kwan. ano. yon. yeh!

Wala lang: #01

Saturday, December 5, 2009

Abalang nanonood ang tatay ko sa sala ng boxing sa matagal-tagal na ring Sanyo TV namin habang natutulog naman ang aking nanay sa higaang inilalatag tuwing gabi sa may sala. Wala namang magawa ang kapatid ko kaya pinagti-trip-an niyang kulayan ng itim ang gilid ng kanyang mga mata habang nakaupo sa dictionary at bangkitong kanya mismong ginawa. Nasa loob naman ako ng kwarto at katatapos lang gumuhit kani-kanina lang nang maisipan kong humalungkat ng isang aklat para magbasa.

Isang puting aklat. Makapal pero hindi singkapal tulad sa mga aklat ni Rowling o ni Brown. The Elephant Vanishes ni Haruki Murakami ang kinuha ko. Mga ilang paragraph lang ang nabasa ko nang maisipan kong magsulat. Wala lang. Feeling ko lang magsulat. Magsulat tungkol sa kahit ano…kung anuman ang kalalabasan ng sinusulat ko ngayon. Pwede rin sigurong makapagsulat ako ng tungkol sa wala maya-maya. O makagawa ng isang kwento. O ng isang kahit ano. Basta.

Mayroon sa loob ko ngayon na gustong kumawala. Parang isang halimaw na ilang araw nang tumitira sa kaloob-looban ko ang gusto ko ngayon pakawalan pero hindi ko alam kung paano ko pakakawalan. Demonyo siguro. O kalungkutan.

Pumasok ang kapatid ko rito sa loob at naglagay ng pulbos sa kanyang noo at ikinalat gamit ang brush sa make-up. Tinanong ko kung ano ang ginagawa niya. ‘Wag daw akong mainggit at lalagyan niya rin daw ako mamaya. Nyak. Para namang gusto kong maglagay ng gano’n.

Pero paano nga kung meron ngang make-up na pwede mong ipantakip sa lahat ng nararamdaman mo? Para bang gagawin mo itong maskara nang sa gayon ang makikita lang ng mga tao sa ‘yo ay ang gusto mong makita. Gano’n. Pwede ko rin kaya ‘yon ipantakip sa nagwawalang kung-anumang-bagay-ang-nasa-loob-ko? May dimensiyon kayang pinanggagalingan ang lahat ng emosyon ng tao?

Nababato ang kapatid ko kahihintay sa PBB kaya kung anu-ano ang ginagawa at pinag-ti-trip-an. Sa totoo lang, mahirap talaga ang maghintay nang napakatagal kaya kung anu-ano na lang ang maiisip mong gawin. Kapag may kasama ka, makikipagkwentuhan ka. O di naman kaya, yayayain mo siyang kumain o maglakad sa kung saan tapos kwentuhan na naman. Ang iba naman, magyoyosi. Ang iba, abala sa pag-te-text.

Biglang pumasok sa isip ko ang field trip namin noong huling taon. Sa tuwing mga ganyang klase ng lakad, natatakot ako: natatakot akong mahuli sa call time at hindi makasama sa field trip. Nangyari na kasi sa aming magkapatid ko ang ganyan. Noong mga Grade 1 o 2 yata, hindi kami nakasama. Ginigising na kami ng nanay namin pero hindi pa kami magising. At nang magising na kami, todo sabi kami na bilisan na namin. Pero para saan pa ang pagpapabilis ng kilos kung dalawang oras nang lumipas ang departure ng mga kaklase namin? Kaya ‘ayun, mula noon, ayoko nang ma-late kapag field trip.

Buti naranasan namin ang mag-field trip nitong college. Kapatid ko kasi, wala silang gano’n. Noong elementary at highschool, field trip ang pinakagusto ko kasi kung saan-saan kami napupunta. Educational field trip dapat pero wala naman akong natututunan. Noong bata pa kami, kasama namin si Mama. Madalas, siya ang tagapag-take-down-note ng mga kakailangan para sa project pagkatapos ng field trip. Wala pa kaming camera noon at hindi pa uso ang kamera sa cellphone kaya kaunti lang ang mga kuha namin noon.

Nakarating kami sa People’s Park in the Sky, Enchanted Kingdom, sa Believe It or Not sa Shangrila, sa Museong Pambata, sa Tagaytay, sa pagawaan ng chichiria, sa Subic, at sa marami pang lugar na hindi ko na matandaan ang pangalan. Noon lang ako nakakita ng sea lion nang malapitan, pati mga dolphin na tumatalon at sumisirko sa ere. Noon lang din ako nakakita ng paggawa ng apoy gamit ang kawayan, kung paano ginagawa ang mga chichiria, kung gaano kahangin sa itaas, at kung gaano kasaya ang sumakay sa Rio Grande.

Unang sakay nga namin ng mga kaklase ko noong first year highschool ako sa Enchanted Kingdom, sa may Anchor’s Away kami. Nakapagyayaan na sa dulo ng barko kami sasakay. Noong una, akala namin mababa lang ang pag-ugoy ng barko. Iyon pala, paunti-unti palang tataas ang barko. Sobrang sarap. Sigawan talaga kami. Ang iba nga, nakayuko na lang – marahil sa sobrang takot o sa sobrang thrill. Tuwing bababa mula sa itaas ang barko, pakiramdam ko, lalabas ang ihi ko mula pantog ko sa sobrang excitement. Grabe sa adrenaline rush. First time ko ba naman makasakay nang gano’n e. Sa Star City o Fiesta Carnival lang ang napupuntahan ko noong bata pa ako.

Ang isa ko namang kaklase, sigaw talaga nang sigaw. Nagmamakaawa talaga siya, “KUYAAA! TAMA NA! BABABA NA AKO!” Grabe ang takot niya. Noong natapos na, tawa kami nang tawa sa kanya. E kasi ba naman, ‘yung reaksyon niya pati sigaw niya, nakakatawa talaga. As in todo-tago talaga siya doon sa upuan sa barko. Tuwing napapag-usapan naming magkakaklase ang Enchanted Kingdom, iyon ang pinakauna naming naaalala.

Hindi ko pa pala naikwento ‘yung field trip namin last year. Three days and two nights. Unang beses ko iyon na halos tumira sa bus. Mas matagal ang biyahe kesa sa destinasyon. Tuwing matatapos ang biyahe at pupunta na kami sa mga inn namin, panigurado, sa kubeta didiretso kaming lahat. Nakailang hinto pa nga ang mga bus dahil may tatae’t iihi mamaya-maya. Sa bus namin, tinawag kami ng isang prof na kami ang “Team Tae” dahil maraming nagpapahinto ng bus para tumae at halos walang katapusan ang kwentuhan tungkol sa tae. Sa may isang bus naman, ang balita ko, may umutot. Hindi lang basta utot. As in makatanggal-baga ang baho ng utot. Mula sa likod, umabot hanggang sa harapan ang bagsik ng utot kaya napilitang magbukas ng bintana ang driver ng bus. Hanep sa tindi.

Posted by andoyman at 5:28 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment