kwan. ano. yon. yeh!

Wala lang: #05

Monday, December 28, 2009

Katulad ng ibang Pilipino, sinalubong ng kapatid ko ang Pasko sa pag-iinom. Babae siya at katungga niya ang pinsan naming bakla. Hindi ako kasama sa inuman dahil hindi naman ako umiinom pero nakiumpok ako. Naitanong nga ng kapatid ng asawa ng pinsan ko na kapatid ng pinsan din naming bakla kung bakit ba hindi raw ako umiinom?

Siya: Bakit ‘di ka umiinom?
Ako: Kasi ayaw kong uminom.
Siya: Bakit?
Ako: Dahil gusto kong ‘wag uminom.

Paulit-ulit ‘yan. Nagpaikot-ikot lang kami sa usapang ‘yan na hindi rin naman nagtagal dahil sasamahan pa niya ang bf niya upang kunin ang speaker sa kabila(?).

Hindi talaga ako umiinom. Kahit anong pilit ang gagawin mo sa akin o kahit anong panakot, hinding-hinding-hindi talaga ako iinom. At kung tatanungin mo ako kung bakit, iyong sagot ko sa taas ang isasagot ko rin sa ‘yo. Pero kung hindi ka talaga kumbinsido, ito ang ibibigay ko namang sagot: “Katulad ng unconditional love, unconditional din ang pagtanggi ko sa pag-inom ng kahit anong alak.”

Pero nakatikim na ako ng beer. Lalo na noong (may) Christmas party (pa) dito sa pabrika. Kasama ko ang isa kong pinsan, sinubukan kong uminom ng beer. At sa maniwala ka man o hindi, kakap’ringgit lang ang nainom ko at umayaw na ako. Mahilo-hilo na ako – ‘yung hilo na hindi ka naman matutumba at maliwanag pa ang isipan mo. Hindi ito OA kundi totoong nangyari. At magmula noon, ayaw ko na talaga ng kahit anong alak, mapa-light man ‘yan o hard. Nakatikim na rin ako ng wine last year. Mga Enero yata ‘yon. Binuksan ni Mama ang isang wine na ibinigay sa amin. Red wine siya. Pagtikim ko, ayaw ko na. Ampaiiiiit talaga. Mas kakayanin ko pa ang kapaitan ng nilagang ampalaya.

Seryoso. Umiinom ako ng sabaw mula sa nilagang dahon ng ampalaya. Sobrang pait n’on di ba? Pero mas kaya ko ang kapaitan n’on. Hindi kasi ako palakain ng gulay kaya gano’n ang ginagawa ni Mama sa aming dalawa ni Daddy. Kaysa bumili ka ng mga herbal capsule na ‘yan, mapapagastos ka pa. Kung gusto mo talagang healthy ka, gayahin mo ang mga kinakain ng mga taong hindi sa lungsod nakatira sa halip na bumili ka pa ng red juice na pagkamahal-mahal. Natatawa na nga lang ako kapag naririnig ko sa telebisyon na napatunayan daw ng mga scientist sa ibang bansa na may ganitong taglay ang isang prutas o gulay at nararapat daw isama sa pang-araw-araw na pagkain. E kahit hindi na kailangan ng mga pag-e-eksperimento nila eh. Alam naman ng lahat na maganda talaga sa katawan ang gulay at prutas pero hindi rin naman lahat mahilig kumain ng gulay. Pero ako, unti-unti kong pinag-aaralan.

Minsan, birthday ng isa naming kaklase at nagyaya na manlilibre raw. At dahil niyaya ako at sinabing libre ang pagkain, siyempre sasama ako. Masarap kaya ang malibre sa pagkain! Katulad na lang noong birthday ni Roselle, ayun, sa Chowking kami inilibre. Ansarap! Hindi ko na ginastos ang baon ko pagkatapos niyon at naitabi ko pa.

Gabi noon at may sinundo pa kami. Pagdating sa daan, siguro nasa tapat na ‘yon ng UST kung hindi ako nagkakamali, huminto kami dahil hindi pala nila alam kung saan ba kakain. Iyong pinuntahan kasi namin, puno. Maraming tao. Kaya hayun, huminto muna kami at hinintay na sunduin ng iba naming kasama ang iba pang sasama sa kainan na kinalaunan, inuman pala.

Sa may gilid yata ng UST ang napiling lugar. Unang beses kong makapasok sa ganoong klase ng lugar. Pagpasok ko, akala ko may mga dancer na sumasayaw sa harapan katulad ng mga pinapalabas sa mga action film ng Pinoy. Pero wala. Sa halip, mga taong mahihilig rin uminom ang nandoon. May videoke rin at puno ng usok ang buong lugar. Ayaw ko pa naman ng usok lalo na kung galing sa pesteng yosi.

Um-order sila. Umabot yata sa sampu ang bilang namin pero dalawa ang hindi umiinom: ako at si Don. Nagulat nga ako’t hindi umiinom si Don. Akala ko kasi, tanggero rin ‘yon. Sa kanila, Red Horse ang panulak habang kaming dalawa, lemonada lang. Nakailang pilit din sila sa amin na uminom pero mabuti na lang at matatag kami (bwahahahah) kaya hindi nila kami napilit uminom.

Hayun, nakakain din ako. Iyon lang naman talaga ang habol ko e – ang makalibre sa pagkain. Nauna na kami ni Don umuwi habang sila, inabot yata ng kung anong oras na.

Noong graduation celebration naman namin sa isang bahay ng aming kaibigan, puro Red Horse ang tinutungga nila. May videoke rin kaya mas masaya ang umpukan. At dahil hindi nga ako umiinom, nilasing ko ang sarili ko sa iced tea. Sa picture, kakulay ng inumin ko ang inumin nila. At kung tatanungin mo sila, mas humarot pa ako at kung anu-ano ang pinaggagawa at kung anu-ano rin ang pinagkakanta.

Nagtanong ako sa pinsan kong bakla na katunggaan ng kapatid ko. Tinanong ko siya kung ano bang masarap sa inuman. Ang sabi niya, mga kwentuhan at harutan at kulitan talaga ang masaya kapag inuman. Lalo na sa kanila, mga bakla sila at sobrang haharot. Ngayon alam ko na kung bakit may mga taong pagkatapos ng trabaho e sa inuman madalas ang bagsak ng sahod nila sa halip na sa pamilya. Pero hindi ko pa rin mapagtanto kung bakit meron pa ring mga taong buong araw kung uminom ng alak. Kulang na lang e i-dextrose iyon sa kanila.

Nalaman ko rin sa pinsan ko na totoo pala na minsan kapag nakainom ka, hindi mo maaalala ang ibang nangyari noong mga sandaling langung-lango ka. Akala ko kasi dati, mga nag-a-artehan lang ang mga umiinom ng alak. Pero totoo rin daw iyon. May mga nag-a-artehan lang talaga.

Halos nakadalawang “The Bar” ang dalawa habang ako naman ay naggigitara’t kumakanta ng E-heads songs na tila daig pa ang isang lasing sa lakas kung kumanta. Tulog naman ang inaanak kong nakaunan sa hita ng pinsan namin.

Mga halos kalahating minuto lang matapos ng 12:00 am ng Pasko nang matigil na ang umpukan. Nagsuka silang dalawa. Medyo kaya pa ng pinsan namin kahit hilong-hilo na siya samantalang ang nagyaya kong kapatid, tumbang-tumba at nakailang suka siya. Antok na antok naman ang inaanak ko. At ako naman ang nagligpit ng mga kalat nila. Kinabukasan, na-allergy ang kapatid ko.

Naikwento rin ng kapatid ko sa akin na ikinuwento sa kaniya ng kanyang kaibigan nang minsang lagyan nila ng vetsin ang alak ng kaibigan nila. Pagkatapos daw uminom ng babae, biglang bumula ang bibig. Tinawanan lang nila pagkatapos pero medyo natakot pa rin sila.

Posted by andoyman at 3:03 pm | permalink

Previous Comments

nyahahahah! tae ka kuya! pati ung kwinento ko sa’yo e naisama mo pa tungkol sa betsin! nc!

Posted by art_is_something at January 18, 2010, 1:36 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment