kwan. ano. yon. yeh!

Gate 4

Monday, June 7, 2010

“Bakit? May kung ano ba sa mukha ko?” pag-usisa mo sa kanya matapos mong mahuli siyang nakatingin sa ‘yo. Napangiti ka pagkatapos niyon pero hindi mo ipinakita sa kanya. Alam mong madalas ka niyang pinapanood habang kumakain at gustung-gusto mo ‘yon. Minsan naman, siya naman ang pinapanood mo. Pagkatapos niyong maubos ang inyong burger at 7-Up, binayaran ninyo ang inyong kinain saka umalis.

 

Batid mo ang kanyang pagkabalisa kahit hindi niya sinasabi. Alam mong may gumugulo sa kanya. At balak mong itanong iyon kapag nasa pila na kayo sa sakayan ng fx mamaya. Ramdam mo ang tila buhawing bagay na nagpapaikot-ikot sa kanyang isipan sa kabila ng mga ipinapakita niyang ngiti at biro.

 

“Ano? Uwi na tayo?” tanong mo sa kanya bago kayo tumawid ng kalsada, may ngiti sa’yong labi, pampawala ng anumang pangambang iniisip niya sa kasalukuyan. Ngunit naguluhan ka lang sa kaniyang isinagot:

 

“Ah, hindi na muna. May ipapakilala pa kasi ako sa ‘yo.”

 

Mahina at bagsak ang kanyang boses. Hindi katulad ng dati, hirap kang wariin kung ano ba ang iniisip niya? Kung sino ang ipapakilala niya? Kung bakit ganoon siya ngayon? Hindi ka na lang sumagot. At nang marating ninyo ang Gate 4, napansin mo ang isang grupo ng mga lalakeng naka-uniporme rin tulad ninyo. Hindi mo mapagtanto ang kanilang mga ngiti at kung bakit sila nakangiti. Puno ng hamog ang nagaganap ngayon. Malabo mong nakikita ang maaaring maganap.

 

“Hi,” bungad ng isang lalakeng kayumanggi ang balat at kulay-mais naman ang harapan ng buhok. Maliit ang kanyang mga mata ngunit hindi singkit. May pagkamatangos naman ang kanyang ilong. Batid mong ang taong nakaharap sa’yo nang nakangiti ang gustong ipakilala sa’yo ng bestfriend mo. Gwapo siya tulad ng sinabi ng mga kaibigan mo. Ngunit walang kung anuman kang naramdaman matapos mo siyang makita. Iniabot ng lalake ang kanyang kamay sa iyo. Dahan-dahan mo ring iniabot ang iyong kamay sa kanya. Pilit kang ngumiti at bumati rin ng “Hello”. Maya-maya, narinig mong ipinapakilala ka na ng “bestfriend” mo sa kanya at sa lima pa nitong kasama.

 

“Ako nga pala si Richard,” pormal niyang pagpapakilala kasunod ang mga tila nanunuksong ngiti ng kanyang mga kaibigan. Ikinuwento niya kung paano ka niya nakilala at kung gaano ka niya gustong makilala. Nakakadinig ka naman ng mga mahihinang tuksong “Yihee” at “Uyy” mula sa kanyang mga kasama na agad naman niyang pinapatigil. Sa kabila ng kanyang nahihiya’t nakangiting pagpapakilala, hindi mo pa rin maialis ang iyong mga mata sa bestfriend mong tila naging tuod at hindi na nagsasalita kapapanood sa inyong dalawa ni Richard. Malamlam ang kanyang mga mata. At alam mong ganoon din sa ‘yo.

 

‘Ah ok’ at pagtango lang ang tangi mong tugon sa iyong kausap kasabay ang pagguhit sa mukha ng isang ngiting ginagamit para sa mga ganoong pagkakataon. Hinawakan mo ang braso ng iyong bestfriend. Hinigpitan mo ang iyong pagkakakapit senyales na gusto mo ng umuwi. Subalit taliwas sa iyong inaasahan ang mga sumunod na nangyari.

 

“Ah bes, kung ok lang sa ‘yo, si Richard na muna ang sasabay sa ‘yo pag-uwi. May gagawin pa kasi ako. Di bale, mabait naman ‘yan eh. Medyo makulit lang pero gentleman naman. Magugustuhan mo rin s’ya kapag nakilala mo na siya,” nakangiti niyang sabi sa‘yo, ngiting pampawala ng kung anumang ligalig sa iyong kalooban. Ngunit alam mong peke ang ngiti niyang iyon. Mas lalo ka lang nabahala. At hindi mo siya pinaniwalaan sa mga sandaling iyon. Para kang isang batang nakakapit sa braso ng iyong ama at ayaw mong kumawala rito. “Ikaw ang gusto ko at ayokong makakilala pa ng iba bukod sa ‘yo,” paulit-ulit at mariin mong isinisigaw iyon sa iyong sarili at umaasang aalingawngaw iyon sa kaniya. Hinigpitan mo pa ang iyong pagkakakapit subalit siya na mismo ang kusang kumawala. Wala kang naisagot. Walang lumalabas sa iyong bibig. Narinig mo na lang siyang nagpapaalam sa iyo at pinapaalalahan pa ang taong hindi mo naman kilala bukod sa pangalan nito na ingatan ka.

 

At sa loob lang ng ilang minuto, kasabay mo na sa paglalakad ang taong nakita mo lang kanina habang nakatingin ka lang sa iyong likuran at malungkot na tinatanaw ang iyong “bestfriend”. Mas malamlam na ang iyong mga mata di tulad kanina at puno ito ngayon ng mga tanong na naghahangad ng agarang kasagutan. Hindi mo masyadong naririnig ang mga sinasabi ng di mo kilalang taong kasabay mo ngayon. Panay tango at maiiksing sagot lang ang madalas mong itinutugon. Nawala na ang mga kaibigan ng kasabay mo sa Gate 4 subalit nandoon pa rin ang iyong bes, nakatayo’t nakatingin sa iyo. Bawat hakbang na kinukuha ng iyong mga paa ay dumadagdag lang sa layo mo sa tunay mong sinisinta. Paulit-ulit mong naririnig sa iyong puso: “Bakit?”

 

***

 

Kusang umandar ang buo mong katawan at ipinakilala mo ang iyong “bestfriend” sa kaibigan mong si Richard. Nakasuot ka ng isang ngiting nagsisilbing pantakip sa tunay mong nararamdaman. Pansin mo ang pagkalamlam ng mga mata ng iyong bes. Ngunit wala kang magawa…o mas pinili mo lang na walang gawin?

 

Kumapit siya sa iyong braso. Alam mong gusto na niyang umuwi kasama ka. Alam mong ayaw niyang sumabay sa taong ipinapakilala mo sa kanya. Subalit, sa hindi mo malamang dahilan, kumawala ka sa kanya at ipinaubaya mo siya sa iyong kaibigan. Napupuno ng mga “Yihee” at “Uyy” ang iba mo pang mga barkada. Tinutukso nila si Richard at ang bestfriend mo. Naaasar ka. Nasasaktan ka. Ngunit pilit mong itinatago’t isinisilid ang mga nararamdaman mo. Ayaw mong mahalata na nasasaktan ka…kahit lubos na ang kirot na nasa iyong puso.

 

Nagpaalam ka sa kaniya at saka sila naglakad palayo. Nakatingin pa rin “siya” sa iyo at ganoon ka rin sa kaniya. Ilang sandali lang pagkaalis nilang dalawa, umalis na rin ang iba mo pang barkada. Ikaw na lang mag-isa ang nandoon bukod sa mga estudyanteng labas-masok sa campus at mga guwardiyang matiyagang nagbabantay at nakikipagkwentuhan sa isa’t isa. Bawat hakbang nilang dalawa ay mas lalo siyang lumalayo sa’yo. May dalawang bagay kang pwedeng gawin: ang habulin siya at bawiin mula kay Richard o manatiling nakatayo at panoorin ang kanilang paglayo. Ngunit pinili mong tumayo habang walang kurap kang nakatingin sa kanya. Bumigat ang iyong puso at tila hindi mo na ito kaya pang buhatin. Nakakuyom ang iyong mga palad sa loob ng iyong bulsa dahil sa galit at inis sa sarili. Isang manipis ngunit matalim na kidlat ang humiwa sa kalangitan kasunod ang nakapanggugulat na dagundong ng kulog muna ang nagdaan bago tuluyang pinakawalan ng langit ang malamig na ulan. At nanaig ang kalungkutan sa buo mong katauhan. Kalungkutang ikaw mismo ang gumawa para sa iyong sarili.

 

Bigla mong naisip: Gusto mong bawiin ang lahat ng nangyari, gusto mong burahin ang mga sandaling iyon, gusto mong ibalik ang kanina, gusto mong…

 

 

Nang hindi mo na sila matanaw sa pagitan ng mga maliliit na kristal na bumabagsak mula sa abong kalangitan, saka mo naisipang maghanap ng masisilungan ngunit marahan ka lang naglakad. At paulit-ulit mong sinasabi sa iyong sarili: “Gago ako!”

Posted by andoyman at 10:31 am | permalink

Previous Comments

damn me. my gahd!

wala lang. aray lang. hehe
nakarelate? :D

Posted by yeye at June 7, 2010, 8:42 pm

@yeye

kanino ka sa kanila nakarelate yeye? hehehehe :)

salamat sa pagbabasa :)

Posted by andoyman at June 8, 2010, 9:33 am

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment