kwan. ano. yon. yeh!

Sudden Thought

Monday, February 8, 2010

Biglaan lang. Kapag nakakabasa talaga ako ng mga mapagpaganang mga blog o kahit kowt lang, mabilis na tumatakbo ang utak ko at kailangan ko itong habulin dahil hindi ko na ito maabutan kung mamaya ko pa ako magsusulat. 

Sa kasalukuyan, nasa trabaho ako at may ginagawa pero dahil likas na sa akin ang pagiging pasaway, nagpe-facebook ako. Bigla kong naalala ang isang kowt ni Sir Jim Paredes doon sa puting aklat ni BO. Di ko lubusang maalala kung ano ba ‘yung kowt na ‘yun kaya ginugel ko ‘yung “Humming In My Universe”. Akala ko aklat ‘yun pero blog pala. Pero di ba, may aklat din siya?

At sa simplethoughts.i.ph nabasa ‘ko ‘yung tungkol sa nasa isip ng isang ama tungkol sa distansiya niya sa kaniyang mga anak. At oo, napaka-ironic nang isang relasyon ng isang anak at magulang. Gustong mapalapit ng magulang sa kaniyang mga anak habang gusto namang maranasang maging independent ng isang anak. Nakaka-relate ako. Aaminin ko, hindi ganoon ka-close ang bigkis ko sa aking mga magulang. Madalas kong sinasabi na kulang ako sa yakap pero hindi ko naiisip na nayayakap ko ba sila? Madalas kong iniisip na kaya kong mag-isa pero naiisip ko ba kung kakayanin ba nilang makita ka nilang nag-iisa? 

Sa mga simpleng paraan ng paghalik tuwing aalis ako at maliit na kwentuhan, kahit papaano, nagagawa kong makalapit sa kanila, makilala sila at makilala rin nila ako. Hindi ako hayag sa damdamin ko sa kanila. May dahilan kung bakit. Sa simpleng salita, marahil sasabihin nating takot ako na mapahiya, takot akong mahusgahan, takot akong pangaralan, takot ako sa magiging reaksiyon nila lalo na kung hindi ako ang inaasahan nila. Mahirap.

Habang lumalaki, habang tumatanda, habang nadagdagan ang kaalaman, nagagawa ng isang anak ang tignan ang kaniyang sarili na nasa isang mataas na lugar habang nalilimutan ang mga tama at maling bagay. Nasigawan ko na ang mga magulang ko, nasagot ko na nang pabalang, dinabugan, at makailang ulit akong nakagawa ng maraming bagay na hindi kanais-nais para sa kanila. Kapag galit ka, kapag akala mo tama ka, naiisip mo na “tama ka”, na “sila ang mali”. 

Pero pagdating sa kadulu-duluhan, saka mo lang mapagtatanto na “tama sila”, at malaki ang nagawa mong “kamalian”.  Kasama na rin siguro ng epekto ng mga drama sa telebisyon, pakiramdam ko tama ako, na dapat isigaw ko ang punto ko. Nang lumaki ako, hindi pala tama. Hindi tamang sigawan ang mga magulang katulad ng mga palaging ipinalalabas sa mga drama sa tv. Pero aminin mo, nagawa mo silang sigawan. At hindi natin alam kung gaano kalaking kirot ang mararamdaman nila pagkatapos mong gawin iyon sa kanila. 

Sabi ng tatay ko sa akin minsang nagkaroon ng gusot sa amin, ni minsan, hindi niya sinagot-sagot ang tatay niya. Noong mga oras na ‘yon, pakiramdam ko e naiwala ko na ang lahat ng bagay na kunektado sa akin. Isa lang akong anak na nagkakamali. Isang anak na pagkatapos ng kaniyang mga kamalian, babalik sa mga magulang at hihingi ng tawad. At ang mga magulang, gaano man kabigat ang nagawang kasalanan ng anak, patatawarin pa rin nila.

And I think, ang panahon ng mga puso e hindi lang pagsasabi ng “Mahal kita” o “I love you” sa kapartner mo. Mas maganda kung sasabihan mo rin ang mga magulang mo…dahil ito ang mga panahong madalas, hindi natin sila nasasabihan kahit panahon pa ng mga puso.

:D

Posted by andoyman at 4:18 pm | permalink | Add comment