kwan. ano. yon. yeh!

Masuuuuungit!

Monday, December 28, 2009

Kakikita ko lang nito ngayon sa page ng Definitely Filipino sa Facebook. Asteg. Hehe.

Posted by andoyman at 3:22 pm | permalink | comments[1]

Wala lang: #05

Katulad ng ibang Pilipino, sinalubong ng kapatid ko ang Pasko sa pag-iinom. Babae siya at katungga niya ang pinsan naming bakla. Hindi ako kasama sa inuman dahil hindi naman ako umiinom pero nakiumpok ako. Naitanong nga ng kapatid ng asawa ng pinsan ko na kapatid ng pinsan din naming bakla kung bakit ba hindi raw ako umiinom?

Siya: Bakit ‘di ka umiinom?
Ako: Kasi ayaw kong uminom.
Siya: Bakit?
Ako: Dahil gusto kong ‘wag uminom.

Paulit-ulit ‘yan. Nagpaikot-ikot lang kami sa usapang ‘yan na hindi rin naman nagtagal dahil sasamahan pa niya ang bf niya upang kunin ang speaker sa kabila(?).

Hindi talaga ako umiinom. Kahit anong pilit ang gagawin mo sa akin o kahit anong panakot, hinding-hinding-hindi talaga ako iinom. At kung tatanungin mo ako kung bakit, iyong sagot ko sa taas ang isasagot ko rin sa ‘yo. Pero kung hindi ka talaga kumbinsido, ito ang ibibigay ko namang sagot: “Katulad ng unconditional love, unconditional din ang pagtanggi ko sa pag-inom ng kahit anong alak.”

Pero nakatikim na ako ng beer. Lalo na noong (may) Christmas party (pa) dito sa pabrika. Kasama ko ang isa kong pinsan, sinubukan kong uminom ng beer. At sa maniwala ka man o hindi, kakap’ringgit lang ang nainom ko at umayaw na ako. Mahilo-hilo na ako – ‘yung hilo na hindi ka naman matutumba at maliwanag pa ang isipan mo. Hindi ito OA kundi totoong nangyari. At magmula noon, ayaw ko na talaga ng kahit anong alak, mapa-light man ‘yan o hard. Nakatikim na rin ako ng wine last year. Mga Enero yata ‘yon. Binuksan ni Mama ang isang wine na ibinigay sa amin. Red wine siya. Pagtikim ko, ayaw ko na. Ampaiiiiit talaga. Mas kakayanin ko pa ang kapaitan ng nilagang ampalaya.

Seryoso. Umiinom ako ng sabaw mula sa nilagang dahon ng ampalaya. Sobrang pait n’on di ba? Pero mas kaya ko ang kapaitan n’on. Hindi kasi ako palakain ng gulay kaya gano’n ang ginagawa ni Mama sa aming dalawa ni Daddy. Kaysa bumili ka ng mga herbal capsule na ‘yan, mapapagastos ka pa. Kung gusto mo talagang healthy ka, gayahin mo ang mga kinakain ng mga taong hindi sa lungsod nakatira sa halip na bumili ka pa ng red juice na pagkamahal-mahal. Natatawa na nga lang ako kapag naririnig ko sa telebisyon na napatunayan daw ng mga scientist sa ibang bansa na may ganitong taglay ang isang prutas o gulay at nararapat daw isama sa pang-araw-araw na pagkain. E kahit hindi na kailangan ng mga pag-e-eksperimento nila eh. Alam naman ng lahat na maganda talaga sa katawan ang gulay at prutas pero hindi rin naman lahat mahilig kumain ng gulay. Pero ako, unti-unti kong pinag-aaralan.

Minsan, birthday ng isa naming kaklase at nagyaya na manlilibre raw. At dahil niyaya ako at sinabing libre ang pagkain, siyempre sasama ako. Masarap kaya ang malibre sa pagkain! Katulad na lang noong birthday ni Roselle, ayun, sa Chowking kami inilibre. Ansarap! Hindi ko na ginastos ang baon ko pagkatapos niyon at naitabi ko pa.

Gabi noon at may sinundo pa kami. Pagdating sa daan, siguro nasa tapat na ‘yon ng UST kung hindi ako nagkakamali, huminto kami dahil hindi pala nila alam kung saan ba kakain. Iyong pinuntahan kasi namin, puno. Maraming tao. Kaya hayun, huminto muna kami at hinintay na sunduin ng iba naming kasama ang iba pang sasama sa kainan na kinalaunan, inuman pala.

Sa may gilid yata ng UST ang napiling lugar. Unang beses kong makapasok sa ganoong klase ng lugar. Pagpasok ko, akala ko may mga dancer na sumasayaw sa harapan katulad ng mga pinapalabas sa mga action film ng Pinoy. Pero wala. Sa halip, mga taong mahihilig rin uminom ang nandoon. May videoke rin at puno ng usok ang buong lugar. Ayaw ko pa naman ng usok lalo na kung galing sa pesteng yosi.

Um-order sila. Umabot yata sa sampu ang bilang namin pero dalawa ang hindi umiinom: ako at si Don. Nagulat nga ako’t hindi umiinom si Don. Akala ko kasi, tanggero rin ‘yon. Sa kanila, Red Horse ang panulak habang kaming dalawa, lemonada lang. Nakailang pilit din sila sa amin na uminom pero mabuti na lang at matatag kami (bwahahahah) kaya hindi nila kami napilit uminom.

Hayun, nakakain din ako. Iyon lang naman talaga ang habol ko e – ang makalibre sa pagkain. Nauna na kami ni Don umuwi habang sila, inabot yata ng kung anong oras na.

Noong graduation celebration naman namin sa isang bahay ng aming kaibigan, puro Red Horse ang tinutungga nila. May videoke rin kaya mas masaya ang umpukan. At dahil hindi nga ako umiinom, nilasing ko ang sarili ko sa iced tea. Sa picture, kakulay ng inumin ko ang inumin nila. At kung tatanungin mo sila, mas humarot pa ako at kung anu-ano ang pinaggagawa at kung anu-ano rin ang pinagkakanta.

Nagtanong ako sa pinsan kong bakla na katunggaan ng kapatid ko. Tinanong ko siya kung ano bang masarap sa inuman. Ang sabi niya, mga kwentuhan at harutan at kulitan talaga ang masaya kapag inuman. Lalo na sa kanila, mga bakla sila at sobrang haharot. Ngayon alam ko na kung bakit may mga taong pagkatapos ng trabaho e sa inuman madalas ang bagsak ng sahod nila sa halip na sa pamilya. Pero hindi ko pa rin mapagtanto kung bakit meron pa ring mga taong buong araw kung uminom ng alak. Kulang na lang e i-dextrose iyon sa kanila.

Nalaman ko rin sa pinsan ko na totoo pala na minsan kapag nakainom ka, hindi mo maaalala ang ibang nangyari noong mga sandaling langung-lango ka. Akala ko kasi dati, mga nag-a-artehan lang ang mga umiinom ng alak. Pero totoo rin daw iyon. May mga nag-a-artehan lang talaga.

Halos nakadalawang “The Bar” ang dalawa habang ako naman ay naggigitara’t kumakanta ng E-heads songs na tila daig pa ang isang lasing sa lakas kung kumanta. Tulog naman ang inaanak kong nakaunan sa hita ng pinsan namin.

Mga halos kalahating minuto lang matapos ng 12:00 am ng Pasko nang matigil na ang umpukan. Nagsuka silang dalawa. Medyo kaya pa ng pinsan namin kahit hilong-hilo na siya samantalang ang nagyaya kong kapatid, tumbang-tumba at nakailang suka siya. Antok na antok naman ang inaanak ko. At ako naman ang nagligpit ng mga kalat nila. Kinabukasan, na-allergy ang kapatid ko.

Naikwento rin ng kapatid ko sa akin na ikinuwento sa kaniya ng kanyang kaibigan nang minsang lagyan nila ng vetsin ang alak ng kaibigan nila. Pagkatapos daw uminom ng babae, biglang bumula ang bibig. Tinawanan lang nila pagkatapos pero medyo natakot pa rin sila.

Posted by andoyman at 3:03 pm | permalink | comments[1]

Wala lang: #04

Katatapos lang maglaro ng kapatid ko ng Diner Dash sa loob yata ng mahigit sa dalawang oras. Nangalay ang kanang braso n’un panigurado. Magsi-simbang gabi pa silang dalawa ni Mama bukas at pinaalalahanan siyang matulog ng maaga pero heto at gising pa rin. Kakakain lang niya ng kapirasong tinapay. Malamig ang panahon ngayon. At tila mas lumalamig dahil sa sipon at masamang pakiramdam ng halos lahat dito sa bahay. Ayos lang sa akin ang malamig pero kapag wala akong sipon o ubo o hindi masama ang pakiramdam. Mas gusto ko ang malamig na panahon at umuulan kaysa tag-araw. Mainit kasi at palaging pawis ang likod mo kahit konting galaw mo lang.

Paulit-ulit lang ang ginagawa niya sa Diner Dash. Sinabi ko ‘yun sa kanya at ang idinepensa niya sa akin, katulad lang din daw ng pag-tse-chess ko, paulit-ulit. Hanep ng magdepensa. Hehe. Paulit-ulit. Isa sa mga nadiskubre ko nitong taon e ayoko sa mga bagay na paulit-ulit lalo na sa mga palabas. Halimbawa na lang ng isang noontime show na tuwing panimula nila e kakanta ng paulit-ulit na kanta ang mga host habang mandadagit naman ng magaganda’t seksi ang mga nakaaligid na mga camera men sa studio. Tapos, laging may iiyak. Nakakasawa. Nakakarindi sa paningin ang mga paulit-ulit na eksena at hindi mo na malaman kung totoo pa ba ang mga sob story o gimik na lang ng mga kalahok para dagdagan ng host ang perang ibibigay niya. Kapag ililipat mo naman sa kabilang istasyon, gano’n din, paulit-ulit. Pero salit-salitan ko pa ring pinapanood ang dalawang palabas na ‘to habang madalas palipat-lipat naman ako ng channel tuwing commercial o boring na ang mga pakulo’t gimik ng parehong show. Madalas, naka-on lang ang tv habang nag-do-drawing ako o nagsusulat.

Naglaro ako noon ng Ragnarok at iyon ang kauna-unahang online game na nilaro ko. Paulit-ulit lang din ang ginagawa mo pero nakakaadik talaga. Nakailang libo rin siguro ako sa larong ‘yon na kung susumahin mo e maaaring makabili ako ng ilang aklat o ng scanner at tablet o maraming pagkain. Meron pa noon ng Gunbound na kinaadikan ko rin. Makalipas siguro ang mahigit isa o dalawang taong kalalaro e tumigil din ako dahil kailangan kong mag-concentrate sa pag-aaral at tipirin ang baon ko. Ngayon, marami ng online game na nagkalat. At lahat ng mga iyon, paulit-ulit lang din ang gagawin mo. Pero maaadik at maaadik ka pa rin. Mahilig talaga siguro ang mga tao sa mga bagay na paulit-ulit. Kaya rin siguro naka-ilang rally tayo sa Edsa na aminin man natin o hindi, kahit nakailang beses ng sumigaw sa kalsada e sa halip na malunasan ang “sakit”, mas lalo pa yatang lumalala. Para ring mga teleserye sa tv, paulit-ulit ang kwento at hindi nagbabago, mas pinapakomplikado lang ang istorya. Bigla ko tuloy naalala ang isang kanta ni Yano:

“Nakita kita kahapon, may hila-hilang kariton
Huminto sa may Robinson, tumanga buong maghapon
Sikat ka noon sa TV kase kasama ka doon sa rali
Pero ngayo’y nag-iisa, naglalakad sa may EDSA.”

-Yano, Kumusta na?

Paulit-ulit ko lang ding binabasa ang kakaunting aklat na meron ako ngayon sa kadahilanang wala akong pambili ng mga bagong aklat na gusto kong bilhin. Wala rin naman akong ninong at ninang na aasahan ng regalo at aginaldo. Mayroon akong ninong at ninang…noong sanggol pa ako. Ngayon, wala na. Ang kwento ng nanay ko sa akin, ang ninang ko e bigla na lang hindi nagpakita matapos mangutang sa kanya ng dalawang libo. Wala na talaga siya o sila. Ang ninong ko naman, mabait at galante sa regalo. Pero sa kasamaang palad, matagal na siyang namatay dahil sa pagkalango sa alak. Kaya hayun, wala nga akong mahingian ng regalo o aginaldo tuwing Pasko.

Isa rin sigurong mga dahilan iyon kaya hindi ako tumatanggi sa mga gustong kunin akong ninong ng mga anak nila. Masyado rin akong nag-aalala sa unang inaanak ko lalo’t ang pamilya nila ay kaparehas lang namin na nasa loob ng pabrika nakatira. Madalas pumunta ‘yon dito sa bahay. Napapagsabihan ko rin ‘yon kapag may nakita o napuna akong mali sa kanya. Gusto kong lumaking matino ang inaanak kong iyon at ganoon din sa dalawa ko pang inaanak. Kaso hindi ko lubos na kilala ang dalawa dahil hindi ko naman palaging nakikita. Bihira lang. Pati mga pangalan, hindi ko rin matandaan at kung ilang taon na sila. Ang gusto ko sana, mapalapit ako sa kanila at sila sa akin. Masarap sa pakiramdam ko na may mga inaanak ako. Parang sa kanila ko gustong bawiin ang pagkakaroon ko ng walang ninong at ninang.

Naalala ko bigla ang unang solong Divisoria adventure ko noong college para bilhan ng regalo ang dalawa ko palang noong inaanak. Ang hirap din mag-ikot. Ang hirap mamili habang iniingatan mo ang pitaka’t pera laban sa mga magnanakaw. Kalaban mo ang hilo at gutom pati pangangalay ng mga binti mo. Pero sulit kapag naibigay mo na sa mga pagbibigyan mo.

Nabanggit ko rin kanina ang chess. Isa sa mga paboritong kong laro ang chess. Noong elementary, ang nanay ko ang kalaban ko. Madalas, tuwing hapon iyon. Hindi rin namin nalilimutan ang score namin sa tuwing mananalo ang isa sa amin. Pero pagdating yata ng highschool, natigil na rin ‘yun. Ngayon, may program ako ng chess sa PC dito sa bahay. Simple lang ang interface ng program. May anim na level ang laro. At dahil sa hindi naman ako ganoon katalino, tanging ang level 1 lang ang natatalo ko. Pero dalawang beses lang. Madalas, talo ako. Paulit-ulit akong natatalo. Naiinis nga ako minsan lalo na’t malapit na akong manalo tapos biglang maglalabas ng error ang program at kapag pinindot mo ang OK button, magko-close ito. Wala na. Tapos na ang laro. Naba-badtrip lang ako.

Pero ang pinakadahilan kung bakit ako naglalaro ng chess e una) pampagana ng utak bago ako magsulat o mag-drawing at pangalawa) para hindi pumurol ang memorya ko. Kailangan na kailangan ko ang mga ganoong klaseng bitamina para sa utak lalo’t madalas e hindi na naeehersisyo ang utak ko. Sinubukan ko minsan ang sudoku kaso hirap talaga akong makabuo. Putik. Nakakagigil sa utak. Pero sa susunod, susubok ulit ako.

Pang-asar din ng ibang kaklase ko noong college ang paulit-ulit na pagsasalita ng “Paulit-ulit”. Kasi, ang iba, kapag magsasalita o magkukwento e paulit-ulit ang mga sinasabi. O di naman kaya, paulit-ulit ang ipinapaalala. O minsan, mga makukulit at paulit-ulit na ang itinatanong ng mga kaklase namin sa mga prof tungkol sa itinuro o instruction niya noong araw na ‘yon. Halimbawa:

Sir: Get ½ crosswise yellow paper.
Student 1: Ser, crosswise po?
Sir: Oo.
Student 2: Ser, crosswise po?
Sir: Oo nga.
(Tapos may hihirit pang isa mam’ya. Saka ngayon hihirit ang isa naming kaklase ng “Paulit-ulit”)

Paulit-ulit. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Paulit-ulit. (Repeat ‘til fade)

Posted by andoyman at 3:01 pm | permalink | Add comment