kwan. ano. yon. yeh!

Amp

Saturday, November 28, 2009

Katulad mo, nagagalit din ako sa poot na nararamdaman ko nang mabalitaan ko ‘yung masaker sa Maguindanao na siyang nagtaas sa atin upang maging numero uno tayo sa pinakadelikadong bansa para sa mga mamahayag, higit pa sa Iraq. Nakakabad-trip nga lang dahil pagkatapos ng isang napakalaking good news mula sa pagiging CNN Hero of the Year ni Efren Peñaflorinda, eto at sumunod kaagad ang isang napakalaking bad news.

Pero walang magandang magagawa ang galit e, dasal at pagdamay na lang ang magagawa natin para sa mga naging biktima, sa mga nadamay, sa mga naulila…at ganoon din para sa mga sangkot sa krimen.

Sabi sa radyo, mayroong tatlong batalyon ng sundalo sa Maguindanao noon pero biglang pinabalik sa Maynila ang dalawang batalyon. At hindi kayang mabantayan ng isang batalyon ang buong Maguindanao. Pinaghandaan.

Planadong-planado talaga ang lahat. Hanep sila. Napakamakapangyarihan. Napakatalino pa. Kaso mga berdugo. Duwag ang mga mamamayan sa Maguindanao dahil hawak silang lahat sa takot ng mga nagdiyos-diyosan sa kanila.

Mga babae ang pina-file ni Toto Mangungadatu dahil sa paniniwala ng mga Muslim, at kahit naman saang paniniwala, ang mga babae’t bata ay hindi sinasaktan. Kaso walang sinasanto ang mga kriminal e. Pinatay pa rin silang lahat: babae, journalist, at sibilyan. Walang nakaligtas.

May nabasa ako sa diyaryo tungkol sa isang pangyayari nang makaharap ni Tulfo ang mga Ampatuan sa airport. Napansin niyang mayroong mga dalang dekalibreng M-16 o M-60 ang private army ng nasabing Ampatuan. Nagtaka siya dahil wala naman na sila sa Maguindanao pero todo armado pa rin ang kanyang mga tuta. Tinanong niya si Mikey Arroyo tungkol du’n kung bakit naka-armado pa rin ang private army nitong Ampatuan na ‘to. Nag-aalala kasi siya na baka magkaroon ng problema dahil sa mga ‘to.

Ang tanging isinagot ni Mikey Arroyo, “Hayaan mo na, Mon, sa atin ‘yan e.”

Magaling.

Hindi na ako magtataka kung bakit mabagal ang takbo ng hustisya rito sa bansa. Hindi na rin ako magugulat kung sakaling sa hinaharap, mapawalang-sala si Andal Ampatuan o di naman kaya’y makatakas at biglang mawala sa eksena. Kahit ikinalas na sila sa partido nila, best friends forever pa rin naman sila kay Arroyo e. Kaya nga naka-12-0 ang mga kandidato ng Unity team sa Maguindanao dahil sa tulong ng mga naghahariang Ampatuan. At take note, number one pa noon si Chavit. Putik.

Ipagdasal na lang natin na sana’y makuha ng bayan ang hinahanap na hustisya – hustisya para sa lahat at hindi lang para sa iilan.

Isa pa nga pala, si Jason Ivler. Grabe. Bilib ako sa pagmamahal ng nanay niya para sa kaniya. Kaya nitong pagtakpan ang mga ginawang kabulastugan ng kanyang napakawalang-hiyang anak. Sa sobrang pagmamahal, ayaw niyang itama ang mga mali nito. Bilib ako sa pagmamahal niya, pero hindi sa pagiging bulag at pagtatakip niya.

At kaya pa niyang sabihin na “na-frame-up” lang ang kaniyang anak gayong marami na’ng nagsusulputan at nagrereklamo laban sa kanyang napakagaling na si Jason Ivler.

Isa na naman ‘tong kaso na ang pera at kapangyarihan ay sadyang napakahalaga kung gusto mong magdiyos-diyosan, at madaling makalusot sa patpating kamay ng hustisya ng pamahalaan.

Pera at kapangyarihan. Mga requirements na kakailanganin mo kung gusto mong mag-file ng Certificate of Candidacy for Ruling Over the Human Law.

Eto last na. Natatawa ako kay Arroyo. Gayahin din daw ‘yung kariton klasrum ni Kuya Ef. Oo, tama ‘yun. Oo, ayos ‘yon. Sang-ayon ako ro’n. Pero nakakatawang-nakakainis dahil hindi man lang niya yata naramdaman ang kahihiyan na bilang isang Pangulo, nadaig pa siya ng isang simpleng Pilipino sa pagpapalaganap ng edukasyon sa mga kabataang tila inabandona’t hinayaan na lang ng lipunan ng Pilipino.

Hindi ba niya naisip na kulang na kulang sa pagpapalaganap ng edukasyon sa bawat kabataan ang mga hakbang na ginagawa ng kanyang administrasyon? Kung hindi masosolusyunan ang mga kakulangan sa paaralan, upuan, aklat, klasrum, palikuran, at sweldo ng mga guro, paano pa kaya ang mga hindi nakakapag-aral dahil sa problemang pinansiyal?

“Education can’t make us all leaders, but it can teach us which leader to follow.” Kaya siguro hindi ganoon kataas ang prayoridad ng pamahalaan sa edukasyon..tsk tsk tsk. Aanhin mo ang magandang ekonomiya kung ang mga mamamayan sa lipunang pinapamahalaan mo e hindi nakapag-aral?

Mga taong makakapal ang mukha, singtigas ng bakal pero madalas kinakalawang.

Posted by andoyman at 1:36 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment