kwan. ano. yon. yeh!

(Kapitan) Sino Ang Bayani Ng Bayan Natin

Saturday, November 21, 2009

BABALA: MAAARING MAGING SPOILER ANG REVIEW NA ‘TO KAYA PINAPAYUHAN KO ANG MGA GALIT SA SPOILER NA HUWAG NANG BASAHIN ANG POST KONG ‘TO.

Nakabasa na ako ng konting pahina nang minsang mag-apply ako noon sa isa sa mga kumpanya sa Ortigas. Sa may Powerbook sa Megamall ako nagbasa; at do’n ulit ako nagbasa ng Kapitan Sino nang naghihintay ako ng final interview ko sa hapon buhat sa initial interview ko ng umaga iyon.

Mabagal ang mga unang eksena sa kwento pero mula sa parteng “costume” ng bida, doon na nagsindi ang pagbabasa ko. Anong masasabi ko sa ikapito niyang aklat? Lupet! Sa dalawang fiction ni Bob Ong na nabasa ko (MacArthur at Kapitan Sino), eto ang pinakapaborito ko. Hanep!

Natapos ko ang buong aklat bago pa man ako tumungo sa final interview ko. At nakakahiya mang aminin, hindi ko pa siya nabibili dahil wala pa akong pera sapagkat wala pang trabaho. Subalit nang mabasa ko na ang aklat, mas lalo akong nademonyo na bilhin ang aklat (isa ‘yon sa mga una kong bibilhin ‘pag nakaroon na ako ng datung).

Tatlong bagay ang masasabi kong epektibong nagpaganda sa kwento. Una, ang mga dialogue. Pinakapaborito ‘yung dialogue nina Tessa at ni Rogelio. Nakakakilig. Asteg pa ang mga binitiwan nilang salita: mga malalalim kay Tessa at makata’t romantikong linya naman kay Rogelio. Isa rito ‘yung sa sinabi ni Tessa:

“Ano ang pinagkaiba ng bulag sa nakakakita?”
“Paningin?”
“Hindi alam ng nakakakita kung kelan sila bulag.”

Gusto ko rin ang palitan ng linya ng mag-amang Manglicmot. Pakiramdam ko habang binabasa ko ang eksena nila, kausap ko ang sarili ko…parang nakikipagtalo ako sa sarili ko tungkol sa kung ano ba ang dapat at hindi. Pangatlong gusto ko sa mga palitan ng dialogue ay sa pagitan nina Kapitan Sino at ang Mayor. Lupet. Maiksi lang pero malaman.

Ikalawa, ang mga twists sa istorya. Unique. Kakaiba. At nakakatindig-balahibo ang mga twist. Nakailang pagtindig ang balahibo ko sa bawat eksenang pinupuluputan ng twist. May mga ilang eksenang nainis ako nang sobra at parang gusto kong sakalin si Bob Ong. Kaso sakto lang ang twist e. Swabe kumbaga para sa istorya. Lalo na sa bandang malapit nang matapos ang kwento nang maano si ano ng ano, iyon…grabe talaga ‘yun. Iniisip ko nga kung may nabasa o napanood na akong gano’ng klase ng eksena e kaso wala naman akong matandaan. Marahil guni-guni ko lang.

At ang ikatlo, iyong simbolismo, repleksyon at aral na malutong na isinasampal ng istorya. Malutong na malutong ang mga ugali’t eksenang isinambulat ng istorya at ng mga tauhan. Ansarap nilang pagsasapakin sa sobra kong inis. Pero iyon talaga ang mapaklang katotohanan e. Hindi siya katulad sa istorya sa mga komiks. Ewan ko na lang kung hindi pa magka-ulirat ang sinumang makabasa ng kwento.

Ang buong kwento, para sa akin, kulang at sakto. Kulang dahil mas naghahanap ako ng mahaba-haba o kung di man, mas marami pang aksyon (hindi naman singhaba sa mga laban ni Goku). Pero sakto lang ang haba at dami ng aksyon na siyang nagpaganda’t nagpasimple sa kalaliman ng aklat.

Elibs na elibs talaga ako kay Bob Ong. Madali lang maintindihan ang mga salitang ginamit niya pero ang buong aklat, napakalalim nang nahukay para lang maipakita ang mga kalansay na madalas itinatanggi ng isang tao.

Asteg.

Posted by andoyman at 1:05 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment