kwan. ano. yon. yeh!

Bulalakaw

Wednesday, November 18, 2009

Naghintay ako kagabi hanggang madaling araw ng meteor shower. Kaso wala. Bumigat na ang mata ko’t inantok na ang utak ko, wala pa rin akong nakitang meteor shower; ni ga-sinulid na bulalakaw sa langit, wala talaga.

Kakaunti lang ang mga tala sa langit kagabi; at panay ulap pa ang nakikita ko. Bukod pa ro’n, may isang tambutso mula sa isang pabrika ang nagbubuga ng kanyang usok. Hindi lang mga hayop at halaman ang nai-extinct ngayon dahil pati mga bituin sa langit at ganoon din yata mga bulalakaw ngayon ang unti-unti nang nawawala.

Nakakabanas. Nakakaasar. Pero sabi ni Anne Curtis nang mapanood ko siya sa Showtime kanina, anganda raw ng meteor shower. Putik. Mukhang sa celebrity lang yata nagpapakita ang mga meteor shower ah. (Anganda ni Ava, judge ngayon sa showtime. Yiiiii!)

Matagal nang panahon nang makakita ako ng bulalakaw. Iyong una, noong Grade 1 o 2 ako. Hindi ko pa alam noon na bulalakaw pala ‘yon. Iyong pangalawa, habang kasama ko naman ang mga kaklase ko’t class adviser noong 3rd year. Inaayos kasi namin ang dekorasyon sa mini-truck na gagamitin para sa parada kinabukasan. Gusto ko talagang makakita ng meteor shower, bukod sa mga kwitis at daliring lumilipad tuwing bagong taon.

Hmm…Kanino kaya nagsimula ang paniniwalang kapag may dumaan na bulalakaw, e pwede kang humiling?

Andami talaga nating pamahiin. Katulad na lang noong bata pa kami ng magkapatid ko. Minsan, kapag natutulog ako, nakatuwad ako. Pinagsabihan ako ng nanay ko na lalapitan daw ako ng multo kapag gano’n. Bubulatehin naman kami kapag kumain ng maraming asukal. Magkakaroon ka naman ng buntot sa puwet kapag umupo ka sa unan.

Ngayon naman, kapag nagwawalis sa gabi, hindi iwinawalis ang kalat palabas ng bahay dahil malas daw ‘yon. Itinatabi na lang ang mga kalat para dakutin kinabukasan. Nakakabawas din daw ng dugo kapag palaging gabi ka maligo. Panakot niya ‘to sa kapatid kong sobrang tamad maligo tuwing wala siyang pasok.

Tinatakot din kami dati sa mga aswang at multo ng mga palabas sa TV. Kaya nang minsang natatae ang kapatid ko at nagpasama siya sa akin, hindi namin magawang pumasok ng banyo dahil ang pagpunta pa lang doon e madilim na, nakakatakot pa. Panay tawag kami kay Mama noon dahil takot na takot talaga kami. Ang nangyari, natae sa salawal ang kapatid ko dahil sa sobrang takot at hindi na niya kinayanan ang dala niyang karga.

Naniniwala ako sa multo. Pati sa mga aswang at engkanto, kahit pa maligno. Alam kong may mga gumagala na mga kaluluwa sa iba’t ibang sulok ng mundo. Halimbawa, may hunyango rito sa amin. Mayroon ding kaluluwang nasa harapan ng gate namin buhat sa isang aksidente. Nalaman ko ang mga ‘to dahil sa sinabi ng kaibigan ko at ng kakilala ng kapatid ko.

Pero hindi lahat ng multo nagpapakita. Madalas nagtatago sila para hindi malaman ng karamihan ang kabulastugang ginagawa nila habang nilalamas nila ang pera ng mamamayang dapat nilang pinaglilingkuran. ‘Yong iba naman, mabilisan lang silang mawala sa paningin mo pero alam mong nandiyan lang sila sa harapan mo kanina; at malalaman mong may nawala na pala sa ‘yo.

Grabe. Anlayo naman ng multo at bulalakaw pero do’n napunta ang pagdadakdak ko. Haha.

Posted by andoyman at 1:38 pm | permalink | comments[1]