kwan. ano. yon. yeh!

May trabaho na ako!

Saturday, November 21, 2009

Sa wakas, sa hinaba-haba ng panahon, mayroon na akong trabaho. Bali magte-training palang ako pero kung aayusin ko ang trabaho ko, lalaki ang tsansa kong magtagal sa kumpanyang ‘yon. Anim na buwan at apat na araw muna ang itinambay ko bago nagkaro’n ng trabaho. Anlupet!

Matagal bago nila ako tinext para sa initial interview ko. Akala namin dito sa bahay, nalimutan na ako ng kumpanya. At akala ko rin, bumagsak ako sa exam nila. Hindi pala. At kahit encoder lang ang magiging posisyon ko ro’n na dapat graphic artist, ayos lang sa akin dahil isa rin naman ‘yon sa mga ina-apply-an ko.

Huwag daw encoder dahil antaas-taas ng course na ginradweytan ko sabi ng isa kong kaklase nang makausap ko siya minsan sa chat sa facebook nang may inaalok siyang part time job sa akin. Hindi naman ‘yun tungkol sa mga networking o pagbebenta-benta ng kung anu-anong products tulad sa ibang nanloko sa akin. Payag na sana ako no’n kaso biglang umayaw ako dahil mula mismo sa text niya, hindi siya sigurado kung pupunta kami. Samantalang noong una, masyado niya akong pinipilit. Putik! Parang laman lang ng bola ng basketball ang naging usapan.

Gayunpaman, mabuti na lang talaga at nakapasa ako sa initial at final interview ko. Magaan ang loob ko, pagpasok at paglabas ko ng kumpanya, ganoon din sa mismong interview. Hindi tulad sa iba kong mga interbyu na parang pwersado akong magyabang para lang matanggap. Todits, hindi. Naging kalmado lang ang alon sa katawan ko kaya naging swabe ang mga sinabi at isinagot ko. Asteg. Dalawang kumpanya lang ang naging magaan ang loob ko: iyong unang kumpanya na nakapag-training ako pero hindi ako natanggap, at itong kasalukuyang kumpanyang natanggap ako. May mga iba pang kumpanyang magaan din ang loob ko noong nag-a-apply ako pero di sing-gaan tulad sa kumpanyang ito.

Asteg. Late pa ako sa orientation kahapon dahil quarter to seven na ako natawagan ng taga-HR. Eh 9:00am ang orientation. Putik! Late na talaga ako. Pasado alas-diyes na ako nakarating sa Ortigas (muntik pa akong lumagpas ng Megamall dahil lumilipad ang diwa ko). Pagdating ko sa opisina, sinamahan ako ng taga-HR at siya ang nagpaliwanag kung bakit ako late…pero mahina lang at ayaw niyang maparusahan dahil sa error na ‘yon.

Nitong pag-uwi ko lang napagtanto na pang-labintatlo pala akong dumating sa orientation. Ako ang pinakahuling bilang. Putik! Asteg naman. Talagang 13 pa ako. Haha.

Sa ngayon, hihintayin ko na lang ang tawag nila kung kelan ako magsisimula. Samantala, kailangan ko munang makuha ang lahat ng mga requirements at ma-fill-up-an ang napakaraming papel na binigay noong orientation. Putik.

Sa wakas, hindi na ako tambay.

Posted by andoyman at 1:04 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment