Ang Binhi
Saturday, January 16, 2010“Guro, ang sabi po ng isa kong kaklase, mas importante raw ang pagtupad sa pangarap. Ang isa naman, ang paghahanap ng sarili mong kaligayahan. At iyong isa naman po, mas mahalaga raw ang pagtulong sa kapwa. Naguguluhan po ako. Alin po ba sa mga ‘yun ang talagang mahalaga?” tanong ng Estudyante sa Guro.
“Bago ko sagutin ‘yan, hayaan mong kwentuhan kita ng isang maikling kwento. Isang kwentong ipinasa-pasa sa bawat henerasyon.” Parehas silang umupo sa luntiang damuhan sa tabi ng isang matandang puno na tanyag sa kanilang lugar dahil sa masasarap nitong mga bunga at mga luntiang dahon, matitibay na mga sanga at malawak na lilim, sa mga kwento at alamat noong unang panahon, at mga lihim at karunungan ng mundo.
“Minsan may isang binhi na hindi alam kung ano ang nararapat niyang gawin. Hindi nagtagal, may lumapit na isang tao. Sa kanyang itsura at tindig, nakilala ng binhi na iyon ang Pantas. Tinanong niya ang Pantas kung ano ang nararapat niyang gawin. Kinuha ng Pantas ang binhi at sa di kalayuan, ito’y kanyang itinanim. Noong una, hindi maintindihan ng binhi ang ginawa ng Pantas. Dumaan ang mga araw, nagkaroon siya ng mga ugat, tumubo ang kanyang tangkay at nagkaroon siya ng mga dahon. Siya ay nabigla at natuwa na mayroon pala siyang ganoong kakayahan. Bagama’t pakiramdam niya, hindi iyon sapat upang punan ang nararamdaman niyang kakulangan. Ilang araw muna ang dumaan bago siya binalikan ng Pantas.
“Nagtanong siyang muli kung bakit siya itinanim. Sumagot ang Pantas, ‘Upang ikaw ay maging puno. Ikaw ay naging binhi upang maging isang puno. Iyan ang ipinagkaloob sa iyo.’
“‘Ngunit hindi ko ‘yon kaya. Imposible iyon mangyari. Masyado akong maliit para maging isang puno,’ pagtutol ng binhi na ngayo’y isa ng maliit na halaman.
“‘Hindi ka naging binhi kung hindi mo kayang maging puno. Magtiwala ka lang sa iyong puso at sa nagbigay niyan sa iyo,’ sagot ng Pantas saka siya nagpaalam na umalis. Bitbit ang tiwalang ibinigay ng Pantas, nagkaroon siya ng lakas ng loob upang maging isang puno balang-araw. Sa gitna ng matitinding bayo ng hangin, sa malalakas na bagsak ng ulan, sa malalamig na gabi, at sa tindi ng sikat ng araw, naroon pa rin siya’t nakatayo. Patuloy na lumalaki hanggang siya’y maging isang puno.
“Siya’y tuwang-tuwa at punung-puno ng kagalakan ang kanyang puso. Hindi makapaniwalang ang dating maliit na binhi, ngayon ay isa ng malaking puno. Namunga siya ng prutas na walang kahalintulad sa sarap at nutrisyon. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, nakadarama pa rin siya ng kalungkutan.
“Makalipas ang ilang taong hindi nila pagkikita, dumating ang Pantas upang siya’y kumustahin.
“Ikinuwento niya ang kanyang mga pinagdaanan: mga bagyo’t tag-init na kanyang nalagpasan, mga pagsubok at paghihirap sa bawat araw na dumaan, at makailang ulit na pagsuko at pagtayo. Ibinahagi din niya ang kanyang kaligayahan nang siya’y maging isang puno. Ipinagmalaki niya ang kanyang mga naggagandahang dahon, at mga masasarap niyang bunga. Ipinakita rin niya kung gaano siya naging katatag sa lahat ng pagsubok at kung paano siya nagtiwala sa kanyang puso. At naibulalas din niya ang kalungkutang nagtatago sa kanyang anino.
“‘Ngayon, isa na akong puno,’ buong puso niyang pagmamalaki. ‘May matitibay na mga sanga, mga magagandang luntiang dahon, malawak na lilim, at masasarap na mga bunga. Ngunit sa kabila ng kaligayahang nadarama ko ngayon, aanhin ko ang lahat ng ito kung wala namang makikinabang? Aanhin ko ang tagumpay sa pagtupad ng pangarap kung ako lang mag-isa ang babahagi sa kaligayahan kong ito? Para saan pa ang kaligayahang aking nadarama kung wala akong mga kasama?’ pag-iyak ng puno. Ang kanyang daing ay narinig ng hangin na nagpalamig sa kanya; ng araw na nagpa-init sa kanya; ng lupa na kanyang naging suporta; at ng tubig na sa kanya’y dumidilig. Gusto man nila siyang tulungan ngunit hindi nila alam ang kanilang gagawin. Naramdaman din ng Pantas ang luha ng puno na bagama’t sa kanyang kalakihan at kagandahan, nagkukubli pa rin ang kulungkutan.
“Umalis ang Pantas. Samantala, malungkot namang naiwan ang puno sa pag-aakalang wala na itong maisasagot pa sa kalungkutang kaniyang dinadala.
“Ngunit siya pala’y nagkakamali. Ilang oras lang ang lumipas, bumalik din ang Pantas…ng may iba pang mga kasama. Mga bata’t matanda, lalake’t babae, mga ibon at hayop, bawat isa’y nakangiti at masayang tinatahak ang kaniyang lugar. Dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa kanyang puso. Nakaramdam siya ng kakaibang init sa kanyang kalooban. Malugod niyang sinalubong ang lahat.
“Tiningala ng Pantas ang puno at nakangiting nagsalita, ‘Natutuwa akong hinanap mo ang iyong pangarap at sarili. Ikaw ay nagtiwala sa pangarap mong ito at sa iyong puso, at napagtagumpayan mo itong tuparin. Dahil dito, natagpuan mo ang sarili mong kaligayahan. At mas natutuwa ako na ang kaligayahan mong ito ay hindi mo sinarili. Ito ay malugod mong ibinahagi sa iba. Ang tawag sa nararamdaman mo ngayon diyan sa loob ng iyong puso…ay pagmamahal. Masaya akong mula sa iyong paghahanap ay nahanap mo ang iyong pangarap. At ang pangarap mong ito ay iyong natupad. Natanggap mo ang sarili mong kaligayahan at ibinahagi sa iba. Natuto kang magmahal. Masaya ako para sa iyo.’
“Taos-pusong nagpasalamat ang puno. Magmula noon, hindi na nawala ang ngiti sa kanyang puso at ang kanyang kwento ay naging kilala sa buong mundo.”
Wala lang: #07
Kung hindi ako nagkakamali, sa araw ng Pasko noong nakaraang taon lang tuluyang bumigay ang ribbon ng sliding phone ko. Tanging ang ‘down’ at panggitnang button n’on ang gumagana, ta’s natuluyan pa. Sa ngayon, hindi ko na talaga magamit ang cellphone ko kahit ano ang gawin ko. Wala namang problema sa keypad pero ang D-pad niya – kung tama ang pangalang tawag doon – ay wala na talaga. Mabuti na lang din at hindi ang lcd nito ang nasira.
Ang pinakaunang cellphone na dumating todits sa amin e Nokia 3210. Hindi pa iyon colored at malaki pa. Buhay pa ‘yon hanggang ngayon. Baterya lang ang problema. Tandang-tanda ko pa kung paano kaming dalawa ng kapatid ko natuwa nang makahawak na kami ng cellphone. Sa totoo lang, noong panahon na sumulpot ‘yan, hindi ko pa ramdam ang pagdating niyan at wala pa akong pakialam kung may cellphone man o wala ang isang tao.
Ang unang beses na nakakita yata ako ng cellphone e noong first year highschool ako. May isang nagdala ng gano’n sa iskul at hiniram iyon ng kaklase ko. Kaklase namin siya noong elementary pa kami pero huminto siya’t bumalik uli dahil madalas hindi pumapasok sa klase. Mayaman ang tao na ‘yon kaya afford na afford niyon ang mga ganoong klase ng gadget.
Natatandaan ko pa nang ipahawak iyon sa akin at tanungin ako ng nanghiram kong kaklase kung paano raw i-a-unlock ang keypad n’yon. At dahil unang beses makahawak ang taong batong tulad ko ng mga ganoong klase ng bagay, namangha ako dahil pindot ako ng pindot pero hindi ko na-a-unlock. Daig ko pa ang batang nakakita ng lumulubong sipon nang makita ko kung paano niya na-unlock ang cellphone na iyon. Nokia 3310 yata ‘yon kung hindi ako nagkakamali. At dahil hindi gumagana ang utak ko kapag manghang-mangha ako, hindi ko na-gets ang direksiyon kung paano i-a-unlock ang keypad ng cellphone. Nang ipinaulit ko sa kaniya, bigla na lang siyang nawala. Naiwan na lang akong nakatanga roon at tumutulo ang laway.
Naiinggit pa nga ako sa kaniya dahil nakakalaro siya ng snake.
Nang dumating ang 3210 sa bahay, ang una kong ginawa kung hindi ako nagkakamali ng pagkakatanda e kung paano i-unlock at i-lock ang keypad. Ang yabang ko nang magawa ko ‘yon. At siyempre, ang pinaka-in pa noong mga panahon na ‘yon, naglaro kaagad ako ng snake! Hwaha! Asteg. Hindi man lang ako makahaba-haba ng snake. Salitan kami ng kapatid ko kapag naglalaro. Siguro mga ilang buwan din ang itinagal ng pagkahilig namin doon sa larong iyon bago kami natauhan na nakakabagot din pala ang simpleng snake na iyon. Napag-trip-an din namin ang memory game pero di sing-tagal tulad sa snake.
May dalawang libo ako at isang libo naman sa kapatid ko nang may nag-alok sa nanay namin ng 3310 na cellphone. Binili namin iyon at voila! May cellphone na kami. Antagal din n’on dahil hanggang college ang cellphone na ‘yon. Kaming dalawa ng kapatid ko ang gumagamit at madalas din kaming maglaro lalo na ‘yung isang game na parang Galaga. Naadik talaga ako sa larong ‘yon.
At pati sa mga textmate-textmate na ‘yan, naadik din ako. Madalas akong magtext noon para lang maghanap ng mga maaaring ka-textmate. Marami rin akong naka-text at ang ilan sa kanila e naging kaibigan ko. Sarap na sarap pa ako noon na madalas laging may ‘1 text message received’ sa screen ng cellphone ko (siyanga pala, ako ang madalas gumagamit at nagdadala ng cellphone…hehe). Madalas din siyempre akong magpa-load dahil hindi pa naman uso ang unlimited noon. Madalas, sinusulit ko ang piso sa paraang magte-text ako sa maraming tao hanggang may lumabas sa screen ng ‘Check Operator Services’. Dati nagagawa ko ‘yon pero ngayon, hindi na.
Naadik din ako sa pagbili ng mga bagong sim para may bagong number ulit. Nadaanan ko ang Smart, Globe, Talk ‘n Text at Sun. TM na lang ang hindi pa. Pati Red Mobile. Nakapulot din ako minsan ng sim at itinago ko ‘yon sa pitaka ko. Nandirito pa rin yata ‘yon sa akin. At minsan din, kapag ang ite-text ko e ibang network, bibili agad ako ng sim na kapareho ng network niya. Dalawang beses nangyari ito at ito ay noong may nililigawan ako. Ang dalawang babaeng iyon ang nag-udyok sa akin na bumili ng sim ng Globe kahit naka-Smart na ako. Pero basted ang kinahinatnan n’yon.
Hindi ko alam kung anong ispiritu o kaluluwa ang pumapasok sa akin pero gustung-gusto ko talaga noon ang mag-text nang mag-text. Kahit pagod o stress, pipindot at pipindutin ko ang keypad ng cellphone ko at maghahanap ng ka-text. Ang madalas na problema ko lang kapag sa text, bukod sa minsan o madalas e delayed ang pagse-send ng messages mo, ay ang pag-iisip kung ano ang susunod na topic na pwedeng pagkwentuhan. Ewan ko ba pero hirap na hirap ako na dugtungan ang nasimulang pag-uusap sa cellphone. Lalo na habang nagre-review ka. At mas lalo rin kapag may nililigawan ako.
Andaming kalokohan ng tao sa text. Isama mo riyan ang pagpapasa ng mga kowts at susundan pa ng sinabi raw ‘to ni ganito kahit hindi naman, mga walang kamatayang chain text, mga ‘Hi! Cn u b my txtm8?’, mga mensaheng namatay na raw si ganito dahil sa ano kahit hindi naman totoo, mga panlolokong nanalo ka raw ng P1,000,000 pero bago mo makuha e magbabayad ka muna ng P50,000, mga peke at totoong death threat, mga biro’t panlolokong hindi na nakakatawa at nakakaabala na sa takbo ng buhay ng mga mamamayan, mga GM message na kahit hindi naman importante ang sasabihin, at iba pang iresponsableng mga mensaheng itini-text at ikinakalat ng bawat Noyping may cellphone. Madalas din ang mga hirit sa text na “Uy, papasa-load naman
”. (Oo, ginagawa ko ‘yon ilang beses na.)
Pero mas lumala pa ang mga kalokohan natin nang magkaroon ng camera at video cam ang mga cellphone. Hindi ko na kailangang banggitin ang mga napakabilis na kumalat na sex video. Lalo na ang KHHK1 virus na mas laganap pa kesa sa A(H1N1). Kung hindi nangati at lumandi ang babaeng sangkot doon at isang pervert2x ang doktor na ‘yon, e di wala sana silang sex video na pinagkaguluhan ng buong bayan at naging laman ng mga radio, tv, at pahayagan at pati mga t-shirt at text jokes.
Naalala ko ang isang video na napanood ko. Lihim na kinuhanan ang isa naming lalakeng kaklase habang nagbibihis sa may cubicle. Nang makita niya na kinuhanan na siya, agad na natigil ang pag-re-record ng video. At nalaman ko na lang na wala na siya sa iskul. Pero hindi ko alam kung isa ba ‘yon sa mga dahilan kung bakit lumipat siya ng ibang kolehiyo. Marahil, napahiya siya sobra lalo’t ikinalat pa yata ng mga kumuha ang bidyo niya.
May mga radio’t music player na rin ang mga cellphone kaya pwedeng-pwedeng mo nang bingiin ang iyong mga tenga. Ta’s ngayon, mga smart phone na. Pwede ka ng mag-internet. May 3G pa at GPRS. Sa malapit na hinaharap, kakailanganin mo ng mag-deodorant at mag-mouthwash para hindi maamoy ng kausap mo sa phone ang baho ng kili-kili at hininga mo.
Anong nangyari sa 3310 namin? Minsan, habang naglalakad ako sa ilalim ng LRT 2, bale madilim doon at halatang maraming snatcher, kasalukuyan ko noon iniisip ang nililigawan ko. Nang mapunta ako sa isang tindahan ng burger malapit sa may sakayan ng mga provincial bus, nagulat ako dahil nakabukas ang zipper ng pantaas na bulsa ng backpack ko. At nakita ko sa loob na wala na ang de-pukpok at de-alog kong 3310 na cellphone. Medyo bago pa naman ang housing n’on. Binalikan ko lahat ng nilakaran ko pero wala talaga akong nakitang 3310 sa daan. Nang mga panahong iyon, hindi ko alam kung iiyak ako dahil nawala ang cellphone namin o tatawa ako dahil parang na-Wow-Mali ang dumugas ng de-pukpok at de-alog naming cellphone. Mabuti na lang at hindi ang wallet ko ang dinugas. Aba! Mahirap na! Nandoon ang pera ko pati picture ko! Baka ikalat pa ang retrato ko ‘pag gano’n!
Isang Disyembre, sa halip na digicam ang bibilhin namin ng nanay ko e isang cellphone na lang na may camera ang binili namin dahil una) may cellphone na ulit ako at pangalawa) may camera na kaming gagamitin para sa mga okasyon.
Nagamit ko ‘yon noon sa Star City, sa field trip namin nitong college, sa iskul, sa bahay, at sa iba pang lugar. Minsan nga, noong magpapa-picture ako kay Rachel Anne Daquis noon sa may San Juan Arena, tapos na ang laro nila at gabi pa kaya hirap akong kumuha pero buti na lang at pumunta siya sa may ilaw para sa mga nagpapa-picture. Dumating ang turn ko at lumapit ako sa kaniya at kinuhanan ko kaming dalawa. Pero puuuuuuuuuuuuuutik! Hindi ko pala napindot ang ‘Capture’!!! Akala ko napindot ko! Hindi pala!
Sumubok ulit ako. Ayun. Pinindot ko ulit. At nang magpasalamat na ako, may nagtawanang dalawang babae. Lumayo agad ako sa siksikang mga taong gusto ring magpa-picture kasama siya. At pagtingin ko sa cellphone ko, anak ng kababalaghan naman o! Hindi ko pa rin pala napindot ang ‘Capture’!!! Akala ko napindot ko! Hindi pala! Asar na asar talaga ako noon. At dahil nahiya na ako, hindi na ako nagpakuha ulit noong gabing iyon.
Gusto kong remedyuhan ang cellphone ko dahil ribbon lang naman ang problema. Binuksan ko na ito at nakita ang punit sa ribbon. Kagagawan ko iyon nang minsang mapag-trip-an kong i-slide iyon nang malakas at paulit-ulit. Hrgh. Kaso hindi ko alam kung saan magka-canvass ng presyo ng ribbon na pupwede sa cellphone kong 5310. Alam kong kaya ko namang ikabit ‘yon kesa magbayad ng mahal sa mga nag-aayos diyan. Nadala na ako sa nangyari sa kapatid ko.
Pinalitan ng nag-ayos ang cellphone niya. Parehas pa rin ng model pero iba na talaga. Regalo pa naman sa kaniya ‘yon ng Mama namin. Hrgh. Sayang talaga.
Wala akong alam sa history ng cellphone bukod sa ang alam ko kaya may cellphone ay para talaga sa mga bulag nang sa ganoon ay mayroon pa rin silang komunikasyon sa iba. At kung gusto mo talagang lokohin ang sarili mo at napakakati mo, maghanap ka ng bf mo sa cellphone-cellphone na ‘yan at makipag-eyeball ka at dadalhin ka niya/nila sa isang lugar para buntisin nang buntisin at iiwanan kang nakatunganga’t umiiyak at lagpas-langit ang pagsisisi mo. Pero sige, ulitin mo lang ulit ‘yan hanggang sa madala ka. Makakatulong ka niyan sobra sa problema sa populasyon ng bansa at sa hirap ng mga magulang mo. Kung lalake ka naman, sige at mambola ka nang mambola sa cellphone para magkaroon ka naman ng maraming girlfriend na maipagmamalaki mo sa mga repapips mo dahil alam mong walang papatol sa iyo ni butiki dahil hanggang text ka lang.
May naalala akong isang caller sa isang istasyon ng radyo nang mapadaan ako rito. Ugali ko na kasing maglipat-lipat ng istasyon tuwing commercial break o ‘pag di ko type ang kanta sa Love Radio. Bagot na bagot at yamot na yamot na sa kaniya ang kabilang caller na babae dahil napakang-napakawalang-kwenta niyang kausap. Puro ipo-ipong utot-hangin lang ang laman ng kokote at bunganga niya. Puro excuse na “Sa text na lang” gayong kailangan nga sa phone pa lang e ma-impress mo na siya kasi ilohikal nga naman na makikipag-text pa siya sa ‘yo kung sa phone pa lang e isang napakalaking bokya na ang buong mukha mo. Napakakulit kapag kukunin na niya ang number ng babae pero kapag pinasalita mo o pinakwento e sobrang olats na para bang hindi natutong magsalita mula noong maging fertile siya sa loob ng bahay-bata ng nanay niya.
Puro siya sabi ng “Pag sa text, makwento ako.” Hello??? Kung sa telepono pa lang e tamemeng engot-bopols siya, pa’no pa kaya sa text? Pero natapos ko pa rin ang paikot-ikot at walang kwentang usapan nila. Ibinigay pa rin yata ni ate ang number niya kay kuya. Muntikan na akong makatulog noon.
Madalas ding ihingi ng konsulta kay Papa Jack ng Love Radio noong nakakapakinig pa ako ng radyo ang mga babae o lalakeng nakipagrelasyon sa cellphone lang. Putik. Iiyak-iyak dahil hindi niya alam kung totoo pa ba sa kaniya ang bf/gf niya sapagkat hindi na nagte-text. Josemariapidal naman. Nahulog ang loob sa mga text at smilies na nababasa niya sa ka-textmate niya kahit hindi alam ang tunay na nararamdaman ng nasa kabilang linya. Hay.
Gayunpaman, dahil sa cellphone at sa teknolohiyang mayroon tayo ngayon, napakadali na lang nating makausap ang mga mahal natin sa buhay na nasa ibang bansa o nasa ibang bahagi lang ng bansa. At salamat din sa cellphone, nagagamit na ng mga estudyante ang gadget na ‘yan para sa pangongopya o pangongodigo.
Mabuti na lang, hindi na ako mahilig sa pagte-text…kasi wala rin naman akong pang-load…at wala rin namang ite-text. Hwehehehehe.
Sa ngayon, mahigit sa dalawampung mensahe na ang nasa inbox ko mula nang hindi ko ito ma-access at hanggang sa hindi ko maaayos ang ribbon ng cellphone ko, patuloy na dadami ang mga messages na maiipon dito.
Penge cellphone. Mabait ka naman e.
:D
Fashion-fashion-an
Tuwing magpapalit ng taon, isa sa mga napapanood ko sa tv bukod sa mga hula’t prediksiyon at mga “the best” ng nagdaang taon ay kung ano ang mga mauusong fashion.
Wala lang. Iniisip ko lang bukod sa kung paano nila napo-forecast ang sinasabi nilang mauuso sa kasalukuyang taon ay kung kailangan ba talaga ng tao ang fashion? Kailangan ba talaga?
‘La lang.
At dahil d’yan, may nag-text!

Fan ako ng Showtime at paborito ko ‘tong panoorin. Yey! Kaso hay naku talaga dahil na-suspend pa ang Showtime nang dahil sa ano…alam mo na. Kung alin pa ang magandang panoorin, iyon pa ang nagaganyan. Hay naku. Di bale, naging Magpasikat naman ang pansamantalang show nila – na balak ding i-extend din do’n ang suspension. Putik! Hwoo! Lakas ng tama! Di bale, babalik pa rin naman ang Showtime. Hay naku talaga.
Vice Ganda: Wala na si MJ…kaya sana, wala ng KJ!
Tirisin ko mga blackheads “nila” e! Hehe.
Photo credits sa gumawa.
Kowts
“Ang kahirapan ay mitsa para sa pangarap; at ang pangarap ay kutson para sa kinabukasan.”
-Andrew E. (Sinabi niya minsan ‘yan sa Showtime)
Para sa'yo
Ang blog na 'to ay...
...tungkol sa mga reklamo, kalokohan, kabaliwan, kaisipan(kung meron man) at kaadikan ng isang taong gusto lang gumawa ng komiks. Maari lamang po na isumbong kaagad ako sa kinauukulan para sa karampatan mong parusa.
v(o",o)v
Let's help Rumicah
Halughugin
Istambayan
Amaranth
Badoodles
Bo Sanchez
Coelho
Facebuko
Gang Badoy
Ms. Janet
Direk Joey
Heckler
J. Gi Federizo
KT
Ms. Lea
Maldito
Maria Ressa
Oliver
Roanne
Ronibats
Saab
Xienah
Yeye
Yhel
Komikeros
Carlo Vergara
Elbert Or
FlipGeeks
Fan Boy
Gerry Alanguilan
Hazel Manzano
KC Cordero
Kikomachine Komix
Komikon
Neil Gaiman
Planet Markus
Scott McCloud
Tabi-po
Trese Komix
Kahit Anos
Antipinoy
Bibongpinoy
Happy Slip
Lourd de Veyra
Polite Dissent
Mga bawal basahin
Order Andoyman Komiks!

Para um-order, mag-iwan lang ng mensahe sa aking email: andoyman@gmail.com na gusto mong um-order.
Maaari mo ring basahin ang review ni sir KC Cordero sa aking komiks sa link na ito.
Para sa karagdagang impormasyon, paki-click ang link na ito.
Bulols
- nica: like ko lhat un.......
- Kry-tawa: hahaha!!! astig!...
- andoyman: in-update ko na rin links ko ms gi :) wala...
- andoyman: ahahaha tama! yaka ko 'to!...
- J.Gi Federizo: Pero short story written in prose ito. 'Yon, iba naman...
- J.Gi Federizo: Di pa ako nakakapunta sa ganyan. Lagi na lang sinasabi...
- andoyman: waaaaa salamat ms gi! hahaha ikaw pa lang ang unang...
- J.Gi Federizo: Natuwa naman ako d'yan :) Na-miss ko tuloy 'yung mga...
- J.Gi Federizo: Naks naman, lumalalim-effect!!! ;p Pero tama ang mga sinabi at...
- bakit: da pak! same with the first comment. im looking on...
Ano???
Bodega
- July 2011
- June 2011
- May 2011
- April 2011
- March 2011
- February 2011
- January 2011
- December 2010
- November 2010
- October 2010
- September 2010
- August 2010
- July 2010
- June 2010
- May 2010
- April 2010
- March 2010
- February 2010
- January 2010
- December 2009
- November 2009
- October 2009
- September 2009
- August 2009
- July 2009
- June 2009
- May 2009
- April 2009
- January 2009
- December 2008


