kwan. ano. yon. yeh!

Talentadong Pinoy Adventure

Saturday, December 19, 2009

BABALA: MAY SPOILER ITO. HUWAG BASAHIN KUNG AYAW MO NG SPOILER.

Isang mainit na hapon ang bumulaga sa amin ng nanay ko nang ma-trip-an naming um-attend sa taping ng Talentadong Pinoy sa Skydome sa SM North Edsa. Ala-una y media ng hapon. Maaga pa. Ikatlo ng hapon sila magsisimula ang sabi sa T.V. nang mapanood namin noong Sabado. Kaya sa halip na mainip kahihintay, naglibot-libot muna kami.

Pagbalik namin, marami ng tao. Ang mga taong nandoon e ‘yung mga taong masasabi nating “masa”. Wala akong nakitang mayaman doon o sosyal na tao bukod sa mga ilang nagpapasosyal sa mga damit nila. Marami ang bilang ng kabataan. Medyo nainis naman ang madla nang sabihin ng sikyu na alas-kwatro pa raw ng hapon magsisimula ang taping. Biruin mo nga naman. Three o’ clock ang sabi nila sa T.V. tapos four pa pala sila magsisimula. Gayunpaman, hindi natinag ang mga tao. Maya-maya, pinapila na kaming lahat. Kalaban namin ang init ng araw na dala ng alas-dos at alas-tres ng hapon. Maya-maya rin, dumating na ang kapatid kong imbyerna sa init. Nakabusangot ang mukha niya. Pinilit kong aliwin pero mas lumalala lang.

Maya-maya ulit, ang mga nakapila sa likod ay nagpuntahan sa harap. Dahil doon, nagkaroon pa dalawa hanggang tatlo pang pila. Tinatakan din ang mga nasa pila na ‘yon. Nagtatanong ang iba kung bakit sila tinatatakan at baka mauna pa raw ang mga ‘yon. Gayunpaman, kampante ako na hindi kami mahuhuli sa pagpasok.

Dala ng kainipan ay kung anu-ano na ang ginagawa ng mga tao. May ilan na para maiwasan ang sikat ng araw e umupo sila sa isang gilid nang nakatalikod sa araw. Kaya lang nag-itsura silang mga namamalimos sa tulay. May ilan naman na naghithit ng yosi sanhi para madagdagan ang banas ko ng araw na ‘yon. Pero wait! Mga kabataang nandoon ang humihithit ng yosi at tila nagpapaligsahan pa sila sa pagbuga ng usok. Akala mo naman, cool sila. Putik. Sino ba naman kasing siraulong nag-imbento ng yosi? Kung magyoyosi sila, sana sa lugar na walang ibang tao at lalong walang mga bata! At sana, sa bawat paghithit nila ng yosi, hindi na nila ibubuga ang usok, sa halip, ikulong na lang nila sa baga nila para wala ng maapektuhan pang iba sa kalokohan nila.

Pagkatapos ng mahigit dalawang oras na paghihintay, katulad ng aking hinala, ang pila nga namin ang naunang pumasok. Bawal ang pagkain sa loob kaya hindi nila pinapasok ang isang timba ng biskwit ng isang lalake. Sayang. Para sa lahat pa naman yata ‘yon.

Malapit kaming tatlo sa harapan, katabi lang ng mga jury. Nagpamigay sila ng mga lobo na ibabalik din mam’ya. Namigay rin sila ng mga banners na itataas ng mga kamag-anak o audience kapag nagtatanghal na ang contestant. Manghang-mangha ang nanay ko sa loob. Ganoon din ako. Imbyerna pa rin kapatid ko.

Hindi naging sapat ang mga hirit ng bakla at ng babaeng naging instant stand-up comedian sa harap para aliwin kaming lahat. At mas lalo akong na-“Aaaaaargh!!!” nang ilabas nila ang isang boyband yata para kumanta’t sumayaw sa harap. (Gusto ko sanang ihirit na gayband ang boyband na ‘yon pero sige, h’wag na lang.) Nakakagulat ang mga ginawa nila. Hindi man lang ako nabigla. Mas lalo akong nabagot at naburyong. Medyo gutom na, nainitan na, at mas lalo pang nainip. Naka-attend na ako sa taping ng LG Quiz nang makasali ang school namin. Pati sa live taping, naranasan ko na rin ‘yan nang magpunta ang Umagang Kay Ganda sa iskul namin. Pero hindi sing-tagal ng taping tulad sa Talentadong Pinoy. Sa sobrang buryong ko sa mga nagpe-perform sa harapan, halos nakahiga na ako sa monoblock at pinag-trip-ang titigan ang kisame ng Skydome. Doon ko naitanong sa sarili ko kung nagbubukas kaya ang Skydome katulad sa mga dome sa ibang bansa?

Salamat sa babaeng katabi ko. Sa sobrang awa niya sa akin, binigyan niya ako ng lobo para may pagkaabalahan. Yey! Naibulalas ko naman sa nanay at kapatid ko, pati rin sa babae, na sana stand-up comedian na lang ang inilagay nila sa harapan sa halip na iyong boyband na ‘yon. Sa ganoon, mas maaaliw pa ang tao. Mayroon din sanang palaro pero naudlot at nalimot na rin nang isingit nila ang boyband nila.

Pagkatapos ng napakagarbong pagtatanghal ng mga hindi ko kilala, nagsimula na ang taping para sa mga ilang minutong pagpalakpak nang nakataas ang mga kamay ng mga audience (na kinalaunan, naisip ko na back-up video nila ‘yon kung sakaling wala nang bumalik pang audience mam’ya). Kasunod niyon ang bahagi para sa pag-akyat ng mga jury. Maya-maya, nagpakita si Ryan Agoncillo sa mga widescreen flat LCD o Plasma nila. Tapos, practice ulit kaming lahat sa pagsigaw ng “Talentadong Pinoy!” Saka lumabas si Ryan sa entablado. Kasunod niyon ang mga talent scouts na sina Paolo Bediones, Richard Gomez at si Bayani Agbayani. Nang makita ko sila, nalaman kong isang hiblang libag lang pala ang inilamang ko sa kanila. 0.1% lang ang ipinogi nila sa akin. Tilian ang mga tao nang makita sila. Todo-ngiti naman ang nanay ko, ganoon din yata ang kapatid ko. Hirap naman ako sa kinauupuan ko dahil sa matabang ale na katabi ko na hindi magkandaugaga sa kapi-picture kay Ryan.

Nakailang ulit si Ryan sa mga dialouge niya. Mga 2-3 takes lang. Panay ang tawa’t bungisngis ni Ryan habang nagte-tape. Maya-maya, nagtanghal na ang mga contestant. Sa bawat break ng taping, maagap na pina-foundation ng baklang P.A. ang mga mukha ng tatlong talent scouts. May sarili namang P.A. si Ryan. Palipat-lipat din siya ng pwesto para sa bawat pagpapakilala sa mga contestant. Comeback episode ang ginawa noon kaya malamang e nakita mo na sila sa mga nakaraang episodes nila. Nandoon ang Twin Rapper, dalawang sumasakay sa mataas na unicycle, ang Latino Primero, si Arjay, ang bulag na keyboardist, isang grupong sumayaw ng pang-Muslim, isang batang singer, at ang Yapchulay family. Lahat sila ay gustong makalaban ang defending champion na si Makata-tawanan na tatlong linggo na palang kampeon.

Sina Latino Primero nga pala ang nanalo. Hanep talaga ng dalawang iyon sa pagsayaw. At siyanga pala, hindi bakla ‘yung isa. Lalake rin ‘yon. As in, barako rin. May mga sportfest lang talagang ganoon ang paligsahan na parehong lalake ang sasayaw. Hindi naman ako natawa sa mga hirit ni Makata-tawanan. Si Pacquiao kasi ang topic niya. Tama si Paolo. Mas maganda kung mga hindi gaanong interesanteng bagay ang magiging topic niya at gagawin niyang interesante. Pero sa kahuli-hulihan, si Makata-tawanan pa rin ang nanalo. Akala ko nga sina Latino Primero ang mananalo e. Pero ayos pa rin. Congrats kay Makata-tawanan. Pagkatapos ng unang taping, umalis na kami at nagpasyang hindi na sisiputin ang ikalawang taping nila. Nakakasulasok ang gutom at pagkangalay at pagkapagod ng mga mata at leeg namin. Na-stress pa kami sa pila.

Hindi na rin pala nagkaroon ng pa-picture at pa-autograph. Naglaho na lang kasi bigla ang mga artista. Dalawang beses lalaban si Makata-tawanan nang araw na ‘yon. Tindi. Kumain muna kami bago umuwi.

Pag-uwi, namroblema pa kami sa pamasahe. Muntik magkulang. Pagdating sa bahay, pagod na pagod kaming tatlo. Siyanga pala, sa January 2, 2010 ang ere ng taping na iyon. Abangan mo. Makikita mo rin ako roon. Ang palatandaan: nakadamit at nakapantalon ako na may hawak ng lobo. Hehe. Ang korny ko.

Posted by andoyman at 2:58 pm | permalink | comments[2]

Wala lang: #03

Humahalo ang bawat kalabit ng string ng gitara sa musika ng Moon River sa napakapayapang hapon ngayon. Katatapos lang ng trabaho rito sa pabrika kaya wala na ang mga ingay ng fork lift at mga makina. Naging mas maaliwalas na ang paligid. Heto ang masarap kapag nakatira ka sa loob ng pabrika, pagkatapos umalis ng mga manggagawa, kayo na lang ang maiiwan. Solo ang lugar. Solo ang kapayapaan.

Katitingin ko lang kanina ng yearbook ko noong highschool. Nakaka-miss ang mga pakulo at biruan naming anim. Kami ang pinakakonting bilang ng estudyante noong mga panahon namin. Pero ironic dahil sa araw ng rehearsal para sa graduation, sinabi ng aming principal na kahit kakaunti lang kaming mga senior na gagraduate, ang bilang ng mga magtatapos ay higit pa kaysa sa mga naunang batch ng graduates.

Binasa ko kanina ang mga message namin pati mga speech ng bawat isa. Aanim lang naman kami kaya lahat nakapagsalita sa harapan. Asteg. Lima kaming lalake, isa lang ang babae. Wala sa amin ang umiyak pwera roon sa babae (iyon ang natatandaan ko). Hindi na kami nagsipag-iyakan kasi magkakalapit lang naman ang mga bahay namin kaya pwedeng-pwedeng magkita kahit kailan.

Pito dapat kami kaso lumipat ang isa sa Laguna noong 2nd year kami. Nagkaroon pa kami ng iba’t iba pang mga kaklase na pumupunan sa pagiging pampito ng pamilya pero hindi lahat nagtatagal. Trese kami noong first year tapos umunti nang sumunod na taon. Mahigit trenta naman naman kami noong Grade 6 pero mabilis na nalagas pagdating ng highschool. Sa batch na ‘yun, tatlo lang ang nanatili hanggang fourth year. Dapat nga may loyalty award kami e kaso wala akong matandaan na binigyan kami ng medal. Ewan ko kung meron.

Malapit na ang Pasko at ito ang pinakapaborito kong panahon sa buong taon kasi kapag nasa daan ako, ramdam ko ang saya ng bawat tao. Magaan sa puso ang ambiance ng buong paligid. Anlamig din ngayong panahon, mas malamig kaysa noong huling taon kung hindi ako nagkakamali. Medyo natutuwa ako ngayon dahil sa ramdam na ramdam talaga ang lamig ng simoy ng hangin. Pero ‘medyo’ lang kasi tuwing umiihip ang malamig na hangin, palaging pumapasok sa isip ko ang malalaking tipak ng yelo sa North Pole na mabilis na natutunaw dahil sa climate change.

Noong first year kami, pagdating ng Disyembre, nakabuo kami ng isang kanta…kanta para sa isa naming kaklase. ‘Kulaw’ ang tawag namin sa kanya, short for bakulaw. At dahil doon, kaya nakagawa kami ng kanta. Wait. Titignan ko kung natatandaan ko pa ang kanta namin.

Hmm…

(Katono niya ‘yung kanta ng isang cartoon na pampasko na ipinalabas sa channel 2 dati. Natatandaan mo pa kaya?)

Sino nga ba siyang nakasuot pula?
Hila ng mga usa.
Puti ang balbas niya, siya’y mataba.
Lahat ng tao’y naghihintay sa kaniya.
Namimigay siya ng mga regalo,
Tuwing sasapit ang araw ng Pasko.
Kaya sa araw na ito, maghihintay kami sa ‘yo.
Saan ka ba nagmumula?
Sana’y naroon kami sa inyo,
Dahil nais naming makita kung pa’no ginagawa ang mga regalong ipinamimigay mo…
Nais namin: laruan, damit………

Eto naman ang lyrics namin:

Sino nga ba siyang nakasuot itim?
Hila ng mga kambing.
Itim ang balbas niya, siya’y mataba.
Lahat ng tao’y nandidiri sa kanya.
Namimigay siya ng malas sa tao,
Tuwing sasapit ang araw niya.
Mula sa araw na ito, mandidiri kami sa ‘yo.
Saan ka ba nagmumula?
Sana ay doon ka na lang tumira,
Dahil ayaw naming makita kung pa’no ginagawa ang malas na ipinamimigay mo…
Nais namin: mamon, macapuno….

Isinulat pa namin sa blackboard noon ‘yang kanta na ‘yan at hindi namin pinabubura sa mga teacher. Banas na banas sa amin ang kaklase naming ‘yon. Kaya naman may ‘mamon’ at ‘macapuno’ sa kanta dahil mataba siya. Uso sa amin noon ang pamimisil ng dyoga ng mga kaklase namin (pwera babae siyempre), lalo na sa mga matataba. Hindi lang basta pisil kundi parang kurot kaya mapapa-“Aray!” ka talaga. Tapos, kapag gagawin mo ‘yun, kasabay mong sasabihin ang “Mamon!”. Dahil sa isang tinderong nagtitinda ng macapuno sa loob ng bus namin noong field trip kaya nadagdagan ng “Macapuno!” ang “Mamon!” Kaya uso rin noon ang pagtatakip ng dibdib para makaiwas sa mga namimisil!

Marami pa kaming ibang mga ginawang kanta para sa isa’t isa. Kahit ako, meron din e. Eto oh:

I see a flying wak-wak through the sky.
Spread his short and fly away…hehehey…

May kasama pang papel na shorts na may butas sa gitna ‘yan tuwing kakantahin para buo ang epekto ng drama. Hindi lang ‘yan ang kanta para sa akin. Meron pa! Galing pa sa kanta ng Slamdunk:

Kimi ga suki-Hydro, Carne norte, ansarap igisa…(di ko na ‘lam ang susunod)

Wak-wak at Hydro tawag sa akin noon: Wak-wak dahil butas ang short na naisuot ko noon at Hydro dahil malaki raw ulo ko. Lahat kami may tawag. Nandiyan si Tok na naging Hitler, si Polio kahit wala namang polio, si Panlugaan, si Fetus, si Emotion, si French Horse, si Balyena, si Kulaw, si BB, si Poknat, si Bolimaw, at si Boldyak. Kumpleto kaming lahat!

Noong fourth year naman kami, napag-trip-an namin ang mga Grade 6 students noon pati mga teacher. Tatlo ang baklang guro sa amin at saktong may tatlong bakla rin sa Grade 6. Ang tawag namin sa kanila: Campus Angels! May senior at junior edition ‘yan para sakto!

Posted by andoyman at 2:57 pm | permalink | comments[1]

Wala lang: #02

Kanina pa ako tumitipa ng keyboard dito. Hindi naman sunud-sunod ang pagtitipa ko. Maya’t maya, uupo ako at magtitipa. Magta-type nang kung ano pero bigla kong buburahin lahat ng isinulat ko tapos iko-close ang MS Word tapos balik uli sa pag-click-click ng mouse. Bukas nang bukas ng kahit anong file o picture. Pagkatapos, kukuha ako ng isang bond paper, uupo sa sahig, itatayo ang home-made drawing table ko, at magsisimulang gumuhit ng mga karakter para sa ginagawa kong komiks na matagal na matagal ko nang pangarap magawa, matapos at ma-publish. Kapag nakatapos ako ng isang karakter, babalik ulit ako rito para magtipa. Ganito ginagawa ko ngayon.

Kasalukuyang tulog na ang mga magulang namin at ganoon din ang kapatid ko. Kapag ganitong gising pa ako, pinapapak ako ng lamok. Isang stand fan lang kasi ang meron dito sa loob ng kwarto. Pero itinututok ‘yon sa kapatid ko kapag matutulog na siya. Hindi ko rin naman maaasahan ang wall fan ko dahil una) hindi iyon aabot dito sa baba, at pangalawa) baka bigla pang mag-ingay. Maaalimpungatan pa ang mga taong tulog dito.

Pajama ko lang na gamit sa P.E. noong highschool ang tanging panlaban ko sa lamok. Pesteng mga lamok ‘to. Napakatakaw. Mamaya-maya, mangangagat na naman. Nadali na ako minsan ng dengue. Noong Grade 3 o 4 yata ako. Ilang araw din akong hindi pumasok. Mabuti’t Stage 1 lang ang sa akin. Kapag natutulog ako noon, naka-isolate ako with matching kulambo. Awa ng Diyos, gumaling din ako.

Minsan naman, noong bata pa ako, pinagalitan ako ng nanay ko sa nakalimutan ko ng dahilan. Bumaba ako at nagtago sa gilid ng kakarag-karag na pulang kotse. Hindi ko alam ang tawag doon sa ganoong klase ng sasakyan. Basta ang itsura niya, pang-deliver ng dry ice. Nang magtago ako, andaming lamok. Habang umiiyak, hawi ako nang hawi sa mga lamok para hindi ako kagatin. Pero hindi rin ako nagtagal. Umuwi rin ako ng bahay at tinanggap ang mga palo kaysa kagatin ng sandamukal ng lamok. Baka magkasakit pa. At kapag nagkasakit, mapapagalitan pa. Parehas lang.

Iniisip ko ngayon kung may maiisip kaya akong kwento. Isang maikling kwento lang. Pero tungkol naman saan? Sa kanino? Ayaw magsitigil ng mga lamok. Patuloy pa rin sa pagpepeste sa akin.

Minsan kapag naliligo ako, may mga lamok na umaaligid sa akin. Sa halip na paluin ko ng dalawa kong kamay ang lamok, pinapalo ko pababa ang lamok na parang hinahampas si Son Goku. Ayun, lagapak ang lamok. Saka ko pipisatin ng paa ko. Wala lang. Ayoko lang madungisan ng dugo ang kamay ko.

Ano kaya ang dahilan kung bakit may lamok bukod sa pagkain sila ng mga butiki at palaka? Matatakaw ang mga babaeng lamok sa dugo. Sila lang din mismo ang kakagat nang kakagat sa ‘yo. Matakaw…babae…parang may kilala akong ganyan. Sikat nga siya at may mataas na pwesto sa pamahalaan.

Baligtarin natin. Tsinelas ang gagamitin mo para paluin at patayin ang lamok na dadapo sa balat mo samantalang kamay naman ang sa ipis. Yak! Kaya mo ‘yon?

Minsan, nakakatsamba akong makahuli ng lamok sa tuwing mamamalo ako. Kapag ganoon, hinahawakan ko sa mga paa nito at titignan ng malapitan. Wala lang. Trip ko lang tignan. Pero hindi ko na tatanggalan pa ng pakpak ang lamok tulad sa mga tutubi. Pipisatin ko na pagkatapos kong tignan.

Namimiyesta talaga ang mga lamok ngayon dito. Mukhang alam nilang tungkol sa kanila ang sinusulat ko. Dapat mga ganito ang mga target sa practice shooting ng mga pulis para talagang asintado sila. Hindi ‘yung titira sila ng kung sinu-sino sa daan sa tuwing malalasing sila o babaril sa itaas nang hindi nalalaman kung sino ang maaaring maaksidente pagkababa ng bala.

Pwede na kayang ipagsama ang lamok at pulis sa isang kwento? Ano naman kayang kwento?

Isang araw, habang lumilipad ang isang maliit at kyut na lamok, nakita niya ang isang pulis na nakatayo sa labas ng police station habang umiiskor ng yosi. Napatingin sa kanya ang pulis at bigla ‘tong sumipol. Nagulat ang lamok. Gusto niya sana ‘tong sampalin at sabihang “Bastos!” kaso hindi niya magawa dahil napangunahan siya ng mainit na pagdaloy ng pag-ibig sa kanyang puso. Na-love-at-first-sight siya rito…dahil sa seksing pagsipol nito sa kanya. Ang hindi alam ng lamok, isang babaeng naka-mini-skirt na bumubulwak ang katabaan sa suot na maiksing blouse sa kabilang gilid ng kalsada ang sinisipulan ng bundat na pulis.

Mula noon, lagi na niya ‘tong binabantayan, hinahangaan, at pinagmamasdan. Minsan, gustung-gusto na niya talagang halikan ang pulis na ito bagama’t hindi niya pwedeng gawin dahil ang “halik” na tinutukoy dito ay ang pagkagat nila sa kanilang mga biktima.

Pakiramdam ng lamok, isang masaklap na lovestory ang kasalukuyan niyang pinagbibidahan. Parang mala-Edward-at-Bella ang istorya nilang dalawa ng pulis, iyon nga lang, baliktad. Hindi lalake ang mangangagat kundi ang babae: babaeng lamok.

Pero hindi na siya makatiis kaya minsang langung-lango sa alak ang crush niyang pulis, mabilis niya itong hinalikan sa may labi nito. Dagli namang pinalo ng nasaktan na pulis ang lamok na dumapo sa kanyang nguso, “Arekup! Pusanggalang lamok ‘to. *Hik* Sa nguso ko pa balak mangagat.”

“Anong nguso? Bunganga pare! Bunganga! Hahahaha!” kantyaw naman ng kainuman niya kasabay ang pagtawa ng tatlo pang lasenggero.

At iyon na nga, namatay ang lamok. Masaklap pero matamis ang kanyang kamatayan dahil nahalikan niya ang pulis na kanyang iniirog. Nag-amok naman ang napikong pulis at pinagbabaril ang mga kainuman niya.

Posted by andoyman at 2:55 pm | permalink | Add comment

Freedom Park

Tinext ka niyang samahan mo siyang tumambay sa freedom park. Tutal, wala naman na kayong klase at maaga pa upang umuwi. Dali-dali kang tumayo sa iyong kinauupuan at nagpaalam sa iyong mga kalaro.

Pagpasok mo sa Gate 4, dumaan ka muna ng rest room sa food court para ayusin ang iyong sarili at magpabango upang mawala ang anumang hindi kanais-nais na amoy galing sa computer shop. Napatingin ka sa salamin at tinanong ang iyong sarili,

“Magtapat na kaya ako?”

Nagitla ka sa iyong sinabi. Biglang bumilis at lumakas ang tibok ng iyong puso. Nablanko ang laman ng iyong isipan at tila bumagal ang oras. Matagal kang nakatitig sa salamin. Iniisip mo kung paano mo sasabihin na mahal mo siya, paano ang magiging gawi o istilo mo sa pagsasalita, paano ang iyong mga ikikilos, at kung paano mo palilitawing romantiko ang bawat bibitawan mong salita. Subalit naisip mo ring baka ikaw ay masaktan lang sa huli.

Atras-abante ang iyong puso. Wala kang magawang matinong desisyon. Pilit mong pinipiga ang iyong utak upang makaisip ng mga pamatay na linya ngunit wala kang mahalungkat sa isip mong biglang binulabog ng iyong mga salitang sinambit kanina. Anuman ang gawin mong paghalughog sa iyong isipan ay wala ka talagang mahukay na walastik na linya. Mukhang uurong ka na lang, ang naibulong mo sa iyong sarili. Muli mong hahayaan ang pagkakataon na mawala at palalampasin ang sandaling matagal mong hinihintay – ang pagtatapat.

Pinuntahan mo siya sa kanyang lugar at pilit mong pinakakalma ang iyong sarili upang huwag niyang mahalata ang iyong kaba. Dapat casual lang, payo mo sa iyong nangangatog na puso. Nang makita ka niyang dahan-dahang tinutungo ang kaniyang lugar, ngumiti siya at kumaway sa ‘yo. Nginitian mo rin siya upang suklian ang matamis at malambing niyang nagniningning na ngiti. Pagkatapos ay marahan kang lumapit sa kanya. Tinabihan mo siya. Napansin mong magkalapit ang inyong mga kamay kaya naisipan mong hawakan ito. Datapuwat hindi mo itinuloy ang iyong pagtatangka ay nakuntento ka na lamang sa pagdikit ng inyong mga hinliliit. Nagdulot ito ng isang lihim na kilig. Magkasabay ninyong pinanood ang mga estudyanteng paroo’t parito, mga nakaupong tulad niyo, mga nagtatawanan at nagkukwentuhan, at ang mga tahimik at maiingay.

Pinag-usapan ninyo ang tungkol sa kung anu-anong bagay. Alam mong masaya siya kapag nasa tabi ka niya. At alam mong hindi niya alam kung gaano mo siya kamahal.

Sinambit mo ang kanyang pangalan. Lumingon siya at hinintay ang iyong sasabihin. Dahan-dahan mong winika ang mga salitang nakakulong sa iyong puso…

“Ahm…May ipagtatapat ako sa iyo…”

“Ano ‘yon?”

Biglang nawala ang iyong kaba. Tumahimik ang paligid. Nakatitig siya sa iyo at ganoon ka rin sa kanya. At kusang lumabas sa iyong bibig ang mga romantikong salitang ikaw mismo ay gustung-gusto mo nang marinig sa iyong sarili. Sa wakas, malalaman na rin niya. Ang pinakahihintay mong sandali. Ang pinakaaasam mong pagkakataon.  At sa kanyang nakakaakit na mga mata, inihayag mo ang iyong pagmamahal.

***

Tinext mo siya para samahan kang tumambay sa freedom park. Ayaw mo sanang gambalain ang paglalaro niya ngunit alam mong hindi ka niya matitiis at agad niyang ititigil ang lahat ng kanyang ginagawa upang puntahan ka kaagad.

Nagpabango ka. Nagdagdag ng kaunting foundation at lipgloss. Inayos ang iyong buhok. At ikaw ay naghintay.

“Magtatapat na kaya siya?”

Nagulat ka at bigla mong naitanong iyon sa iyong sarili. Bigla kang kinabahan. Namula ang iyong pisngi. Bigla kang hindi mapakali. Nagpaikot-ikot sa iyong isipan ang mga eksenang maaaring mangyari sa sandaling siya’y magtapat sa iyo. At mas lalo kang kinabahan kaalinsabay ang lihim at nangingimi ngunit mahinhin mong ngiti nang pumasok sa iyong imahinasyon ang mga salitang maaaring gumuhit ng isang napakalaking puso sa sandaling ihayag niya ang kanyang damdamin sa iyo. Inosente mong naitanong sa iyong sarili, “Sa mga simple’t romantiko niyang linya, paano ako mag-re-react?”

Mas bumilis ang tibok ng iyong puso. Mas hinanap ng iyong mga mata ang kanyang mga mata. Mas nasabik ang iyong tenga sa maaari mong marinig. Pilit mong hinahanap ang kanyang anino sa malayo. Gusto mo siyang makitang papalapit sa ‘yo. Gusto mong makita siya agad upang mapunan ang umaapaw na pananabik sa iyong kalooban. Ngunit paano kung mali pala ang iyong akala? Umatras ang iyong puso at naisip mong huwag na lang umasa at baka masaktan pa.

Pinuntahan ka niya sa iyong lugar. Pinigil mo ang iyong pananabik.  Nang makita mo siya ay agad kang ngumiti at kumaway sa kaniya. Ngumiti rin siya’t lumapit sa iyo. Magkatabi kayong nagkwentuhan at pinanood ang sari-saring estudyanteng nandoon sa freedom park. Napansin mong magkalapit lang ang inyong mga kamay. “Paano kung bigla niya akong hawakan?” mapanuksong tanong mo sa iyong sarili. Hindi mo tinangkang alisin ang iyong kamay mula sa kinaroroonan nito. Ikaw naman ay patagong ngumiti at kinilig. At kahit hindi niya hinawakan ang iyong kamay ay nakuntento ka na lang sa kuryenteng hatid nang magdikit ang inyong mga hinliliit.

Masayang-masaya ka at katabi mo siya ngayon. Mga simpleng biro at kwentuhan ang pumupuno sa bawat sandaling kayo’y magkasama. Alam mong alam niya na masaya ka kapag katabi mo siya. Ngunit hindi niya alam kung gaano mo siya kamahal.

Sinambit niya ang iyong pangalan. Lumingon ka at hinintay mo ang kanyang sasabihin. At ikaw ay nagulat sa mga salitang tila mababangong bulaklak sa iyong pandinig…

“Ahm…May ipagtatapat ako sa iyo.”

“Ano ‘yon?” ang tanging isinagot ng nanginginig mong labi.

Kusang nawala ang iyong kaba at mabilis na umikot ang mundo para sa inyong dalawa. Dahan-dahang bumakas sa iyong mukha ang pananabik sa matagal mo nang gustong marinig. Ang iyong ngiti ay gusto nang magpakita at ang iyong galak ay gusto nang sumabog mula sa kailaliman ng iniingatan mong puso. Sa wakas, ang pinakahihintay mong sandali – ang kanyang pagtatapat. Ang pinakaaasam mong pagkakataon: Ang pagpapahayag niya ng mga nakasulat sa kanyang puso.

***

Masayang nagising ang dalawa nang may maaliwalas na ngiti sa kanilang mga mukha. Magkatapat at magkalapit ang kanilang mga upuan nang datnan sila ng isa nilang kaklase sa loob ng kanilang klasrum. Napatitig ang dalawa sa isa’t isa ng ilang segundo kasunod ang maikling pagtawa. Pareho ang kanilang panaginip ngunit hindi nila iyon batid.

At gumuhit sa kanilang mga mukha ang ngiting hindi pa nakikita ninuman.

Posted by andoyman at 2:53 pm | permalink | Add comment

Kowts

“You may say I’m a dreamer. But I’m not the only one. I hope someday you will join us and the world will live as one.”
-John Lennon, Imagine

Posted by andoyman at 2:52 pm | permalink | Add comment