kwan. ano. yon. yeh!

Wika at Realidad

Tuesday, February 16, 2010

Ang wika ba ang tumutukoy sa realidad o ang realidad ang tumutukoy sa wika?

Posted by andoyman at 7:51 pm | permalink | Add comment

Phobia

Seryoso. Takot ako matilamsikan ng mantika habang nagpiprito. Pero ang tangi kong alam lutuin e ‘yung mga ipiniprito bukod pa sa paghahanda ng instant pancit canton at paglalaga ng itlog.

Kung makikita mo ako sa loob ng aming bahay na ako ang nagluluto, asahan mong ang iluluto ko lang e piniritong itlog o baboy o manok. Kung gusto mo maiba e magluluto ako ng mami o di kaya extra hot chili pancit canton o lucky me supreme.

At higit sa lahat, pwede ko ring ipagluto kayo ng ginisang mami. Alam mo ‘yon? Basta, may nagsisipagtalsikan din sa luto na ‘yon lalo na kapag ilalagay mo na ang tubig sa mainit na mantika. Peksman, masarap ‘yon. Akala ko noong bata ako e alam ‘yon ng lahat ng tao pero hindi pala. Basta galing sa tatay ko ang luto na ‘yon.

Minsan habang tinutulungan ko ang nanay ko na magluto ng ispesyal na luto niya ng adobong baboy, may tumalamsik sa mata. Ansakit, langya. Subalit hindi naman doon nagsimula ang phobia ko sa pagluluto, specifically pagpiprito. Basta mula noong bata ako hanggang bente-uno na ako e palagi akong nakikipag-fencing tuwing nagpiprito kaya madalas tinatawanan na lang ako ng mga tao sa bahay o kung minsan naman e sila ang magluluto.

Takot din ako sa multo…dati. ‘Yon ang gusto kong isipin at isaksak sa utak ko na kapag nakakita ako ng isa, hindi ako matatakot. Kung susumahin, maaaring sabihing nakatatlong engkwentro na ako sa mga di nakikita. At sa tuwing nakakakita ako ng mga gano’n, hindi ako agad pinangingilabutan bagkus hindi ko mahinuha kung ano ang nakikita ko. Tinitiyak ko muna. Tapos, wala na. Tapos, saka ko lang maiisip na multo na ‘yon saka ako pangingilabutan. Pero wala pa namang nangyari sa akin na pagmulat ko ng mga mata ko e may demonyo o engkantong nakatitig at malapit ang mukha sa akin. Mapapasigaw ako ‘pag gano’n.

Katulad minsang nanaginip ako, napasigaw ako sa katahimikan ng gabi dahil ang nakita ko sa panaginip ko e nakatingin daw ako sa salamin sa opisina dito sa amin at ang nakita ko e ang sarili ko na multo na! Sa sobrang takot ko, sumigaw talaga ako! Hwoo! Ayoko ko nang maulit ‘yon.

Di ko naman alam kung takot o pandidiri ang nararamdaman ko sa tuwing nakakakita ako ng uod o bulate. Noong bata naman ako e hindi naman. Pinagti-trip-an pa nga namin ng kapatid ko at minsan pati ng pinsan namin ang mga bulate sa may kulungan ng manok sa amin. Pagkatapos laru-laruin ng maliit na patpat, kukuha ang isa sa amin ng asin, madami-daming asin, tapos bubudburan namin ang kawawang uod hanggang sa mamuti, hanggang sa matigok. At tuwang-tuwa ang kamusmusan namin noon.

Subalit ngayon, iiiigh! Parang hindi ko makayanan. Minsan, kaya naman. Pero may mga pagkakataon talaga na ayokong makakita ng mga gano’n lalo na kapag nakikita kong mayroong mga ganoon sa lababo namin. Putik! Hindi ako makapaghugas ng pinggan kapag gano’n!

Pinapaalis ko pa sa nanay o sa kapatid ko ang uod dahil nanginginig ang gulugod ko sa takot o sa pandidiri. Kapag natanggal na, pwede na akong makapaghugas. Marahil, namana ko ‘to sa tatay ko na sobrang nandidiri rin sa mga uod at bulate lalo na kapag ipinapalabas sa tv o napagkukwentuhan lalo na kapag kumakain. Napagalitan na ako ng tatay ko noong bata ako dahil d’yan.

‘Yung pinsan ko naman, takot naman ‘yon sa ahas. Kaya minsang may dalang maliit na sawa ang tatay ko na nahuli sa likod ng salamin namin, inilabas niya ang hayop mula sa kaniyang bulsa at ipinakita sa pinsan ko. Ayun! Simbilis ng kidlat nang tumakbo siya habang tawa nang tawa ang tatay ko.

Takot din akong maputukan ng paputok o mahiwa ng kutsilyo. Basta, ayaw ko. Takot na rin akong magmaneho kahit hindi pa ako nakakamaneho talaga pwera noong biglang tinuruan ako ng tatay ko sa fork lift. Ewan ko kung paano ako natakot. Basta ang alam ko, natatakot akong makipaggitgitan sa kalsada kaya wala na sa wishlist ko sa buhay ang magkakotse. Di lang dahil takot magmaneho sa kalsada kundi dahil ayaw kong mamroblema sa gasolina.

Takot din akong mamatay. Pero sinusubukan kong humanap ng paraan para huwag matakot. Kaso takot pa rin akong mamatay.

Hindi ako takot sa heights dahil sa tuwing nasa mataas ako, ansarap ng pakiramdam na nagra-rush ang adrenaline. Pusanggala! Ansarap lalo na sa mga rides!

Noong bata ako, takot din ako sa karayom dahil sa tuwing natitinik kami sa mga kahoy, iyon ang pinanunungkit ng nanay ko para matanggal ang tinik. Naaalala ko pa noong iyak nang iyak ako habang kinakarayom ng nanay ko ang daliri ko para mawala ang tinik habang hawak-hawak ko ang laruan kong kalabaw na may gulong.

Higit sa lahat siguro, takot akong maiwan sa isang lugar dahil iniwanan ako ng mga kasamahan ko. Maligaw ayos lang pero ‘yung sadyang iwan ako sa isang liblib na lugar sa kalagitnaan ng madilim na gabi habang tirik ang bilog na buwan, pusanggala, matatakot ako niyon.

At kapag naging aswang ako, humanda ang mga taong nang-iwan sa akin! Harhaharhar!

Posted by andoyman at 1:38 pm | permalink | Add comment

Strip #005

©andoyman 2010

Posted by andoyman at 10:01 am | permalink | Add comment

Kowts

“Don’t beg for things. Do it yourself or you won’t get anything.”
- Renton Thurston, Eureka 7

Posted by andoyman at 9:58 am | permalink | Add comment