kwan. ano. yon. yeh!

Wala lang: #03

Saturday, December 19, 2009

Humahalo ang bawat kalabit ng string ng gitara sa musika ng Moon River sa napakapayapang hapon ngayon. Katatapos lang ng trabaho rito sa pabrika kaya wala na ang mga ingay ng fork lift at mga makina. Naging mas maaliwalas na ang paligid. Heto ang masarap kapag nakatira ka sa loob ng pabrika, pagkatapos umalis ng mga manggagawa, kayo na lang ang maiiwan. Solo ang lugar. Solo ang kapayapaan.

Katitingin ko lang kanina ng yearbook ko noong highschool. Nakaka-miss ang mga pakulo at biruan naming anim. Kami ang pinakakonting bilang ng estudyante noong mga panahon namin. Pero ironic dahil sa araw ng rehearsal para sa graduation, sinabi ng aming principal na kahit kakaunti lang kaming mga senior na gagraduate, ang bilang ng mga magtatapos ay higit pa kaysa sa mga naunang batch ng graduates.

Binasa ko kanina ang mga message namin pati mga speech ng bawat isa. Aanim lang naman kami kaya lahat nakapagsalita sa harapan. Asteg. Lima kaming lalake, isa lang ang babae. Wala sa amin ang umiyak pwera roon sa babae (iyon ang natatandaan ko). Hindi na kami nagsipag-iyakan kasi magkakalapit lang naman ang mga bahay namin kaya pwedeng-pwedeng magkita kahit kailan.

Pito dapat kami kaso lumipat ang isa sa Laguna noong 2nd year kami. Nagkaroon pa kami ng iba’t iba pang mga kaklase na pumupunan sa pagiging pampito ng pamilya pero hindi lahat nagtatagal. Trese kami noong first year tapos umunti nang sumunod na taon. Mahigit trenta naman naman kami noong Grade 6 pero mabilis na nalagas pagdating ng highschool. Sa batch na ‘yun, tatlo lang ang nanatili hanggang fourth year. Dapat nga may loyalty award kami e kaso wala akong matandaan na binigyan kami ng medal. Ewan ko kung meron.

Malapit na ang Pasko at ito ang pinakapaborito kong panahon sa buong taon kasi kapag nasa daan ako, ramdam ko ang saya ng bawat tao. Magaan sa puso ang ambiance ng buong paligid. Anlamig din ngayong panahon, mas malamig kaysa noong huling taon kung hindi ako nagkakamali. Medyo natutuwa ako ngayon dahil sa ramdam na ramdam talaga ang lamig ng simoy ng hangin. Pero ‘medyo’ lang kasi tuwing umiihip ang malamig na hangin, palaging pumapasok sa isip ko ang malalaking tipak ng yelo sa North Pole na mabilis na natutunaw dahil sa climate change.

Noong first year kami, pagdating ng Disyembre, nakabuo kami ng isang kanta…kanta para sa isa naming kaklase. ‘Kulaw’ ang tawag namin sa kanya, short for bakulaw. At dahil doon, kaya nakagawa kami ng kanta. Wait. Titignan ko kung natatandaan ko pa ang kanta namin.

Hmm…

(Katono niya ‘yung kanta ng isang cartoon na pampasko na ipinalabas sa channel 2 dati. Natatandaan mo pa kaya?)

Sino nga ba siyang nakasuot pula?
Hila ng mga usa.
Puti ang balbas niya, siya’y mataba.
Lahat ng tao’y naghihintay sa kaniya.
Namimigay siya ng mga regalo,
Tuwing sasapit ang araw ng Pasko.
Kaya sa araw na ito, maghihintay kami sa ‘yo.
Saan ka ba nagmumula?
Sana’y naroon kami sa inyo,
Dahil nais naming makita kung pa’no ginagawa ang mga regalong ipinamimigay mo…
Nais namin: laruan, damit………

Eto naman ang lyrics namin:

Sino nga ba siyang nakasuot itim?
Hila ng mga kambing.
Itim ang balbas niya, siya’y mataba.
Lahat ng tao’y nandidiri sa kanya.
Namimigay siya ng malas sa tao,
Tuwing sasapit ang araw niya.
Mula sa araw na ito, mandidiri kami sa ‘yo.
Saan ka ba nagmumula?
Sana ay doon ka na lang tumira,
Dahil ayaw naming makita kung pa’no ginagawa ang malas na ipinamimigay mo…
Nais namin: mamon, macapuno….

Isinulat pa namin sa blackboard noon ‘yang kanta na ‘yan at hindi namin pinabubura sa mga teacher. Banas na banas sa amin ang kaklase naming ‘yon. Kaya naman may ‘mamon’ at ‘macapuno’ sa kanta dahil mataba siya. Uso sa amin noon ang pamimisil ng dyoga ng mga kaklase namin (pwera babae siyempre), lalo na sa mga matataba. Hindi lang basta pisil kundi parang kurot kaya mapapa-“Aray!” ka talaga. Tapos, kapag gagawin mo ‘yun, kasabay mong sasabihin ang “Mamon!”. Dahil sa isang tinderong nagtitinda ng macapuno sa loob ng bus namin noong field trip kaya nadagdagan ng “Macapuno!” ang “Mamon!” Kaya uso rin noon ang pagtatakip ng dibdib para makaiwas sa mga namimisil!

Marami pa kaming ibang mga ginawang kanta para sa isa’t isa. Kahit ako, meron din e. Eto oh:

I see a flying wak-wak through the sky.
Spread his short and fly away…hehehey…

May kasama pang papel na shorts na may butas sa gitna ‘yan tuwing kakantahin para buo ang epekto ng drama. Hindi lang ‘yan ang kanta para sa akin. Meron pa! Galing pa sa kanta ng Slamdunk:

Kimi ga suki-Hydro, Carne norte, ansarap igisa…(di ko na ‘lam ang susunod)

Wak-wak at Hydro tawag sa akin noon: Wak-wak dahil butas ang short na naisuot ko noon at Hydro dahil malaki raw ulo ko. Lahat kami may tawag. Nandiyan si Tok na naging Hitler, si Polio kahit wala namang polio, si Panlugaan, si Fetus, si Emotion, si French Horse, si Balyena, si Kulaw, si BB, si Poknat, si Bolimaw, at si Boldyak. Kumpleto kaming lahat!

Noong fourth year naman kami, napag-trip-an namin ang mga Grade 6 students noon pati mga teacher. Tatlo ang baklang guro sa amin at saktong may tatlong bakla rin sa Grade 6. Ang tawag namin sa kanila: Campus Angels! May senior at junior edition ‘yan para sakto!

Posted by andoyman at 2:57 pm | permalink

Previous Comments

.,hAa?!

Posted by xoxo at December 27, 2009, 1:31 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment