kwan. ano. yon. yeh!

Nadine

Saturday, November 7, 2009

Nadine ang pangalan niya. Siya ang una kong nakita at napansin nang lumingon ako sa direksyong tinuro ng babaeng taga-salubong sa HR Department ng isang kumpanya. Mahaba ang buhok. Maganda ang postura. Type ko.

Lalo kong nakita ang kanyang kagandahan ng pumasok na siya sa kwarto upang simulan ang exam naming mga aplikante. May dalang tensyon ang tono ng kanyang boses – para siguro kabahan kami habang sumasagot at ipakitang istrikta siya at ang kumpanya. Magaling siyang mag-Inggles. Magaling siyang magsalita. Nakaka-inlab siya.

Mas lalo pa akong kinilig nang umupo ako sa pangalawang hilera sa harapan nang umalis ang mga hindi nakapasa sa unang exam. Grabe…napakaganda niya. Nahuhumaling ako sa kanya habang nag-e-exam ako. Hindi ko mapigilang tumingin-tingin sa kanya habang iniisip kung bakit wala iyong nakuha kong sagot sa mga choices.

Nang matapos kami sa exam, may pinunan kaming form. Nang makita niyang tapos na ako, inutusan niya akong ilapag ko ang papel ko sa table niya. At ang sumunod, nakausap ko siya ng malapitan…as in malapitan talaga…nakatitig lang ako sa kanyang mga mata…habang nagmumukha akong engot sa pag-iintindi ng mga sinasabi niya.

*ehem*

Interbyu. Pumasok siya sa isang kwarto at ako ang unang tinawag. Medyo kabado ako. Nag-aalala kung ano ang isasagot ko, kung magiging matuwid ba ang pag-i-Inggles ko, kung hindi ba magbubuhul-buhol ang utak ko kapag nagtanong na siya. At nagtanong na nga siya. Sumagot ako. Hanggang nagawi ang pagtatanong niya sa isang parte ng application form. Tinanong niya ulit ako…

Nadine: Single?
Ako: Yes, ma’am. (Gusto ko sanang sabihin na, “Yes Nadine…I’m single and available…” Hehe)

Pagkatapos, nagkatitigan kami. Matagal. Mga ilang segundo…ilang segundo na parang ilang oras para sa ‘kin. Walang nagsalita. Walang kumurap. Tanging ang aming mga mata lang ang nag-usap. Paunti-unti…paunti-unting lumapit ang kanyang mukha sa akin.

Nagulat ako. Bigla niya akong hinalikan. Oo! Bigla niya akong hinalikan! Kaso, imagination ko lang pala ‘yun. Walang interbyung nangyari kahapon sa pangalawang kumpanyang pinuntahan ko; exam at pag-fi-fill-up lang ng form.

Hehe.

Posted by andoyman at 4:05 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment