kwan. ano. yon. yeh!

Talentadong Pinoy Adventure

Saturday, December 19, 2009

BABALA: MAY SPOILER ITO. HUWAG BASAHIN KUNG AYAW MO NG SPOILER.

Isang mainit na hapon ang bumulaga sa amin ng nanay ko nang ma-trip-an naming um-attend sa taping ng Talentadong Pinoy sa Skydome sa SM North Edsa. Ala-una y media ng hapon. Maaga pa. Ikatlo ng hapon sila magsisimula ang sabi sa T.V. nang mapanood namin noong Sabado. Kaya sa halip na mainip kahihintay, naglibot-libot muna kami.

Pagbalik namin, marami ng tao. Ang mga taong nandoon e ‘yung mga taong masasabi nating “masa”. Wala akong nakitang mayaman doon o sosyal na tao bukod sa mga ilang nagpapasosyal sa mga damit nila. Marami ang bilang ng kabataan. Medyo nainis naman ang madla nang sabihin ng sikyu na alas-kwatro pa raw ng hapon magsisimula ang taping. Biruin mo nga naman. Three o’ clock ang sabi nila sa T.V. tapos four pa pala sila magsisimula. Gayunpaman, hindi natinag ang mga tao. Maya-maya, pinapila na kaming lahat. Kalaban namin ang init ng araw na dala ng alas-dos at alas-tres ng hapon. Maya-maya rin, dumating na ang kapatid kong imbyerna sa init. Nakabusangot ang mukha niya. Pinilit kong aliwin pero mas lumalala lang.

Maya-maya ulit, ang mga nakapila sa likod ay nagpuntahan sa harap. Dahil doon, nagkaroon pa dalawa hanggang tatlo pang pila. Tinatakan din ang mga nasa pila na ‘yon. Nagtatanong ang iba kung bakit sila tinatatakan at baka mauna pa raw ang mga ‘yon. Gayunpaman, kampante ako na hindi kami mahuhuli sa pagpasok.

Dala ng kainipan ay kung anu-ano na ang ginagawa ng mga tao. May ilan na para maiwasan ang sikat ng araw e umupo sila sa isang gilid nang nakatalikod sa araw. Kaya lang nag-itsura silang mga namamalimos sa tulay. May ilan naman na naghithit ng yosi sanhi para madagdagan ang banas ko ng araw na ‘yon. Pero wait! Mga kabataang nandoon ang humihithit ng yosi at tila nagpapaligsahan pa sila sa pagbuga ng usok. Akala mo naman, cool sila. Putik. Sino ba naman kasing siraulong nag-imbento ng yosi? Kung magyoyosi sila, sana sa lugar na walang ibang tao at lalong walang mga bata! At sana, sa bawat paghithit nila ng yosi, hindi na nila ibubuga ang usok, sa halip, ikulong na lang nila sa baga nila para wala ng maapektuhan pang iba sa kalokohan nila.

Pagkatapos ng mahigit dalawang oras na paghihintay, katulad ng aking hinala, ang pila nga namin ang naunang pumasok. Bawal ang pagkain sa loob kaya hindi nila pinapasok ang isang timba ng biskwit ng isang lalake. Sayang. Para sa lahat pa naman yata ‘yon.

Malapit kaming tatlo sa harapan, katabi lang ng mga jury. Nagpamigay sila ng mga lobo na ibabalik din mam’ya. Namigay rin sila ng mga banners na itataas ng mga kamag-anak o audience kapag nagtatanghal na ang contestant. Manghang-mangha ang nanay ko sa loob. Ganoon din ako. Imbyerna pa rin kapatid ko.

Hindi naging sapat ang mga hirit ng bakla at ng babaeng naging instant stand-up comedian sa harap para aliwin kaming lahat. At mas lalo akong na-“Aaaaaargh!!!” nang ilabas nila ang isang boyband yata para kumanta’t sumayaw sa harap. (Gusto ko sanang ihirit na gayband ang boyband na ‘yon pero sige, h’wag na lang.) Nakakagulat ang mga ginawa nila. Hindi man lang ako nabigla. Mas lalo akong nabagot at naburyong. Medyo gutom na, nainitan na, at mas lalo pang nainip. Naka-attend na ako sa taping ng LG Quiz nang makasali ang school namin. Pati sa live taping, naranasan ko na rin ‘yan nang magpunta ang Umagang Kay Ganda sa iskul namin. Pero hindi sing-tagal ng taping tulad sa Talentadong Pinoy. Sa sobrang buryong ko sa mga nagpe-perform sa harapan, halos nakahiga na ako sa monoblock at pinag-trip-ang titigan ang kisame ng Skydome. Doon ko naitanong sa sarili ko kung nagbubukas kaya ang Skydome katulad sa mga dome sa ibang bansa?

Salamat sa babaeng katabi ko. Sa sobrang awa niya sa akin, binigyan niya ako ng lobo para may pagkaabalahan. Yey! Naibulalas ko naman sa nanay at kapatid ko, pati rin sa babae, na sana stand-up comedian na lang ang inilagay nila sa harapan sa halip na iyong boyband na ‘yon. Sa ganoon, mas maaaliw pa ang tao. Mayroon din sanang palaro pero naudlot at nalimot na rin nang isingit nila ang boyband nila.

Pagkatapos ng napakagarbong pagtatanghal ng mga hindi ko kilala, nagsimula na ang taping para sa mga ilang minutong pagpalakpak nang nakataas ang mga kamay ng mga audience (na kinalaunan, naisip ko na back-up video nila ‘yon kung sakaling wala nang bumalik pang audience mam’ya). Kasunod niyon ang bahagi para sa pag-akyat ng mga jury. Maya-maya, nagpakita si Ryan Agoncillo sa mga widescreen flat LCD o Plasma nila. Tapos, practice ulit kaming lahat sa pagsigaw ng “Talentadong Pinoy!” Saka lumabas si Ryan sa entablado. Kasunod niyon ang mga talent scouts na sina Paolo Bediones, Richard Gomez at si Bayani Agbayani. Nang makita ko sila, nalaman kong isang hiblang libag lang pala ang inilamang ko sa kanila. 0.1% lang ang ipinogi nila sa akin. Tilian ang mga tao nang makita sila. Todo-ngiti naman ang nanay ko, ganoon din yata ang kapatid ko. Hirap naman ako sa kinauupuan ko dahil sa matabang ale na katabi ko na hindi magkandaugaga sa kapi-picture kay Ryan.

Nakailang ulit si Ryan sa mga dialouge niya. Mga 2-3 takes lang. Panay ang tawa’t bungisngis ni Ryan habang nagte-tape. Maya-maya, nagtanghal na ang mga contestant. Sa bawat break ng taping, maagap na pina-foundation ng baklang P.A. ang mga mukha ng tatlong talent scouts. May sarili namang P.A. si Ryan. Palipat-lipat din siya ng pwesto para sa bawat pagpapakilala sa mga contestant. Comeback episode ang ginawa noon kaya malamang e nakita mo na sila sa mga nakaraang episodes nila. Nandoon ang Twin Rapper, dalawang sumasakay sa mataas na unicycle, ang Latino Primero, si Arjay, ang bulag na keyboardist, isang grupong sumayaw ng pang-Muslim, isang batang singer, at ang Yapchulay family. Lahat sila ay gustong makalaban ang defending champion na si Makata-tawanan na tatlong linggo na palang kampeon.

Sina Latino Primero nga pala ang nanalo. Hanep talaga ng dalawang iyon sa pagsayaw. At siyanga pala, hindi bakla ‘yung isa. Lalake rin ‘yon. As in, barako rin. May mga sportfest lang talagang ganoon ang paligsahan na parehong lalake ang sasayaw. Hindi naman ako natawa sa mga hirit ni Makata-tawanan. Si Pacquiao kasi ang topic niya. Tama si Paolo. Mas maganda kung mga hindi gaanong interesanteng bagay ang magiging topic niya at gagawin niyang interesante. Pero sa kahuli-hulihan, si Makata-tawanan pa rin ang nanalo. Akala ko nga sina Latino Primero ang mananalo e. Pero ayos pa rin. Congrats kay Makata-tawanan. Pagkatapos ng unang taping, umalis na kami at nagpasyang hindi na sisiputin ang ikalawang taping nila. Nakakasulasok ang gutom at pagkangalay at pagkapagod ng mga mata at leeg namin. Na-stress pa kami sa pila.

Hindi na rin pala nagkaroon ng pa-picture at pa-autograph. Naglaho na lang kasi bigla ang mga artista. Dalawang beses lalaban si Makata-tawanan nang araw na ‘yon. Tindi. Kumain muna kami bago umuwi.

Pag-uwi, namroblema pa kami sa pamasahe. Muntik magkulang. Pagdating sa bahay, pagod na pagod kaming tatlo. Siyanga pala, sa January 2, 2010 ang ere ng taping na iyon. Abangan mo. Makikita mo rin ako roon. Ang palatandaan: nakadamit at nakapantalon ako na may hawak ng lobo. Hehe. Ang korny ko.

Posted by andoyman at 2:58 pm | permalink

Previous Comments

haix.. mukhang di po maxadong enjoy ung taping..^^ pero sayang crux q0h pa naman ung twin rapper.. sana nandun ako..

Posted by mae at February 20, 2010, 8:41 pm

@mae

di nga ganun kasaya pag taping, nakakangalay pa sa leeg…pero masarap pa ring panoorin — pag sa tv :D

Posted by andoyman at February 22, 2010, 9:19 am

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment