kwan. ano. yon. yeh!

Wala lang: #06

Friday, January 8, 2010

 Namangha ako nang makita ko sa clock ng PC ko nang buksan ko ito dahil 12:01 ng madaling araw ang nakita ko. Maaga dapat ako mamaya magising. Maaga naman akong humiga sa kama ko pero hindi talaga ako makatulog. Nasubukan ko na ang magbasa pero wala talaga.

Madilim dito ngayon sa kwarto pero nagkaroon ng kaunting liwanag nang buksan ko ang PC namin. Binawasan ko hanggang 33% ang contrast at 30% ang brightness ng monitor para hindi lumabas ang sinag sa sala. Mahirap na at baka mahuli ako ng mga magulang ko na gising gayong kailangan sa mga oras na ganito e tulog na ako dahil katulad nga ng sinabi ko, maaga dapat ako mamaya.

Maalinsangan ngayon kahit Enero pa lang. Kung hindi nagkakamali ang memorya ko, mga ganitong buwan e dapat malamig pa rin. Pero mukhang napaaga na yata ang pagiging maalinsangan ng panahon.

Nakahiga lang ako kanina at nakapikit. Kaso nakakangalay sa mga talukap ng mata ang pagpikit lalo kung pinipilit mo. Sinusubukan kong mag-isip ng kahit ano pero pasaglit-saglit lang dumadaan sa isipan ko ang mga ideyang pilit kong iniisip. Hanggang sa naisip ko ngang buksan ang PC at magtipa ng keyboard. Sana nga, mamaya pagkatapos ko rito ay makatulog na ako.

Natulog ako kaninang hapon at iyon ang sinisisi ko kaya hindi ako makatulog. Pero mukhang hindi rin dahil ang alam ko, kapag tulog ka at nagising ka bago mag-alas-tres ng hapon ay madali ka pa ring makakatulog kapag gabi. Wala pa naman 3 o’ clock nang magising ako pero hirap ako ngayon matulog.

Anggulo rin ng utak ko ngayon. May mga sumusulput-sulpot na mga ideya at topic na maaari kong ikwento ngayon. Mula sa pagiging sleep-walker minsan ng kapatid ko hanggang sa napanood kong kaunting movie clip ng paranormal activity sa youtube na ipinanood sa akin ng kapatid ko rin. Kanina habang nakahiga ako, iniisip ko ang isusulat ko sa isang sariling gawang nobela – kung masasabi nga bang nobela talaga ‘yon – na binigyan ko ng pamagat na “He and She”.

Hindi ko na dapat talaga itutuloy ang pagsusulat niyon kahit nakaapat na akong chapters na naisulat. Hanggang sa may nag-comment doon sa pangalawang chapter na ipinasa ko sa tamarawbayan.com na kung may kasunod ba raw ‘yon. Natuwa ako siyempre nang may mabasa akong gano’n. Kahit isang tao lang ang nagsabi niyon, sapat na sa akin ‘yon para ipagpatuloy ko pa ang isinusulat kong iyon. At balak kong tapusin ang kwento anuman ang mangyari.

Ok. Biglang nablanko ang utak ko ngayon. Naisip ko kung magkukwento ba ako tungkol sa kras kong si Carmina Topacio o tungkol sa kung gaano ko ka-idol sina Budjette Tan at Ka-Jo Baldisimo sa kanilang komiks na Trese? Nagbasa ulit ako kanina ng The Elephant Vanishes ni Haruki Murakami. Iyong The Wind-up Bird Chronicle ang binasa ko pero hindi lahat. Sa totoo lang, noong unang basa ko niyon e hindi ko maintindihan. Pero kanina lang, saka ko lang naintindihan. May isa ring kwento roon tungkol sa isang babaeng gising ng 17 straight days. Hanep.

Blanko ulit ako ngayon. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang pagsasabi na naglagay ako ng Off-lotion para hindi ako kagatin ng lamok. Grabe naman ang alinsangan ngayon. Siguro kaya rin hindi ako makatulog dahil hindi ako kumportable sa panahon ngayon. Di kaya uulan? Madalas kasi, ganito ang paniwala rito sa bahay lalo na kapag biglang babagsak ang ulan. Siguro nga uulan.

Naiinitan ako ngayon. Tapos, blanko ulit ang laman ng isip. Teka, babasahin ko lang muna ‘tong mga naisulat ko.

Ayun, tapos ko nang basahin. May mga konting edit lang akong ginawa. Ganito ang ginagawa ko kapag nagsusulat. Paulit-ulit kong binabasa at kapag sa kaloob-looban ko e parang hindi sumasang-ayon, papalitan ko lahat o ang bahaging ayaw ko. Pero kapag gusto ko, tuloy-tuloy ‘yan. Madalas, isang upuan ko lang isinusulat ang mga gusto kong isulat.

Dapat ikukwento ko naman ngayon ang tungkol sa kung paano ko nabuo ang tulang “Maria ng Parang” pero dahil naguluhan ako kanina sa pagsusulat ng ‘tuloy-tuloy’, iyon na lang ang ikukwento ko. May naaalala ako niyan noong elementary ako. Nag-tse-check kami ng test paper namin at nagkaroon ng kaunting pagtatalo kung ano ba ang dapat na sagot. Parang ganito: nakakagawa o nakagagawa? Ang tama diyan, sabi ng teacher namin, ang unang pantig ng salitang-ugat ay inuulit kaya ibig sabihin, ‘nakagagawa’ ang tama. Pero mayroon ding mga salita na ampangit kapag ganoon ang ginagawa mo. At mayroon talagang mga salitang inuulit ang unlaping idinidikit sa kaniya. Pero kung titignan mo ang ibinigay kong halimbawa, parang pareho namang tama.

Hmm…Malay mo maging aklat ang ‘He and She’ ko. Di ba?

I’m completely blank. I can’t think of any topic that will fuel this non-sense talk. Ahg. Wala lang. Gusto ko lang mag-English. Mahina ako sa English at matagal ko nang inaamin ‘yon. Wala lang talaga akong masabi ngayon pero kailangan ko lang magtipa para antukin ako. Siguro parang first aid ko ‘to para makatulog ka’gad.

Argh. Ang init talaga.

May biniling lollipop ang kapatid ko at nakahingi siya ng isa sa kaklase niya nang bumili sila sa Ministop. Hindi masarap ang lollipop dahil parang nasobrahan ang tamis niya kaya pumangit ang lasa. Nakakasawa pa. Pero maganda ang stick nito kapag wala na ‘yung matamis. Glow in the dark kasi. Sa akin blue at green naman sa kapatid ko. Naalala ko bigla ‘yung mga sticker na glow in the dark din galing sa Pretzel. Natatandaan ko pa nga ang commercial niyon e.

Parang bumabagsak na ang mga mata ko. *Hikab* Mukhang epektibo nga. Konti na lang para tuluyan na akong antukin.

12:46 na ng madaling araw. ‘Ge at matutulog na ako bago ako mahuli pa rito.

Posted by andoyman at 1:42 pm | permalink

Previous Comments

isang napakalaking
randomness
ang nabasa ko dito
hahahaha

45 minutes para sa isang entry?
abat himala
na may internet ka na sa bahay

hindi ko binabasa ang mga sinusulat ko
dahilan kung bakit puros typo
at walang sense
hahaahha

pero ayos lang naman
walang basagan ng trip!
hahahha

Posted by xG at January 14, 2010, 6:35 am

@xG

wala kaming internet sa bahay…ehehehe…ilang araw muna bago ko na-post 'to…ehehe

ge ba, walang basagan ng trip! kol ako jan! at ska, wala ring basagan ng ano…alam mo na…hwehehehe…pis

Posted by andoyman at January 16, 2010, 2:34 pm

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment