n, nagkaroon kami ng maikling kwentuhan.
Hindi ko akalain na mahilig siya sa mga gano’ng klase ng babasahin: mga weird at out-of-this-world na mga hirit ng mga tauhang walang pangalan ni Manix Abrera, ang taong gumawa ng drama ng alamat ng tigyawat. Habang kinakausap ko siya, panay kuha naman ako ng kahit anong aklat na makita ko (kasabay pa no’n ang konting pangangatog ng kamay, langya) para kunwa’y may sinisipat ako.
“Ano ka? Korean o Japanese?”
“Chinese,” sagot niya na may kasamang ngiti.
“Ah gano’n ba. Hehe. Wala man lang tumama sa tanong ko. Pare-pareho kasi kayong singkit,” sagot ko
naman at natawa naman siya. “Matagal ka na bang nagbabasa n’yan?”
Tumango lang siya. Tinanong ko ulit siya kung nakabasa na ba siya ng Trese, o ng aklat ni Bob Ong, o ng Pugad Baboy ni Pol Medina.
Umiling siya, “Umm, hindi. Eto lang ang binabasa ko.”
“Ah, gano’n ba,” sagot ko naman na nawawalan na nang sasabihin. Ewan ko ba kung bakit biglang lumipad palayo ang utak ko. Para sa akin, swabe na ang simula e, kaso parang hindi ko na maitutuloy pa ang nasimulan.
Nagkaroon pa kami ng napakaunting kwentuhan. Mga ilang salita lang. Mga pangkaraniwang tanong na, “Taga-rito ka, ‘no?” at iba pang mga tulad niyon. Napatawa ko naman s’ya. Napangiti. Tapos, hayan na. May bumubulong na sa isipan ko at ang sabi, “Tanungin mo na ang pangalan, tungak!”
Kaso, nagdadalawang-isip ang bida e. Ulangya naman kasing katorpehan ‘yan, bigla na lang sumulpot. Maya-maya nang wala nang umiimik sa amin, mabilis na s’yang nawala. Ako naman, umalis na parang walang nangyari; ikinukubli sa kaloob-looban ang kilig.
Lumabas ako ng CVC nang hindi ko nalaman ang pangalan niya. Siya naman, paniguradong nasa counter na at binabayaran na lang ang biniling komiks ni Manix…at baka lubos na nagtataka kung nawa-Wow-Mali ba siya. Aba’y biglaan ba namang may kumausap sa kaniya na hindi niya kilala, ano kaya magiging reaksyon niya nu’n?
Taga-rito naman siguro ‘yun kaya maaari pa kaming magkita ulit. Iyon nga lang, mas matangkad siya sa akin e kaya kung saka-sakali man, ok na ok na sa ‘kin ang maging kaibigan siya.
Malay mo, magkita nga ulit kami at magkakilanlan na sa isa’t isa. Asteg.
(Kapitan) Sino Ang Bayani Ng Bayan Natin
BABALA: MAAARING MAGING SPOILER ANG REVIEW NA ‘TO KAYA PINAPAYUHAN KO ANG MGA GALIT SA SPOILER NA HUWAG NANG BASAHIN ANG POST KONG ‘TO.

Nakabasa na ako ng konting pahina nang minsang mag-apply ako noon sa isa sa mga kumpanya sa Ortigas. Sa may Powerbook sa Megamall ako nagbasa; at do’n ulit ako nagbasa ng Kapitan Sino nang naghihintay ako ng final interview ko sa hapon buhat sa initial interview ko ng umaga iyon.
Mabagal ang mga unang eksena sa kwento pero mula sa parteng “costume” ng bida, doon na nagsindi ang pagbabasa ko. Anong masasabi ko sa ikapito niyang aklat? Lupet! Sa dalawang fiction ni Bob Ong na nabasa ko (MacArthur at Kapitan Sino), eto ang pinakapaborito ko. Hanep!
Natapos ko ang buong aklat bago pa man ako tumungo sa final interview ko. At nakakahiya mang aminin, hindi ko pa siya nabibili dahil wala pa akong pera sapagkat wala pang trabaho. Subalit nang mabasa ko na ang aklat, mas lalo akong nademonyo na bilhin ang aklat (isa ‘yon sa mga una kong bibilhin ‘pag nakaroon na ako ng datung).
Tatlong bagay ang masasabi kong epektibong nagpaganda sa kwento. Una, ang mga dialogue. Pinakapaborito ‘yung dialogue nina Tessa at ni Rogelio. Nakakakilig. Asteg pa ang mga binitiwan nilang salita: mga malalalim kay Tessa at makata’t romantikong linya naman kay Rogelio. Isa rito ‘yung sa sinabi ni Tessa:
“Ano ang pinagkaiba ng bulag sa nakakakita?”
“Paningin?”
“Hindi alam ng nakakakita kung kelan sila bulag.”
Gusto ko rin ang palitan ng linya ng mag-amang Manglicmot. Pakiramdam ko habang binabasa ko ang eksena nila, kausap ko ang sarili ko…parang nakikipagtalo ako sa sarili ko tungkol sa kung ano ba ang dapat at hindi. Pangatlong gusto ko sa mga palitan ng dialogue ay sa pagitan nina Kapitan Sino at ang Mayor. Lupet. Maiksi lang pero malaman.
Ikalawa, ang mga twists sa istorya. Unique. Kakaiba. At nakakatindig-balahibo ang mga twist. Nakailang pagtindig ang balahibo ko sa bawat eksenang pinupuluputan ng twist. May mga ilang eksenang nainis ako nang sobra at parang gusto kong sakalin si Bob Ong. Kaso sakto lang ang twist e. Swabe kumbaga para sa istorya. Lalo na sa bandang malapit nang matapos ang kwento nang maano si ano ng ano, iyon…grabe talaga ‘yun. Iniisip ko nga kung may nabasa o napanood na akong gano’ng klase ng eksena e kaso wala naman akong matandaan. Marahil guni-guni ko lang.
At ang ikatlo, iyong simbolismo, repleksyon at aral na malutong na isinasampal ng istorya. Malutong na malutong ang mga ugali’t eksenang isinambulat ng istorya at ng mga tauhan. Ansarap nilang pagsasapakin sa sobra kong inis. Pero iyon talaga ang mapaklang katotohanan e. Hindi siya katulad sa istorya sa mga komiks. Ewan ko na lang kung hindi pa magka-ulirat ang sinumang makabasa ng kwento.
Ang buong kwento, para sa akin, kulang at sakto. Kulang dahil mas naghahanap ako ng mahaba-haba o kung di man, mas marami pang aksyon (hindi naman singhaba sa mga laban ni Goku). Pero sakto lang ang haba at dami ng aksyon na siyang nagpaganda’t nagpasimple sa kalaliman ng aklat.
Elibs na elibs talaga ako kay Bob Ong. Madali lang maintindihan ang mga salitang ginamit niya pero ang buong aklat, napakalalim nang nahukay para lang maipakita ang mga kalansay na madalas itinatanggi ng isang tao.
Asteg.
May trabaho na ako!
Sa wakas, sa hinaba-haba ng panahon, mayroon na akong trabaho. Bali magte-training palang ako pero kung aayusin ko ang trabaho ko, lalaki ang tsansa kong magtagal sa kumpanyang ‘yon. Anim na buwan at apat na araw muna ang itinambay ko bago nagkaro’n ng trabaho. Anlupet!
Matagal bago nila ako tinext para sa initial interview ko. Akala namin dito sa bahay, nalimutan na ako ng kumpanya. At akala ko rin, bumagsak ako sa exam nila. Hindi pala. At kahit encoder lang ang magiging posisyon ko ro’n na dapat graphic artist, ayos lang sa akin dahil isa rin naman ‘yon sa mga ina-apply-an ko.
Huwag daw encoder dahil antaas-taas ng course na ginradweytan ko sabi ng isa kong kaklase nang makausap ko siya minsan sa chat sa facebook nang may inaalok siyang part time job sa akin. Hindi naman ‘yun tungkol sa mga networking o pagbebenta-benta ng kung anu-anong products tulad sa ibang nanloko sa akin. Payag na sana ako no’n kaso biglang umayaw ako dahil mula mismo sa text niya, hindi siya sigurado kung pupunta kami. Samantalang noong una, masyado niya akong pinipilit. Putik! Parang laman lang ng bola ng basketball ang naging usapan.
Gayunpaman, mabuti na lang talaga at nakapasa ako sa initial at final interview ko. Magaan ang loob ko, pagpasok at paglabas ko ng kumpanya, ganoon din sa mismong interview. Hindi tulad sa iba kong mga interbyu na parang pwersado akong magyabang para lang matanggap. Todits, hindi. Naging kalmado lang ang alon sa katawan ko kaya naging swabe ang mga sinabi at isinagot ko. Asteg. Dalawang kumpanya lang ang naging magaan ang loob ko: iyong unang kumpanya na nakapag-training ako pero hindi ako natanggap, at itong kasalukuyang kumpanyang natanggap ako. May mga iba pang kumpanyang magaan din ang loob ko noong nag-a-apply ako pero di sing-gaan tulad sa kumpanyang ito.
Asteg. Late pa ako sa orientation kahapon dahil quarter to seven na ako natawagan ng taga-HR. Eh 9:00am ang orientation. Putik! Late na talaga ako. Pasado alas-diyes na ako nakarating sa Ortigas (muntik pa akong lumagpas ng Megamall dahil lumilipad ang diwa ko). Pagdating ko sa opisina, sinamahan ako ng taga-HR at siya ang nagpaliwanag kung bakit ako late…pero mahina lang at ayaw niyang maparusahan dahil sa error na ‘yon.
Nitong pag-uwi ko lang napagtanto na pang-labintatlo pala akong dumating sa orientation. Ako ang pinakahuling bilang. Putik! Asteg naman. Talagang 13 pa ako. Haha.
Sa ngayon, hihintayin ko na lang ang tawag nila kung kelan ako magsisimula. Samantala, kailangan ko munang makuha ang lahat ng mga requirements at ma-fill-up-an ang napakaraming papel na binigay noong orientation. Putik.
Sa wakas, hindi na ako tambay.
Human Rights…?
Napanood ko sa telebisyon ang demolisyong naganap sa isang lugar kung saan may mosque. Pinagbabato ng mga Muslim ang mga pulis at mga mag-de-demolish. Nagsabi rin sila na may namatay sa panig nila kahit wala naman.
Nabaril sa binti ang isang Muslim upang patigilin siya sa pambabato. Ngayon, ipinuputok ng mga taga-Human Rights ang kamalian sa pagbabaril ng pulis sa mga Muslim. Bawal daw ‘yon.
Napaisip ako. Nagagalit sila sa pulis na bumaril sa isang sibilyang Muslim at ganoon din sa mga pulis na nagpapaputok noong mga sandaling ‘yon. Pero bakit hindi rin sila nagagalit sa mga nambabatong mga sibilyan? May “human rights” din naman ang mga pulis ah. Hindi naman gagawin ng pulis ‘yun kung hindi sila binabato. E kung matamaan sila ng malalaking tipak ng bato? Ipagtatanggol ba ng mga taga-Human Rights ang pulis na nabato?
Anak naman ng –
Huwag kasing tirhan ang mga lugar na hindi dapat tirhan. Huwag na rin sanang isaksak sa utak na dapat palagi silang mga lintang umaasa sa pamahalaan ng Pilipinas. May mga kamay at paa sila, may mga utak at katawan sila, at kahit nakapag-aral man o hindi, maaari pa rin naman silang magtrabaho ng isang disente’t marangal na trabaho. Hindi na sila mga sanggol na dapat padedehin ng gobyerno. Huwag nilang idadahilan ang kahirapan dahil lahat naman ay naghihirap. Huwag nilang idadahilan na walang oportunidad dahil palaging merong oportunidad sa mga taong naghahanap at nagtitiyaga. At huwag na huwag nilang ipapamukha na sila ang pinakakawawa dahil lahat ng Pilipino, masama man o mabuti, ay kawawa…pero meron pa ring utak na dapat palaging pinapagana sa tama upang umunlad. Hindi hadlang ang kahirapan o ang mga magnanakaw sa lipunan para umunlad ang isang tao dahil ang tanging pumipigil lang sa kanya para umunlad ay ang sarili niya mismo, pangalawang dahilan na lang ang iba pang bagay.
At kung magalit pa sila’y parang sinlaki ng sanlibutan ang pagiging tama nila. E nakikita ba nila ang mga mali nila? Nakakabanas. Nakakatanggal-ipin sa ngitngit. Masarap isampal sa kanila ang mga salitang ‘to:
“Iasa mo sa sarili mo. Huwag sa iba. Tungak!”
Bulalakaw
Wednesday, November 18, 2009Naghintay ako kagabi hanggang madaling araw ng meteor shower. Kaso wala. Bumigat na ang mata ko’t inantok na ang utak ko, wala pa rin akong nakitang meteor shower; ni ga-sinulid na bulalakaw sa langit, wala talaga.
Kakaunti lang ang mga tala sa langit kagabi; at panay ulap pa ang nakikita ko. Bukod pa ro’n, may isang tambutso mula sa isang pabrika ang nagbubuga ng kanyang usok. Hindi lang mga hayop at halaman ang nai-extinct ngayon dahil pati mga bituin sa langit at ganoon din yata mga bulalakaw ngayon ang unti-unti nang nawawala.
Nakakabanas. Nakakaasar. Pero sabi ni Anne Curtis nang mapanood ko siya sa Showtime kanina, anganda raw ng meteor shower. Putik. Mukhang sa celebrity lang yata nagpapakita ang mga meteor shower ah. (Anganda ni Ava, judge ngayon sa showtime. Yiiiii!)
Matagal nang panahon nang makakita ako ng bulalakaw. Iyong una, noong Grade 1 o 2 ako. Hindi ko pa alam noon na bulalakaw pala ‘yon. Iyong pangalawa, habang kasama ko naman ang mga kaklase ko’t class adviser noong 3rd year. Inaayos kasi namin ang dekorasyon sa mini-truck na gagamitin para sa parada kinabukasan. Gusto ko talagang makakita ng meteor shower, bukod sa mga kwitis at daliring lumilipad tuwing bagong taon.
Hmm…Kanino kaya nagsimula ang paniniwalang kapag may dumaan na bulalakaw, e pwede kang humiling?
Andami talaga nating pamahiin. Katulad na lang noong bata pa kami ng magkapatid ko. Minsan, kapag natutulog ako, nakatuwad ako. Pinagsabihan ako ng nanay ko na lalapitan daw ako ng multo kapag gano’n. Bubulatehin naman kami kapag kumain ng maraming asukal. Magkakaroon ka naman ng buntot sa puwet kapag umupo ka sa unan.
Ngayon naman, kapag nagwawalis sa gabi, hindi iwinawalis ang kalat palabas ng bahay dahil malas daw ‘yon. Itinatabi na lang ang mga kalat para dakutin kinabukasan. Nakakabawas din daw ng dugo kapag palaging gabi ka maligo. Panakot niya ‘to sa kapatid kong sobrang tamad maligo tuwing wala siyang pasok.
Tinatakot din kami dati sa mga aswang at multo ng mga palabas sa TV. Kaya nang minsang natatae ang kapatid ko at nagpasama siya sa akin, hindi namin magawang pumasok ng banyo dahil ang pagpunta pa lang doon e madilim na, nakakatakot pa. Panay tawag kami kay Mama noon dahil takot na takot talaga kami. Ang nangyari, natae sa salawal ang kapatid ko dahil sa sobrang takot at hindi na niya kinayanan ang dala niyang karga.
Naniniwala ako sa multo. Pati sa mga aswang at engkanto, kahit pa maligno. Alam kong may mga gumagala na mga kaluluwa sa iba’t ibang sulok ng mundo. Halimbawa, may hunyango rito sa amin. Mayroon ding kaluluwang nasa harapan ng gate namin buhat sa isang aksidente. Nalaman ko ang mga ‘to dahil sa sinabi ng kaibigan ko at ng kakilala ng kapatid ko.
Pero hindi lahat ng multo nagpapakita. Madalas nagtatago sila para hindi malaman ng karamihan ang kabulastugang ginagawa nila habang nilalamas nila ang pera ng mamamayang dapat nilang pinaglilingkuran. ‘Yong iba naman, mabilisan lang silang mawala sa paningin mo pero alam mong nandiyan lang sila sa harapan mo kanina; at malalaman mong may nawala na pala sa ‘yo.
Grabe. Anlayo naman ng multo at bulalakaw pero do’n napunta ang pagdadakdak ko. Haha.
The Twilit Gaga: New Moon Hopia

Mang-aagaw pala ng asawa si Cotto. Haha! Biro lang.
Credits sa may gawa.
Napakalaking PITO!!!
Nakita ko sa photos ng isa kong kaklase sa kanyang facebook account. Asteg!!!

Si Mayweather, Jr. na lang ang kulang. Hahaha! Congrats nga pala kay Manny “Pacman” Pacquiao! Isa na namang kasaysayan ang ginawa mo! Asteg!
Credits sa may gawa.
A Hero’s Thoughts
Nakita ko ang tulang ‘to sa isang post sa BP ygroup (kung hindi ako nagkakamali); at talagang nagandahan ako. Simple pero pulido. Simple pero mabigat ang mensahe. Simple pero asteg. Simple pero akma rin kay Pacquiao. Simple pero pwedeng-pwede sa lahat ng Pilipinong nilalabanan ang hirap, ang kurapsyon, at lumalaban para sa “tama”.
A Hero’s Thoughts
by Kevin SmithNo toll,
No price,
No loss greater than This:
One of Our Own.No smoke,
No flames,
No challenge greater than this:
To maintain hope.No oath,
No pledge,
No Vow greater than this:
To never give up.
Kowts
“People are often unreasonable, illogical, and self-centered; Forgive them
anyway. If you are kind, people may accuse you of selfish, ulterior motives; Be
kind anyway. If you are successful you will win some false friends and true
enemies; Succeed anyway. If you are honest and frank, people may cheat you; Be
honest and frank anyway. What you spend years building, someone could destroy
overnight; Build anyway. If you find serenity and happiness, they may be
jealous; Be happy anyway. The good you do today, people will often forget
tomorrow; Do good anyway. Give the world the best you have, and it may never be
enough; Give the world the best you’ve got anyway You see, in the final
analysis, it is between you and God; It was never between you and them anyway.”
- Mother Theresa
Tara! Iboto natin “siya”! Iboto rin natin “iyon”!
Saturday, November 14, 2009
“Iwagayway ang bandila ng Pilipinas!”
Tila iyan ang pahiwatig para sa akin ng larawang ito. Isa itong eksena sa DTC o Dynamic Teen Company ni Efren Peñaflorinda, Jr. Mga grupo ng kabataang pinupunan ang pangangailangan ng karunungan at edukasyon ng mga kapwa kabataan sa kanilang simpleng paraan: ang pagdadala ng eskwelahan sa mismong mga kabataang walang pang-tuition fee, walang uniporme, walang bag at sapatos, walang mga kwaderno’t aklat, walang pantustos sa pag-aaral.
Sa pamamagitan ng kariton, naidadala nila ang paaralang hitik sa karunungan, at higit pa sa edukasyon sa mga kabataang hindi natin nakikita sa loob ng paaralan.

Dala ang simpleng hangaring ito, nakapagdudulot sila ng sanlaksang ngiti’t pag-asa para sa mga kabataang tila tinalikuran na ng lipunan.


Siya si Efren Peñaflorinda, Jr. Isa lang simpleng Pilipinong naghangad na matulungan ang kapwa niya kabataan. Kahit wala siyang posisyon sa gobyerno; kahit hindi siya isang superhero tulad nina Darna’t Superman; kahit hindi siya isang tanyag na personalidad; at kahit hindi ko siya gaano kakilala, sinlawak naman ng sansinukob ang kanyang gintong puso para sa kanya kapwa.
Tara! Iboto natin siya! (Paki-click lang itong nasa ibaba)
Eto pa, iboto mo rin ‘to.
Hindi pa ako nakakapunta rito. Pero dala rin nito ang bandila ng ating bansa, ng ating lahi, ng kagandahang taglay ng ating likas na yaman. Ang Underground River ng Palawan, tara at isama natin ito sa New Seven Wonders of the World!!! (At balang araw, makakapunta rin ako rito…Yey! Asteg!)
(Kahit alin dito sa tatlo ang i-click mo para bumoto)
Credits:
http://www.facebook.com/KuyaEF
Underground River of Palawan Pictures are credited to its real photographer/s.
Foie Grass
Sa paglilibot ko sa BP ygroup, nakita ko ang isang post ukol sa isang uri ng pagkain na tinatawag na Foei Grass o “Fat Liver”. Sikat na pagkain ito sa France, ganoon din sa ibang parte ng Europe, sa United States, at ganoon din sa China. Pinaniniwalaang nagsimula sa sibilisasyon ng mga Ehipto ang pamamaraan ng paggawa ng pagkaing ito. (Source: Wikipedia) Kung gaano kasarap (daw) ang pagkaing ito, ganoon din kasaklap ang prosesong dinadaanan bago makakuha ng Foei Grass. Nandito ngayon ang buong e-mail tungkol sa pagkain na ito. Nais ko sanang tulungan niyo rin kaming ikalat ang mensaheng ito sa e-mail o kahit saan o di kaya’y magsumbong sa mga kinauukulang may kinalaman sa karapatan ng mga hayop.
Day to day we eat food that are tasty, delicious & did we ever stop to wonder where these food comes from & their origination? One fine example is the one below which I’ve received that I’m currently forwarding to gain awareness.
Thank you for sharing & your valuable time in analyzing.
|
และเรื่องนี้สอนให้รู้ว่า ทำอะไรให้นึกถึงจิตใจคนอื่นบ้าง อย่าเห็นประโยชน์ส่วนตน เอาแต่ผลประโยชน์ของเค้าเข้าตนเอง คนอื่นเดือดร้อนไม่สน ทุกคนมีศักดิ์ มีชีวิต มีจิตใจ มีคุณค่า ของเค้าเหมือนๆคุณ แม้เค้าไม่มีเท่าคุณ อย่าเบียดเบียนกันขนาดนี้เลยท่าน(เจ้านาย..< /font>อิอิ)
Stop being so selfish to make predation from now on please, every single life also has their mind & value.
Please forgive my poor English as I tried my best to revise this message. Kindly help to forward it out as these poor geese in other parts of the world does not deserved to be in such deplorable state of life.
STOP THE DAILY TORTURES AND CRUELTY TO THE ANIMALS..
STOP TAKING THIS DISH OR PRODUCT FROM NOW.
STOP THE DEMAND AND THE SUPPLY WILL END.
AND THE TORTURE AND SUFFERING WILL END.
Nakakasuka ba? Nakakatindig-balahibo ba? Hindi mo masikmura? Ganoon din ako lalo nang ginawa ko ang entry na ‘to. Sa pagtatapos ng entry na ‘to, ibabahagi ko na rin ang isang napakaikling kwento mula sa kay Sir Paulo Coelho;
Why leave man to the sixth day
A group of wise men gathered to discuss the work of God; they wanted to know why he had left it to the sixth day to create man.
“He thought about first organizing the Universe well, so that we could have all the marvels available to us,” said one of them.
“First of all He wanted to run some tests on animals, so that He would not make the same mistakes with us,” argued another.
One wise Jew showed up at the meeting. They told him the theme of the discussion: “in your opinion, why did God leave it to the last day to create man?”
“Very simple,” commented the wise man. “So that when we were moved by pride, we would remember that even a simple mosquito enjoyed priority in the work of the Divine.”
Andoy ang Itawag Mo sa Akin
“Andoyyyy…”
Dapat malambing ang tono sa tuwing tatawagin mo akong “Andoy” (at hindi Ondoy). Masarap kasing pakinggan kapag gano’n. Iyong parang hihingian mo ako ng pabor kahit alam mong tatanggi ako. Gano’n.
Hindi naman talaga Andoy ang palayaw ko. Naidagdag lang ‘yan sa listahan ng mga tawag sa akin. Robin, Tutuy, Tuy, Wak-wak, Hydro, at Korny ang ilan lang sa mga palayaw ko – na malayung-malayo sa tunay kong pangalan. Pinakasikat kong palayaw dati e “Korny”. Iyon kasi ang nakalagay sa likod ng jersey ko noong intrams namin sa iskul noong hayskul ako. At take note, may kasama pang cheer ‘yon ng mga kaklase kong malakas mag-trip sa tuwing papasok ako noon ng court.
Number 7! Korrrnyyyyy!
*Hampasan ng sanga at kawayan sa mga yero’t drum*
Pero ilalabas din kaagad ako ng court pagkatapos ng ilang minutong pagtakbo. Noong una, hindi ko alam kung gugustuhin ko ang pagtawag nila sa akin ng “Korny”. Hindi ko alam kung positive ba ‘yon o negative. Kaya naman naging “Korny” ang pangalan ko sa jersey ko, bukod sa korny talaga akong humirit, ay dahil ayokong ipalagay ang pangalan ng crush ko noon at baka mausisa ako ng mga magulang ko. Mahirap na! Ngayon, sanay na sanay na akong tawaging gano’n.
Second semester ng unang taon ko sa kolehiyo. Tinanong ako ng isa kong kaklaseng bago sa paningin ko. Ano ba raw ang nickname ko? Mahaba raw kasi ang pangalan ko. Wala akong maisip. Sumagot ang isa, “Andoy! Andoy na lang!” Sumang-ayon naman ang nagtanong sa akin at iyon na nga ang pormal na pagbibinyag sa akin sa bago kong palayaw na “Andoy” – na hindi ko maisip kung anong koneksyon ng Andoy sa pangalan ko.
Dahil naman sa isa kong kaibigan kaya naging “Andoyman” ang “Andoy”. Na-cute-an ako. Na-asteg-an ako. Asteg talaga. Sa madaling salita, nagustuhan ko. Talaga! At simula noon hanggang ngayon, ginagamit ko ang Andoyman at Andoy bilang palayaw ko at pangalan dito sa internet, maging sa totoong buhay.
Bukod sa akin, mayroon nang “Andoy’s World” na pamagat ng isang komik istrip na nababasa sa Libre ng Philippine Daily Inquirer. Akala ng isa kong kaklase noon, doon ko nakuha ang palayaw na Andoy. Pero hindi, kasi bago ako nakabasa ng strip ng Andoy’s World, e nauna na ang pagtawag sa akin ng ilang kaklase ko nang gano’n…at hindi ko pa alam ang dyaryong Libre noong mga panahon na ‘yon.
Andoy. Andoyman. Minsan, “‘doy” lang ang tawag sa akin.
Hindi ako ang nauna sa Andoyman. At inaamin ko ‘yon. Medyo nanlumo nga ako nang malaman kong hindi lang pala ako ang Andoyman. Ayoko sana kasing may kagayang iba. Kaso meron talaga e. Pero ayokong magpalit. Gustung-gusto ko talaga ang “Andoyman”. Kaya ang inisip ko na lang noon, gagawa ako ng sarili kong Andoyman. Inisip ko na lang din na may iba’t ibang specie ng Andoyman na nabubuhay sa mundo at isa ako sa mga specie na ‘yun. Asteg.
Kapag tinatanong ako kung ano ang gusto kong maging palayaw, hinahayaan ko na lang ang nagtanong na mag-isip ng kung anumang palayaw ang gusto niyang itawag sa akin. Ewan ko ba kung bakit ako gano’n pero medyo nasisiyahan ako kapag may bago akong palayaw. Pero huwag naman ‘yung balahurang palayaw tulad ng: Andoy Pugot, Andoy Putol, Andoy Baboy, Andoy Muta, Andoy Syokoy o iba pang tulad ng mga ganito. Sakit naman ‘pag gano’n.
Noon sa pinag-OJT-han ko, tinanong ako kung ano ang palayaw ko. Sumagot ako ng “Andoy po.” Hindi nila nagustuhan. Natawa pa sila. Hindi ko alam kung bakit. At dahil ayaw nga nila ang Andoy, bininyagan nila ako ng bagong palayaw. Tinawag nila akong “Andy”. Putik! Sosyal.
Pero sila lang ang tumatawag sa akin ng gano’n. At hindi ko na pinakalat pa ang pagtawag sa akin ng “Andy” kasi hindi naman ako kano.
Sa isang interbyu ko naman, tinanong ulit ako kung ano raw ang palayaw ko. Parehas ulit ang isinagot ko. Natawa sila tulad ng iba. At nagkomento pa. Pero hindi ko nagustuhan ang naging puna nila. Sabi nila, ambaho raw ng palayaw ko: Andoy. Bakit hindi na lang daw ginawang Torio. Sabay tawa sila. Gusto ko sanang makakita ng nagilitang leeg at sumisirit na dugo noon kaso sa imagination ko lang nagawa. At saka, nag-a-apply lang ako.
Nagtaka ako. Ano ang mabaho sa palayaw na “Andoy”? Iyong tunog ba nito sa tuwing ipantatawag mo sa isang tao? O ang pagiging tunog-Pilipino nito? Iyon din ba ang dahilan kaya tumawa ang mga empleyado sa pinag-OJT-han ko?
Ipinakita ko sa mga magulang ko ang maliit na aklat na nilimbag ng aming kolehiyo para ipagmalaki ko sa kanila na nasama ang dalawang maikling kwentong isinulat ko. Nang makita ng tatay ko ang pen name na ginamit ko: ang unang reaksyon niya, nabahuan din siya. Ampangit daw ng “Andoy”.
Aw.
Hanggang ngayon, kahit hindi naman dapat problemahin, pinoproblema ko pa rin kung mas maganda ba talagang pakinggan ang palayaw na tunog-poreyner kaysa tunog-Pinoy na nickname.
Andoy. Magkamag-anak kaya kami ni Inday? O kaya ni Pandoy, ang alalay ni Panday? Hmm…
Ang korny ko. Mabaho ba talaga sa pandinig ang “Andoy”?
Kowts
“We need to create a new revolution, and to do that, don’t waste your life: stop pleasing people, and become who you always wanted to be.”
- Paulo Coelho
Nadine
Saturday, November 7, 2009Nadine ang pangalan niya. Siya ang una kong nakita at napansin nang lumingon ako sa direksyong tinuro ng babaeng taga-salubong sa HR Department ng isang kumpanya. Mahaba ang buhok. Maganda ang postura. Type ko.
Lalo kong nakita ang kanyang kagandahan ng pumasok na siya sa kwarto upang simulan ang exam naming mga aplikante. May dalang tensyon ang tono ng kanyang boses – para siguro kabahan kami habang sumasagot at ipakitang istrikta siya at ang kumpanya. Magaling siyang mag-Inggles. Magaling siyang magsalita. Nakaka-inlab siya.
Mas lalo pa akong kinilig nang umupo ako sa pangalawang hilera sa harapan nang umalis ang mga hindi nakapasa sa unang exam. Grabe…napakaganda niya. Nahuhumaling ako sa kanya habang nag-e-exam ako. Hindi ko mapigilang tumingin-tingin sa kanya habang iniisip kung bakit wala iyong nakuha kong sagot sa mga choices.
Nang matapos kami sa exam, may pinunan kaming form. Nang makita niyang tapos na ako, inutusan niya akong ilapag ko ang papel ko sa table niya. At ang sumunod, nakausap ko siya ng malapitan…as in malapitan talaga…nakatitig lang ako sa kanyang mga mata…habang nagmumukha akong engot sa pag-iintindi ng mga sinasabi niya.
*ehem*
Interbyu. Pumasok siya sa isang kwarto at ako ang unang tinawag. Medyo kabado ako. Nag-aalala kung ano ang isasagot ko, kung magiging matuwid ba ang pag-i-Inggles ko, kung hindi ba magbubuhul-buhol ang utak ko kapag nagtanong na siya. At nagtanong na nga siya. Sumagot ako. Hanggang nagawi ang pagtatanong niya sa isang parte ng application form. Tinanong niya ulit ako…
Nadine: Single?
Ako: Yes, ma’am. (Gusto ko sanang sabihin na, “Yes Nadine…I’m single and available…” Hehe)
Pagkatapos, nagkatitigan kami. Matagal. Mga ilang segundo…ilang segundo na parang ilang oras para sa ‘kin. Walang nagsalita. Walang kumurap. Tanging ang aming mga mata lang ang nag-usap. Paunti-unti…paunti-unting lumapit ang kanyang mukha sa akin.
Nagulat ako. Bigla niya akong hinalikan. Oo! Bigla niya akong hinalikan! Kaso, imagination ko lang pala ‘yun. Walang interbyung nangyari kahapon sa pangalawang kumpanyang pinuntahan ko; exam at pag-fi-fill-up lang ng form.
Hehe.
Mandadagit-trabaho Update
Marami na rin akong pinuntahan nitong mga araw na wala akong post. Wala rin kasi akong pera pang-net. Nagpunta ako sa Marikina, sa Makati, sa Ortigas, sa Makati ulit…puro gano’n. Hanap pa rin nang hanap hanggang sa may mahanap. Kahapon, nakadalawang kumpanya ako. Sana, kahit isa man lang sa mga in-apply-an ko ang matanggap ako. Huuu!
Kaya pa.
Kowts
“Explaining a joke is like dissecting a frog, you learn more but in the process, it dies.”
-Mark Twain
Para sa'yo
Ang blog na 'to ay...
...tungkol sa mga reklamo, kalokohan, kabaliwan, kaisipan(kung meron man) at kaadikan ng isang taong gusto lang gumawa ng komiks. Maari lamang po na isumbong kaagad ako sa kinauukulan para sa karampatan mong parusa.
v(o",o)v
Let's help Rumicah
Halughugin
Istambayan
Amaranth
Badoodles
Bo Sanchez
Coelho
Facebuko
Gang Badoy
Ms. Janet
Direk Joey
Heckler
J. Gi Federizo
KT
Ms. Lea
Maldito
Maria Ressa
Oliver
Roanne
Ronibats
Saab
Xienah
Yeye
Yhel
Komikeros
Carlo Vergara
Elbert Or
FlipGeeks
Fan Boy
Gerry Alanguilan
Hazel Manzano
KC Cordero
Kikomachine Komix
Komikon
Neil Gaiman
Planet Markus
Scott McCloud
Tabi-po
Trese Komix
Kahit Anos
Antipinoy
Bibongpinoy
Happy Slip
Lourd de Veyra
Polite Dissent
Mga bawal basahin
Order Andoyman Komiks!

Para um-order, mag-iwan lang ng mensahe sa aking email: andoyman@gmail.com na gusto mong um-order.
Maaari mo ring basahin ang review ni sir KC Cordero sa aking komiks sa link na ito.
Para sa karagdagang impormasyon, paki-click ang link na ito.
Bulols
- nica: like ko lhat un.......
- Kry-tawa: hahaha!!! astig!...
- andoyman: in-update ko na rin links ko ms gi :) wala...
- andoyman: ahahaha tama! yaka ko 'to!...
- J.Gi Federizo: Pero short story written in prose ito. 'Yon, iba naman...
- J.Gi Federizo: Di pa ako nakakapunta sa ganyan. Lagi na lang sinasabi...
- andoyman: waaaaa salamat ms gi! hahaha ikaw pa lang ang unang...
- J.Gi Federizo: Natuwa naman ako d'yan :) Na-miss ko tuloy 'yung mga...
- J.Gi Federizo: Naks naman, lumalalim-effect!!! ;p Pero tama ang mga sinabi at...
- bakit: da pak! same with the first comment. im looking on...
Ano???
Bodega
- July 2011
- June 2011
- May 2011
- April 2011
- March 2011
- February 2011
- January 2011
- December 2010
- November 2010
- October 2010
- September 2010
- August 2010
- July 2010
- June 2010
- May 2010
- April 2010
- March 2010
- February 2010
- January 2010
- December 2009
- November 2009
- October 2009
- September 2009
- August 2009
- July 2009
- June 2009
- May 2009
- April 2009
- January 2009
- December 2008
























