kwan. ano. yon. yeh!

Nang dahil sa Kikomachine Komix

Saturday, November 21, 2009

Nang dahil sa Kikomachine Komix, nakakilala ako ng isang babae.

Hindi sadya. Biglaan lang ang lahat. Napansin ko kasi sa ekspresyon niyang gustong-gusto niya ‘yung bagong labas ng Kikomachine kaya tinanong ko siya. At simula no’n, nagkaroon kami ng maikling kwentuhan.

Hindi ko akalain na mahilig siya sa mga gano’ng klase ng babasahin: mga weird at out-of-this-world na mga hirit ng mga tauhang walang pangalan ni Manix Abrera, ang taong gumawa ng drama ng alamat ng tigyawat. Habang kinakausap ko siya, panay kuha naman ako ng kahit anong aklat na makita ko (kasabay pa no’n ang konting pangangatog ng kamay, langya) para kunwa’y may sinisipat ako.

“Ano ka? Korean o Japanese?”

“Chinese,” sagot niya na may kasamang ngiti.

“Ah gano’n ba. Hehe. Wala man lang tumama sa tanong ko. Pare-pareho kasi kayong singkit,” sagot ko
naman at natawa naman siya. “Matagal ka na bang nagbabasa n’yan?”

Tumango lang siya. Tinanong ko ulit siya kung nakabasa na ba siya ng Trese, o ng aklat ni Bob Ong, o ng Pugad Baboy ni Pol Medina.

Umiling siya, “Umm, hindi. Eto lang ang binabasa ko.”

“Ah, gano’n ba,” sagot ko naman na nawawalan na nang sasabihin. Ewan ko ba kung bakit biglang lumipad palayo ang utak ko. Para sa akin, swabe na ang simula e, kaso parang hindi ko na maitutuloy pa ang nasimulan.

Nagkaroon pa kami ng napakaunting kwentuhan. Mga ilang salita lang. Mga pangkaraniwang tanong na, “Taga-rito ka, ‘no?” at iba pang mga tulad niyon. Napatawa ko naman s’ya. Napangiti. Tapos, hayan na. May bumubulong na sa isipan ko at ang sabi, “Tanungin mo na ang pangalan, tungak!”

Kaso, nagdadalawang-isip ang bida e. Ulangya naman kasing katorpehan ‘yan, bigla na lang sumulpot. Maya-maya nang wala nang umiimik sa amin, mabilis na s’yang nawala. Ako naman, umalis na parang walang nangyari; ikinukubli sa kaloob-looban ang kilig.

Lumabas ako ng CVC nang hindi ko nalaman ang pangalan niya. Siya naman, paniguradong nasa counter na at binabayaran na lang ang biniling komiks ni Manix…at baka lubos na nagtataka kung nawa-Wow-Mali ba siya. Aba’y biglaan ba namang may kumausap sa kaniya na hindi niya kilala, ano kaya magiging reaksyon niya nu’n?

Taga-rito naman siguro ‘yun kaya maaari pa kaming magkita ulit. Iyon nga lang, mas matangkad siya sa akin e kaya kung saka-sakali man, ok na ok na sa ‘kin ang maging kaibigan siya.

Malay mo, magkita nga ulit kami at magkakilanlan na sa isa’t isa. Asteg.

Posted by andoyman at 1:06 pm | permalink

Previous Comments

pambihira! sayang men!

Posted by hermi at November 21, 2009, 3:39 pm

sayang talaga!

Posted by andoyman at November 22, 2009, 5:45 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment