kwan. ano. yon. yeh!

Strip #006

Friday, February 19, 2010

©andoyman 2010

Posted by andoyman at 4:57 pm | permalink | Add comment

Search for Mr. and Ms.

Panahon pala ng JS Prom ngayon. Sayang. Sa buong buhay ko sa hayskul, hindi man lang, ni isang pagkakataon, ako nakaranas ng JS Prom na madalas inaabangan ng mga kabataan sa panahon na binubudburan ng tigyawat ang kanilang mga mukha. Nagkaroon ng plano noon sa amin, bale mga 3rd year ako, pinulong kaming mga junior at senior ganoon din ang mga sophomore at freshmen/women para malaman kung ano ang gagawin: js prom ba o grandball?

Sa hinaba-haba ng pulong, walang nangyari. Nagsayang lang ang lahat ng laway at nangalay kauupo habang naghihintay, dumadakdak ang bawat isa para malaman kung ano ang gagawin. Kahit may botohang nangyari, hindi pa rin nagkasundo ang bawat isa. Masyadong nagtitipid kasi ang iskul kahit maraming pera na nakukuha sa bawat napakamahal na penalty na ipinapataw sa bawat estudyante at pati na rin ng mga guro.

Kaya pumasok ako ng college nang hindi man lang nakaranas ng js prom; hanggang panaginip na lang na makaranas ako ng js. Letse.

Kanina habang papunta ako rito sa opis, nadaanan ako ang mga pedicab at traysikel na binabalutan ng maririkit at makukulay na lobo’t crepe paper. May mga tarpauling may larawan ng mga bata ring nakadikit sa unahan ng mga iyon. Asteg.

May parade ang eskwelahan ng village. Nasa tabi ng mga pedicab at traysikel ang mga magmamaneho at ilang estudyanteng hindi na yata tumuloy sa pagpasok. Tatatlo lang may mini-mini-truck(?). Natutuwa ang utak ko habang ginigiling ang mga ala-alang meron ako noong minsang masali rin ako sa mga ganiyang parada.

Sa maniwala ka o hindi, maniwala ka na lang, ang pinakaunang sinalihan kong Search for Mr. ang Ms. blah blah e noong kinder pa ako. Wala akong kaalam-alam sa pinasukan ko dahil basta na lang akong isinali ng nanay ko. Sumusunod lang naman ako sa mga sinasabi nila lalo na ni Mama. Aba’y pakialam ko ba kung anu-ano ang pwedeng mangyari. Sinunod ko rin lahat ng itinuro niyang sasabihin ko kapag nasa harap na ako ng mikropono at ng maraming tao. At dumating na nga ang araw na hindi ko naman pinakahihintay.

Maraming mga batang tulad ko ang nakaupo sa harap. Medyo malabo na ang memorya ko pero tandang-tanda ko pa rin ang suot kong simpleng t-shirt na may kwelyo at simpleng itim na pantalon at itim na sapatos habang ang mga kalaban ko sa contest na hindi ko alam na contest pala e mga nakabarong! Langya.

At nang ako na ang tinawag para magpakilala, katulad sa mga That’s My Boy ng Eat Bulaga, nagpakilala ako na parang artista. “O. Nagulat kayo ano? Akala niyo siguro si Aga Muhlach ang nakita niyo. Nagkakamali kayo. Ako lang naman si blah blah blah blah.” Di pa rin naaalis sa isip ko ang mga ngisi’t tawa ng mga taong nasa harapan ko habang tuluy-tuloy lang ako sa pagpapakilala. Nagmukha na yata akong engot hindi ko pa alam.

Pagkatapos, hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari. Natatandaanan ko na lang na hindi na yata kaming mga lalake pinaakyat sa stage pagdating ng talent and portion. Sayang, hindi ko maipapakita ang talent ko…ano nga palang ita-talent ko noon?

Noong Grade 3 o 4 yata ‘yun, isinali na naman ako sa search-search na ‘yan. Pero hindi na dahil sa nanay ko kundi dahil sa walang mapagpilian ang mga kaklase kong maaarte at tanggi nang tanggi at ang guro kong sumusunod lang naman sa gusto ng kaniyang mga mag-aaral. Monica ang pangalan ng katambal ko at mayaman ‘yon. At mataba.

Wala akong barong mula noong bata pa ako at hanggang ngayon ay hindi pa ako nagkakaroon. Kaya nga siguro nanghiram o pinahiram na lang ako ng kung sinuman para may masuot akong barong. Magara rin ang aming karosa dahil pamilya nina Monica ang nag-ayos. Magarbo.

Bisperas yata ng search for mr & ms. e nagkaroon ng mahabang parada ang iskul para ilantad kaming mga contestants sa kalsada habang tirik ang araw. Peste. Sa sobra kong kabatugan, nag-hand sign ako ng kay FV Ramos. Hwahehehe. May isang lalakeng kinontra ‘yung hand-sign ko — galit yata sa presidente — kaya dahil napahiya ako, nag-iba ako. V-sign ang ginawa ko at nalimutan ko kung sino ang ginagaya ko. Tuwang-tuwa ako sa kalokohan ko. Samantala, kasabay ng mainit na araw ay pinipilit ng kapartner kong tiisin at magpasensiya sa mga taong nangangantyaw na “Baboy!” May mga nagsasabi pa nga sa akin na “Baboy ‘yung kasama mo!” Hirap ako sa reaksiyon — parang nangingiming natatae yata ang naging itsura ng pilit kong ngiti nagtatago sa tawang gustong lumabas.

Sa araw ng contest, talo ang talent kong pagtutula. Letse. Sabi ko sa sarili ko, hindi na ako sasali sa mga gano’n! Habaaaaaaaambuhay!

Pero hindi rin natupad dahil muli akong isinali este sapilitang isinali ng mga kaklase ko noong hayskul. Bale 2nd year ako no’n. Walang ‘ya. Dahil nagawa kong (himalang) manalo sa kantahan noong huling taon — na ikukwento ko na lang sa susunod — e pagkanta na lang ang ginawa kong talent. Suportado ako nina Ma’m Gime at ni Ma’m Santillan sa ginawa kong paglu-look-a-like kuno sa bidang lalake ng Winter Sonata. At kinanta ko ‘yung theme song n’un! Putik! Cheesyyyyyy…

Himalang nakapasok ako ng kwistyon en anser porsyon. Nakasagot naman ako nang itanong sa akin e kung bakit merong salitang ‘overnight’ pero walang ‘overday’ at merong ‘kahapon’ at ‘kagabi’ pero walang ‘kaumaga’. Hehehe. Joke lang. Basta nakasagot naman ako. At biruin mo nga naman, salamat sa walang patumanggang ka-random-an ng universe, naka-2nd runner-up pa ako! Hwahahahaha. First time ko ‘yun…at last time na rin. Hindi na ako sumali kasi nakakahiya, di naman ako gwapo…but they insisted. Hwehehehe.

Pero ang pinakamagandang parada para sa akin e noong fourth year ako kung saan kaming anim na magkakaklase e sama-sama sa isang mini-truck na matiyaga naming inayusan. Masaya. Sobrang saya. Kaming limang nakabarong at isang naka-gown e puro kalokohan habang nagpapamudmod kami ng mga flyers sa mga tao sa daan para i-advertise ang aming eskwelahang puno ng penalty pero kulang sa equipment, madaming exams pero kulang sa guro, palaging tumataas na tuition fee, at mga klasrum na palaging pinapalampaso sa amin tuwing uwian.

Posted by andoyman at 1:30 pm | permalink | Add comment

Ang Trahedya ng Isang Artist

masarap para sa isang artist na nakikita niyang nagagamit ng iba ang kaniyang gawa dahil ibig sabihin, maaaring nagustuhan nila. pero mahirap din dahil madalas nangyayari ang trahedyang karaniwan para sa mga artist — ang kunin ang gawa mo nang hindi nila kinikilala ang gumawa…hay gulay…

Posted by andoyman at 1:29 pm | permalink | Add comment

Kowts

“Don’t feed the fire.”
-Alexandra Trese, Trese

Posted by andoyman at 1:28 pm | permalink | Add comment