kwan. ano. yon. yeh!

Umuulan pala sa labas

Monday, June 14, 2010

Nandito ako ngayon sa shop habang abala ang langit sa pagbuhos ng ulan sa labas. Hindi ako nagdala ng payong. Wala akong payong. Mababasa ako tiyak kung hanggang mamaya e umuulan pa rin.

Biruin mo ‘yon, may mga bagay talagang biglaan na lang na nangyayari sa buhay natin. Mga bagay na hindi natin hiniling, dinasal, o sumagi sa ating kokote pero hayan, nandyan at makulit na nakangiti sa’yo at kumakaway.’Yung ibang biglaan, masaya, as in masaya talaga. At ‘yung iba, hindi ganoon kagandahan. Mabuti sana kung bigla ka lang natae habang nasa entablado at sumasayaw o kumakanta ang eksena minsan kaso hindi e. Minsan, mapapatanong ka na lang ng, “Anong nangyari?” kasunod ng “Bakit nangyari ‘to?”

At ang mga biglaang pangyayaring iyon, madalas, hindi tayo handa, walang armas, wala man lang warning, wala kang pera. Kumbaga, ansaya-saya mo tapos biglang, aw, anlungkot. Parang kanina sa napanood kong palabas sa tv. High Kick ang title. ‘Yung padre de pamilya e natanggal sa trabaho kaya naghahanap ng hanap-buhay.

Natanggap naman siya kaya pinaghanda siya ng isang maliit na surprise party para sa kanya pag-uwi niya. May cake with candles pa. Nang nakaupo na siya, tumawag ‘yung boss niya. Sabi, tinatanggal na siya sa trabaho dahil magpapalit na ng may-ari ang kumpanya. Isipin mo ‘yung feeling na sobrang saya ka tapos biglang sobrang lungkot ang kasunod. Linsiyak! Nakakasira ng ulo ang gano’n!

Kumbaga, isang magandang panaginip lang ang lahat. Pagkatapos ng isang magandang panaginip, magigising ka at maiinis, maaasar, mapipikon, at mapapatanong kung bakit gano’n blah blah blah. Kumbaga, masaya na e, bakit kailangang maging malungkot pa? Bakit kailangang magbago pa? Bakit gano’n? Ano ba’ng mali? 

Pero ikaw pa rin naman masusunod eh, kung mananatili ka sa panaginip na ‘yon o mabubuhay sa kasalukuyan at, siguro, kung gagawa ka ng paraan para matupad ang panaginip na ‘yon. Nakakagago lang talaga minsan dahil ok na ok na ang lahat tapos biglang eyng “Ano ‘to? Bakit gan’to?”

Kaso mahirap ang sagot para sa tanong ngayon. Ewan. Ang alam ko lang, nangyari na ang lahat at bahala ako sa sarili ko. Letse. Nakakainis lang talaga kasi sobrang nakakalungkot.

Biglaan akong napa-blog ngayon. Di ko alam kung may sense mga pinagsasabi ko.

Kung ang lahat ng nangyari ay isang panaginip lang, gigising ako at gagawa ng paraan para mangyari ang panaginip na ‘yon…nang mas maganda pa at pangmatagalan.

Posted by andoyman at 5:59 pm | permalink | Add comment