kwan. ano. yon. yeh!

13 Deadly Wish

Thursday, February 25, 2010

Halos isang buwan pa lang ako sa pagtatrabaho e humirit na kaagad ang kapatid ko ng wish list niya. Ankuleeet! Minsan bago kami matulog e nagkukwentuhan kaming magkapatid. Dalawa lang kami, ako panganay na lalake at siya bunsong babae. Isang taon lang ang tanda ko sa kanya at kasalukuyan siyang nag-aaral at sana e makapagtapos na siya ngayong taon.

Habang nagkukwentuhan kami e sumagi sa usapan ang paggawa niya ng wish list niya—listahan ng mga gusto niyang ipabili sa akin. Hala! E mag-iisang buwan pa lang ako sa pinagtatrabahuhan ko kaya ta’s hihirit siya ng wish-list-wish-list na ‘yan.

Buweno, eto ang nilalaman ng 13 Deadly Wish niya:

1.    Pizza
2.    Spaghetti
3.    Hamburger
4.    French fries
5.    Dunkin Donut
6.    Siopao
7.    Siomai
8.    Garlic Fried Frog
9.    Chocolate
10.    Pringles
11.    Zesto
12.    Ice Cream
13.    Lasagna

Ankuleeet! Inilista niya ‘yan sa isang papel at pinunit at ipinakita sa akin. Kinuha ko ang papel at inilagay sa pitaka ko para maalala ko ‘yung mga hinihiling niya. Haha. Bakit ako hihindi e makakain din ako ng mga ‘yan kapag binili ko na? Haha.

Pero hindi lang basta-basta ang mga wish na ‘yan kasi specific niyang sinabi ang ilan kung anong brand o kung saan ako bibili. Halimbawa e ‘yung pizza. Dapat e sa Pizza Hut dahil ayaw niya ng manipis na crust ng Greenwich at ayaw ng mga magulang namin ang pizza ng Shakey’s. ‘Yung Garlic Friend Frog e obviously sa Ongping ko bibilhin. Ta’s ‘yung zesto e isang box. Naykupu! Andaming request. Parang anlaki ng sinasahod ko. Pero kakayanin ko. Hehe, kasi gusto ko ngang makakain din ng mga ‘yan.

Napunta ang kwentuhan namin sa mga estudyanteng tila nagra-rally sa loob ng campus nila. Hindi talaga sila nagra-rally pero parang ganu’n dahil sa naarbor nilang megaphone at mga kulay pulang retasong nakatali sa kanilang ulo habang sumisigaw sila ng “Tinig!”

‘Yon kasi ang pangalan ng grupo nila na kumakandidato para pangatawanan ang mga estudyante ng unibersidad nila. Ang isang grupo naman e “Tugon”. Kulay berde naman ang sa Tugon at kahit na wala silang megaphone e malakas na pansigaw ang pinantatapat nila. May tarpaulin din ang Tinig na tinapatan naman ng Tugon ng styrofoam. Najongetan kapatid ko sa styrofoam ng Tugon. Hehe. Pinapanood ng kapatid ko at ng mga kaibigan nila ang mga estudyanteng nag-iikot sa campus. Kasama rin sa Tinig ang isa nilang kaklase na sa halip na kulay pula ang nakatali sa ulo niya e kulay berde. Itinataas pa niya ang berdeng kulay sa halip na pula! Pang-asar.

At hindi pa nakuntento sa gano’n. Nang makasalubong nila ang mga taga-Tugon e nagtaas naman siya ng pula at nagsisigaw nang tuwang-tuwa na “Tugon! Tugon! Tugon!” Pang-asar talaga. Haha.

Habang nagsisigaw naman ang kaniyang mga kasamahan e sumisigaw rin siya…pero iba ang lumalabas sa bibig niya. “Hindi kailangan ng [school] si ser [name]! Hindi kailangan ng [school] si ser [name]! Hindi kailangan ng [school] si ser [name]!” Paulit-ulit. ‘Yon pala, nakita niyang lumabas ang naturang ser at nang marinig siya e tinignan ito ng masama—pero pabiro lang naman. Tahimik lang at napapangiti na lang ang mga kasamahan niya. Tawa ako nang tawa habang nagkukwento siya. Ulangya! Hahahaha! Anlakas ng loob! Haha. Sabi ng kapatid ko kaya malakas raw loob n’un kasi graduating student na. Haha.

Naisip ko rin na sana pagpapakilala o pagpapahayag ng mga plataporma ng bawat kasapi sa org na ‘yon e biglang hihirit ‘yung kaklase niya na “Ako si [pangalan] at hindi kailangan ng [school] si ser [name] Hahahahahah!”

Sa amin naman dati e wala akong narinig o nakitang mga ganoong klase ng pangangampanya. Nagpupunta lang sila sa bawat room habang namimigay ng mga kung anu-anong flyer at nagsasalita sa harapan. Ganoon lang. Ta’s mga poster-poster sa mga bulletin board o di naman kaya mga tarpaulin. Minsan e dumalo ako ng miting de abanse ng iskul. (Kasama kasi sa kakandidato ang kras ko…hwehihihihi…nagpapakita lang baga ng suporta…teeheehee) Pumasok na ako sa klasrum na kokonti lang ang laman. Basta hindi napunan ang lahat ng silya. Maya-maya e nagsimula na ang program para sa susunod na mga leader ng student org ng iskul na sa loob ng apat na taon e hindi ko man lang naramdaman na meron pala kaming gano’n. Blah blah blah speech-speech opening remarks blah blah. Ta’s nagsalita ang bawat kandidato—in english. Asa ka pang may naintindihan ako. Meron naman, konti lang. Hehe. Maya-maya e nagsalita na si kras pero nawala rin ang diwa ko dahil biglang naglakbay nang di ko namamalayan. Haha. Tapos natapos na siya tapos mam’ya konti e umalis siya. Lumabas din ako para batiin siya na “Anganda ng speech mo blah blah”—basta mga gano’n kahit wala akong naintindihan.

Seryoso. Hindi ko talaga alam noong una na meron pala kaming mga gano’n. Ang alam ko lang e mga org. Pero org para sa mga estudyante, hindi. Haha. Hanggang nakapagtapos ako, hindi ko man lang sila naramdaman. Haha.

Ano ba ‘yan? Kagabi lang nangyari pero hindi ko na maalala ang iba pa naming pinagkwentuhan. Haha. Kainis.

Posted by andoyman at 11:07 am | permalink | Add comment

Munggong-Botohan

Dumaan ako sa isang bookstore sa amin para bumili ng kahit anong pwede kong mabasa sa murang halaga upang palamigin kahit papaano ang madaling uminit kong ulo kahit sa maliliit na bagay na hindi ko alam kung bakit na para bang sinusubukan ng panahon ang aking pasesiya.

 

Sakto at may mga back issue sila kaya bumili ako ng magazine na may putting aso sa harap. Nang tapos na akong magbayad sa counter e nagbigay siya ng isang butil ng munggo sa akin at nagsabing ihulog ko raw roon sa labas ng store kung sino ang iboboto ko. Pabiro akong sumagot, “Akala ko ilalaga ko.” Hehe.

 

Inilagay sa bagang magazine at nagtanong kung saan ‘yung botohan kuno na mabait namang itinuro sa akin ng lalake sa baggage counter. Lumabas ako at hinanap ang pangalan ng manok kong si Gordon. At katulad ng inaasahan, siyempre, kaunti lan ang laman ng plastik na bote sa kaniya. Obvious pa ba kung sino ang “mga” lamang? Siyempre ‘yung isang idinadaan lahat sa kaniyang yaman at ‘yung isang ginagamit ang pangalan ng kaniyang mga magulang sa pangangampaniya.

 

Nalungkot ako, pramis.

 

Nalungkot ako dahil sa kabila ng kagandahan ng teknolohiya natin ngayon lalo na ng mga cellphone na mainit sa mata ng mga snatcher e wala pa ring ipinagbabago ang batayan ng mga noypi tungkol sa kung sino ang kanilang dapat iboto.

 

Pangalan, popularidad, pagiging mahirap, survey, jingle, at madramang buhay—ilan lang ‘yan sa mga batayan ng nakararaming noypi na aminin mo man o hindi, aminin mo na lang, e mula noon hanggang ngayon e palaging ‘yang mga ‘yan ang unang hinahanap.

 

May paboto-boto i-patrol ka pa d’yan na ‘kako e para sa pagbabago pero sa tingin mo ba kayang baguhin ng isang text mo ang buong Pilipinas gayong marami kayong nagte-text d’yan? Sa tingin mo ba e mapapansin ang mga text mo gayong libo kayong nagte-text d’yan? At aasa kang mababago mo ang Pilipinas at mga Pinoy kapag nakapag-text ka rito? Wala. Opinyon ko lang ‘to nang mahinuha kong kung gusto ng mga Pinoy ng pagbabago e matagal na niya sanang sinimulan ang pagbabago sa kaniyang sarili higit sa batayan sa kung sino ang kaniyang iboboto.

 

Kung sakaling manalo ang mga nasa nangunguna raw sa survey, goodluck Philippines na lang. Tapos magrally ulit kayo sa EDSA. Tsk.

Posted by andoyman at 11:06 am | permalink | Add comment

Kumusta Na?

O. Para sa EDSA I. Isang kanta. Asteg!

Kumusta na by Yano

Kumusta na, ayos pa ba
Ang buhay natin, kaya pa ba
Eh kung hinde, paano na
Ewan mo ba, bahala na?

Napanood kita sa tv, sumama ka sa rali
Kasama ang mga madre, pinigilan mga tangke
Umiiyak ka pa sa harap ng mga sundalo
Namigay ka pa ng rosas na nabili mo sa kanto

Dala-dala mo pa, estatwa ni Sto. Nino
Eskapularyo’t Bibliya, sangkatutak na rosaryo
At sa gitna ng EDSA, lumuhod ka’t nagdasal pa
Our Father, Hail Mary from thy bounty thru Christ our Lord amen

Pebrero, bente-sais nang si Apo ay umalis
Ngiti mo’y hanggang tenga sa kakatalon, napunit ang pantalon mo
Pero hindi bale, sabi mo, marami naman kame
Kahit na amoy pawis, tuloy pa rin ang disco sa kalye

Nakita kita kahapon, may hila-hilang kariton
Huminto sa may Robinson, tumanga buong maghapon
Sikat ka noon sa tibi kase kasama ka doon sa rali
Pero ngayo’y nag-iisa, naglalakad sa may EDSA

Ewan mo ba, bahala na
Bahala na, bahala na

Posted by andoyman at 11:03 am | permalink | Add comment

Kowts

“If you always do what you always did, you’ll always get what you always got.”
- sabi ng magtataho, BO

Posted by andoyman at 11:02 am | permalink | Add comment